Ang Ating Sakdal na Halimbawa
Ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay maaari at dapat tayong umasa na maging mas mabuti tayo hangga’t tayo ay nabubuhay.
Mapalad akong magkaroon ng pagkakataon na makausap kayo ngayong araw ng Sabbath. Kahit magkakaiba tayo ng mga sitwasyon at karanasan, iisa ang hangarin nating maging mas mabuti kaysa dati. Maaaring may ilan na mali ang palagay na sapat na ang kanilang kabutihan at may ilan na ayaw nang pagbutihin pa. Ngunit, para sa lahat, ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay maaari at dapat tayong umasa na maging mas mabuti tayo hangga’t tayo ay nabubuhay.
Ibinigay sa atin ang bahagi ng ekspektasyong iyan sa paghahayag ng Diyos kay Propetang Joseph Smith. Inilarawan dito ang araw na makakaharap natin ang Tagapagligtas, tulad ng gagawin nating lahat. Sinasabi roon ang ating gagawin para makapaghanda at kung ano ang ating aasahan.
Ito ay nasa aklat ni Moroni: “Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo; upang kayo ay maging mga anak ng Diyos; na kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya bilang siya; upang tayo ay magkaroon ng ganitong pag-asa; upang tayo ay mapadalisay maging katulad niya na dalisay. Amen.”1
Dapat maipaunawa niyan sa inyo kung bakit inaasahan ng sinumang nananalig na Banal sa mga Huling Araw na magiging maganda ang kinabukasan niya, gaano man kahirap ang kasalukuyan. Naniniwala kami na sa pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo maaari tayong maging katulad ng Tagapagligtas, na perpekto. Sa pag-iisip sa mga katangian ni Jesucristo ay dapat masupil ang kahambugan ng taong nasisiyahan sa kanyang sarili na nag-aakalang hindi na niya kailangang pagbutihin pa. At maging ang pinakahamak na tao ay may pag-asa pa rin sa paanyayang maging katulad ng Tagapagligtas.
Ang katuparan ng napakagandang pagbabagong iyan ay naipahayag sa isang awiting pambata. Naaalala ko na minasdan ko ang mukha ng mga batang umaawit nito sa isang silid isang araw ng Linggo. Bawat bata ay nakahilig na halos sa upuan sa harapan. Nakita ko ang ningning sa mga mata at determinasyon sa mukha nila nang buong-sigla silang umawit. Narinig na rin siguro ninyo ang awitin. Sana habampanahon nating maalaala ito. Sana ay mabigyan ko ng damdamin ito tulad ng mga batang iyon.
“Sinisikap kong tularan ang Panginoong Jesus.
Sinisikap kong tularan sa salita at kilos.
Sa t’wing maiisip gawin ang mali,
Sinisikap ko na dinggin ang munting tinig,
“Magmahal ka nang tulad ni Jesus,
Ang kabutiha’y ‘pakitang lubos.
Maging mahinahon sa diwa’t kilos,
Ito ang turo ni Jesus.”2
Tingin ko’y hindi lang sila umaawit; ipinahahayag nila ang kanilang determinasyon. Si Jesucristo ang kanilang halimbawa. Maging katulad Niya ang kanilang matatag na mithiin. At nakumbinsi ako sa sabik nilang mga tingin at ningning sa kanilang mga mata na wala silang duda. Umaasa silang magtatagumpay. Naniwala sila na ang tagubilin ng Tagapagligtas na maging sakdal ay hindi isang pag-asa kundi isang utos. At tiyak nilang naghanda Siya ng paraan.
Ang determinasyon at tiwala ay maaari at dapat na isapuso ng bawat Banal sa mga Huling Araw. Naghanda ng paraan ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at Kanyang halimbawa. At alam din ng mga batang kumanta ng awiting iyon kung paano.
