2009
Pagiging Mas Makapangyarihang mga Mayhawak ng Priesthood
Nobyémbre 2009


Pagiging Mas Makapangyarihang mga Mayhawak ng Priesthood

Maaari tayong maging mas mabisa sa pagpapala sa buhay ng mga anak ng ating Ama sa Langit, mas mabisa sa paglilingkod sa iba.

Elder Walter F. González

Maraming taon na ang nakararaan isang grupo ng mga karapat-dapat na mayhawak ng priesthood ang nagturo nang may malaking kapangyarihan at awtoridad. Ang isa sa kanila ay lubhang makapangyarihan kaya imposibleng hindi paniwalaan ang mga sinasabi niya.1 Tinulungan ng mga mayhawak ng priesthood na ito ang mga tao na matutuhan ang tungkol sa Tagapagligtas at Kanyang doktrina at matagpuan ang kaligayahan. Ang kanilang mga turo at halimbawa ay nagbigay-daan para magkaroon ng malaking pagbabago sa puso ng mga tao. Nalaman natin na libu-libo ang naakay nilang magpabinyag at gumawa ng mga tipan na magtitiis hanggang wakas.2 Ang tinutukoy ko ay ang mga misyonero sa Aklat ni Mormon na makapangyarihang mga mayhawak ng priesthood.

Marami tayong matututuhan sa mga anak na ito ni Lehi. Sa pagtulad sa ginawa nila, maaari tayong maging mas makapangyarihan sa pagpapala sa buhay ng mga anak ng ating Ama sa Langit, mas makapangyarihan sa paglilingkod sa iba, sa pagsagip sa iba, at sa pagiging lalong katulad ni Cristo.

Itinuro sa atin ni Nakababatang Alma ang isa sa mga bagay na ginawa nila para maging lubos na matagumpay: ginamit nila ang mga talaang pinagmulan ng Aklat ni Mormon. Nang ibigay niya ang talaan na kalaunan ay magiging Aklat ni Mormon sa kanyang anak na si Helaman, itinuro niya na kung hindi dahil sa mga laminang ito, “hindi sana napaniwala ni Ammon at ng kanyang mga kapatid ang napakaraming libu-libo … ; oo, ang mga talaang ito at ang mga salita nito ang nagdala sa kanila sa pagsisisi.”3

Ipinakita ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng mga lamina sa pagtupad sa isang layunin, “maging sa pagpapanumbalik sa maraming libu-libo … sa kaalaman ng katotohanan.” Pagkatapos ay nagpropesiya si Alma na ang Diyos ay “ipakikita [pa rin] ang kanyang kapangyarihan sa kanila hanggang sa mga darating na salinlahi.”4 Sa gayon, ang mga talaang ito ay iningatan at kayo at ako ay bahagi ng darating na mga henerasyon. Tulad noong unang panahon, maaari tayong maging mas makapangyarihang mayhawak ng priesthood sa pamamagitan ng paggamit ng Aklat ni Mormon.

Ang proseso ng paghahayag sa Aklat ni Mormon ay hindi maihahambing sa anumang akda ng sinumang awtor sa kasaysayan ng tao. Masasabi natin na ito ay isang aklat na ginabayan at pinrotektahan ng mismong daliri ng ating Diyos. Nang bumisita Siya sa sinaunang Amerika, inutusan ng Panginoon si Nephi na dalhin ang mga talaang itinatago nila at iharap ito sa Kanya. Pagkatapos ay tiningnan ni Jesus ang mga ito at iniutos na idagdag ang ilang pangyayari at talata.5 “At … winika [ng Tagapagligtas]: Ang mga banal na kasulatang ito, na wala sa inyo, ay iniutos ng Ama na ibigay ko sa inyo; sapagkat karunungan sa kanya na nararapat ibigay ang mga ito sa mga darating na salinlahi.”6 Walang hanggan ang pasasalamat ko na kabilang ako sa darating na mga henerasyong iyon. Ako ay miyembro ng Simbahan ngayon salamat sa Aklat ni Mormon. Hinding-hindi ko malilimutan ang damdamin ko nang mabasa ko ang sagradong aklat na ito sa unang pagkakataon sa Uruguay noong bata pa ako. Hindi ko kinailangang basahing lahat ang 1 Nephi para makaranas ng malaking galak na mahirap ipaliwanag. Para iyong aklat na puspos ng Espiritu ng Panginoon at nadama kong mas napalapit ako sa Diyos.

