Pangwakas na Pananalita
Kung didinggin natin ang Kanyang mga salita at ipamumuhay ang mga utos, maliligtasan natin ang panahong ito ng kapabayaan at kasamaan.
Puspos ang puso ko sa pagtatapos natin ng kumperensyang ito. Marami tayong natutuhan at espirituwal tayong napasigla habang nakikinig tayo sa mga mensaheng inilahad at mga patotoong ibinahagi. Pinasasalamatan namin ang bawat isang lumahok, pati na ang kalalakihang nag-alay ng mga panalangin.
Muli napakaganda ng musika. Pinasasalamatan ko yaong mga naghandang magbahagi sa atin ng kanilang mga talento, na umantig at nagbigay-inspirasyon sa atin. Ang magandang musikang handog nila ay nagpapaganda at nagpapayaman sa bawat sesyon ng kumperensya.
Ipinaaalala namin sa inyo na ang mga mensaheng narinig natin sa kumperensyang ito ay ililimbag sa mga isyu ng mga magasing Ensign at Liahona sa Nobyembre. Kapag binasa at pinag-aralan natin ang mga ito, madaragdagan ang ating nalalaman at inspirasyon. Nawa’y isama natin sa ating pang-araw-araw na buhay ang mga katotohanang naroon.
Ipinahahayag namin sa kalalakihang na-release sa kumperensyang ito ang aming taos na pasasalamat. Naglingkod silang mabuti at nakagawa ng mga makabuluhang kontribusyon sa gawain ng Panginoon. Lubos ang kanilang dedikasyon. Taos-puso namin silang pinasasalamatan.
Nabubuhay tayo sa panahon na marami na sa mundo ang napalayo sa kaligtasang matatagpuan sa pagsunod sa mga utos. Ito ay panahon ng kapabayaan, na ang lipunan ay karaniwan nang binabalewala at nilalabag ang mga batas ng Diyos. Kadalasan ay lumalangoy tayo nang pasalungat sa agos, at kung minsan ay parang kaya tayong tangayin ng agos.
Naaalala ko ang mga salita ng Panginoon na matatagpuan sa Aklat ni Eter sa Aklat ni Mormon. Sabi ng Panginoon, “Hindi kayo maaaring tumawid sa malawak na kailalimang ito maliban lamang kung ihahanda ko kayo laban sa mga alon ng dagat, at sa mga hanging umiihip, at sa mga bahang darating.”1 Mga kapatid ko, inihanda Niya tayo. Kung didinggin natin ang Kanyang mga salita at ipamumuhay ang mga utos, maliligtasan natin ang panahong ito ng kapabayaan at kasamaan—isang panahong maihahambing sa mga alon at hangin at bahang makakasira. Lagi Niya tayong inaalala. Mahal Niya tayo at pagpapalain tayo kung gagawin natin ang tama.
Malaki ang pasalamat natin na tunay ngang bukas ang kalangitan, na naipanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo, at ang Simbahan ay nakasalig sa bato ng paghahayag. Tayo ay pinagpalang mga tao, na may mga apostol at propeta sa lupa ngayon.
Ngayon, pag-alis natin sa kumperensyang ito, dalangin kong pagpalain kayo ng langit. Nawa’y ligtas kayong makauwing lahat sa inyong tahanan. Habang pinag-iisipan ninyo ang mga narinig ninyo sa kumperensyang ito, nawa’y sabihin ninyo, katulad ng mga tao ni Haring Benjamin na silang lahat ay sumigaw sa iisang tinig, “Pinaniniwalaan namin ang lahat ng salitang iyong sinabi sa amin; at gayundin, alam namin ang katiyakan at katotohanan ng mga yaon, dahil sa Espiritu ng Panginoong Makapangyarihan na gumawa ng malaking pagbabago sa amin … kaya nga kami ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti.”2 Nawa’y lisanin ng bawat babae at lalaki, bata at matanda, ang kumperensyang ito na mas mabuting tao kaysa nang magsimula ito noong makalawa.
Mahal ko kayo, mga kapatid ko. Ipinagdarasal ko kayo. Muli kong ipinakikiusap na alalahanin ninyo ako at lahat ng General Authority sa inyong mga dalangin. Kaisa ninyo kami sa pagsusulong ng kahanga-hangang gawaing ito. Pinatototohanan ko sa inyo na kasama tayong lahat dito at lahat ng lalaki, babae, at bata ay may bahaging gagampanan. Nawa’y bigyan tayo ng Diyos ng lakas at kakayahan at determinasyon na gampanang mabuti ang ating bahagi.
Pinatototohanan ko sa inyo na ang gawaing ito ay totoo, na buhay ang ating Tagapagligtas, at Siya ang gumagabay at pumapatnubay sa Kanyang Simbahan dito sa lupa. Iniiwan ko sa inyo ang aking pagsaksi at patotoo na buhay ang ating Diyos Amang Walang Hanggan at mahal Niya tayo. Tunay ngang Siya ang ating Ama, at Siya ay personal at totoo.
Nawa’y pagpalain kayo ng Diyos. Nawa’y sumainyo ang pangako Niyang kapayapaan ngayon at magpakailanman.
Paalam hanggang sa muli nating pagkikita anim na buwan mula ngayon, at ginagawa ko ito sa pangalan ni Jesucristo, na ating Tagapagligtas at Manunubos at Tagapamagitan sa Ama, amen.