2009
Mahal Ko ang Magugulong Batang Lalaki
Nobyémbre 2009


Mahal Ko ang Magugulong Batang Lalaki

Mahalin natin ang ating mga batang lalaki—bagama’t ang ilan sa kanila ay magugulo. Turuan natin sila upang mabago ang kanilang buhay.

Larawan
Elder Yoon Hwan Choi

Nais kong ikuwento sa inyo ang tungkol sa isang grupo ng magugulong batang lalaki na dumating sa buhay ko noong ako ay bata pang bishop sa Seoul Korea, maraming taon na ang nakalilipas. Ang mga batang ito ay nakatira malapit sa amin. Isa o dalawa lamang sa kanila ang mga miyembro ng Simbahan noong mga panahong iyon. Ang mga batang miyembro naman ang tanging mga miyembro sa kanilang pamilya. Magkakaibigan sila, at pumupunta sila sa simbahan para maglaro at magkasama-sama. Mahilig silang maglaro ng Ping-Pong sa mga karaniwang araw, at masaya ang aktibidad nila tuwing Sabado. Karamihan sa kanila ay hindi masipag na estudyante sa eskwela at itinuturing ng marami na mga basagulero.

Bata pa ako noon at may dalawang anak na lalaki, isang pitong taong gulang at isang siyam na taong gulang, noong panahong iyon. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa mga kabataang ito. Napakagulo nila, kaya minsan tinanong ako ng aking asawa na si Bon-Kyoung na kung maaari ay lumipat kami sa ibang ward upang makakita naman ng magagandang halimbawa ang mga anak naming lalaki mula sa ibang mga kabataang lalaki. Nagnilay-nilay at nanalangin ako sa Ama sa Langit na tulungan akong makahanap ng paraan upang matulungan ko ang mga kabataang ito. Sa huli, nagpasiya akong subukan at turuan sila kung paano mabago ang buhay nila.

Isang pangitain ang malinaw na dumating sa aking isipan. Nadama ko na kung magiging misyonero sila, mababago ang kanilang mga buhay. Mula noon, inasam ko iyon, at sinikap kong gumugol ng panahon hangga’t maaari para makasama sila, tinuturuan sila ng kahalagahan ng paglilingkod bilang misyonero at paano maghanda para sa misyon.

Noong mga panahong iyon, nalipat sa aming ward si Elder Seo, isang full-time na misyonero. Lumaki siya sa Simbahan at noong mayhawak pa siya ng Aaronic Priesthood sumapi siya sa isang grupo ng mga kabataang mang-aawit kasama ang mga kaibigan niya. Nakilala niya ang magugulong batang lalaki ito sa aming ward. Tinuruan ni Elder Seo ang mga batang hindi miyembro ng talakayang pangmisyonero at mga awit na dati niyang kinakanta. Binuo niya ang isang triple quartet mula sa magugulong batang lalaki at tinawag silang Hanaro Quartet, na ibig sabihin ay “magkaisa.” Masaya silang magkakasamang kumakanta, ngunit kinailangan naming lahat ng “mahabang” pasensiya kapag pinakikinggan namin ang kanilang pagkanta.

Bukas ang tahanan namin sa mga miyembro anumang oras sila bumisita. Halos naroon sila tuwing Sabado sa aming bahay at maging sa ilang karaniwang araw. Pinakain at tinuruan namin sila. Tinuruan namin sila ng mga alituntunin ng ebanghelyo gayundin kung paano nila ipamumuhay ito. Sinikap naming ipakita sa kanila ang magiging buhay nila sa hinaharap.

Magkakasama silang nagkakantahan tuwing pumupunta sila sa aming tahanan. Masakit sa aming pandinig ang malakas nilang tinig. Subalit palagi namin silang pinupuri dahil mas gusto naming naririnig silang kumakanta kaysa sa makita namin silang nasasangkot sa gulo.

