2009
Ang Lumang Paraan ng Pagharap sa Kinabukasan
Nobyémbre 2009


Ang Lumang Paraan ng Pagharap sa Kinabukasan

Ang mga aral ng nakaraan … ang naghahanda sa atin sa pagharap sa mga hamon ng kinabukasan.

Elder L. Tom Perry

Kaming mag-asawa ay nagkaroon ng pribilehiyong dumalo sa Mormon Miracle Pageant sa Manti, Utah, nitong tag-init. Isang gabi, bago nagsimula ang pageant, nagsalita kami sa mga tauhan nito. Dahil sa dami ng mga tauhan, kinailangan naming magsalita sa kanila sa dalawang sesyon. Ang mga tauhan ng pageant ay mahigit 800, at 570 sa kanila ay wala pang 18 anyos. Isang daang karagdagang tauhan ang lumahok sa taong ito, kaya kinailangang mag-isip ng kababaihang namamahala sa mga kasuotan ng karagdagang mga costume—na siya nilang ginawa. Isang inspirasyon ang makita kung gaano sila kaayos sa pag-asikaso sa bawat detalye.

Ang pageant ay ginanap sa gilid ng isang magandang burol sa paanan lamang ng Manti Temple. Mga 15,000 katao ang dumalo sa gabing iyon nang panoorin namin ang pageant. Nakatutuwang makita ang malaking grupong ito ng mga kabataan na nakauunawa sa kuwento ng Panunumbalik nang gampanan nila ang kanilang bahagi nang buong sigasig at sigla.

Ang isang gustung-gusto naming gawin kapag bumibisita kami sa Manti ay dumalo sa isang sesyon sa templo. May espesyal na diwa sa mga lumang templong ito, na itinayo sa malaking sakripisyo ng mga pioneer noon.

Ang pagdalo sa isang sesyon sa Manti Temple ay nakaaantig na karanasan para sa akin. Ibinanalik nito sa akin ng maraming alaala tungkol sa Logan Utah Temple bago ito binago at ginawang makabago. Habang nasa sesyon kami sa templo, naririnig ko sa bawat silid ang mga pioneer noon na nagsasabing, “Tingnan mo ang itinayo ng sarili naming mga kamay. Wala kaming malalaking makinarya. Walang mga contractor o sub-contractor nang itayo ito, walang magagandang crane na bubuhat sa mabibigat na bato. Nagtrabaho kami gamit ang sarili naming lakas.”

Napakaganda ng pamanang iniwan sa atin ng mga Sanpete County pioneer noon.

Sinabi raw ng dating pangulo ng Estados Unidos na si Ronald Reagan, “Ayokong balikan ang nakaraan; gusto kong balikan ang lumang paraan ng pagharap sa kinabukasan.”1 Naririnig ko pa rin sa aking isipan ang payo niya. May isang bagay tungkol sa pagrerepaso ng mga aral ng nakaraan upang ihanda tayo sa pagharap sa mga hamon ng kinabukasan. Napakaganda ng pamana ng pananampalataya, tapang, at katalinuhan na iniwan sa atin ng mararangal na Mormon pioneer na iyon para pagsaligan natin. Lalo akong humahanga sa kanila habang lumalawig ang buhay ko.

Ang pagyakap sa ebanghelyo ay nagbunga ng lubusang pagbabago sa buhay nila. Iniwan nila ang lahat—kanilang mga tahanan, negosyo, bukirin, at maging ang mahal nilang mga kapamilya—upang maglakbay sa ilang. Laking gulat siguro nila nang ipahayag ni Brigham Young na, “Ito ang … lugar.”2 Nasa harapan nila ang malawak na tuyong disyerto, na walang mga berdeng burol, punungkahoy, at magagandang kaparangan na pamilyar sa karamihan sa mga pioneer. Sa matatag na pananampalataya sa Diyos at sa kanilang mga lider, ang mga pioneer noon ay nagtrabaho upang lumikha ng magagandang pamayanan sa tabi ng mga bundok.

