2009
Panalangin at mga Pahiwatig
Nobyémbre 2009


Panalangin at mga Pahiwatig

Ang mga karanasan tungkol sa pahiwatig at panalangin ay karaniwan na sa Simbahan. Ang mga ito ay bahagi ng paghahayag sa atin ng ating Ama sa Langit.

President Boyd K. Packer

Walang Amang magsusugo sa Kanyang mga anak sa malayo at mapanganib na lupain upang habambuhay na subukan sa lugar na kung saan ay malayang gumagala si Lucifer nang hindi muna sila binibigyan ng personal na proteksyon. Bibigyan din Niya sila ng paraan ng komunikasyon upang makausap ng Ama ang anak at ng anak ang Ama. Bawat anak ng ating Ama na isinugo sa lupa ay binigyan ng Espiritu ni Cristo, o ng Liwanag ni Cristo.1 Wala ni isa sa atin na iniwan ditong mag-isa nang walang pag-asang magabayan at matubos.

Ang Panunumbalik ay nagsimula sa panalangin ng isang 14-na-taong-gulang na batang lalaki at sa pagpapakita ng Ama at ng Anak. Ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon ay nagsimula na.

Ang Panunumbalik ng ebanghelyo ay naghatid ng kaalaman tungkol sa buhay natin bago tayo isinilang. Mula sa mga banal na kasulatan, nalaman natin ang tungkol sa Kapulungan sa Langit at sa desisyong isugo ang mga anak ng Diyos sa mortalidad upang tumanggap ng katawan at subukan.2 Tayo ay mga anak ng Diyos. Tayo ay may espiritung katawan na nananahan, sa ngayon, sa isang tabernakulo ng laman. Sabi sa mga banal na kasulatan, “Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?” (I Mga Taga Corinto 3:16).

Bilang mga anak ng Diyos, nalaman natin na tayo ay bahagi ng Kanyang “dakilang plano ng kaligayahan” (Alma 42:8).

Alam natin na nagkaroon ng Digmaan sa Langit at si Lucifer at ang mga sumunod sa kanya ay pinalayas nang walang katawan:

“Si Satanas, ang matandang ahas, maging ang diyablo, … [ay] naghimagsik laban sa Diyos, at naghangad na kunin ang kaharian ng aming Diyos at ng kanyang Cristo—

“Dahil dito, siya ay nakidigma sa mga banal ng Diyos, at pinaligiran sila” (D at T 76:28–29).

Ibinigay sa atin ang ating kalayaan.3 Dapat nating gamitin ito nang matalino at manatiling malapit sa Espiritu; kung hindi, buong kahangalan tayong bibigay sa mga tukso ng kaaway. Alam natin na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay malilinis ang ating mga pagkakamali, at maibabalik sa dati ang ganap na kabuuan ng ating mortal na katawan.

“Sapagkat masdan, ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama; samakatwid, ipakikita ko sa inyo ang paraan sa paghatol; sapagkat ang bawat bagay na nag-aanyayang gumawa ng mabuti, at humihikayat na maniwala kay Cristo, ay isinugo sa pamamagitan ng kapangyarihan at kaloob ni Cristo; kaya nga, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa Diyos” (Moroni 7:16).

May perpektong paraan ng komunikasyon sa pamamagitan ng Espiritu, “sapagka’t nasisiyasat ng Espiritu ang lahat ng mga bagay, oo, ang malalalim na mga bagay ng Dios” (I Mga Taga Corinto 2:10).

Kasunod ng pagkabinyag sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay ang ikalawang ordenansa: “Pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4).

Ang magiliw at mahinang tinig ng inspirasyon ay mas nadarama kaysa naririnig. Ang dalisay na katalinuhan ay masasabi sa isipan. Nagsasalita ang Espiritu Santo sa ating espiritu sa pamamagitan ng isipan nang higit kaysa mga pisikal na pandamdam.4 Ang patnubay na ito ay dumarating bilang mga ideya, damdamin sa pamamagitan ng mga pahiwatig at palagay.5 Mas madarama natin kaysa maririnig ang mga salita ng espirituwal na komunikasyon, at makikita sa espirituwal sa halip na sa mortal na mga mata.6

Naglingkod ako nang maraming taon sa Korum ng Labindalawang Apostol kasama si Elder LeGrand Richards. Pumanaw siya sa edad na 96. Ikinuwento niya sa amin na noong edad 12 siya dumalo siya sa isang malaking pangkalahatang kumperensya sa Tabernacle. Doon ay narinig niya si Pangulong Wilford Woodruff.

