Biniyayaan ang mga Miyembro Dahil sa Pananampalataya sa Pagharap sa mga Kalamidad
Ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Samoan Islands, na dumanas ng malaking pinsalang dulot ng isang lindol at kasunod na tsunami, ay pansamantalang isinantabi ang mga temporal na alalahanin nila o ng pamilya upang matugunan ang espirituwal na pangangailangan sa pangkalahatang kumperensya.
Isang lindol na may lakas na 8.0 ang tumama mga 120 milya (190 km) sa timog-silangang bahagi ng Apia, Samoa, noong Setyembre 29, 2009—ilang araw lamang bago sumapit ang pangkalahatang kumperensya. Ang lindol at ang kasunod na tsunami—na may apat na alon na mga 15 talampakan (5 m) ang taas—ay pumatay ng mahigit 180 katao sa Pacific, maliban sa 9 sa kanila, lahat ay nasa Samoan Islands.
Sa kabila ng kalamidad, na nag-iwan ng di kukulangin sa 26 na miyembro ng Simbahan na nangamatay, at kasunod na pagsisikap upang muling makabangon, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay pinagpalang maigi sa pag-uukol ng panahon upang makibahagi sa pangkalahatang kumperensya sa pamamagitan ng radyo, telebisyon, o satellite.
Sinabi ni Eni F. H. Faleomavaega, miyembro ng Simbahan na naglilingkod bilang delegado sa United States Congress mula sa U.S. territory ng American Samoa, na ang mga Banal ay humugot ng lakas sa pakikibahagi sa kumperensya sa gitna ng krisis. “May diwa ng katiyakan sa pakikinig sa propeta … kapag nakabingit sa kamatayan,” sabi niya.
Ang kakayahan ng mga miyembrong tanggapin, sa sarili nilang wika, ang katiyakang iyon mula sa mga makabagong propeta ay pinasalamatan nang malaki sa isang grupo ng mga tagapagsalin na nangawalan din sa panahon ng kalamidad.
Dahil naatasang magsagawa ng live interpretation mula sa mga isla sa halip na mula sa Salt Lake City sa kauna-unahang pagkakataon, kinailangang magpasiya ang translation team matapos tumama ang kalamidad. Maaari sanang ipaubaya na lang ng team ang interpretation o pagsasaling-wika sa Salt Lake City upang matugunan ang pangangailangan ng mga kaibigan at pamilyang naapektuhan ng lindol, o kaya’y gamnapan ang tungkuling inatas sa kanila.
Sinabi ni Aliitasi Talataina, ang translation supervisor at interpretation coordinator, na nadama niya na may makatutugon sa mga pisikal na pangangailangan ng mga tao o makapaglilibing sa mga namatay ngunit “ito ang nais ng Panginoon na gawin namin [para] sa mga nabubuhay at susunod na mga henerasyon.”
Dahil isang disaster management team ang namahala sa service center kung saan nakalagay ang interpretation equipment, kinailangang humanap ang team ng isang pasilidad na may mga linya ng digital telephone at iba pang kagamitang teknikal na kailangan upang magawa ang sabayang pagsasalin sa malayong lugar.
Sinabi ni Sister Talataina na ang pananampalataya ng team ay tulad ng kay Nephi dahil sinabi nilang, “Kahit kailangan nating gawin ito sa lilim ng isang puno, hahayo tayo at gagawin ito” (tingnan sa 1 Nephi 3:7).
Sa tulong ng Panginoon ay nakahanap sila ng lugar, at inilipat ang kailangang kagamitan, nai-set up, at sinubukan ilang araw bago sumapit ang kumperensya.
“Nadama namin ang kamay ng Panginoon sa pagsasagawa ng ipinag-utos sa amin,” sabi ni Sister Talataina.
Dahil sa pagsisikap ng team o grupo, nang magsimula ang kumperensya, ang mga miyembrong nag-ukol ng panahon mula sa malawakang paglilinis upang makilahok sa kumperensya ay nakapakinig at naunawaan ang mensahe ng Panginoon para sa kanila.