Maraming pagod nang mga pioneer ang nagsimula nang masiyahan sa ilang munting kapanatagan sa buhay nang muli silang sabihan ni Brigham Young na iwan ang kanilang mga tahanan at maglakbay papuntang silangan, kanluran, hilaga, at timog upang sakupin ang Great Basin. Sa ganitong paraan itinatag ang mga pamayanan ng Sanpete County—Fairview, Ephraim, Manti, Moroni, at Mt. Pleasant.

Pagbalik ko mula sa pagbisita sa Sanpete County, nadama kong gusto kong madagdagan pa ang kaalaman ko tungkol sa mga unang pioneer nito. Ipinasiya kong mag-ukol ng ilang oras sa bagong Church History Library at magbasa nang kaunti tungkol sa kanilang kasaysayan.

Taong 1849 noon, dalawang taon pa lang mula nang dumating sila sa Salt Lake Valley, nang tumawag si Brigham Young, ang mahusay na mananakop ng Kanluran, ng isang grupo ng mga Banal upang maglakbay patimog at minsan pang itayo ang kanilang tahanan at pamayanan sa isa pang tuyong disyerto. Di nagtagal nang panatag na sila sa Sanpete, binisita ni Pangulong Heber C. Kimball, tagapayo kay Pangulong Brigham Young, ang pamayanang Manti at pinangakuan sila na sa burol kung saan tanaw ang lambak, isang templo ang itatayo gamit ang bato mula sa kabundukan sa silangan.

Ilang taon ang lumipas pagkatapos bumisita ni Pangulong Kimball, at nagsimulang mag-alala ang mga mamamayan na wala pang ginagawa para maitayo ang templong magagamit nila. “Kailangan nating magkaroon ng templo sa ating komunidad,” sabi ng isang mamamayan. “Sapat na ang tagal ng paghihintay natin para sa pagpapalang ito.” Sabi ng isa pa, “Kung magkakaroon tayo ng templo, kumilos na tayo at itayo na natin ito.” At iyon nga ang ginawa nila.

Ang batong-panulok ay inilatag noong Abril 14, 1879, mga 30 taon mula nang dumating sila sa Sanpete Valley. Maraming maikukuwento tungkol sa kasigasigan ng mga manggagawa, na ginawa ang lahat ng makakaya nila sa pagtatayo ng magandang templong ito. Sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley ilang taon na ang nakalilipas sa muling paglalaan ng Manti Temple, “Nakapunta na ako sa pinakamagagandang gusali sa mundo, at hindi ko nadama sa mga ito ang nadarama ko sa pagpasok sa mga bahay ng Diyos na gawa ng mga pioneer.”3 Ang pamilya Hinckley ay may napakaespesyal na kaugnayan sa Manti Temple. Namatay ang lolo ni Sister Marjorie Hinckley nang maaksidente siya noong itinatayo ito.

Para mas maunawaan kung paano makapagbibigay ng mas mabuting paraan ang kahapon sa pagharap sa kinabukasan, gusto kong ikuwento ang isang pangyayari noong itinatayo ang Manti Temple. Pagkatapos ay ibabahagi ko ang naituro nito sa akin tungkol sa mga tunay na alituntunin.

Ilang mahuhusay na karpintero mula sa Norway na dumating at nanirahan sa Manti ang inatasang gumawa ng bubong para sa templo. Hindi pa sila nakagawa ng bubong noon, pero marami na silang karanasan sa paggawa ng barko. Hindi nila alam kung paano ididisenyo ang bubong. Pagkatapos ay naisip nila: “Bakit hindi na lang tayo gumawa ng barko? Sa gayon, dahil solido at matibay ang barkong mahusay ang pagkagawa, kung ibabaligtad natin ang plano, magkakaroon tayo ng matibay na bubong.” Nagplano silang gumawa ng barko, at nang matapos ito, ibinaligtad nila ang plano at ito ang naging plano para sa bubong ng Manti Temple.

