2009
Isang Panawagan sa Bagong Salinlahi
Nobyémbre 2009


Isang Panawagan sa Bagong Salinlahi

Wala nang mas dakilang tungkulin kaysa turuan “ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.”

Elder Brent H. Nielson

Nang matatapos na ang ministeryo ng Tagapagligtas sa lupa, Siya ay nagpakita bilang nabuhay na mag-uling nilalang sa Kanyang mga Apostol. Ang utos Niya sa kanila ay tulad ng utos Niya sa inyo na bagong salinlahi ngayon: “Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo” (Mateo 28:19).

Noong Abril 6, 1974 sinang-ayunan ng Simbahan ang isang bagong Propeta, si Pangulong Spencer W. Kimball. Noong araw ding iyon natanggap ko ang tawag na maglingkod bilang full-time missionary sa Finland. Hindi ko alam na kabibigay lamang ni Pangulong Kimball ng makasaysayang mensahe nang linggong iyon sa mga General Authority at regional representative ng Simbahan. Kalaunan nalaman ko na sa mensaheng iyon ay ipinropesiya ni Pangulong Kimball ang kanyang pangitain kung paano natin magagawa bilang Simbahan ang utos ng Tagapagligtas na “turuan ang lahat ng bansa.” Sa kanyang mensahe, inanyayahan ni Pangulong Kimball ang mga miyembro ng Simbahan na lakihan ang kanilang hakbang at lawakan ang kanilang pananaw. Hiniling niya na bawat karapat-dapat na binata ay maghandang maglingkod ng marangal na full-time mission. Hinikayat niya ang mga miyembro ng bawat bansa na maghandang tustusan ang kanilang sariling mga misyonero, at nanawagan sa mga ”kalalakihang may kakayahan na tulungan ang Labindalawang Apostol na humayo sa mundo at buksan ang mga pinto ng bawat bansa” (”When the World Will be Converted,” Ensign, Okt. 1974, 10).

Sinabi rin ni Pangulong Kimball sa kanyang mensahe noong 1974 na mayroon nang 3.3 milyong miyembro ng Simbahan; 18,600 na mga full-time missionary, at 633 na mga stake. Hinamon niyang pagbutihin pa natin at hiniling na baguhin ang ating paningin at itaas ang ating pananaw (tingnan sa Ensign, Okt. 1974, 7–8).

Bilang sagot, tayo bilang mga miyembro ng Simbahan ay nagsimulang regular na manalangin sa ating mga pamilya, sa ating mga sacrament meeting, at sa ating mga stake conference upang ang puso ng mga lider ng mga bansa ay lumambot at mabuksan ang mga pintuan sa ating mga misyonero. Nagsimulang makita nang mas malinaw ng mga miyembro ang kanilang responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo. Kumilos ang ating mga kabataang lalaki, at isang malaking hukbo ng mga misyonero ang natipon. Nasaksihan natin ang katuparan ng pangitain ni Pangulong Kimball.

Habang naglilingkod sa Finland, nalaman ko na ang asawa ng aking Mission President na si Sister Lea Mahoney, ay tubong Finland. Noong bata pa lumaki siya sa silangang bahagi ng Finland sa isang lungsod na nagngangalang Viipuri. Habang lumalawak ang pinsala ng digmaan sa Finland at iba pang mga bansa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, iniwan niya at ng kanyang pamilya ang kanilang tahanan, at ang Viipuri ay naging bahagi ng Soviet Union at binago ang pangalan at naging Vyborg. Sa aming mga zone conference, ikinukuwento sa amin ni Sister Mahoney ang mga naiwan sa Viipuri at ang kanyang hangarin na maihatid ang ebanghelyo sa kanila. Sa pagsunod sa hamon ni Pangulong Kimball, nagkaisa kaming nanalangin na lumambot ang mga puso ng mga lider ng bansang iyon upang maihatid ng ating mga misyonero ang ebanghelyo sa Soviet Union.

Pumupunta kami sa hangganan sa pagitan ng Finland at ng Soviet Union at tinitingnan ang mga tore ng mga guwardia at ang mga bakod, at iniisip kung sino ang matatapang na kabataang lalaki at babae ang maghahatid at kailan nila tatawirin ang hangganang iyon upang ihatid ang ebanghelyo sa mga tagaroon. Inaamin ko, na noon ay tila imposible ang gawaing ito.

Noong nakaraang tatlong taon, ang anak naming si Eric ay nakatanggap ng tawag na magmisyon sa Russia, St. Petersburg Mission. Sa unang liham niya sa amin ganito ang isinulat niya: “Mahal kong Inay at Itay, nadestino ako sa unang lungsod ko sa Russia. Itay, baka narinig na po ninyo ito noon. Tinatawag po itong Vyborg, pero dating lungsod ito ng Finland na ang pangalan ay Viipuri.”

Tumulo ang mga luha sa aking mata nang malaman kong si Eric ay naroon sa mismong lungsod na ipinagdasal namin mga 32 taon na ang nakalilipas. Natagpuan ni Eric ang isang chapel doon at branch ng matatapat na Banal. Nakatira siya at naglilingkod sa isang lugar na para sa akin noong bata pa ako ay tila imposibleng mapasok.

