2009
Mas Masigasig at Mapagmalasakit sa Tahanan
Nobyémbre 2009


Mas Masigasig at Mapagmalasakit sa Tahanan

Tayo ay magiging mas masigasig at mapagmalasakit sa tahanan kapag mas tapat nating pinag-aralan, ipinamuhay, at minahal ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.

Elder David A. Bednar

Noong 1833 tumanggap si Propetang Joseph Smith ng isang paghahayag na naglalaman ng matinding galit sa ilang namumunong kapatid sa Simbahan na isaayos ang kanilang mga pamilya (tingnan sa D at T 93:40–50). Isang natatanging grupo ng mga salita mula paghahayag na ito ang tema ng aking mensahe—“mas masigasig at mapagmalasakit sa tahanan” (talata 50). Magmumungkahi ako ng tatlong paraan para maging mas masigasig at mapagmalasakit tayong lahat sa ating tahanan. Inaanyayahan ko kayong makinig gamit ang inyong mga tainga at damhin ito sa puso ninyo, at dalangin ko na mapasaating lahat ang Espiritu ng Panginoon.

Unang Mungkahi: Magpahayag ng Pagmamahal—at Ipakita Ito

Makapagsisimula tayong maging mas masigasig at mapagmalasakit sa tahanan sa pagsasabi sa mga taong mahal natin na mahal natin sila. Ang gayong mga pahayag ay hindi kailangang maging mabulaklak o mahaba. Gawin lang nating taos at madalas ang pagpapahayag ng pagmamahal.

Mga kapatid, kailan ba ninyo huling niyakap at sinabihan ang inyong walang hanggang kabiyak ng, “Mahal kita”? Mga magulang, kailan kayo huling nagpahayag ng taos na pagmamahal sa inyong mga anak? Mga bata, kailan ninyo huling sinabi sa mga magulang ninyo na mahal ninyo sila?

Alam na nating lahat na dapat nating sabihin sa mga taong mahal natin na mahal natin sila. Ngunit ang alam natin ay hindi laging nakikita sa ating ginagawa. Maaaring hindi tayo nakatitiyak, asiwa tayo, o siguro medyo nahihiya tayo.

Bilang mga disipulo ng Tagapagligtas, hindi lamang natin sinisikap dagdagan ang alam natin; bagkus, kailangan ay palagian nating mas gawin ang alam nating tama at magpakabuti pa.

Dapat nating tandaan na ang pagsasabi ng “Mahal kita” ay simula lamang. Kailangan nating sabihin ito, gawing taos ito, at higit sa lahat ay laging ipakita ito. Kailangan nating kapwa ipahayag at ipakita ang pagmamahal.

Ipinayo kamakailan ni Pangulong Thomas S. Monson: “Madalas akala natin na dapat ay alam [ng mga tao sa ating paligid] na mahal natin sila. Ngunit huwag na huwag nating ipagpalagay na ganito; dapat nating ipaalam ito sa kanila… . Hindi natin kailanman panghihinayangan ang magigiliw na salitang sinabi o ang ipinakitang pagmamahal. Sa halip, makadarama tayo ng panghihinayang kung hindi natin nagawa ang mga bagay na ito sa mga taong pinakamahalaga sa atin” ( “Pagkakaroon ng Kagalakan sa Paglalakbay,” Liahona, Nob. 2008, 85–86).

Kung minsan sa isang mensahe o patotoo sa sacrament meeting, naririnig natin ang ganito: “Alam ko na hindi ko madalas sabihin sa asawa ko kung gaano ko siya kamahal. Ngayon gusto kong malaman niya, ng mga anak ko, at ninyong lahat na mahal ko siya.”

Ang gayong pagpapahayag ng pagmamahal ay maaaring angkop. Ngunit kapag naririnig ko ang ganitong pahayag, napapahiya ako at tahimik kong sinasabi na hindi dapat marinig ng asawa’t mga anak ang mukhang bibihira at pribadong komunikasyong ito nang hayagan sa simbahan! Sana’y naririnig nga ng mga anak ang pagpapahayag at pagpapakita ng pagmamahalan ng kanilang mga magulang sa araw-araw nilang buhay. Gayunman, kung ang hayagang pahayag ng pagmamahal sa simbahan ay medyo nakakagulat sa asawa o mga anak, ibig sabihin talagang kailangang maging mas masigasig at mapagmalasakit sa tahanan.