Ikinuwento ni Pangulong Woodruff ang karanasan niyang nang magpahiwatig ang Espiritu. Isinugo siya ng Unang Panguluhan para “tipunin ang lahat ng Banal ng Diyos sa New England at Canada at dalhin sila sa Sion.”7

Tumigil siya sa tahanan ng isa sa mga kalalakihan sa Indiana at inilagak ang kanyang karwahe sa bakuran, kung saan sila natulog ng kanyang asawa at isang anak habang natutulog naman ang iba pang kapamilya nila sa loob ng bahay. Di nagtagal matapos humiga para matulog, bumulong ang Espiritu, at binalaan siya, “Tumindig ka, at ilipat ang karwahe mo.” Tumindig siya at inilipat ang karwahe nang di kalayuan sa pinaglagakan niya rito. Pagbalik niya sa higaan, muling nagsalita sa kanya ang Espiritu: “Puntahan mo’t ilayo ang mga buriko mo sa punong iyon ng roble.” Ginawa niya ito at saka muling humiga.

Wala pang 30 minuto pagkatapos niyon, isang buhawi ang humugot sa punong kinatatalian dati ng kanyang mga buriko. Inilipad ito nang 100 yarda (90 m) patawid sa dalawang bakod. Ang malaking puno, na limang talampakan (1.5 m) ang lapad ng katawan, ay bumagsak mismo sa una niyang pinaglagakan ng kanyang karwahe. Sa pamamagitan ng pakikinig sa mga pahiwatig ng Espiritu, nailigtas ni Elder Woodruff ang buhay niya at ng kanyang asawa’t anak.8

Makapagpapahiwatig at mapoprotektahan din kayo ng Espiritung iyon.

Nang una akong matawag bilang General Authority halos 50 taon na ang nakararaan, nakatira kami sa napakaliit na lote sa Utah Valley na tinawag naming sakahan namin. Mayroon kaming isang baka at isang kabayo at mga manok at maraming anak.

Isang Sabado, magmamaneho ako patungong airport para lumipad patungong stake conference sa California. Pero manganganak ang baka namin noon at nahihirapan ito. Isinilang ang guya, pero hindi makatayo ang baka. Tumawag kami ng beterinaryo, na agad dumating. Sabi niya nakalunok ng alambre ang baka at mamamatay sa araw ding iyon.

Kinopya ko ang numero ng telepono ng kumpanyang gumagawa ng mga produktong mula sa hayop para matawagan at mapapunta sila ng asawa ko at makuha nila ang baka pagkamatay nito.

Bago ako umalis, nagdasal ang aming pamilya. Ang musmos na anak namin ang nagdasal. Matapos hilingin sa Ama sa Langit na “basbasan si Daddy sa mga biyahe niya at kaming lahat,” taimtim siyang nagsumamo. Sabi niya, “Ama sa Langit, pakibasbasan po si Bossy na baka namin para gumaling na siya.”

Sa California, ikinuwento ko ang nangyari at sinabi kong, “Dapat niyang malaman na hindi natin madaling makukuha ang lahat ng ipinagdarasal natin.”

May aral na dapat matutuhan doon, pero ako ang natuto, hindi ang anak ko. Pagbalik ko noong Linggo ng gabi, “magaling na” si Bossy.

Ang prosesong ito ay hindi lamang para sa mga propeta. Ang kaloob ng Espiritu Santo ay gumagana nang pantay-pantay sa mga lalaki, mga babae, at maging sa mga bata. Sa napakagandang kaloob at kapangyarihang ito matatagpuan ang espirituwal na kalutasan sa anumang problema.

“At ngayon, ibinabahagi niya ang kanyang mga salita sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang mga anghel, oo, hindi lamang sa kalalakihan, kundi pati rin sa kababaihan. Ngayon, hindi lamang ito; sa maliliit na bata ay mayroon ding mga salitang ibinigay sa kanila nang maraming ulit, na lumilito sa marunong at matalino” (Alma 32:23).

Ang Panginoon ay may maraming paraan ng pagbubuhos ng kaalaman sa ating isipan upang magpahiwatig, gabayan, turuan, iwasto, at balaan tayo. Sabi ng Panginoon, “Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso” (D at T 8:2).

At itinala ni Enos, “Samantalang ako ay nasa gayong pagpupunyagi sa espiritu, masdan, ang tinig ng Panginoon ay sumaisip kong muli” (Enos 1:10).

Malalaman ninyo ang mga bagay na kailangan ninyong malaman. Idalangin na matuto kayong tumanggap ng inspirasyong iyan at manatiling marapat na tumanggap nito. Panatilihing malinis ang daluyang iyan—ang inyong isipan—at malaya sa kaguluhan ng mundo.

