Magsihingi, Magsihanap, Magsituktok
Bawat Banal sa mga Huling Araw ay maaaring tumanggap ng personal na paghahayag.
Pinakamamahal kong mga kapatid, labis akong nagpapasalamat sa bawat isa sa inyo. Nagpapasalamat din ako sa himala ng makabagong komunikasyon na naghahatid sa kumperensyang ito sa milyun-milyong tao sa buong mundo.
Itinutulot din ng teknolohiya ngayon na gumamit tayo ng mga wireless na telepono para mabilis ang palitan ng impormasyon. Kamakailan nasa isa pang kontinente kami ni Wendy para sa isang asaynment nang malaman namin na may bagong sanggol na isinilang sa aming pamilya. Natanggap namin ang magandang balita ilang minuto matapos ang pagsilang na nangyari sa kabilang panig ng mundo.
Higit pang kamangha-mangha kaysa makabagong teknolohiya ang pagkakataon nating makakuha ng impormasyong direktang nagmumula sa langit, nang walang hardware, software, o buwanang bayad sa serbisyo. Isa ito sa mga pinaka-kagila-gilalas na kaloob na bigay ng Panginoon sa mga tao. Bukas-palad Siyang nag-aanyaya na “magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan.”1
Ang walang pagbabagong alok na ito na magbigay ng personal na paghahayag ay ipinaaabot sa lahat ng Kanyang mga anak. Parang mahirap itong paniwalaan. Pero totoo ito! Nakatanggap ako at nakatugon sa tulong na iyan ng langit. At natutuhan ko na kailangan ay lagi akong handang tanggapin iyon.
Ilang taon na ang nakalilipas, habang subsob sa paghahanda ng mensahe para sa pangkalahatang kumperensya, nagising ako mula sa mahimbing na pagtulog nang may pumasok na ideya sa isipan ko. Agad akong kumuha ng papel at lapis sa tabi ng kama ko at mabilis na nagsulat sa abot-kaya ko. Natulog akong muli, batid na naisulat ko ang napakagandang ideyang iyon. Kinaumagahan tiningnan ko ang kapirasong papel na iyon, at laking hinayang ko nang matuklasan kong hindi ko mabasa ang isinulat ko! May lapis at papel pa rin ako sa tabi ng kama ko, pero mas maayos na akong magsulat ngayon.
Para makakuha ng impormasyon mula sa langit, dapat munang magkaroon ng matibay na pananampalataya at matinding hangarin ang isang tao. Dapat siyang “[magtanong] nang may matapat na puso [at] may tunay na layunin, na may pananampalataya kay [Jesu]cristo.”2 Ang ibig sabihin ng “tunay na layunin” ay talagang layon ng isang tao na sundin ang ipagbibilin ng langit.
Ang susunod na kailangang gawin ay masigasig na pag-aralan ang bagay na iyon. Ang konseptong ito ay itinuro sa mga lider ng ipinanumbalik na Simbahang ito noong natututo pa lang silang tumanggap ng personal na paghahayag. Pinagbilinan sila ng Panginoon, “Sinasabi ko sa iyo, na kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama, at kung ito ay tama aking papapangyarihin na ang iyong dibdib ay mag-alab; samakatwid, madarama mo na ito ay tama.”3
Bahagi ng pagiging handa ang malaman at sundin ang mahahalagang turo ng Panginoon. Ilan sa Kanyang walang pagbabagong katotohanan ang angkop sa lahat, tulad ng mga utos na huwag magnakaw, huwag pumatay, at huwag magbintang. Ang iba pang mga turo o utos ay para din sa lahat, tulad ng mga patungkol sa Sabbath, sacrament, binyag, at kumpirmasyon.
May ilang paghahayag na ibinigay para sa mga kakaibang sitwasyon, tulad ng paggawa ni Noe ng arka o ng pangangailangan ng mga propetang gaya nina Moises, Lehi, at Brigham na pamunuan ang kanilang mga tagasunod sa mahirap na paglalakbay. Ang huwarang matagal nang itinakda ng Diyos sa pagtuturo sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng mga propeta ay tinitiyak sa atin na pagpapalain Niya ang bawat propeta at pagpapalain Niya ang mga nakikinig sa mga payo ng propeta.
