Hangaring Makilala ang Diyos, na Ating Ama sa Langit, at ang Kanyang Anak na si Jesucristo
Ang liwanag ng paniniwala ay nasa inyo, naghihintay na mapukaw at mapalakas ng Espiritu ng Diyos.
Mga kapatid ko, ipinaaabot ko ang pasasalamat sa mga patotoong ibinigay ng buhay na mga propeta tungkol sa Diyos na ating Ama sa Langit, at sa Kanyang Anak na si Jesucristo sa kumperensyang ito.
Ayon sa propesiya, nabubuhay tayo sa panahon kung kailan ang kadiliman ng sekyularismo ay patindi nang patindi sa ating paligid. Ang paniniwala sa Diyos ay malawakang tinututulan at tinutuligsa sa ngalan ng mga layuning pampulitika, panlipunan, at pangrelihiyon. Ang ateismo, o ang doktrina na walang Diyos, ay mabilis na lumalaganap sa buong mundo.
Gayunpaman, bilang mga miyembro ng naipanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, ipinahahayag natin na, “Naniniwala kami sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo.”1
Iniisip ng ilan, bakit napakahalagang maniwala sa Diyos? Bakit sinabi ng Tagapagligtas na, “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo”?2
Kung walang Diyos, ang buhay ay hanggang libingan lamang at walang layunin ang buhay natin sa mundo. Ang pag-unlad at pagsulong ay pansamantala, walang halaga ang tagumpay, walang-saysay ang mga hamon. Walang tiyak na tama at mali at walang moral na responsibilidad na magmalasakit sa isa’t isa bilang mga anak ng Diyos. Sa katunayan, kung walang Diyos walang mortal na buhay o buhay na walang hanggan.
Kung kayo o ang minamahal ninyo ay naghahangad ng layunin sa buhay o ng mas malalim na pananalig sa presensya ng Diyos sa ating buhay, ibinibigay ko, bilang isang kaibigan, ang aking patotoo na Siya ay buhay. Siya ay buhay!
Maaaring itanong ng ilan, paano ko ito malalaman? Alam nating buhay Siya dahil naniniwala tayo sa mga patotoo ng Kanyang mga sinauna at buhay na mga propeta, at nadama natin ang Espiritu ng Diyos na nagpapatunay na totoo ang patotoo ng mga propetang ito.
Mula sa kanilang mga patotoo, na nakatala sa banal na kasulatan, alam natin na “Nilikha [ng Diyos] ang tao, lalaki at babae, ayon sa kanyang sariling larawan at sa kanyang sariling wangis.”3 Maaaring ikagulat ng ilan ang kaalamang kawangis natin ang Diyos. Itinuro ng isang bantog na iskolar ng relihiyon na ang isiping kawangis ng Diyos ang tao ay paglikha ng isang diyus-diyosan at kalapastanganan.4 Subalit sinabi mismo ng Diyos, “Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis.”5
Ang paggamit ng mga salitang natin at atin sa banal na kasulatang ito ay nagtuturo rin sa atin tungkol sa kaugnayan ng Ama at ng Anak. Itinuro pa ng Diyos, “Sa pamamagitan ng aking Bugtong na Anak ay nilalang ko ang mga bagay na ito.”6 Ang Ama at ang Anak ay magkahiwalay at magkaibang mga indibiduwal—tulad din ng sinumang ama at anak. Marahil ito ang isang dahilan kaya ang pangalan ng Diyos sa Hebreo na “Elohim,” ay hindi isahan, kundi maramihan.