Dito ay ginamit nila ang mga natutuhan nila sa dati nilang karanasan—ang mga tuntunin ng paggawa ng barko—para matulungan silang harapin ang hamon. Tama ang katwiran nila na ang mga tuntuning ginamit nila sa paggawa ng matibay na sasakyang-dagat ay angkop din sa pagtatayo ng solidong bubong. Halimbawa, kailangan ay waterproof pareho ang dalawang istruktura. Ang tibay ng istruktura ay hindi maaapektuhan ng oryentasyon nito—patayo man ito o pabaligtad. Ang pinakamahalaga sa lahat ay magkaroon ng kaalaman sa mga pangunahing tuntuning kailangan sa pagtatayo ng anumang pangmatagalang istruktura.

Nakalakip sa ebanghelyo ni Jesucristo ang maraming walang hanggang tuntunin at katotohanan na mas tatagal kaysa mga tuntunin sa paggawa ng mga barko at bubong. Kapwa tayo makikinabang, bilang mga miyembro ng totoong Simbahan ng Panginoon, at mauunawaan natin ang walang hanggang mga tuntunin at katotohanang ito, lalo na kapag nakinig tayo sa Espiritu para sa ating patnubay at nakinig sa tinig ng propeta kapag ipinaaalam niya ang kalooban ng Diyos sa mga miyembro ng Simbahan. Kapwa natin alam kung gaano kahalaga ang mga walang hanggang tuntunin at katotohanang ito sa ating buhay. Hindi ko tiyak kung naharap nga ang mga pioneer noon sa mga panganib at kawalang-katiyakan ng kinabukasan nang wala ang mga ito, at gayundin tayo. Ito lamang ang tunay at walang hanggang paraan ng pagharap sa kinabukasan, lalo na sa mas mapanganib at walang-katiyakang panahon natin ngayon.

Taglay ng mga Norwegian na gumagawa ng barko ang mahahalagang kasanayan sa kanilang hanapbuhay, na mula sa paggawa ng mga barko ay maaaring gamitin sa pagtatayo ng mga templo. Ano ang dahilan ng malaking pagbabago sa kanilang priyoridad? Iisa lamang ang sagot na nagpapaliwanag ng kahandaan nilang isakripisyo ang lahat upang maging mga tagapagtayo ng kaharian ng Diyos. Naturuan sila at tinanggap nila ang mga walang hanggang tuntunin at katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Naunawaan nila na ang kanilang misyon ay hindi lamang para tumulong sa pagtatayo ng mga gusali kundi tumulong din na mapatibay ang iba sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang kaalaman tungkol sa ebanghelyo. Tulad ng mababasa natin sa bahagi 50 ng Doktrina at mga Tipan, “Siya na nangangaral at siya na nakatatanggap, ay nauunawaan ang isa’t isa, at sila ay kapwa pinagtitibay at magkasamang magsasaya” (talata 22).

Nang tanggapin natin ang espesyal na pagpapala ng kaalaman tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo at taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo sa pagpapabinyag, tinanggap din natin ang obligasyong ibahagi ang ebanghelyo sa iba. Kailan lang, para lalong magampanan ang ating responsibilidad na ipahayag ang ebanghelyo, binaligtad ng Simbahan ang missionary program. Ilang taon na ang nakararaan inalis natin ang mga stake mission at itinuon ang ating mga pagsisikap sa pagbuo ng ward mission. Sa ward mission plan na binubuo ng bawat ward council sa Simbahan, lalo pang bumibilis ang paglago. Karaniwan ay nagtatagumpay ang mga full-time missionary na nakikipagtulungan sa mga ward council, ward mission leader, at miyembro ng Simbahan.