Ang kaugnayan ng pagmamahal at angkop na pagkilos ay paulit-ulit na ipinamalas sa mga banal na kasulatan at binigyang-diin sa tagubilin ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol: “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15). Kung paano tayo nagpapakita ng pagmamahal sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga yapak (tingnan sa Deuteronomio 19:9), sa gayon ding paraan mababanaag ang pagmamahal natin sa ating asawa, mga magulang, at mga anak sa ating isipan, salita, at gawa (tingnan sa Mosias 4:30).

Ang madama ang katiwasayan at di-nagbabagong pagmamahal ng asawa, magulang, o anak ay malaking pagpapala. Ang gayong pagmamahal ay nangangalaga at nagtataguyod sa pananampalataya sa Diyos. Ang gayong pagmamahal ay pinagmumulan ng lakas at pumapawi ng takot (tingnan sa I Juan 4:18). Gayong pagmamahal ang hangad ng bawat kaluluwa.

Magiging mas masigasig at mapagmalasakit tayo sa tahanan kapag nagpahayag tayo ng pagmamahal—at patuloy itong ipinakita.

Ikalawang Mungkahi: Magbahagi ng patotoo—at Ipamuhay Ito

Magiging mas masigasig at mapagmalasakit tayo sa tahanan sa pagbabahagi ng patotoo sa mga mahal natin tungkol sa mga bagay na alam nating totoo ayon sa pagsaksi ng Espiritu Santo. Ang pagbabahagi ng patotoo ay hindi kailangang mahaba o mahusay na pananalita. At hindi natin kailangang hintayin ang unang Linggo ng buwan para patotohanan ang mga bagay na totoo. Sa apat na sulok ng ating sariling tahanan, maaari at dapat tayong magbahagi ng dalisay na patotoo tungkol sa kabanalan at katunayan ng Ama at ng Anak, sa dakilang plano ng kaligayahan, at sa Panunumbalik.

Mga kapatid, kailan kayo huling nagbahagi ng patotoo sa inyong walang hanggang kabiyak? Mga magulang, kailangan kayo huling nagpahayag ng patotoo sa inyong mga anak tungkol sa mga bagay na alam ninyong totoo? At mga bata, kailan kayo huling nagbahagi ng patotoo sa inyong mga magulang at pamilya?

Alam na ng bawat isa sa atin na dapat tayong magpatotoo sa mga taong pinakamamahal natin. Ngunit ang alam natin ay hindi laging nakikita sa ating ginagawa. Maaaring hindi tayo nakatitiyak, asiwa tayo, o siguro medyo nahihiya tayo.

Bilang mga disipulo ng Tagapagligtas, hindi lamang natin sinisikap dagdagan ang alam natin; bagkus, kailangan ay palagian nating mas gawin ang alam nating tama at magpakabuti pa.

Dapat nating tandaan na ang pagbibigay ng taos-pusong patotoo ay simula lamang. Kailangan nating magbahagi ng patotoo, gawing taos ito, at higit sa lahat ay laging ipamuhay ito. Kailangan nating kapwa ipahayag at ipamuhay ang ating patotoo.

Ang kaugnayan ng patotoo at angkop na pagkilos ay binigyang-diin sa tagubilin ng Tagapagligtas sa mga Banal sa Kirtland: “Yaon na pinatototohanan ng Espiritu sa inyo gayon man ninanais ko na gawin ninyo” (D at T 46:7). Ang ating patotoo sa katotohanan ng ebanghelyo ay dapat mabanaag kapwa sa ating salita at sa ating gawa. At ang ating mga patotoo ay pinakamabisang ipahayag at ipamuhay sa sarili nating tahanan. Dapat sikapin ng mga asawa, magulang, at anak na labanan ang anumang pag-aalinlangan, pag-aatubili, o pagkahiyang magbahagi ng patotoo. Dapat tayong lumikha at humanap ng mga pagkakataong magpatotoo tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo—at ipamuhay ang mga ito.