Ang hangaring sundin ang propeta ay nangangailangan ng malaking pagsisikap dahil kakaunti ang nalalaman ng likas na tao tungkol sa Diyos at lalo na sa Kanyang propeta. Isinulat ni Pablo na “ang taong ayon sa laman ay hindi [tumatanggap] ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka’t ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagka’t ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu.”4 Ang pagbabago mula sa pagiging likas na tao tungo sa pagiging tapat na disipulo ay malaking pagbabago.5
Itinuro ng isa pang propeta na “ang likas na tao ay kaaway ng Diyos, at naging gayon mula pa sa pagkahulog ni Adan, at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon, at maging tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa kanya, maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama.”6
Kamakailan nakita ko ang gayon kalaking pagbabago sa isang lalaking una kong nakilala mga 10 taon na ang nakalipas. Dumalo siya sa kumprensya ng stake kung saan sinang-ayunan ang kanyang anak bilang miyembro ng bagong stake presidency. Hindi miyembro ng Simbahan ang amang ito. Matapos maitalaga ang kanyang anak, inakbayan ko ang tatay na ito at pinuri siya sa pagkakaroon ng gayon kabuting anak. Pagkatapos ay buong tapang kong sinabi: “Darating ang araw na gugustuhin mong mabuklod ang anak mong ito sa inyong mag-asawa sa banal na templo. At pagdating ng araw na iyon, karangalan kong isagawa ang pagbubuklod na iyon para sa inyo.”
Sa sumunod na sampung taon, hindi ko nakita ang taong ito. Anim na linggo na ang nakararaan nagpunta silang mag-asawa sa opisina ko. Masigla niya akong binati at ikinuwento kung paano siya nagulat nang anyayahan ko siya noon. Hindi niya gaanong pinansin iyon hanggang kalaunan, nang magkaproblema na siya sa pandinig. Nagising siya sa katotohanan na nagbabago ang kanyang katawan at talagang maikli ang buhay niya sa lupa. Dumating ang panahon na tuluyan na siyang hindi nakarinig. Sa panahon ding iyon, naniwala na siya at sumapi sa Simbahan.
Nang magkausap kami ibinuod niya ang kanyang ganap na pagbabago: “Kinailangan ko pang mabingi bago ko pakinggan ang napakahalagang mensahe mo. At nalaman ko kung gaano ko kagustong mabuklod sa akin ang mga mahal ko sa buhay. Karapat-dapat at handa na ako ngayon. Maaari bang ikaw na ang magbuklod sa amin?”7 Ginawa ko nga ito nang may malaking pasasalamat sa Diyos.
Matapos maganap ang gayong pagbabago, maaaring magkaroon pa ng ibang espirituwal na pagpapadalisay. Ang personal na paghahayag ay maaaring pag-ibayuhin para sa espirituwal na paghiwatig. Ang ibig sabihin ng paghiwatig ay salain, ibukod, o tukuyin ang kaibhan.8 Ang kaloob na espirituwal na paghiwatig ay nagmula sa langit.9 Tinutulutan nito ang mga miyembro ng Simbahan na makita ang mga bagay na hindi nakikita at madama ang mga bagay na hindi nahahawakan.
May karapatan ang mga bishop sa kaloob na iyon sa pagharap nila sa gawain ng pagkalinga sa mga maralita at pangangalaga sa nangangailangan. Sa kaloob na iyan, makikita ng kababaihan ang mga kalakaran sa mundo at matutukoy ang mga mababaw o mapanganib, gaano man ito katanyag. Mahihiwatigan ng mga miyembro ang kaibhan ng mga ideyang marangya at madaling maglaho at ng mga pagpapadalisay na nagpapasigla at tumatagal.