Pag-ibig ang nakagaganyak na prinsipyong ginamit ng Panginoon para akayin tayo sa daan tungo sa pagiging katulad Niya, na ating sakdal na halimbawa. Ang ating pamumuhay, sa bawat oras, ay dapat mapuspos ng pag-ibig ng Diyos at pagmamahal sa iba. Walang nakakagulat doon, dahil ipinahayag ng Panginoon na ito ang una at dakilang mga utos. Pag-ibig ng Diyos ang aakay sa atin upang sundin ang Kanyang mga utos. At pagmamahal sa iba ang pinagmumulan ng ating kakayahang sundin Siya.
Tulad ng paggamit ni Jesus sa isang bata sa Kanyang mortal na ministeryo bilang halimbawa sa mga tao ng dalisay na pag-ibig na dapat at maaari nilang taglayin upang maging katulad Niya, ibinigay Niya sa atin ang pamilya bilang halimbawa ng ulirang lugar kung saan tayo matututo kung paano magmahal na katulad Niya.
Iyan ay dahil dinaranas natin ang pinakamalaking galak at kalungkutan sa mga ugnayan ng pamilya. Ang galak ay nagmumula sa pag-uuna ng kapakanan ng iba kaysa ating sarili. Iyan ang pagmamahal. At ang kalungkutan ay nagmumula sa kasakiman, na siyang kawalan ng pagmamahal. Ang gusto ng Diyos para sa atin ay makabuo ng mga pamilya sa paraang malamang na hahantong sa kaligayahan at malayo sa kalungkutan. Ang isang lalaki at isang babae ay gagawa ng mga sagradong tipan na gagawin nilang sentro ng kanilang buhay ang kapakanan at kaligayahan ng iba. Ang mga bata ay isisilang sa isang pamilya kung saan ipinapantay ng mga magulang ang kahalagahan ng mga pangangailangan ng mga anak sa kanilang sariling pangangailangan. At mamahalin ng mga anak ang mga magulang at ang isa’t isa.
Iyan ang ulirang pamilyang nagmamahalan. Marami sa ating mga tahanan ang may mga salitang “Ang ating Pamilya ay Maaaring Magsama Magpakailanman.” May lapida ng isang ina at lola na malapit sa bahay ko. Siya at ang kanyang asawa ay nabuklod sa templo ng Diyos sa isa’t isa at sa kanilang mga inapo sa panahon at sa buong kawalang-hanggan. Nakaukit sa lapida ang, “Pakiusap, panatilihing buo ang pamilya.” Hiniling niyang iyon ang iukit dahil alam niya na ang pagsasama-sama ng pamilya ay nakasalalay sa mga pasiyang gagawin ng bawat kapamilya. Naroon ang salitang “pakiusap” dahil Diyos man o siya ay hindi mapipilit ang iba na piliin ang kaligayahan. At nariyan si Satanas, na kasawian ang gusto, hindi kaligayahan, sa mga pamilya sa buhay na ito at sa kabilang buhay.
Umaasa ako ngayon na makapagmungkahi ng ilang pagpipilian na maaaring mukhang mahirap ngunit titiyak sa inyo na karapat-dapat na mabuo ang pamilya ninyo sa mundong darating.
Una, papayuhan ko ang mga mag-asawa. Ipagdasal na magkaroon ng pagmamahalang magtutulot sa inyo na makita ang kabutihan ng inyong asawa. Ipagdasal na magkaroon ng pagmamahalan na hindi papansin sa mga kahinaan at pagkakamali. Ipagdasal na magkaroon ng pagmamahalan na ikagagalak ninyo ang galak ng inyong asawa. Ipagdasal na magkaroon ng pagmamahalang magpapagaan sa pasanin at papawi sa kalungkutan ng inyong asawa.
Nakita ko ito sa pagsasama ng mga magulang ko. Sa huling pagkakasakit ng aking ina, habang lalo siyang nag-aalumpihit, lalong hinangad ng aking ama na mapaginhawa siya. Hiniling niya sa ospital na magdagdag ng kama sa silid ng asawa. Determinado siyang manatili roon upang matiyak na naroon ang lahat ng kailangan ng asawa. Milya-milya ang nilakad niya upang makapagtrabaho sa umaga at makabalik sa tabi nito sa gabi sa mga sandali ng kanyang paghihirap. Naniniwala ako na niloob ng Diyos na mag-ibayo ang kakayahan niyang magmahal noong napakahalaga nito kay Inay. Palagay ko ginagawa niya ang gagawin ni Jesus dahil sa pag-ibig.