Ang patotoo ay ang bagay na alam nating totoo sa ating puso’t isipan ayon sa pagsaksi ng Espiritu Santo (tingnan sa D at T 8:2). Kapag nagpahayag tayo ng katotohanan sa halip na manghikayat, manghimok, o basta magbahagi ng nakatutuwang mga karanasan, inaanyayahan natin ang Espiritu Santo na pagtibayin ang katotohanan ng ating sinabi. Ang bisa ng dalisay na patotoo (tingnan sa Alma 4:19) ay hindi nagmumula sa masalimuot na wika o epektibong paglalahad; sa halip, bunga ito ng paghahayag na ipinadama ng ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos, maging ang Espiritu Santo.

Ang madama ang kapangyarihan, pagpapasigla, at di-nagbabagong patotoo ng asawa, magulang, o anak ay malaking pagpapala. Ang gayong patotoo ay nagpapatibay ng pananampalataya at nagbibigay ng patnubay. Ang gayong patotoo ay naghahatid ng liwanag sa mundong patuloy na nagdidilim. Ang gayong patotoo ay pinagmumulan ng walang hanggang pananaw at kapayapaang tumatagal.

Tayo ay magiging mas masigasig at mapagmalasakit sa tahanan kapag nagbahagi tayo ng patotoo—at patuloy itong ipinamuhay.

Ikatlong Mungkahi: Huwag Magpabagu-bago

Habang lumalaki ang aming mga anak, ginawa ng aming pamilya ang ginawa at ginagawa ninyo ngayon. Nagkaroon kami ng regular na panalangin ng pamilya, pag-aaral ng banal na kasulatan, at family home evening. Ngayo’y natitiyak ko na ang ilalarawan ko ay hindi pa nangyayari sa inyong tahanan, ngunit nangyari na sa amin.

Kung minsan naiisip namin noon ni Sister Bednar kung makabuluhan ang mga pagsisikap naming gawin ang mahahalagang espirituwal na bagay na ito. Paminsan-minsan nagbabasa kami noon ng mga talata sa banal na kasulatan sa gitna ng mga paghiyaw na tulad ng “Hinahawakan niya ako!” “Patigilin ninyo siya sa pagtingin sa akin!” “Inay, sinisiksik niya ako!” Ang mga taimtim na panalangin ay nagagambala paminsan-minsan ng mga hagikgikan at kalabitan. At dahil malilikot at pilyo ang mga bata, hindi palaging nakakasigla ang mga leksyon sa family home evening. May mga pagkakataong galit na kami ni Sister Bednar dahil ang mabubuting kaugaliang pinaghirapan naming ituro ay tila hindi agad nagbunga ng espirituwal na resultang gusto at inasahan namin.

Ngayon kung maitatanong ninyo sa mga anak naming lalaki na nasa hustong gulang na kung ano ang natatandaan nila tungkol sa panalangin ng pamilya, pag-aaral ng banal na kasulatan, at family home evening, naniniwala ako na alam ko na kung paano sila sasagot. Malamang ay hindi sila tutukoy ng partikular na panalangin o pag-aaral ng banal na kasulatan o espesyal at makahulugang leksyon sa family home evening bilang mahalagang sandali sa kanilang espirituwal na pag-unlad. Ang sasabihin nilang natatandaan nila ay na lagi naming ginagawa iyon bilang pamilya.

Akala namin ni Sister Bednar ang matulungan ang aming mga anak na maunawaan ang nilalaman ng isang partikular na leksyon o isang talata sa banal na kasulatan ang pinakamahalagang nangyari. Ngunit ang gayong resulta ay hindi nagaganap tuwing mag-aaral o magdarasal kami nang sama-sama. Ang palagian naming layon at gawain marahil ang pinakamagandang leksyon—isang leksyong hindi namin lubos na pinahalagahan noon.

Sa opisina ko ay may magandang painting ng taniman ng trigo. Ang painting ay malaking koleksiyon ng bawat hagod ng pinsel—at wala ni isa sa mga hagod na ito ang maganda o kahanga-hanga kung nag-iisa ito. Katunayan, kung nakatayo ka malapit sa canvas, ang makikita mo lang ay isang tumpok ng tila di-magkakaugnay at di-nakakaakit na mga hagod ng pinturang kulay dilaw at ginto at brown. Gayunman, kapag dahan- dahan kang lumayo sa canvas, nagsasama-sama ang bawat hagod ng pinsel at lumilikha ito ng nakapagandang tanawin ng taniman ng trigo. Maraming karaniwan at paisa-isang hagod ng pinsel ang nagtutulungan upang makalikha ng isang kaakit-akit at magandang dibuho.