Ang karanasang ito ay nagdagdag ng kahulugan sa pahayag ni Propetang Joseph Smith tungkol sa aklat na ito nang sabihin niyang “ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.”7 Kinikilala ko rin ang kaugnayan ng pangako ni Pangulong Thomas S. Monson nang sabihin niyang “kapag binasa natin ang Aklat ni Mormon at iba pang mga pamantayang aklat, kapag sinubukan natin ang mga turo nito, malalaman natin ang doktrina, dahil ito ang pangako sa atin; malalaman natin kung gawa ito ng tao o ng Diyos.”8

Ang mga pangakong ito ay nagbibigay-galak sa atin ngayon at sa ating hinaharap. Nang magkaroon ako ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon, ang natural na damdaming sumunod ay hangaring ipamuhay ang mga turo ng aklat sa pamamagitan ng pakikipagtipan. Nakipagtipan ako nang mabinyagan at makumpirma akong miyembro ng Simbahan. Ang mga tipang ito na ginawa sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood, pati na ang kaalamang natamo mula sa Aklat ni Mormon, ang nagpabago sa buhay ko.

Hindi kataka-taka na sa pagdalaw ng Tagapagligtas sa sinaunang Amerika, maliban sa pagtuturo ng doktrina, binigyan Niya si Nephi at ang iba pa ng kapangyarihang magbinyag.9 Sa madaling salita, magkasama ang doktrina at mga ordenansa. Ang ganap na pamumuhay sa mga turo ng Aklat ni Mormon ay nangangailangan ng mga ordenansa ng priesthood kasama ang mga tipang kaugnay nito.

May mga aklat na inilalabas sa pamilihan at kaagad nagiging mabenta. Kung minsan lubhang kawili-wili ang mga ito kaya sabik na naghihintay ang mga tao sa paglabas nito. Tila kahit saan ay mabibili ang gayong mga aklat at makikita ninyong binabasa ang mga ito ng mga tao sa lahat ng dako. Ang Diyos, sa Kanyang walang hanggang karunungan, ay inireserba ang Aklat ni Mormon para sa ating kapakanan. Hindi nito layuning maging mabenta. Gayunman, magagawa nating pinakamagandang basahin at pinakamagandang ipamuhay ang sagradong aklat na ito sa ating buhay. Magmumungkahi ako ng tatlong aktibidad na makakatulong sa atin na gawing pinakamagandang basahin at ipamuhay ang Aklat ni Mormon, na magbibigay sa atin ng kakayahang maging mga mas makapangyarihang mayhawak ng priesthood na katulad noong unang panahon.

Una, magpakabusog sa mga salita ni Cristo. Basahin natin ang Aklat ni Mormon upang “magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.”10 Ang pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo ay kakaibang karanasan. Kapag binabasa at hinahanap natin ang mga alituntunin at doktrinang tutulong sa ating pang-araw-araw na buhay, magkakaroon tayo ng panibagong sigla. Halimbawa, kapag nahaharap ang bagong henerasyon sa mga hamon sa pakikisama sa mga kabarkada, mababasa natin ang aklat na ang tanging hinahanap ay mga turong tutulong sa kanila sa ganitong hamon. Mababasa natin ang isa sa mga turong iyon mula sa karanasan ni Lemuel. Gumawa ng ilang maling pasiya si Lemuel dahil napilit siya ni Laman.11 Hindi niya ginawa ang tama dahil “hindi [niya] nalalaman ang mga pakikitungo ng Diyos na siyang lumikha sa kanila.”12 Ang isang alituntuning makukuha natin sa pangyayaring ito ay tutulungan tayo ng pag-aaral ng doktrina na malaman kung paano makitungo ang Diyos sa atin para alam natin ang gagawin kapag namimilit ang barkada. Mas maraming turo at halimbawa ang Aklat ni Mormon tungkol sa paksang ito at tayo ang mga henerasyong maaaring makinabang mula sa mga turo ng aklat na ito.

