2009
Mag-ingat sa Puwang
Nobyémbre 2009


Mag-ingat sa Puwang

Ang mga puwang ay magpapaalala sa mga paraang magpapahusay sa atin o, kung hindi pinansin, ay magiging mga sagabal sa ating buhay.

Barbara Thompson

Ilang taon na ang nakalilipas binisita ko ang ilang mahal kong kaibigan sa London, England. Sa biyahe kong iyon sumakay ako sa “tube”—isang sistema ng paglalakbay sa tren sa ilalim ng lupa na madalas gamitin ng mga tao para makarating sa iba’t ibang lugar. Sa bawat abalang istasyong iyon ng tren, may mga babala tungkol sa mga panganib na maaaring kaharapin ng mga tao. Patay-sindi ang mga ilaw para ipaalam sa mga tao na parating ang isang tren at kailangan nilang umatras. May karatula rin para ipaalala sa mga tao na may panganib—na may puwang sa pagitan ng tren at ng hintayan sa istasyon. Sabi sa karatula, “Mag-ingat sa Puwang.” Paalala ito sa mga tao na huwag hayaang maipit ang paa nila sa puwang o makalaglag ng anuman sa puwang dahil mapapailalim ito sa tren at mawawala. Ang karatula ng babala ay kailangan at binabalaan ang mga tao sa tiyak na panganib. Para maging ligtas, dapat “mag-ingat sa puwang” ang mga tao.

Marami sa atin ang may mga puwang sa ating buhay. Kung minsan ito ay kaibhan sa pagitan ng alam natin at ng talagang ginagawa natin o puwang ng mga mithiin natin at ng talagang isinasakatuparan natin. Ang mga puwang na ito ay magpapaalala sa mga paraang magpapahusay sa atin o, kung hindi pinansin, ay magiging mga sagabal sa ating buhay.

Nais kong banggitin ang ilang puwang na nakikita ko sa buhay ko o ng iba. Ang mga babanggitin ko ngayong gabi ay ang sumusunod:

Una, ang puwang sa pagitan ng paniniwala na kayo ay anak ng Diyos at ng pagkaalam sa inyong puso’t kaluluwa na kayo ay itinatangi at pinakamamahal na anak ng Diyos.

Ikalawa, ang puwang sa pagitan ng pagtatapos sa Young Women program at ng lubos na paglahok sa Relief Society—“ang organisasyon ng Panginoon para sa kababaihan.”1

Ikatlo, ang puwang sa pagitan ng paniniwala kay Jesucristo at ng pagiging magiting sa patotoo tungkol kay Jesucristo.

Una, ang puwang sa pagitan ng paniniwala at pagkaalam na kayo ay itinatangi at pinakamamahal na anak ng Diyos.

Karamihan sa atin na mahigit ilang buwan pa lang sa Simbahan ay nakanta na ang awiting “Ako ay Anak ng Diyos.”2 Nakanta ko na ang awiting ito noong bata ako at noon pa ako naniniwala rito. Kahit karamihan sa atin ay naniniwala rito, mukhang sa mga oras ng paghihirap o problema ay pinagdududahan o nalilimutan natin ito.

Sinabi pa ng ilan na: “Kung talagang mahal ako ng Diyos, hindi Niya hahayaang dumapo ang sakit na ito sa anak ko.” “Kung mahal ako ng Diyos, tutulungan Niya akong makatagpo ng isang karapat-dapat na lalaking ikakasal at ibubuklod sa akin sa banal na templo.” “Kung mahal ako ng Diyos, magkakaroon ako ng sapat na perang pambili ng bahay para sa aming pamilya.” O, “Nagkasala ako kaya imposibleng mahalin pa ako ng Diyos.”

