2009
Joseph Smith—Propeta ng Pagpapanumbalik
Nobyémbre 2009


Joseph Smith—Propeta ng Pagpapanumbalik

Sa pamamagitan ni Joseph Smith naipanumbalik ang lahat ng kapangyarihan, susi, turo, at ordenansang kailangan para sa kaligtasan at kadakilaan.

Elder Tad R. Callister

Halimbawa may nagsabi sa iyo ng tatlong katotohanang ito tungkol sa isang tauhan sa Bagong Tipan at wala nang iba pa: una, sinabi ng Tagapagligtas sa lalaking ito, “Oh ikaw na kakaunti ang pananampalataya” (Mateo 14:31), pangalawa, dahil sa galit ng lalaking ito ay tinagpas niya ang tainga ng tagapagsilbi ng mataas na saserdote; at pangatlo, itinatwa ng lalaking ito kung sino ang Tagapagligtas sa tatlong pagkakataon, bagamat siya ay nakasama Niya sa araw-araw. Kung iyan lamang ang alam ninyo o pinagtuunan ng pansin, maaaring isipin ninyo na ang lalaking ito ay isang tampalasan o walang kuwenta, ngunit sa prosesong ito ay mabibigo lamang kayong makilala ang isa sa pinakadakilang tao na nabuhay sa mundo: ang Apostol na si Pedro.

Katulad nito, may ilang nagtangkang pagtuunan o palakihin ang ilang maliliit na kahinaan ni Propetang Joseph Smith, ngunit dahil diyan nabigo rin silang makita ang mahalagang bagay tungkol sa kanya, kung sino siya, at ang kanyang misyon. Si Joseph Smith ang hinirang ng Panginoon upang ipanumbalik ang Simbahan ni Cristo dito sa lupa. Paglabas niya mula sa kakahuyan, nalaman niya ang apat na pangunahing katotohanan na hindi pa naituro nang panahong iyon ng karamihan sa mga relihiyon ng Kristiyano.

Una, nalaman niya na ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak, na si Jesucristo, ay dalawang magkahiwalay, at magkaibang katauhan. Pinatutunayan ng Biblia ang natuklasan ni Joseph Smith. Sinasabi nito sa atin na ipinasakop ng Anak ang Kanyang kalooban sa Ama (tingnan sa Mateo 26:42). Naaantig tayo sa pagpapasakop ng Tagapagligtas at nakahuhugot ng lakas sa Kanyang halimbawa upang gawin din ito, subalit ano nga ba ang lalim at tindi ng pagpapasakop ni Cristo o ang kapangyarihang maghikayat ng halimbawang iyon kung ang Ama at ang Anak ay iisang katauhan, at sinusunod lamang ng Anak ang Kanyang sariling kagustuhan gamit ang ibang pangalan?

Marami pang ibinibigay na patunay ang mga banal na kasulatan tungkol sa dakilang katotohanang ito: “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak” (Juan 3:16). Ang pag-aalay ng isang ama ng kanyang nag-iisang anak ang pinakadakilang pagpapakita ng pagmamahal na maiisip at madarama ng puso at isipan ng tao. Ito ay isinisimbolo ng nakaaantig na kuwento nina Abraham at Isaac (tingnan sa Genesis 22). Ngunit kung ang Ama ay ang Anak din, ang sakripisyong ito sa lahat ng sakripisyo ay mawawala, at hindi na iaalay pa ni Abraham si Isaac—iaalay na ngayon ni Abraham si Abraham.

Ang pangalawang dakilang katotohanan na natuklasan ni Joseph Smith ay mayroong niluwalhating mga katawan na may laman at mga buto ang Ama at ang Anak. Kasunod ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, nagpakita Siya sa Kanyang mga disipulo at sinabi, “Hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka’t ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin” (Lucas 24:39). May ilang nagmungkahi na ito ay pansamantalang pagpapakita sa pisikal na anyo at nang umakyat na Siya sa langit ay iniwan Niya ang Kanyang katawan at bumalik sa Kanyang katauhang espiritu. Subalit sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na imposible ito. Itinuro ni Pablo na, “Nalalaman nating si Cristo na nabuhay na maguli sa mga patay ay hindi na mamamatay; ang kamataya’y hindi naghahari sa kaniya” (Mga Taga Roma 6:9). Sa madaling salita, nang mabuhay na mag-uli si Cristo, ang Kanyang katawan ay hindi na muling mahihiwalay pa sa Kanyang espiritu; kung hindi ay daranas Siya ng kamatayan, ang kahihinatnang sinabi ni Pablo na hindi na maaaring mangyari matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.