Ikinuwento sa akin ni Elder Graham W. Doxey, na minsan ay naglingkod sa Korum ng Pitumpu, ang isang karanasan. Ikinuwento rin sa akin ng nanay niya, na kalaunan ay naging tagapayo sa general Primary presidency, ang karanasang ito.

Noong World War II, nasa Navy siya at nakadestino sa China. Siya at ang ilang kasamahan ay sumakay ng tren papunta sa lungsod ng Tientsin para maglibot.

Kalaunan, sumakay sila ng tren pabalik sa kanilang base, pero pagkaraan ng mahigit isang oras, lumiko ang tren pahilaga. Mali ang nasakyan nilang tren! Hindi sila marunong ng Chinese. Hinatak nila ang emergency cord at pinatigil ang tren. Ibinaba sila sa isang kabukiran at walang ginawa kundi maglakad pabalik sa lungsod.

Matapos ang mahaba-habang paglalakad, nakakita sila ng maliit na sasakyang de-bomba, iyong tipong ginagamit ng mga trabahodor sa riles. Ipinatong nila ito sa riles at sinimulang paandarin ito sa riles pauwi. Dadausdos lang ito kung pababa, pero kailangan itong itulak kung pataas.

Pagdating nila sa isang matarik na pababa, nagsakayan silang lahat at dumausdos ang sasakyan. Si Graham ang huling nakasakay. Ang natirang lugar para sa kanya ay sa harapan ng sasakyan. Tinakbo niya ito at sa wakas ay nakasakay rin. Nang gawin niya ito, nadulas siya at nahulog. Patihaya siyang tumalbug-talbog habang nakasagka ang kanyang mga paa sa sasakyan para hindi siya masagasaan. Habang papabilis ang sasakyan, narinig niya ang tinig ng kanyang ina na nagsasabing, “Bud, mag-ingat ka!”

May suot siyang makapal na bota ng sundalo. Dumulas ang isang paa niya, at naipit ang makapal na suwelas ng bota niya sa engranahe ng isang gulong at tumigil ang sasakyan nang isang talampakan (30 cm) lang ang layo sa kamay niya.

Ang mga magulang niya, na nangungulo noon sa East Central States Mission, ay natutulog sa silid ng isang hotel. Bumangon ang kanyang ina nang mga alas-2:00 ng umaga at ginising ang kanyang asawa: “Nasa panganib si Bud!” Lumuhod sila sa tabi ng kama at ipinagdasal ang kaligtasan ng kanilang anak.

Sabi sa sumunod na liham na natanggap niya, “Bud, ano’ng problema? Ano’ng nangyari sa iyo?”

At sunulat siya para ikuwento sa kanila ang nangyari. Nang maghambing sila ng oras, noon mismong tumalbug-talbog siya sa riles na iyon, nakaluhod ang kanyang mga magulang sa silid ng hotel sa kabilang panig ng mundo, at nagdarasal para sa kanyang kaligtasan.

Ang mga karanasang ito ng pagpapahiwatig at panalangin ay karaniwan na sa Simbahan. Ang mga ito ay bahagi ng paghahayag sa atin ng ating Ama sa Langit.

Ang isa sa pinakamatatalim na kasangkapan ng kaaway ay kumbinsihin tayong hindi na tayo karapat-dapat manalangin. Sinuman kayo o anuman ang nagawa ninyo, maaari kayong magdasal tuwina.

Nangako si Propetang Joseph Smith na “lahat ng nilalang na may katawan ay may kapangyarihang mangibabaw sa mga yaong wala noon.”9

Pagdating ng tukso, makakaimbento kayo ng pambura sa isipan ninyo—siguro ay mga titik sa isang paboritong himno. Ang inyong isipan ang bahala; ang katawan ninyo ang kasangkapan ng inyong isipan. Kapag may pangit na ideyang pumapasok sa isipan ninyo, burahin ninyo ito. Ang karapat-dapat na musika ay mabisa at makakatulong sa pagpigil sa inyong kaisipan.10

Nang mabigo si Oliver Cowdery sa pagtatangkang magsalin, sinabihan siya ng Panginoon:

“Masdan, hindi mo naunawaan; inakala mo na aking ibibigay ito sa iyo, gayong wala kang inisip maliban sa ito ay itanong sa akin.

“Subalit, masdan, sinasabi ko sa iyo, na kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama, at kung ito ay tama aking papapangyarihin na ang iyong dibdib ay mag-alab; samakatwid, madarama mo na ito ay tama.

“Subalit kung ito ay hindi tama wala kang madaramang gayon” (D at T 9:7–9).

Ang alituntuning iyan ay inilarawan sa isang kuwento tungkol sa isang musmos na batang babae. Nagalit siya sa kapatid niyang lalaki na gumawa ng bitag na panghuli ng mga maya.