Sa kasamaang-palad, napakadalas nating marinig ang ganitong mga pahayag. Kailangan ninyong malaman na walang “maghihiwalay sa [inyo] sa pagibig ni Cristo.” Malinaw na sinasabi sa atin sa mga banal na kasulatan na walang pighati, hapis, pag-uusig, kapangyarihan, o anumang nilikhang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.3

Mahal na mahal tayo ng ating Ama sa Langit kaya Niya ipinadala ang Kanyang Bugtong na Anak upang magbayad-sala para sa ating mga kasalanan. Hindi lang nagdusa ang Tagapagligtas para sa lahat ng kasalanan, kundi nadama pa Niya ang bawat sakit, pighati, pagkabagabag, lumbay, o kalungkutang maaaring maranasan ng sinuman sa atin. Hindi ba dakilang pag-ibig iyan? Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring, “Espiritu Santo ang nagpapatotoo sa katotohanan ng Diyos at nagtutulot na magalak tayo sa Kanyang pag-ibig.”4

Dapat nating tanggapin ang Kanyang pag-ibig, mahalin ang ating sarili, at ang iba. Alalahanin na bawat kaluluwa sa mundong ito ay anak din ng Diyos. Dapat nating tratuhin ang isa’t isa nang may pagmamahal at kabaitan na angkop sa anak ng Diyos.

Karamihan sa inyo ay nagsusumikap na gampanan ang inyong tungkulin, na sundin ang mga utos, at ang Panginoon. Dapat ninyong madama ang pagsang-ayon ng Panginoon. Dapat ninyong malaman na nasisiyahan ang Panginoon at tinanggap Niya ang inyong handog.5

Alalahaning mag-ingat sa puwang na ito at huwag tulutang pumasok sa isipan ninyo ang pagdududa at kawalang-katiyakan. Mapanatag na mahal na mahal kayo ng Diyos at kayo ay itinatangi Niyang anak.

Susunod, ang puwang sa pagitan ng pagtatapos sa Young Women program at ng lubos na paglahok sa Relief Society—ang organisasyon ng Panginoon para sa kababaihan.

Sa maraming bansa, sa edad 18 nagiging ganap na dalaga ang isang babae. Para sa marami, nakatutuwang panahon ito na nadarama natin na nasa edad na tayo at handa nang humarap sa mundo. Para sa young women sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, panahon din ito para kumpletuhin ang marami sa ating mga mithiin sa Pansariling Pag-unlad, lumipat sa Relief Society, at tumanggap ng mga tungkuling maglingkod sa Simbahan. Napalakas sa Young Women program ang ating patotoo, at nakapagtakda na tayo ng mga mithiing aakay sa atin na makasal sa templo at magbuo ng ating walang hanggang pamilya.

Sa kasamaang-palad, ilan sa nakababata nating kababaihan ang “lumiliban” sa lubos na paglahok sa ebanghelyo at sa Relief Society. Ang ilan ay may ugaling “hahabol na lang ako sa Relief Society kapag nag-asawa na ako o tumanda na ako o hindi ako gaanong abala.”

Pagkatapos ko ng hayskul, minithi kong mag-kolehiyo kahit dalawang taon lang, makasal sa isang guwapong lalaki, at magkaroon ng apat na perpekto at magagandang anak (dalawang lalaki at dalawang babae). Kailangan ay malaki ang sahod ng asawa ko para hindi ko na kailangang magtrabaho, at plano kong maglingkod sa simbahan at komunidad. Mabuti na lang, ang isa sa mga mithiin ko ay maging aktibo at tapat na miyembro ng Simbahan.

Alam naman ninyo, marami sa mga mithiin ko ang hindi nangyari nang ayon sa inasahan ko. Nagtapos ako sa kolehiyo, nagmisyon, nagtrabaho, nagpatuloy sa pag-aaral para makakuha ng master’s degree, at patuloy na nagtrabaho sa propesyon ko nang maraming taon. (Akala ko siguradong mag-aasawa na ako 13 taon na ang nakararaan nang buksan ko ang isang fortune cookie at sabi roon, “Mag-aasawa ka na bago matapos ang taon.”) Pero walang dumating na guwapong lalaki, walang kasal, at walang mga anak. Walang nasunod sa plano ko maliban sa isang bagay. Sinikap kong maging aktibo at tapat na miyembro ng Simbahan. Labis ko itong pinasasalamatan. Ito ang nakagawa ng malaking kaibhan sa buhay ko.