Ang pangatlong katotohanang nalaman ni Joseph Smith ay nakikipag-usap pa rin ngayon ang Diyos sa tao—na hindi nakasara ang kalangitan. Tatlo lang ang kailangang itanong ng isang tao, ang minsang sinabi ni Pangulong Hugh B. Brown, upang marating ang konklusyong iyon (tingnan sa “Ang Katangian ng Isang Propeta,” Liahona, Hunyo 2006, 13). Una, mahal ba tayo ng Diyos ngayon tulad ng pagmamahal Niya sa mga taong kinausap Niya sa panahon ng Bagong Tipan? Pangalawa, may gayundin bang taglay na kapangyarihan ang Diyos ngayon gaya ng taglay Niya noon? At pangatlo, kailangan ba natin Siya ngayon tulad ng pangangailangan sa Kanya ng mga tao noong una? Kung ang mga kasagutan sa mga tanong na iyon ay oo at kung ang Diyos ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman, gaya ng ipinahahayag ng mga banal na kasulatan (tingnan sa Mormon 9:9), kung gayon wala nang alinlangan: Ang Diyos ay nakikipag-usap sa mga tao ngayon tulad ng pinatotohanan ni Joseph Smith.

Ang pang-apat na katotohanang nalaman ni Joseph Smith ay wala noon ang ganap at kumpletong Simbahan ni Jesucristo sa lupa. May mabubuti rin namang tao at ilang bahagi ng katotohanan, subalit ipinropesiya ni Apostol Pablo noon na ang Ikalawang Pagparito ni Cristo ay hindi darating “maliban nang dumating [muna] ang pagtaliwakas” (II Mga Taga Tesalonica 2:3).

Kasunod ng Unang Pangitain ni Joseph Smith, nagsimula ang Pagpapanumbalik ng Simbahan ni Cristo nang “taludtod sa taludtod, utos sa utos”(D at T 98:12).

Sa pamamagitan ni Joseph Smith naipanumbalik ang doktrina na ang ebanghelyo ay itinuturo sa mga patay sa daigdig ng mga espiritu sa mga hindi nagkaroon ng pagkakataon na marinig ito sa mundo (tingnan sa D at T 128:5–22; tingnan din sa D at T 138:30–34). Ito ay hindi imbensyon ng isang malikhaing isipan; ito ay pagpapanumbalik ng isang katotohanan sa Biblia. Itinuro noon ni Pedro, “Sapagka’t dahil dito’y ipinangaral maging sa mga patay ang evangelio, upang sila, ayon sa mga tao sa laman ay mangahatulan, datapuwa’t mangabuhay sa espiritu, ayon sa Dios” (I Ni Pedro 4:6). Si Frederic W. Farrar, ang bantog na manunulat ng Church of England at teologo, ay ganito ang obserbasyon tungkol sa turong ito ni Pedro: “Ang lahat ng pagsisikap ay ginawa upang ipaliwanag ang simpleng kahulugan ng talatang ito. Isa ito sa pinakamahalagang mga talata ng Banal na kasulatan, at wala ritong pagkalito… . Sapagkat kung ang wika ay may anumang kahulugan, ang wikang ito ay nangangahulugang si Cristo, nang manaog ang Kanyang Espiritu sa mas mababang daigdig, ay ipinahayag ang mensahe ng kaligtasan sa minsa’y hindi nagsising patay” (The Early Days of Christianity [1883], 78).

Marami ang nagtuturo na may isang langit at isang impiyerno. Naipanumbalik ni Joseph Smith ang katotohanan na maraming langit. May sinabi si Pablo tungkol sa isang taong dinala hanggang sa ikatlong langit (tingnan sa II Mga Taga Corinto 12:2). Magkakaroon kaya ng ikatlong langit kung walang ikalawa at unang langit?

Sa maraming paraan ang ebanghelyo ni Jesucristo ay gaya ng 1,000 piraso ng jigsaw puzzle. Bago dumating si Joseph Smith, marahil may 100 piraso na ang nabuo. Pagkatapos ay dumating si Joseph Smith at binuo pa ang 900 piraso para masabi ng mga tao, “Ah, nauunawaan ko na ngayon kung saan ako nanggaling, bakit ako narito, at saan ako pupunta.” Tungkol sa papel ni Joseph Smith sa Pagpapanumbalik, maliwanag na sinabi ng Panginoon: “Ang salinlahing ito ay tatanggap ng aking salita sa pamamagitan mo” (D at T 5:10).