Ikalawa, ipamuhay ang lahat ng natututuhan natin tungkol kay Cristo. Ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon at paghahanap ng mga katangian ni Cristo ay isang maganda at nagpapasiglang karanasan. Halimbawa, naunawaan ng kapatid ni Jared na ang Panginoon ang Diyos ng katotohanan, samakatwid ay hindi Siya magsisinungaling.13 Kaylaking pag-asa ang hatid ng katangiang ito sa aking kaluluwa! Lahat ng pangako sa Aklat ni Mormon at mga pangakong ibinigay ng mga buhay na propeta ngayon ay matutupad dahil Siya ang Diyos at hindi magsisinungaling. Kahit sa magulong panahong ito, alam natin na magiging maayos ang mga bagay-bagay kung susundin natin ang mga turong natutuhan natin sa Aklat ni Mormon at sa mga buhay na propeta. Kapag nalaman natin ang isang katangian ni Cristo, tulad ng nalaman ng kapatid ni Jared, dapat nating sikaping isagawa ito sa ating sariling buhay. Tutulungan tayo nitong maging mas makapangyarihang mayhawak ng priesthood.

Ikatlo, ituro ang doktrina at mga alituntuning nasa mga sagradong pahina ng Aklat ni Mormon. Matuturuan natin ang sinuman mula sa aklat na ito. Naiisip ba ninyo ang karagdagang “nakapanghihikayat na kapangyarihan ng Diyos”14 kapag binanggit, binasa, o sauladong inulit ng mga misyonero at kapamilya ang mismong mga salita sa aklat?

Naaalala ko ang mga misyonero sa isang mission sa Ecuador na gumamit ng Aklat ni Mormon sa lahat ng kanilang gawain. Dahil sa kanila, libu-libo ang nakadama ng malaking pagbabago ng puso at nagpasiyang makipagtipan sa pamamagitan ng mga sagradong ordenansa ng priesthood. Ang Aklat ni Mormon ay isang ginintuang kasangkapan sa paghahanap at pagtuturo sa matatapat na naghahangad ng katotohanan at sa pagsagip sa marami nating mga kapatid pabalik sa pagiging aktibo sa ebanghelyo.

Alam ko na mapapatibay ang mga pamilya sa pagsasabuhay ng mga turo ng kahanga-hangang aklat na ito. Marami sa ating mga anak ang maliligtas dahil maaalala nila, tulad ni Enos, ang mga salitang madalas niyang marinig sa kanyang ama tungkol sa buhay na walang hanggan, at dahil dito, nalaman niyang pinatawad ang kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo.15

Kayo at ako, bilang bahagi ng binanggit na darating na mga henerasyong iyon, ay maaaring maging mas makapangyarihang mga mayhawak ng priesthood sa paggamit ng Aklat ni Mormon at paggalang sa ating mga tipan ng priesthood. Ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo kay Jesucristo, na Siya ko ring pinatototohanan, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Tingnan sa 3 Nephi 7:18.

  2. Tingnan sa Alma 23:5–6.

  3. Alma 37:9.

  4. Alma 37:19.

  5. Tingnan sa 3 Nephi 23:6–14.

  6. 3 Nephi 26:2.

  7. Pambungad sa Aklat ni Mormon.

  8. Thomas S. Monson, “Decisions Determine Destiny,” New Era, Nob. 1979, 5.

  9. Tingnan sa 3 Nephi 11:18–22.

  10. 2 Nephi 32:3.

  11. Tingnan sa 1 Nephi 3:28.

  12. 1 Nephi 2:12.

  13. Tingnan sa Eter 3:12.

  14. 3 Nephi 28:29.

  15. Tingnan sa Enos 1:3–5, 10.