Hindi ko naisip noong mga panahong iyon, habang nagdarasal kami na mabubuksan ang mga hangganan at makakapasok ang mga misyonero, na ang anak pala namin ang ipinagdarasal ko. Ang pinakamahalaga sa inyong bagong salinlahi, hindi alam ng aming anak na si Eric at ng kanyang mga kasama na sila ang sagot sa mga panalanging inialay ng libu-libong matatapat na Banal maraming taon na ang nakalilipas. Kayong bagong salinlahi ang katuparan ng propesiya na sa ating panahon “ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa bawat lupalop, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat bansa, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang Dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na” (Joseph Smith, sa History of the Church, 4:540).

Mula noong magpropesiya si Pangulong Kimball 35 taon na ang nakalilipas, ang bilang ng mga miyembro ng Simbahan ay umabot na sa 13.5 milyon. Ngayon ay mayroon nang 52,000 na mga misyonero at mahigit 2,800 na mga stake ng Sion. Sino ang mga manggagawa sa ubasan na tumulong sa pagsasakatuparan ng kagila-gilalas na gawang ito at kahanga-hanga? Sila ay walang iba kundi ang mga propeta at apostol na nakaupo sa ating harapan ngayon. Sila rin ang mga kahanga-hangang stake president at bishop na matapat na naglingkod. Ngunit sila rin ay ang inyong mga magulang—ang mga ama at ina—mga tiya at tiyo, at mga magkakapatid na nakaupong katabi ninyo, kayong bagong salinlahi ngayon. Gayunman, ang pinaka-kritikal sa lahat ay ang katotohanan na sa pagsisikap nating ihatid ang ebanghelyo sa lahat ng bansa, tayo ay nagsisimula pa lamang sa pagsasakatuparan ng gawaing ito.

Kaya’t ang responsibilidad ay ipinapasa ngayon sa bagong salinlahi. Ang Tagapagligtas, sa pamamagitan ng Kanyang Propeta ngayon na si Pangulong Thomas S. Monson, ay muling nanawagan nang sabihin niyang:

“Ang ating alituntunin sa gawaing misyonero ay ipinahayag ng ating Panginoon at ating Tagapagligtas, na namumuno sa dakilang hukbo ng mga misyonero sa buong mundo. Nang Siya’y Nabuhay na Mag-uli, nagpakita Siya sa Kanyang 11 disipulo. Maaari sanang nabigyan Niya sila ng payo, pahiwatig, o babalang gugustuhin Niyang ibigay. Ngunit ano ang sinabi Niya? Nakatala ito sa Mateo 28:18–20. Ganito ang sabi Niya: …

“ ‘Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:

“ ‘Ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at, narito, ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.’”

Nagpatuloy si Pangulong Monson:

“Napakagandang pangako! Kung positibo ang ating pagtugon sa sagradong tungkulin, ang mabisang karapatang iyon, ‘Ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.’ Wala akong maisip na mas hihigit pang pangako” (“The Five M’s of Missionary Work,” New Era, Mar. 2007, 42).

Sa Aklat ni Mormon, si Jacob, sa pagbanggit kay Zenos, ay nagsalita tungkol sa tungkulin natin ngayon sa alegoriya ng likas at ligaw na mga punong olibo:

“Samakatwid, humayo, at magtawag ng mga tagapagsilbi, upang masigasig tayong makagawa nang buong lakas sa olibohan, upang ating maihanda ang daan, na muli akong makapagpabunga ng likas na bunga, kung aling likas na bunga ay mainam at pinakamahalaga sa lahat ng iba pang bunga.

“Kaya nga, halina’t humayo tayo at gumawa nang buong lakas natin sa huling pagkakataon, sapagkat masdan, ang katapusan ay nalalapit na, at ito ang huling pagkakataon na pupungusan ko ang aking olibohan” (Jacob 5:61–62).

Ang Tagapagligtas ay nananawagan sa inyo na bagong salinlahi. Hinahanap Niya ang mga karapat-dapat, handa, matatapat na kabataan na makikinig sa tinig ng propeta, na tatanggap at magsasabi, tulad ng sinabi mismo ng Tagapagligtas, “Narito ako, isugo ako” (Abraham 3:27). Napakatindi na ngayon ng pangangailangan. Ang bukid ay puting-puti na. Kayo ay tinawag upang humayo “sa huling pagkakataon” (Jacob 5:62). Wala nang mas dakilang gawain; wala nang mas dakilang tungkulin turuan “ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo” (Mateo 28:19).

Taimtim kong ipinahahayag at pinatototohanan na bukas ang kalangitan, na hindi lamang noon nagsalita ang Diyos kundi nagsasalita pa rin Siya ngayon. Ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay buhay at nag-aanyaya sa inyo, tulad ng pag-anyaya Niya sa Kanyang mga Apostol noon na sina Pedro at Andres: “Magsisunod kayo sa hulihan ko at gagawin ko kayong mamamalakaya ng mga tao” (Mateo 4:19). Nawa’y tumugon kayong tulad nila, at iwan agad ang inyong mga lambat at sumunod sa Kanya.

Dalangin ko na kayong bagong salinlahi ay manindigan sa katotohanan at kabutihan at unawain ang inyong sagradong tungkulin na humayo at turuan ang lahat ng bansa, sa pangalan ni Jesucristo, amen