2009
Kakayahan at Pagnanais na Maniwala
Nobyémbre 2009


Kakayahan at Pagnanais na Maniwala

Ang araw-araw na pamumuhay ng ebanghelyo ay nagpapalambot ng puso na kailangan para magkaroon ng kakayahan at pagnanais na maniwala sa salita ng Diyos.

Larawan
Elder Michael T. Ringwood

Sa nakalipas na ilang buwan ako ay muli’t muling nahalina sa isang talata ng banal na kasulatan na nakatala sa Helaman, kabanata 6. “At sa gayon nakikita natin na nagsimulang ibuhos ng Panginoon ang Kanyang Espiritu sa mga Lamanita, dahil sa kanilang kakayahan at pagnanais na maniwala sa kanyang mga salita” (talata 36).

Nang mabasa ko ang banal na kasulatang ito sa aking personal na pag-aaral, umantig ito nang matindi sa aking puso at pinag-isip ako nito nang ilang linggo. Nagsimula akong magtanong kung madali bang maniwala sa salita ng Diyos. At bakit madali para sa nagbalik-loob na mga Lamanitang ito na maniwala? Anong nangyari at nagkaroon ng kakayahan at pagnanais ang mga taong puno ng poot at kawalang-paniniwala na maniwala sa salita ng Diyos (tingnan sa 4 Nephi 1:39)?

Nalaman natin ang dahilan ng pagbabagong ito sa isang pinaka di-pangkaraniwang taon. Sa ika-62 taon ng pamamahala ng mga hukom, 8,000 libong Lamanita sa Zarahemla ang nagbalik-loob dahil nagturo sina Nephi at Lehi nang may kapangyarihan at karapatan at ibinigay sa kanila ang dapat nilang ituro (tingnan sa Helaman 5:18–19). Tatlong daang iba pa ang nagbalik-loob dahil sa kagila-gilalas na karanasan kung saan nakarinig sila ng isang tinig na umantig sa kaibuturan ng kanilang kaluluwa (tingnan sa Helaman 5:30). Ang 300 ito ay isinugo para patayin sina Nephi at Lehi habang nasa bilangguan ang mga ito, subalit nasumpungan ang mga sarili na nananalangin sa Diyos nang si Abinadab, na dating Nephita at tumiwalag sa Simbahan, ay naalala at na dapat silang manalangin hanggang magkaroon sila ng pananampalataya kay Cristo (tingnan sa Helaman 5:35–41). Marami pang mga Lamanita ang naniwala dahil sa patotoo ng 300 katao habang nangangaral sa mga tao na inihahayag ang kanilang nakita at narinig (tingnan sa Helaman 5:49–50).

Ang ika-62 taon ay nagtapos sa ganitong pahayag: “Naganap ang lahat ng bagay na ito at ang mga Lamanita ay naging, yaong mga nakararaming bahagi sa kanila, mabubuting tao” (Helaman 6:1).

Ang katangian ng kanilang pagbabalik-loob ay nagpapawi sa poot ng mga Lamanitang ito sa mga Nephita at nagbaba sila ng mga sandata ng digmaan (tingnan sa Helaman 5:51); sila ay matibay at matatag sa kanilang pananampalataya (tingnan sa Helaman 6:1); sinunod nila ang mga utos at lumakad sa katotohanan at katwiran (tingnan sa Helaman 6:34); at umunlad sila sa kaalaman sa Diyos (tingnan sa Helaman 6:34).

Subalit ang lubos na nakaantig sa akin ay ang kanilang kakayahan at pagnanais na maniwala sa salita ng Diyos. Ang kakayahan at pagnanais na ito na maniwala ay nagdulot ng lubos na pagbuhos ng Espiritu at natulungan sila na magtiis nang may pananampalataya hanggang sa wakas (tingnan sa Helaman 15:5–9).

Nakalulungkot na sa panahon ding ito, ang nakararaming bahagi ng mga Nephita ay naging “matitigas, hindi nagsisisi at napakasama” (Helaman 6:2; tingnan din sa mga talata 31–34). Ang kabaliktaran ng mga nararanasan ng mga Lamanita ay nangyayari sa mga Nephita. Lumayo ang Espiritu dahil sa katigasan ng kanilang mga puso (tingnan sa Helaman 6:35), samantalang lubos na ibinuhos ang Espiritu sa mga Lamanita dahil sa kalambutan ng kanilang mga puso.

Habang iniisip kong mabuti ang dahilan ng malaking pagbabagong ito sa mga puso ng mga Lamanita, naunawaan ko na ang kakayahan at pagnanais na ito na maniwala sa salita ng Diyos ay nagmumula sa kalambutan ng puso. Nagmumula ito sa pagkakaroon ng pusong madaling makaramdam sa Espiritu Santo. Nagmumula ito sa pusong nagmamahal. Nagmumula ito sa pusong gagawa at tutupad ng sagradong mga tipan. Nagmumula ito sa malambot na puso na nakadarama ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Cristo.