Dahil walang makatulong, sinabi niya sa sarili, “Teka, ipagdarasal ko ito.”

Matapos magdasal, sinabi ng bata sa kanyang ina, “Alam ko na hindi siya makakahuli ng maya sa bitag niya kasi ipinagdasal ko iyon. Sigurado akong wala siyang mahuhuling maya!”

Sabi ng kanyang ina, “Paano ka nakasiguro?”

Sabi niya, “Pagkatapos kong magdasal, lumabas ako’t pinagsisipa ko ang lumang bitag hanggang sa masira!”

Magdasal, kahit bata pa kayo at suwail na tulad ni Propetang Alma o sarado ang utak ninyong gaya ni Amulek, na “nalalaman … ang hinggil sa mga bagay na ito, gayon pa man … hindi makaaalam” (Alma 10:6).

Matutong magdasal. Magdasal nang madalas. Magdasal sa inyong isipan, sa inyong puso. Magdasal nang nakaluhod. Panalangin ang inyong personal na susi sa langit. Ang kandado ay nasa inyong panig ng tabing. At natutuhan kong tapusin ang lahat ng panalangin ko sa “Mangyari nawa ang Inyong kalooban” (Mateo 6:10; tingnan din sa Lucas 11:2; 3 Nephi 13:10).

Huwag asahang maging lubos na malaya sa problema at kasawian at pasakit at panghihina ng loob, sapagkat ang mga bagay na ito ang kailangan nating tiisin dito sa lupa.

May sumulat nito:

Sa kawalan ng isip at tiyaga

Mga plano’y ating sinisira

Mga planong Diyos ang may gawa.

At sinasabi Niya kapag tayo’y nasasaktan,

“Tumahimik ka, ang sinira mo’y Akin lang itinatama!”11

Nangangako ang mga banal na kasulatan na, “Hindi dumating sa inyo ang anomang tukso kundi yaong matitiis ng tao: datapuwa’t tapat ang Dios, na hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pagilag, upang ito’y inyong matiis” (I Mga Taga Corinto 10:13).

Sabi ng Tagapagligtas, “Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan; humingi, at kayo ay makatatanggap; kumatok, at kayo ay pagbubuksan” (D at T 88:63).

Sinimulan natin ang sesyong ito ng kumperensya sa pagsang-ayon sa mga awtoridad. Ang unang sinang-ayunan ay si Thomas S. Monson bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kilala ko si Pangulong Monson, sa palagay ko, tulad ng iba pang nakakikilala sa kanya dito sa mundo, at gusto kong magbigay ng natatanging patotoo na siya ay “tinawag ng Diyos, sa pamamagitan ng propesiya” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5). Kailangan niya ang ating mga panalangin—at ng kanyang asawang si Frances, at ng kanilang pamilya—sa napakalaking pasaning nakaatang sa kanya.

Dalangin ko na maitaguyod siya sa katawan at sa isipan at sa diwa at makita ng Simbahan, tulad ng nakikita ng mga taong malapit sa kanya, na siya ay “tinawag ng Diyos, sa pamamagitan ng propesiya.” Pagkatapos, “sa pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may karapatan, upang ipangaral ang Ebanghelyo at mangasiwa sa mga ordenansa niyon” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5), siya ay naluklok sa kanyang katungkulan.

Nawa pagpalain tayo ng Panginoon at itaguyod si Pangulong Monson at kanyang pamilya sa lahat ng paraan na kakailanganin upang ipagpatuloy ang dakilang gawain na nasa kanyang mga balikat. Ibinibigay ko ang patotoong iyan at sumasamo sa pagpapalang iyan bilang tagapaglingkod ng Panginoon at sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Tingnan sa D at T 84:46.

  2. Tingnan sa D at T 138:56; tingnan din sa Mga Taga Roma 8:16.

  3. Tingnan sa D at T 101:78.

  4. Tingnan sa I Mga Taga Corinto 2:14; D at T 8:2; 9:8–9.

  5. Tingnan sa D at T 11:13; 100:5.

  6. Tingnan sa 1 Nephi 17:45.

  7. Tingnan sa Wilford Woodruff, sa Conference Report, Abr. 1898, 30; “Remarks,” Deseret Weekly, Set. 5, 1891, 323.

  8. Tingnan sa Wilford Woodruff, Leaves from My Journal (1881), 88.

  9. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2008), 529.

  10. Tingnan sa D at T 25:12.

  11. Di kilala ang may-akda, sa Jack M. Lyon at iba pa, eds., Best-Loved Poems of the LDS People (1996), 304.