Nagpatuloy ang ganitong aktibidad sa paglipas ng panahon. Halos lahat ng mga kabataang lalaking ito ay sumulong sa ebanghelyo, at isang himala ang nangyari. Sa paglipas ng panahon, nabinyagan ang siyam sa mga kabataang hindi miyembro. Nagbago sila mula sa magugulo, magagaslaw na batang lalaki at naging magigiting na kabataang mandirigma.1

Nakapagmisyon sila, nakakilala ng magagandang dalaga sa Simbahan, at naikasal sa templo. Siyempre pa, iba’t iba ang naging hamon nila sa misyon, sa pag-aaral, sa pag-aasawa, ngunit nanatili silang tapat dahil gusto nilang sundin ang kanilang mga lider at makalugdan ng Panginoon. Ngayon masasaya ang kanilang pamilya at ang mga anak ay isinilang sa tipan.

Ang siyam na magugulong bata ay naging 45 aktibong miyembro sa kaharian ng Panginoon, kabilang ang kanilang asawa at mga anak. Mga lider na sila ngayon sa kanilang mga ward at stake. Isa ang bishop, dalawa ang naglilingkod sa bishopric, isa sa high council, at dalawa ang Young Men president. Ang iba pa ay ward mission leader, executive secretary, at seminary teacher. Kumakanta pa rin sila bilang grupo, at ang isa pang himala—mahusay na silang kumanta!

Dalawang mahalagang alituntunin ang nakatulong sa mga kabataang lalaking ito na maging tulad ng mga anak na lalaki ni Helaman.2 Bagamat hindi miyembro ng Simbahan ang kanilang mga ina at hindi naiintindihan ang mga salita ng Panginoon, ang mga lider ng priesthood ang naging tatay nila at ang mga asawa nito ang naging parang nanay nila.

Nalaman ng siyam na batang lalaking ito—na tinatawag kong ”Mga Batang Lalaki ng Panginoon”—na pagpapalain sila kapag nakinig sila sa mga lider ng Simbahan, bagamat hindi nila palaging nauunawaan ang dahilan. Naging tulad sila ni Adan, ang ating unang ama, na nang mag-alay siya ng hain sa Panginoon ay tinanong ng isang anghel, “Bakit ka nag-aalay ng mga hain sa Panginoon? At sinabi ni Adan sa kanya: Hindi ko batid, maliban sa inutos sa akin ng Panginoon.”3 Nasabik silang maging masunurin at paglingkuran ang Panginoon nang buong puso.

Natutuhan din nila na napakahalaga ng pagdalo sa kanilang mga miting sa Simbahan. Sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson sa kanyang talumpating pinamagatang “To the ‘Youth of the Noble Birthright:’ ” “Ibabaling ko ngayon ang inyong atensyon sa kahalagahan ng pagdalo sa lahat ng inyong miting sa Simbahan. Ang regular na pagdalo sa mga miting ng Simbahan ay nagdudulot ng mga pagpapala na hindi ninyo matatanggap sa anupamang paraan.”4 Sa regular nilang pagdalo sa mga miting ng Simbahan, nadama ng mga batang ito ang dakilang pagmamahal ng Panginoon at natutuhang ipamuhay ang mga doktrina at alituntunin ng Simbahan. Natutuhan din nila kung paano makibahagi sa mga miting nang may malaking kagalakan at kaligayahan.

Ngayon, mayroong kaming tatlong anak na lalaki, kabilang ang bunso namin na isinilang noong bishop pa ako. Habang lumalaki ang aming mga anak, ang siyam na batang iyon ang naging mga lider ng ward at stake, at naging mga guro at lider ng aming mga anak. Tinuruan nila ang aming mga anak at ang iba pang mga bata na tulad ng pagtuturo ko sa kanila noong sila ay mga basagulero pa. Mahal nila ang aming mga anak tulad ng pagmamahal ko sa kanila. Ang magugulo at maiingay na batang ito noon ang naging idolo ng aming mga anak. Gustong sundin ng aming mga anak ang kanilang mabubuting halimbawa na maging kahanga-hangang misyonero at makasal sa matwid na babae sa templo.