Ang kakayahang ito na maniwala ay nagmumula sa mga halimbawa ng iba pa na may malalambot na puso at ipinakita ang kakayahang ito na maniwala tulad nina Nephi at Lehi. Pinangalanan sila ng kanilang amang si Helaman na Nephi at Lehi upang maalala nila ang pananampalataya ng kanilang mga ninuno (tingnan sa Helaman 5:6). Gayundin, nakatatak sa pangalan ng marami sa atin ang isang pamana ng pananampalataya mula sa mga ninunong may malalambot na puso at madaling maniwala sa salita ng Diyos. Ang ilan sa kanila ay tulad ng lolo ko sa tuhod na si Ephraim K. Hanks, na noong malamang “sumama sa mga Mormons” ang kanyang kuya ay determinadong isama ito pauwi. Hindi kataka-takang lumipat si Ephraim sa Nauvoo at nabinyagan agad matapos niyang marinig ang patotoo ng kanyang kapatid tungkol kay Joseph Smith at sa ipinanumbalik na ebanghelyo (tingnan sa Richard K. Hanks, “Eph Hanks, Pioneer Scout” [master’s thesis, Brigham Young University, 1973], 18–21).

Mapalad tayo dahil sa mga tao sa mga banal na kasulatan na nagtuturo sa atin kung paano natin matatamo ang kakayahan at pagnanais na maniwala. Si Nephi, na anak ni Lehi, ay isa sa halimbawa. Ang una niyang ginawa ay magsumamo sa Panginoon nang narinig na nagtuturo ang kanyang ama tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem hanggang sa ang kanyang puso ay lumambot kaya’t naniwala sa mga salitang sinabi ng kanyang ama (tingnan sa 1 Nephi 2:16). Tuwirang nagsalita ang Panginoon kay Nephi sinasabing “Pinagpala ka, Nephi, dahil sa iyong pananampalataya, sapagkat hinanap mo ako nang buong pagsisikap, nang may kapakumbabaan ng puso” (1 Nephi 2:19). Itinuturo ni Nephi ang kahalagahan ng hangarin at sigasig sa pagsunod sa mga utos at pagsusumamo sa Diyos para magkaroon ng kakayahan na sabihin nang may kagaanan, “Hahayo ako at gagawin” (1 Nephi 3:7).

Mula kay Enos nalaman natin ang kahalagahan ng pagtimo ng mga salita ng Diyos sa ating mga puso hanggang sa magutom tayo sa katotohanan (tingnan sa Enos 1:3–4). Ang kakayahang maniwala ay darating kapag ang salita ng Diyos ay nakasulat sa ating mga puso (tingnan sa Jeremias 31:33; II Mga Taga Corinto 3:3).

Mula sa halimbawa ng ama ni Lamoni, nalaman natin ang kahalagahan ng malambot na puso na handang magbago. Handa ang ama ni Lamoni na ibigay ang kalahati ng kanyang kaharian kay Ammon kapalit ng kanyang buhay (tingnan sa Alma 20:21–23). Matapos na hilingin lamang ni Ammon sa hari na pahintulutan si Lamoni na sumamba nang naaayon sa kanyang kagustuhan sa kanyang sariling kaharian, ang kabaitan at kadakilaan ng mga salita ni Ammon ay nagpabagabag sa isipan at puso ng hari (tingnan sa Alma 20:24; 22:3). Nang dumating si Aaron para turuan ang hari, ang puso nito ay nagbago na at may kakayahan na siyang maniwala nang sabihin niya kay Aaron, “Masdan, ako ay naniniwala” (Alma 22:7). Pagkatapos ay ipinahayag niya ang kanyang pagnanais na ibigay ang lahat ng kanyang pag-aari, maging talikdan ang kanyang kaharian, upang makamtan ang kagalakan ng Panginoon (tingnan sa Alma 22:15). Nang una siyang manalangin isinamo niya ang yaong nais ng Ama sa Langit nang sabihin niya, “Tatalikuran ko ang lahat ng aking kasalanan upang makilala kayo” (Alma 22:18). Ang kakayahan at pagnanais na maniwala sa salita ng Diyos ay darating mula sa pagsisisi at pagsunod.