Ngayon, papayuhan ko ang mga magulang ng isang suwail na anak. Ang Tagapagligtas ang sakdal na halimbawa ng pagtitiyaga sa pag-ibig. Alalahanin ninyo ang Kanyang pag-alo sa mga Nephita na tumanggi sa una Niyang paanyayang lumapit sa Kanya. Kinausap Niya ang mga nakaligtas sa kapahamakang dumating matapos Siyang ipako sa krus: “O kayong sambahayan ni Israel na aking iniligtas, gaano kadalas ko kayong titipunin tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, kung kayo ay magsisisi at magbabalik sa akin nang buong layunin ng puso.”3
Ang kuwento tungkol sa alibughang anak ay nagbibigay din ng pag-asa sa ating lahat. Naalala ng alibughang anak ang tahanan, gaya ng mangyayari sa inyong mga anak. Madarama nilang hinihila sila ng inyong pagmamahal pabalik sa inyo. Si Elder Orson F. Whitney, sa isang pangkalahatang kumperensya noong 1929, ay nagbigay ng pambihirang pangako, na alam kong totoo, sa matatapat na magulang na gumagalang sa pagkabuklod nila sa templo sa kanilang mga anak: “Bagaman maaaring maligaw ang ilang tupa, ang mata ng Pastol ay nakapako sa kanila, at di magtatagal ay madarama nila ang mga galamay ng Awa ng Diyos na inaabot sila at ibinabalik sila sa kawan.”
At sinabi pa niya: “Ipagdasal ang inyong pabaya at suwail na mga anak; pigilan sila nang may pananalig. Patuloy na umasa, patuloy na magtiwala, hanggang sa makita ninyo ang pagliligtas ng Diyos.”4 Maaari ninyong ipagdasal, mahalin, at tulungan ang inyong mga anak nang may tiwala na kasama ninyo si Jesus. Kapag patuloy kayong nagsisikap, ginagawa ninyo ang ginagawa ni Jesus.
Ngayon, narito ang payo ko sa mga anak. Binigyan kayo ng Panginoon ng isang utos na may pangako, “Igalang ninyo ang inyong ama at inyong ina, upang maging mahaba ang inyong mga araw sa lupaing ibinigay ng Panginoon ninyong Diyos sa inyo.”5 Ito lang ang kaisa-isa sa Sampung Utos na may pangako. Maaaring patay na ang inyong mga magulang. Sa ilang sitwasyon, maaaring hindi ninyo madama na nararapat igalang at respetuhin ng kanilang mga anak ang inyong mga magulang. Maaaring hindi ninyo sila nakilala kahit kailan. Ngunit utang ninyo sa kanila ang inyong buhay. At sa bawat sitwasyon, kahit hindi humaba ang inyong buhay, gaganda ang kalidad niyon sa pamamagitan ng pag-alala sa inyong mga magulang nang may paggalang.
Ngayon sa mga nag-ampon ng pamilya ng ibang tao na para bang sarili nila itong pamilya: May mga kaibigan ako na mas naaalala ang kaarawan ng mga anak ko kaysa sa akin. May mga kaibigan kaming mag-asawa na madalas bumisita o makaalala na magbakasyon sa amin. Madalas akong maantig kapag may nagpasimula ng pag-uusap na, “Kumusta ang pamilya mo?” at pagkatapos ay naghihintay ng sagot nang may pagmamahal sa kanilang mukha. Tila sabik silang nakikinig kapag ikinukuwento ko ang buhay ng bawat anak ko. Tinutulungan ako ng kanilang pagmamahal na mas madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa aming mga anak. Sa kanilang tanong, nahihiwatigan ko nadarama nila ang nadarama ni Jesus at itinatanong nila ang itatanong Niya.