Bawat panalangin ng pamilya, bawat pag-aaral ng banal na kasulatan, at bawat family home evening ay isang hagod ng pinsel sa canvas ng ating kaluluwa. Walang iisang pangyayari na magmumukhang kaakit-akit para hangaan nang husto o manatili sa alaala. Ngunit tulad ng mga hagod ng pinturang kulay dilaw at ginto at brown na bumagay sa isa’t isa at lumikha ng kahanga-hangang obra-maestra, gayundin hahantong sa makabuluhang espirituwal na mga bunga ang palagian nating paggawa ng tila maliliit na bagay. “Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” (D at T 64:33). Ang hindi pagbabagu-bago ay mahalagang tuntunin sa paglalatag natin ng pundasyon ng dakilang gawain sa sari-sarili nating buhay at sa pagiging mas masigasig at mapagmalasakit sa sarili nating tahanan.

Ang hindi pagbabagu-bago sa ating tahanan ay mahalaga dahil sa isa pang kadahilanan. Marami sa pinakamatitinding galit ng Tagapagligtas ay inukol sa mga mapagkunwari. Binalaan ni Jesus ang Kanyang mga disipulo tungkol sa mga eskriba at Fariseo: “Huwag kayong magsigawa ng alinsunod sa kanilang mga gawa: sapagka’t kanilang sinasabi, at hindi ginagawa” (Mateo 23:3). Ang malakas na panghihikayat na ito ay nakalulungkot dahil sa payo na “magpahayag ng pagmamahal—at ipakita ito,” “magbahagi ng patotoo—at ipamuhay ito,” at “huwag magpabagu-bago.”

Ang pagkukunwari sa ating buhay ay napakadaling mahiwatigan at nagsasanhi ng malaking kapahamakan sa sarili nating tahanan. At mga bata kadalasan ang pinaka-alerto at sensitibo pagdating sa pagkilala sa pagkukunwari.

Ang hayagang pagpapahayag ng pagmamahal nang hindi nagpapakita ng pagmamahal sa tahanan ay pagkukunwari—at nagpapahina sa pundasyon ng isang dakilang gawain. Ang hayagang pagpapahayag ng patotoo nang walang katapatan at pagsunod sa sarili nating tahanan ay pagkukunwari—at pinarurupok nito ang pundasyon ng isang dakilang gawain. Ang utos na “Huwag kang magbibintang” (Exodo 20:16) ay angkop na angkop sa mapagkunwari nating pagkatao. Kailangan ay huwag tayong magpabagu-bago. “Kundi ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan” (I Kay Timoteo 4:12).

Sa paghingi natin ng tulong sa Panginoon at sa Kanyang lakas, unti-unti nating mababawasan ang pagkakaiba ng ating sinasabi sa ating ginagawa, ng pagpapahayag ng pagmamahal sa palagiang pagpapakita nito, at ng pagbabahagi ng patotoo sa matatag na pamumuhay nito. Tayo ay magiging mas masigasig at mapagmalasakit sa tahanan kapag mas tapat nating pinag-aralan, ipinamuhay, at minahal ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.

Patotoo

“Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos at … ang pamilya ang sentro sa plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Okt. 2004, 49). Dahil dito at sa iba pang walang hanggang mahahalagang kadahilanan, dapat tayong maging mas masigasig at mapagmalasakit sa tahanan.

Nawa’y pagpalain ang bawat asawa, bawat anak, at bawat magulang na maipadama at madama ang pagmamahal, na magbigay at magpatatag ng malakas na patotoo, at mas hindi magpabagu-bago sa tila maliliit na bagay na napakahalaga.

Sa mahahalagang mithiing ito ay hindi tayo iiwanang mag-isa. Ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Minamahal na Anak ay buhay. Mahal Nila tayo at batid ang ating kalagayan, at tutulungan Nila tayo upang maging mas masigasig at mapagmalasakit sa tahanan. Pinatototohanan ko ang mga bagay na ito sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.