Ang mga panahon ng mahalagang pagbabago tulad ng pag-aasawa o pagsilang ng anak, mga panahon ng matinding paglilingkod dahil sa isang bagong tungkulin o pagmimisyon, mga panahon sa ating kabataan kasama ang isang mabait na bishop, mga lider ng kabataan at guro sa seminary, mga panahon ng pagsubok, panahon ng pag-unlad mula nang unang matutuhan ang ebanghelyo—sa lahat ng panahong ito magiging madali sa ating maniwala. Marahil ang pinakamahalagang panahon ay ang kabataan. Noong bata pa ako madali akong maniwala sa salita ng Diyos na itinuro sa akin ng magigiting kong magulang at lolo’t lola. Kaya pala pinayuhan tayo na maging tulad ng maliliit na bata para mamana ang buhay na walang hanggan (tingnan sa 3 Nephi 11:38). Kaya pala tinuruan tayo na palakihin ang ating mga anak sa liwanag at katotohanan (tingnan sa D at T 93:40).

Kung katulad ninyo ako, makikita ninyo na ang talagang nagdulot ng kakayahan at pagnanais na maniwala ay hindi ang mga kalagayan ng buhay, kundi ang pangakong ipamuhay ang ebanghelyo sa mga panahong ito. Madalas kayong nananalangin at seryosong pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan sa mga panahong ito. Mas madali kayong nagkakasama-sama para sa family home evening at panalangin ng pamilya. Mas madali sa inyo ang magsimba at sumamba sa templo. Mas madali sa inyo ang magbayad ng mga ikapu at mga handog. Tunay nga, ang araw-araw na pamumuhay ng ebanghelyo ay nagpapalambot ng puso na kailangan para magkaroon ng kakayahan at pagnanais na maniwala sa salita ng Diyos.

Pinatototohanan ko na kung susundin natin ang mga turo ng mga propeta at apostol sa kumperensyang ito, magkakaroon tayo ng kakayahan at pagnanais na maniwala sa salita ng Diyos. Tayo ay pinayuhan na sumamba sa templo; na palakasin ang pamilya sa pamamagitan ng panalangin ng pamilya, pag-aaral ng mga banal na kasulatan at family home evening; maglingkod nang masigasig sa priesthood at mga tungkulin sa Simbahan; magbayad ng mga ikapu at handog; manampalataya at manalangin na mapatnubayan; at mamuhay nang karapat-dapat sa pagsama ng Espiritu Santo.

Kadalasan tulad tayo ni Naaman, ang may ketong na taga Siria na pinapunta sa propeta sa Israel para gumaling. Nang magpadala lang ng isang sugo si Eliseo lakip ang tagubilin na ilubog nang makapito ang sarili sa Ilog Jordan, galit na umalis si Naaman. Salamat na lang at may tagapaglingkod siya na nagsabi, “Kung ipinagawa sa iyo ng propeta ang anomang mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin? gaano nga kung sasabihin niya sa iyo, Ikaw ay maligo, at maging malinis” (II Mga Hari 5:13).

Pinatototohanan ko na ang kakayahan at pagnanais na maniwala ay darating sa paggawa ng mga yaong tila hindi mahahalagang bagay na itinuro sa atin nang paulit-ulit mula noong ating kabataan. Ang pagsunod ay nagdudulot ng paglambot ng puso at kakayahan na maniwala sa salita ng Diyos. Nagpapatotoo ako na ang kakayahan na maniwala ay magdudulot ng pagbuhos ng Espiritu.

Ang pagsubok sa kakayahan at pagnanais nating maniwala ay maaaring maganap tuwing linggo kapag dumadalo tayo sa sacrament meeting. Sa miting na ito pinaninibago natin ang ating mga tipan sa pagpapahayag ng ating pagnanais na taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo, alalahanin Siya sa tuwina, at sundin ang Kanyang mga utos (tingnan sa D at T 20:77). Kapag nakaupo tayo sa sacrament meeting, dapat madali lang sa atin ang gumawa ng tipan at makinig at matuto sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Inaasam ko na ibuhos sa akin ng Panginoon ang Espiritu dahil sa aking “kakayahan at pagnanais na maniwala sa Kanyang mga salita.” Nadama ko na pinukaw ako ng banal na kasulatang ito sa “aking tungkulin sa Diyos”— na dapat akong “maging mapagpakumbaba at maamo; madaling pakiusapan, puspos ng tiyaga; … masikap na sumusunod sa mga utos ng Diyos sa lahat ng panahon; … palaging nagpapasalamat sa Diyos para sa anumang bagay na [aking] natanggap” (Alma 7:22–23).

Nawa’y palagi tayong madaling maniwala sa Kanyang salita. Nawa’y kaya ninyong maipahayag, tulad ko, na si Jesus ay ang Anak ng Diyos. Siya ang ating Pastol, at yaong may kakayahan at pagnanais na maniwala ay makikilala ang Kanyang tinig. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Print