Sa kabila ng pagdagsa ng naipanumbalik na mga katotohanan sa Biblia, sinabi pa rin ng ilang masigasig na mananaliksik: “Matatanggap ko ang mga doktrinang ito pero paano ang tungkol sa mga anghel at pangitain na nakita ni Joseph Smith? Parang mahirap itong paniwalaan sa modernong panahon ito.”

Sa tapat na mananaliksik, buong pagmamahal naming sinasabi: “Wala bang mga anghel at pangitain sa Simbahan ni Cristo sa panahon ng Bagong Tipan? Hindi ba’t nagpakita ang isang anghel kina Maria at Jose? Hindi ba’t nagpakita ang mga anghel kina Pedro, Santiago, at Juan sa Bundok ng Pagbabagong-anyo? Hindi ba’t isang anghel ang nagligtas kina Pedro at Juan sa bilangguan? Hindi ba’t isang anghel ang nagpakita kay Cornelio, pagkatapos ay kay Pablo nang mawasak ang barko at kay Juan sa Isla ng Patmos? Hindi ba’t nagkaroon ng isang pangitain si Pedro na darating ang ebanghelyo sa mga Gentil, si Pablo ng isang pangitain ng ikatlong langit, si Juan ng isang pangitain ng mga huling araw, at si Esteban ng isang pangitain ng Ama at Anak?”

Oo, nakakita si Joseph Smith ng mga anghel at mga pangitain—dahil siya ang kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang maipanumbalik ang Simbahan ding iyon ni Jesucristo noong unang panahon—kasama ang lahat ng kapangyarihan at lahat ng doktrina nito.

Gayunpaman nakalulungkot, kung minsan, na isinasaisantabi ng ilan ang mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo na naipanumbalik ni Joseph Smith dahil naililihis sila sa ilang isyu sa kasaysayan o ilang mga pag-aaral sa siyensiya na hindi nakatuon sa kanilang kadakilaan, at dahil diyan ipinagpapalit nila ang kanilang espirituwal na pagkapanganay sa kakarampot na pagkain. Ipinagpapalit nila ang lubos na katiyakan ng Pagpapanumbalik sa kawalang-katiyakan, at dahil diyan nahuhulog sila sa bitag ng kawalan ng pananampalataya sa maraming bagay na alam nila dahil sa ilang bagay na hindi nila nalalaman. Palaging may darating na ilang mga bagay na tila di maarok ng pag-iisip hangga’t kailangan ng pananampalataya at may hangganan ang ating pang-unawa, magkagayunman laging naroon ang tiyak at tunay na mga doktrina ng Panunumbalik para makapitan, na siyang magbibigay ng matibay na pundasyon na sasaligan ng ating mga patotoo.

Nang marami sa mga tagasunod ni Cristo ang tumalikod sa Kanya, tinanong Niya ang Kanyang mga Apostol, “Ibig baga ninyong magsialis din naman?”

Ang tugon ni Pedro ay isang sagot na dapat maiukit sa bawat puso: “Kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may mga salita ng buhay na walang-hanggan” (Juan 6:66–68).

Kung tatalikuran ng isang tao ang naipanumblaik na mga doktrinang ito, saan siya pupunta para malaman ang totoong katangian ng Diyos tulad ng naituro sa kakahuyan? Saan niya hahanapin ang mga doktrina ng buhay bago pa isilang, pagbibinyag para sa mga patay, at walang-hanggang kasal? At saan niya hahanapin ang kapangyarihang magbuklod na nagbibigkis sa mga mag-asawa at mga anak hanggang sa kabilang-buhay?

Sa pamamagitan ni Joseph Smith naipanumbalik ang lahat ng kapangyarihan, susi, turo, at ordenansang kailangan para sa kaligtasan at kadakilaan. Wala ka nang iba pang mapupuntahan sa mundo para makamtan iyon. Hindi ito makikita sa alinmang simbahan. Hindi ito makikita sa anumang pilosopiya ng tao o pag-aaral ng siyensiya o paglalakbay ng isang indibiduwal sa banal na lupain, gaano man ito pinag-isipan. Ang kaligtasan ay matatagpuan lamang sa isang lugar, na itinakda ng Panginoon, nang sabihin Niya na ito “ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo” (D at T 1:30).

Nagpapatotoo ako na si Joseph Smith ang propeta ng Pagpapanumbalik, tulad ng ipinahayag niya. Sasambitin ko ang himig ng nakaaantig na himnong iyon: “Purihin s’yang kaniig ni Jehovah!” (“Purihin ang Propeta,” Mga Himno, blg. 21). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.