Natuklasan namin na ang gawaing misyonerong nakabase sa ward ay nagpapaibayo sa pagsangkot ng mga miyembro sa paghahanap at pagtuturo ng mga investigator. Kadalasan ang mga investigator ay inaanyayahang makinig sa mga turo ng misyonero sa tahanan ng mga miyembro. Nagiging mas sabik ang mga miyembro ng ward na ibahagi ang mahalaga nilang kaalaman tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo kapag naranasan nila mismo ang matamis na mga pagpapala ng paglilingkod ng misyonero at mas regular silang napapaalalahanan ng mga lider sa kanilang ward. Mas nakikibahagi ang mga miyembro habang nagninilay at nagdarasal sila tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga kaibigan, kapitbahay, at mga kapamilya na iba ang relihiyon.

Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Ang tingin ng marami sa atin sa gawaing misyonero ay simpleng pagbabahay-bahay lang ito. Alam ng lahat na pamilyar sa gawaing ito na may mas mainam na paraan. Ang paraang iyon ay sa tulong ng mga miyembro ng Simbahan. Kapag may miyembrong nagpakilala ng investigator, may agarang sistema ng pagsuporta. Nagpapatotoo ang miyembro sa katotohanan ng gawain. Hinahangad niya ang kaligayahan ng kanyang kaibigang investigator. Natutuwa siya kapag umuunlad ang kanyang kaibigan sa pag-aaral ng ebanghelyo.”4

Itutuloy ng mga full-time missionary ang karamihan sa aktuwal na pagtuturo sa mga investigator, pero may sapat na oportunidad ang mga miyembro na sagutin ang mga tanong at magbahagi ng kanilang patotoo. Mas ganap tayong nakikinig sa tinig ng propeta sa paghahanda sa ating sarili na ituro ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo. Ang paghahanda ay pumapawi ng takot. Pinadadali at pinatatatag din nito ang ginagawa ng mga miyembro para suportahan ang mga full-time missionary. May tatlong pangunahing araling itinuturo ang mga full-time missionary: ang Panunumbalik, ang plano ng kaligtasan, at ang ebanghelyo ni Jesucristo. Gaano kayo kahandang magbigay ng pagsaksi at patotoo sa katotohanan ng mga pangunahing aral na ito mismo? Gamitin ang inspiradong manwal ng misyonero na Mangaral ng Aking Ebanghelyo upang mag-aral at ihanda ang inyong sarili na alalayan ang mga full-time missionary sa pagtuturo nila ng mga pangunahing talakayan tungkol sa ebanghelyo.

Nawa’y matutuhan nating lahat ang dalawang mahahalagang aral na itinuro ng mga gumagawa ng barko mula sa Norway na gumawa ng bubong ng Manti Temple. Una ay ang aral ng paggamit ng mga tuntunin at katotohanan ng nakaraan para tulungan tayong harapin ang kinabukasan. Pangalawa, matuto tayo mula sa kanilang hangaring ibahagi ang nalalaman nila sa iba upang makatulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Ang pangalawang aral na ito, kung matututuhan nating mabuti, ay makakatulong sa maraming iba pa nating kapatid, na kapwa natin mga anak ng Diyos, na harapin ang walang-katiyakang kinabukasan taglay ang mga walang hanggang katiyakang nasa atin na.

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo. Ipinanumbalik ito upang pagpalain ang ating buhay sa mga huling araw na ito. Naroon ang lahat ng katotohanan, alituntunin, at ordenansang nakapaloob sa dakilang plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit, na isang plano para tayo makabalik at makapiling natin Siya sa kawalang-hanggan. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang Kanyang banal na paraan para maharap natin ang napakaganda nating hinaharap ang patotoo ko sa inyo sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Sinipi sa George F. Will, “One Man’s America,” Cato Policy Report, Set.–Okt. 2008, 11.

  2. Sinipi sa Wilford Woodruff, “Celebration of Pioneers’ Day,” The Utah Pioneers (1880), 23.

  3. Sinipi sa “Manti Temple Rededicated,” Ensign, Ago. 1985, 73.

  4. Gordon B. Hinckley, “Find the Lambs, Feed the Sheep,” Liahona, Hulyo 1999, 119.