Patuloy na naimpluwensyahan ng mga kabataang lalaking ito ang aming pamilya. Dalawang buwan na ang nakararaan ang ward namin ay nagkaroon ng aktibidad ng mga misyonero isang Sabado ng gabi, at inanyayahan ang lahat, pati na ang mga pamilyang hindi lahat ay miyembro ng Simbahan. Kauuwi lang ng bunso naming si Sun-Yoon mula sa kamping nang hapong iyon. Sabi niya hindi siya pupunta sa aktibidad dahil miyembro naman lahat ang kanyang pamilya at pagod na pagod na siya. Hindi siya pumunta sa aktibidad. Tinawagan siya sa telepono ng asawa ko upang ipaliwanag na lahat ay inanyayahan sa aktibidad. Sabi niya, “Alam ko po pero hindi po ako pupunta,” at ibinaba na ang telepono.

Kauumpisa lang ng miting ng gabing iyon, dumating si Sun-Yoon at tahimik na umupo sa tabi ng kanyang ina. Bumulong siya sa ina, sinasabing, “Pagkababa ko po ng telepono, naalala ko po na tinanong ko si Itay kung bakit matagumpay ang Hanaro Quartet sa kanilang mga buhay. Sinabi niya sa akin na sinunod nila ang mga payo ng mga lider at regular silang dumalo sa mga miting ng Simbahan. Iyon ang dahilan ng pagbabago ng kanilang mga buhay at pagtatagumpay nila.” Sabi pa ng anak ko, “Bigla ko pong naisip ang mga sinabi ng tatay ko at nagpasiya akong tularan sila dahil gusto ko ring magkaroon ng masayang pamilya tulad nila at maging matagumpay sa buhay.”

Mahal kong mga kapatid, mahalin natin ang ating mga batang lalaki—bagamat ang ilan sa kanila ay magugulo. Turuan natin sila upang mabago ang kanilang buhay. Ang makabagong mga anak ni Helaman ay hindi lamang mula sa ating itinatanging mga pamilya sa loob ng Simbahan kundi mula rin sa mga bago at bata pang miyembro na walang mga magulang sa ebanghelyo. Kayo ng inyong mga asawa ay magiging kanilang “butihing mga magulang”5 hanggang sa maging katulad sila ng mga anak ni Helaman.

Natutuwa ako at nasisiyahan na makita ang inyong patuloy at magiliw na pamumuno sa ating mga kabataan. Ang mga kabataang ito ay mga anak nating lahat. Kapag nilapitan natin sila, pinasigla, at tinulungan, tulad ni Juan ay masasabi nating, “Wala nang dakilang kagalakan sa ganang akin na gaya nito, na marinig na ang aking mga anak ay nagsisilakad sa katotohanan.”6

Mahal kong mga kabataang lalaki, sumunod tayo sa mga lider ng Simbahan at maging tulad ni Adan na hindi kailangang laging malaman pa ang dahilan subalit masaya pa ring sumusunod. At regular na dumalo sa inyong mga miting sa Simbahan. Kung gagawin ninyo ito, matututo kayong maghanda para sa inyong kinabukasan at magtatagumpay kayo. Sa mga batang lalaking isinilang sa Simbahan at gayundin sa mga sumapi sa Simbahan, kayo ang hukbo ng Panginoon. Magiging kahanga-hanga kayong mga misyonero at matwid na mga ama sa inyong mga pamilya. Bibiyayaan kayo ng Ama sa Langit ng isang masayang pamilya. Maganda ang kinabukasan ninyo sa ebanghelyo, at tulad ng mga anak ni Helaman, magdudulot kayo ng walang hanggang kagalakan sa aming lahat.

Mahal ko kayo, at alam ko na mahal tayong lahat ng ating Ama sa Langit, kaya isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo, bilang ating Manunubos. Si Pangulong Thomas S. Monson ang ating buhay na propeta na umaakay sa atin sa tamang landas. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Tingnan sa Alma 53:20–22.

  2. Tingnan sa Alma 56:10.

  3. Moises 5:6.

  4. Ezra Taft Benson, “To the ‘Youth of the Noble Birthright,’ ” Ensign, Mayo 1986, 44; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  5. 1 Nephi 1:1.

  6. 3 Juan 1:4.

Print