Nagkaroon ako ng pagkakataong maglingkod nang maraming taon sa Young Women at palagay ko nagbigay iyan sa akin ng pagkakataong magturo at magpatotoo sa mga dalagita na nagpapalakas ng patotoo at naghahangad umunlad sa paraan ng Diyos.

Nagkaroon din ako ng pagkakataong maglingkod sa mga tungkulin sa Relief Society, na nakatulong sa akin para matutong maglingkod sa iba at mapalago ang aking pananampalataya at nagpadama na ako ay kabilang. Kahit hindi ako nagkaroon ng asawa’t mga anak, nadama kong may kabuluhan ang buhay ko. May mga panahon din namang nanghina ako, at kung minsan ay pinagdudahan ko ang plano.

Sabi sa akin ng isang kaopisina kong hindi miyembro ng ating Simbahan, “Bakit ka pa dumadalo sa isang simbahang sobrang magbigay-diin sa pag-aasawa at mga pamilya?” Ang simpleng sagot ko sa kanya ay, “Dahil totoo ito!” Maaaring hindi pa rin ako makapag-asawa at magkaanak sa labas ng Simbahan. Ngunit sa Simbahan at ebanghelyo ni Jesucristo sa buhay ko, natagpuan ko ang kaligayahan at alam kong nasa landas ako na gustong ipatahak sa akin ng Tagapagligtas. Nakatagpo ako ng galak at maraming pagkakataong maglingkod, magmahal, at lumago.

Tandaan, hindi lang dahil sa makikinabang kayo sa aktibong paglahok sa Relief Society kundi may maibibigay at maiaambag din kayo.

Mahal kong kababaihan, lalo na sa inyong mga dalaga, pinatototohanan ko sa inyo na mahal kayo ng Diyos; inaalala Niya kayo; may plano Siya para sa inyo. Kailangan Niya kayo para paglingkuran ang Kanyang mga anak. Kailangan Niya kayong maging aktibo at tapat at lubos na lumalahok sa Kanyang Simbahan. Kailangan Niya kayo sapagkat ang inyong “handog ay ginhawa sa naghihirap.”6

Nagsalita si Sister Eliza R. Snow, ikalawang Relief Society General President, sa isang malaking grupo ng kababaihan—kapwa tinedyer at adult—na nagtipon sa Ogden, Utah, noong 1873. Ibinigay niya ang sumusunod na payo na napapanahon noon at angkop pa rin ngayon.

Sa pagsasalita niya sa mga dalaga, sabi niya: “Kung makikisalamuha kayo sa isa’t isa [ibig sabihin matanda at bata], natututo ang inyong isipan, tumatalino kayo, at hindi kayo nagiging mangmang. Ang Espiritu ng Diyos ay magtuturo sa inyong isipan, at ituturo ninyo ito sa isa’t isa. Sinasabi ko, pagpapalain kayo ng Diyos, mga kapatid kong kabataan. Alalahanin na kayo ay mga Banal ng Diyos; at may mahahalaga kayong gawain sa Sion.”

Ipinayo pa niya sa lahat ng babae: “Nagsalita si Apostol Pablo noong araw tungkol sa banal na kababaihan. Tungkulin ng bawat isa sa atin na maging banal. Magkakaroon tayo ng matataas na adhikain, kung tayo ay banal. Madarama natin na tinawag tayo upang magsagawa ng mahahalagang tungkulin. Walang hindi kabilang dito. Walang miyembrong nakahiwalay, at limitado ang impluwensya para hindi makatulong nang malaki sa pagtatatag ng Kaharian ng Diyos sa lupa.”7

Mag-ingat sana sa puwang na ito at huwag hayaang maging di kayo aktibo sa anumang paraan. Kailangan ninyo ang Simbahan, at kailangan kayo ng Simbahan.