Mula sa Bagong Tipan nalaman natin na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay may pisikal na presensya. Nakatayo Sila sa isang lugar sa isang pagkakataon, gaya ng patotoo ng disipulong si Esteban sa Bagong Tipan: “Narito, nakikita kong bukas ang mga langit, at ang Anak ng tao na nakatindig sa kanan ng Dios.”7
Alam din natin na may mga tinig ang Ama at ang Anak. Tulad ng nakatala sa Genesis at Aklat ni Moises, “narinig [nina Eva at Adan] ang tinig ng Panginoong Dios [habang sila ay] lumalakad sa halamanan sa kulimlim ng araw.”8
Alam nating may mukha ang Ama at ang Anak, na nakakatayo Sila, at nakikipag-usap Sila. Ipinahayag ng propetang si Enoc, “Aking nakita ang Panginoon; at siya ay nakatayo sa aking harapan, at siya ay nakipag-usap sa akin, maging gaya ng pakikipag-usap ng tao sa isa’t isa.”9
Alam nating may katawan ang Ama at ang Anak, sa anyo at mga bahaging gaya ng sa atin. Mula sa aklat ni Eter sa Aklat ni Mormon, mababasa natin, “At ang tabing ay naalis sa mga mata ng kapatid ni Jared, at nakita niya ang daliri ng Panginoon; at ito ay tulad ng daliri ng tao, tulad ng laman at dugo.”10 Kalaunan, ipinakita ng Panginoon ang Kanyang sarili, nagsasabing, “Masdan, ang katawang ito, na iyong namamasdan ngayon, ang katawan ng aking espiritu; at … [mag]papakita … ako sa aking mga tao sa laman.”11
Alam natin na may damdamin para sa atin ang Ama at ang Anak. Nakatala sa aklat ni Moises, “At ito ay nangyari na ang Diyos ng langit ay tumingin sa labi ng mga tao, at siya ay nanangis.”12
At alam natin na ang Diyos at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay imortal, niluwalhati, at perpektong mga nilalang. Tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo ay ganito ang sabi ni Propetang Joseph Smith, “Ang kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; ang buhok sa kanyang ulo ay puti gaya ng busilak na niyebe; ang kanyang mukha ay nagniningning nang higit pa sa liwanag ng araw; at ang kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng malalawak na tubig.”13
Walang patotoong higit na mahalaga sa ating panahon maliban sa patotoo ni Joseph Smith. Siya ang propetang pinili para ipanumbalik ang sinaunang Simbahan ni Cristo sa huling pagkakataong ito kung kailan ang ebanghelyo ay mapapasalupa bago bumalik si Jesucristo. Tulad ng lahat ng propeta na nagpasimula ng gawain ng Diyos sa kanilang mga dispensasyon, si Joseph ay binigyan ng lalong malinaw at makapangyarihang propesiya para ihanda ang mundo sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
Bilang 14-na taong gulang na bata, hinangad niyang malaman kung aling simbahan ang kanyang aaniban. At, matapos pagnilayan ang bagay na ito, bumaling siya sa Biblia, kung saan nabasa niya:
“Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi [siya] sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat … ; at ito’y ibibigay sa kaniya.
“Nguni’t humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan.”14
Dahil pinaniwalaan ang mga salitang iyon ng propeta, at may pananampalatayang walang pag-aalinlangan na tulad ng sa isang bata, si Joseph ay nagtungo sa kakahuyan malapit sa kanyang tahanan at doon lumuhod at nanalangin. Kalaunan ay itinala niya:
“Ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo… .
“… Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko.”15
Nakatingin sa dalawang katauhang ito, maging si Joseph ay hindi kilala kung sino Sila—dahil hindi pa niya nasaksihan at nalaman ang tunay na katangian ng Diyos at ni Cristo. Gayunpaman, itinala niya, “ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!”16
Mula sa karanasang iyon at sa iba pa, ang Propetang Joseph ay nagpatotoo, “Ang Ama ay may katawang may laman at mga buto na nahihipo gaya ng sa tao; ang Anak din.”17
Ang mga propeta sa nagdaang mga panahon ay nagbahagi ng ganito ring mga patotoo at patuloy pa rin sa mismong kumperensyang ito. Gayunman bawat isa sa atin ay malayang pumili. Tulad ng nakasaad sa ikalabing-isang saligan ng pananampalataya, “Inaangkin namin ang natatanging karapatang sambahin ang Pinakamakapangyarihang Diyos alinsunod sa mga atas ng aming sariling budhi, at pinahihintulutan ang lahat ng tao ng gayon ding karapatan, hayaan silang sumamba, kung paano, kung saan, kung anuman ang ibig nila.”18
Sa mga bagay na personal na pinaniniwalaan, paano ba natin malalaman kung ano talaga ang totoo?
Nagpapatotoo ako na ang paraan para malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos ay sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo, ang pangatlong miyembro ng Panguluhang Diyos, ay isang personahe ng espiritu. Ang kanyang gawain ay “magpapatotoo sa [Diyos],“19 at “magtuturo sa [atin] ng lahat ng mga bagay.”20
Gayunpaman, dapat tayong mag-ingat na hindi mahadlangan ang Kanyang impluwensiya. Kapag hindi natin ginagawa ang tama o kapag ang ating pananaw ay napapangibabawan ng pagdududa, pangungutya, at kawalang-galang sa iba at sa kanilang mga paniniwala, ang Espiritu ay hindi mapapasaatin. Tayo ay nagiging likas na tao gaya ng inilalarawan ng mga propeta.
“Ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka’t ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagka’t ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu.”21 Itong “likas na tao ay kaaway ng Diyos, … at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, … at maging tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, [at] puno ng pag-ibig.”22
Kung hindi natin bibigyang-daan ang marahang impluwensiya ng Espiritu Santo, tayo ay nanganganib na maging tulad ni Korihor, isang anti-Cristo sa Aklat ni Mormon. Hindi lamang sa hindi siya naniwala sa Diyos, kinutya pa niya ang Tagapagligtas, ang Pagbabayad-sala, at ang diwa ng propesiya, sa pagtuturo ng mali na walang Diyos at walang Cristo.23
Si Korihor ay hindi nakuntento sa pagtanggi sa Diyos at pamumuhay nang tahimik. Pinagtawanan pa niya ang mga naniniwala at iniutos na patunayan ng propetang si Alma sa pamamagitan ng pagpapakita ng palatandaan na may Diyos at may kapangyarihan ang Diyos. Ang tugon ni Alma ay makahulugan ngayon tulad noon: “May sapat ka nang mga palatandaan; tutuksuhin mo ba ang iyong Diyos? Sasabihin mo ba, Magpakita ka sa akin ng palatandaan, bagaman taglay mo ang patotoo ng lahat ng ito na iyong mga kapatid, at gayon din ang lahat ng banal na propeta? Ang mga banal na kasulatan ay nakalahad sa iyong harapan, oo, at ang lahat ng bagay ay nagpapatunay na may Diyos; oo, maging ang mundo, at lahat ng bagay na nasa ibabaw nito, oo, at ang pag-inog nito, oo, at gayon din ang lahat ng planetang gumagalaw sa kanilang karaniwang ayos ay nagpapatunay na may Kataas-taasang Tagapaglikha.”24
Kalaunan ay binigyan si Korihor ng isang palatandaan. Siya ay napipi. “At ngayon iniunat ni Korihor ang kanyang kamay at sumulat, sinasabing: … Nalalaman kong walang bagay maliban sa kapangyarihan ng Diyos ang makagagawa nito sa akin; oo, at noon panalalaman ko nang may Diyos.”25
Mga kapatid, maaaring alam na ninyo, sa kaibuturan ng inyong kaluluwa, na buhay ang Diyos. Maaaring hindi pa ninyo alam ang lahat tungkol sa Kanya at hindi nauunawaan ang lahat ng Kanyang paraan, ngunit ang liwanag ng pananalig ay nasa inyo, naghihintay na mapukaw at mapalakas ng Espiritu ng Diyos at ng Liwanag ni Cristo, na taglay ninyo nang isilang kayo.
Kaya halina. Maniwala sa mga patotoo ng mga propeta. Matuto tungkol sa Diyos at kay Cristo. Ang huwaran para magawa ito ay maliwanag na itinuro ng mga sinaunang propeta at mga propeta ngayon.
Magkaroon ng masigasig na hangarin na malaman na buhay ang Diyos.
Ang hangaring ito ay aakay sa atin na pag-isipang mabuti ang mga bagay ng langit—hayaang maantig ang ating puso ng mga katibayan ng Diyos na nasa ating paligid.
Taglay ang pinalambot na puso handa tayong pakinggan ang panawagan ng Tagapagligtas na “saliksikin ninyo ang mga kasulatan”26 at mapagpakumbabang matuto mula sa mga ito.
Pagkatapos ay handa na tayong magtanong nang may matapat na puso sa ating Ama sa Langit, sa pangalan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, kung ang mga natutuhan natin ay totoo. Karamihan sa atin ay hindi makikita ang Diyos gaya ng mga propeta, ngunit ang marahan at banayad na paramdam ng Espiritu—ang mga kaisipan at damdaming dulot ng Espiritu Santo sa ating mga isipan at puso—ay magbibigay sa atin ng hindi maikakailang kaalaman na Siya ay buhay at mahal Niya tayo.
Ang pagtatamo ng kaalamang ito ang pinakamataas na hangarin ng lahat ng anak ng Diyos dito sa lupa. Kung hindi ninyo maalalang maniwala sa Diyos, o kung hindi na kayo naniniwala, o naniniwala ngunit hindi tunay na nananalig, inaanyayahan ko kayo na hangaring magkaroon ng patotoo sa Diyos ngayon. Huwag matakot sa pangungutya. Magiging makabuluhan magpakailanman ang inyong pagsisikap dahil sa lakas at kapayapaang nagmumula sa pagkilala sa Diyos at dahil kasama ninyo ang Kanyang mapang-aliw na Espiritu.
Bukod pa rito, dahil sa inyong sariling patotoo sa Diyos, mapagpapala ninyo ang inyong pamilya, inyong angkan, inyong mga kaibigan—lahat ng inyong minamahal. Ang inyong sariling kaalaman tungkol sa Diyos ay hindi lamang ang pinakadakilang handog na inyong maibibigay; magdudulot pa ito ng pinakamalaking kagalakan na inyong makakamtan magpakailanman.
Bilang natatanging saksi ng Bugtong na Anak ng ating mapagmahal na Ama sa Langit, maging si Jesucristo, nagpapatotoo ako na buhay ang Diyos. Alam kong buhay Siya. Nangangako ako na kung kayo ng inyong mga mahal sa buhay ay hahangarin Siya nang buong pagpapakumbaba, katapatan, at pagsusumikap, malalaman din ninyo ito nang may katiyakan. Darating ang patotoo sa inyo. At ang mga pagpapala na makilala ang Diyos ay mapapasainyo at sa inyong pamilya magpakailanman. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.