Ang paghiwatig ay nakapaloob sa mahalagang tagubilin ni Pangulong John Taylor noong araw.10 Itinuro niya sa mga stake president, bishop, at iba pa: “Karapatan ng mga may hawak [ng mga posisyong ito] na kamtin ang salita ng Diyos patungkol sa mga tungkulin nila sa kanilang mga panguluhan nang sa gayo’y higit nilang maisakatuparan ang Kanyang mga banal na layunin. Wala ni isa man sa mga tungkulin o posisyon sa priesthood ang nilayon upang makinabang, suwelduhan at pasikatin ang mga may hawak nito, kundi partikular itong ibinibigay upang isakatuparan ang mga layunin ng ating Ama sa Langit at itayo ang Kaharian ng Diyos sa lupa… . Tayo … ay naghahangad na unawain ang kalooban ng Diyos, at pagkatapos ay gawin ito; at tiyakin na isinasagawa ito ng mga taong nasa ating pananagutan.”11
Para makatanggap ang bawat isa sa inyo ng paghahayag na akma sa sarili ninyong mga pangangailangan at responsibilidad, may ilang tuntuning dapat mamayani. Inuutusan kayo ng Panginoon na magkaroon ng “pananampalataya, pag-asa, pag-ibig sa kapwa-tao at pagmamahal, na may matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos.” At sa inyong matibay na “pananampalataya, karangalan, kaalaman, kahinahunan, tiyaga, kabaitang pangkapatid, kabanalan, pag-ibig sa kapwa-tao, kababaang -loob, [at] sigasig,” maaari kayong magsihingi, at kayo’y tatanggap; maaari kayong magsituktok, at kayo ay pagbubuksan.12
Ang paghahayag mula sa Diyos ay laging akma sa Kanyang walang hanggang batas. Hindi nito sinasalungat ang Kanyang doktrina kailanman. Tinutulungan ito ng wastong pagpipitagan sa Diyos. Ibinigay ng Panginoon ang tagubiling ito:
“Ako, ang Panginoon, ay maawain at mapagmahal sa mga yaong may takot sa akin, at nagagalak na parangalan yaong mga naglilingkod sa akin sa kabutihan at sa katotohanan hanggang sa katapusan.
“Dakila ang kanilang gantimpala at walang hanggan ang kanilang kaluwalhatian.
“… Sa kanila aking ipahahayag ang lahat ng hiwaga [at ang] … aking kalooban hinggil sa lahat ng bagay na nauukol sa aking kaharian.”13
Ang paghahayag ay hindi kailangang dumating lahat nang sabay-sabay. Maaaring paunti-unti ito. “Ganito ang wika ng Panginoong Diyos: Magbibigay ako sa mga anak ng tao ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon; at pinagpala ang mga yaong nakikinig sa aking mga tuntunin, at ipahiram ang tainga sa aking mga payo, sapagkat matututo sila ng karunungan; sapagkat siya na tumatanggap ay bibigyan ko pa ng karagdagan.”14 Ang tiyaga at kasigasigan ay bahagi ng ating walang hanggang pag-unlad.
Inilarawan ng mga propeta ang nadama nila habang tumatanggap ng paghahayag. Iniulat nina Joseph Smith at Oliver Cowdery na “ang tabing ay inalis mula sa aming mga isipan, at ang mata ng aming pang-unawa ay nabuksan.”15 Isinulat ni Pangulong Joseph F. Smith: “Habang aking pinagbubulay-bulay ang mga bagay na ito na nasusulat, ang mga mata ng aking pang-unawa ay nabuksan, at ang Espritu ng Panginoon ay nanahan sa akin.”16
Bawat Banal sa mga Huling Araw ay maaaring maging marapat sa personal na paghahayag. Ang paanyayang magsihingi, magsihanap, at magsituktok para sa tagubilin ng langit ay umiiral dahil ang Diyos ay buhay at si Jesus ang buhay na Cristo. Umiiral ito dahil ito ang Kanyang buhay na Simbahan.17 At mapalad tayo ngayon dahil si Pangulong Thomas S. Monson ang Kanyang buhay na propeta. Nawa’y makinig at tumalima tayo sa kanyang payo bilang propeta ang dalangin ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.