Para sa ating lahat maaaring mahirap makita sa buhay natin ang ibayong kapangyarihang magmahal at maging higit na katulad ng Tagapagligtas, na ating sakdal na halimbawa. Nais kong hikayatin kayo. Napatunayan na ninyo na tumatahak kayo sa landas tungo sa pagiging higit na katulad ni Jesus. Makabubuting alalahanin ninyo kung paano ninyo nadama, paminsan-minsan, na para kayong batang musmos, maging sa gitna ng mga problema at pagsubok. Isipin ang mga batang iyon na kumanta ng awitin. Isipin ang mga pagkakataong nadama ninyo, marahil ay kamakailan lamang, tulad ng mga batang iyon na kumanta ng, “Sinisikap kong tularan ang Panginoong Jesus.” Maaalala ninyo na hiniling ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na dalhin ang mga bata sa Kanya at sinabing, “Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata, … sapagka’t sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios.”6 Nadama na ninyo ang kapayapaan ng isang batang musmos na walang bahid-dungis nang magsikap kayong tularan si Jesus.
Maaaring dumating iyon nang mabinyagan kayo. Hindi Niya kailangang mabinyagan, dahil Siya ay walang bahid-dungis. Ngunit nang mabinyagan kayo, nadama ninyong nalinis kayo, tulad ng isang batang musmos. Nang mabinyagan Siya, nabuksan ang kalangitan, at narinig Niya ang tinig ng Kanyang Ama sa Langit: “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.”7 Wala kayong narinig na tinig, ngunit nadama ninyo ang pagsang-ayon ng Ama sa Langit sa ginawa ni Jesus.
Nadama na ninyo ito sa inyong pamilya nang humingi kayo ng tawad sa inyong asawa o pinatawad ninyo ang isang anak sa pagkakamali o pagsuway nito. Dadalas ang mga sandaling ito kapag sinikap ninyong gawin ang mga bagay na alam ninyong gagawin ni Jesus. Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala para sa inyo, sa pagsunod ninyong tulad sa isang bata ay madarama ninyo ang pag-ibig ng Tagapagligtas para sa inyo at ang pagmamahal ninyo sa Kanya. Iyan ang isa sa mga kaloob na ipinangako sa Kanyang matatapat na disipulo. At ang kaloob na ito ay darating hindi lamang sa inyo kundi maging sa mapagmahal ninyong mga kapamilya. Ang pangako ay ibinigay sa 3 Nephi: “At lahat ng iyong mga anak ay tuturuan ng Panginoon; at malaki ang magiging kapayapaan ng iyong mga anak.”8
Sana lumabas kayo ngayon na humahanap ng mga pagkakataong gawin ang ginawa Niya at magmahal na katulad Niya. Maipapangako ko sa inyo na ang kapayapaang nadama ninyo noong bata kayo ay mas madalas ninyong madarama at mananatili sa inyo. Totoo ang pangako Niya sa Kanyang mga disipulo: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo.”9
Wala pang perpekto sa atin. Ngunit mapapasaatin tuwina ang katiyakan na papunta na tayo roon. Inaakay Niya tayo, at inaanyayahan tayong sumunod sa Kanya.
Pinatototohanan ko na mararating natin iyon sa pagsampalataya kay Jesucristo, pagpapabinyag, pagtanggap sa Espiritu Santo, at pagtitiis nang may pagmamahal sa pagsunod sa Kanyang mga utos. Pinatototohanan ko na ang Ama ay buhay at mahal Niya tayo. Mahal Niya ang Kanyang Bugtong na Anak, ang Panginoong Jesucristo, na ating sakdal na halimbawa. Si Joseph Smith ang propeta ng Panunumbalik. Nakita niya ang Ama at ang Anak. Alam kong iyan ay totoo. Nasa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kapangyarihan ng priesthood na mag-alay ng mga ordenansang magtutulot sa atin na lalong higit na magpakabuti at maging higit na katulad ng Tagapagligtas at ng ating Ama sa Langit. Iniiwan ko sa inyo ang aking basbas na madama ninyo ang katiyakan at pagsang-ayong nadama ninyo noong bata pa kayo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.