At sa huli, ang puwang sa pagitan ng paniniwala kay Jesucristo at ng pagiging magiting sa patotoo tungkol kay Jesucristo.

Maraming taong naniniwala kay Jesucristo—na Siya ay isinilang ni Maria sa abang kalagayan sa Betlehem maraming taon na ang nakalipas. Karamihan ay naniniwala na lumaki Siyang isang dakilang guro, mabait at marangal ang kaluluwa. May ilang naniniwala na binigyan Niya tayo ng mahahalagang tuntunin at utos at kung susundin natin ang mga turo at utos na iyon, pagpapalain tayo.

Gayunman, para sa atin na mga Banal sa mga Huling Araw, alam natin na mas marami pa tayong gagawin kaysa maniwala lang kay Cristo. Dapat tayong sumampalataya sa Kanya, magsisi sa ating mga kasalanan, magpabinyag sa Kanyang pangalan, at tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagkatapos ay tapat tayong magtiis hanggang wakas.

Dapat tayong magpatotoo sa iba. Dapat sundin natin nang tapat ang mga tipang ginawa natin sa Diyos. Alam natin na lahat ng bagay ay ihahayag at ibibigay sa mga “magiting na nagtiis para sa ebanghelyo ni Jesucristo.”8

Kapag tayo ay naniwala, malamang na kusang-loob nating ibahagi ang ebanghelyo sa mga mahal natin. Si Lehi ay naniwala at ginustong ibahagi sa kanyang pamilya ang kabutihan ng ebanghelyo.9 Si Nephi ay nangusap tungkol kay Cristo, nagalak kay Cristo, at nangaral tungkol kay Cristo upang malaman ng kanyang mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan o, sa madaling salita, saan sila makakatagpo ng kapayapaan at galak.10

Nang maniwala si Enos at mapatawad sa kanyang mga kasalanan, nag-alala siya sa kapakanan ng kanyang mga kapatid. Ginusto niyang matanggap nila ang mga pagpapalang natanggap niya.11

Sa buong banal na kasulatan nababasa natin ang tungkol sa kalalakihan at kababaihang naniwala at saka hinangad na “mapalakas” ang kanilang mga kapatid.12

Iparinig ang inyong tinig sa mga nananalig sa magiting ninyong pagpapahayag na Siya ay buhay,13 na naipanumbalik na ang Kanyang Simbahan, at ang plano ng kaligayahan ay para sa lahat.

Kapag nag-ingat tayo sa mga puwang na ito sa maingat na pakikinig at paglayo natin sa panganib, malalaman natin ang kaganapan ng mga pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo sa ating buhay.

Mga kapatid, mahal ko kayo. Alam ko na ang Tagapagligtas ay buhay. Alam ko na mahal Niya ang bawat isa sa atin. Alam kong ito ang Kanyang tunay na Simbahan. Ito ang aking patotoo sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Spencer W. Kimball, “Relief Society— Its Promise and Potential,” Ensign,Mar 1976, 4.

  2. “Ako ay Anak ng Diyos,” Mga Himno, blg. 189.

  3. Tingnan sa Mga Taga Roma 8:35–39.

  4. Henry B. Eyring, “The Love of God in Missionary Work” (pananalitang ibinigay sa seminar ng mga mission president, Hunyo 25, 2009).

  5. Tingnan sa D at T 97:27; 124:1.

  6. “Bilang mga Magkakapatid sa Sion,” Mga Himno, blg. 197.

  7. Eliza R. Snow, “An Address,” Woman’s Exponent, Set. 15, 1873, 62.

  8. D at T 121:29.

  9. Tingnan sa 1 Nephi 8:10–12.

  10. Tingnan sa 2 Nephi 25:26.

  11. Tingnan sa Enos 1:5–11.

  12. Tingnan sa Lucas 22:32.

  13. Tingnan sa D at T 76:22.