2009
Disiplinang Moral
Nobyémbre 2009


Disiplinang Moral

Ang disiplinang moral ay ang palagiang paggamit ng kalayaang piliin ang tama dahil ito ay tama, kahit mahirap pa ito.

Elder D. Todd Christofferson

Noong World War II, si Pangulong James E. Faust, na noon ay isang batang sundalo sa United States Army, ay nag-aplay sa military school para sa pagsasanay sa pagiging opisyal. Humarap siya sa isang grupo ng mga opisyal na nagtatakda kung sino ang tatanggapin doon na binubuo ng inilarawan niya bilang “matatapang na sundalo.” Kalaunan nabaling sa relihiyon ang mga tanong nila. Ang huling mga tanong ay ang mga ito:

“Sa panahon ng digmaan hindi ba dapat luwagan ang batas ng moralidad? Tama bang ikatwiran ng mga sundalo ang hirap sa digmaan sa paggawa ng mga bagay na hindi nila gagawin sa kanilang tahanan kapag normal ang sitwasyon?”

Ikinuwento ni Pangulong Faust:

“Naunawaan ko na narito ang pagkakataon upang marahil ay pahangain sila at magmukhang malawak ang isipan. Alam na alam ko na hindi ipinamumuhay ng mga lalaking nagtatanong sa akin nito ang mga pamantayang itinuro sa akin. Biglang pumasok sa isipan ko ang ideyang marahil ay masasabi ko na may sarili akong paniniwala pero ayaw kong ipilit ito sa iba. Pero tila biglang pumasok sa isipan ko ang mukha ng maraming taong tinuruan ko ng batas ng kalinisang-puri noong misyonero ako. Sa huli sinabi ko na lang na, ‘Hindi ako naniniwala na may dalawang pamantayan sa moralidad.’

“Nilisan ko ang isang paglilitis na tanggap ang katotohanang hindi [nila] gusto ang mga isinagot ko … at tiyak na mababa ang marka ko. Makalipas ang ilang araw nang maipaskil ang mga marka, nagulat ako na pasado ako. Nasa unang grupo ako na nakuha para sa pagsasanay na maging opisyal! …

Ito ang isa sa mga mahahalagang pagpapasiya sa buhay ko.”1

Kinilala ni Pangulong Faust na lahat tayo ay binigyan ng Diyos ng kaloob na kalayaang moral—ang karapatang gumawa ng mga pasiya at ang obligasyong panagutan ang mga pasiyang iyon (tingnan sa D at T 101:78). Naunawaan din niya at ipinamalas na, para sa mga positibong resulta, kailangang may kaakibat na disiplinang moral ang kalayaang moral.

Sa “disiplinang moral” ang ibig kong sabihin ay disiplina sa sarili ayon sa mga pamantayang moral. Ang disiplinang moral ay ang palagiang paggamit ng kalayaang piliin ang tama dahil ito ay tama, kahit mahirap pa ito. Tinatanggihan nito ang buhay na puro sarili ang iniisip kapalit ng pagkakaroon ng pagkataong karapat-dapat sa respeto at tunay na kadakilaan sa pamamagitan ng paglilingkod na tulad ni Cristo (tingnan sa Marcos 10:42–45). Ang salitang-ugat ng disiplina ay salitang ugat din ng salitang disipulo, na nagpapahiwatig sa isipan ng katotohanan na pag-ayon sa halimbawa at mga turo ni Jesucristo ang ulirang disiplina na, kasama ng Kanyang awa, ay bumubuo sa taong banal at may mataas na moralidad.

Ang disiplina sa moralidad ni Jesus ay nag-uugat sa pagiging disipulo Niya sa Ama. Sa kanyang mga tagasunod pinaliwanag Niya, “Ang pagkain ko ay ang aking gawin ang kalooban ng sa akin ay nagsugo, at tapusin ang kaniyang gawa” (Juan 4:34). Sa huwarang ito, ang ating disiplina sa moralidad ay nag-uugat sa katapatan at debosyon sa Ama at sa Anak. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang naglalaan ng katiyakang moral na pinagbabatayan ng disiplinang moral.

Ang mga lipunang kinabibilangan ng marami sa atin ay maraming henerasyon nang bigong itaguyod ang disiplinang moral. Itinuro na nila na nagbabago ang katotohanan at lahat ay nagpapasiya para sa sarili kung ano ang tama. Ang mga konseptong tulad ng kasalanan at mali ay tinagurian nang “mga paghatol sa pinahahalagahan.” Ayon sa paglalarawan ng Panginoon, “bawat tao ay lumalakad sa sarili niyang paraan, at alinsunod sa larawan ng sarili niyang diyos” (D at T 1:16).

Bunga nito, naglaho na ang disiplina sa sarili, at sinisikap panatilihin ng mga lipunan ang kaayusan at paggalang sa pamamagitan ng pamimilit. Kapag hindi napigilan ng mga tao ang kanilang sarili pamahalaan ang magkokontrol sa kanila. Napuna ng isang kolumnista na ang “pagiging maginoo [halimbawa, dati-rati] ay pinrotektahan ang kababaihan sa magaspang na pag-uugali. Ngayon, inaasahan natin na ang mga batas laban sa seksuwal na pamimilit ang pipigil sa magaspang na pag-uugali… .

“Hinding-hindi mapapalitan ng mga pulis at batas ang mga kaugalian, tradisyon at moralidad para kontrolin ang pag-uugali ng tao. Nararapat na ang pulis at sistema ng katarungan para sa mga kriminal ay ang huling tanggulan ng isang sibilisadong lipunan. Ang nag-ibayong pag-asa natin sa mga batas para kontrolin ang pag-uugali ang magsasabi kung gaano tayo hindi kasibilisado ngayon.”2

Halos sa buong mundo ay dumaranas tayo ng matagalan at mapangwasak na pagbagsak ng ekonomiya. Dulot ito ng napakaraming dahilan, ngunit isa sa malalaking dahilan ang laganap na panloloko at imoralidad, lalo na sa mga pabahay at pananalapi sa Estados Unidos. Ang mga reaksyon ay nakatuon sa paglikha ng mas marami at matibay na regulasyon. Marahil maaakit nito ang ilan na hindi gumawa ng di-magandang pag-uugali, ngunit ang iba ay magiging mas malikhain na lang sa kanilang pag-iwas.3 Kahit kailan ay hindi magkakaroon ng sapat na mga patakaran na napakaganda ng pagkalikha para mapigilan at malunasan ang bawat sitwasyon, at kung mayroon man, napakamahal at mabigat ipatupad ito. Ang ganitong paraan ay humahantong sa bawas na kalayaan ng lahat—sa di-malilimutang mga kataga ni Bishop Fulton J. Sheen, “Ayaw nating tanggapin ang pamatok ni Cristo; kaya ngayon ay dapat tayong manginig sa pamatok ni Cesar.”4

Sa huli, isang gabay ng moralidad sa puso ng bawat tao ang epektibong makadaraig sa mga dahilan at sintomas ng pagkabulok ng lipunan. Walang kabuluhan ang pagsisikap ng mga lipunan na intindihin ang kapakanan ng lahat hangga’t hindi itinuturing na kasalanan ang kasalanan, at hangga’t di isinasama ang disiplinang moral sa listahan ng mga kabanalan ng tao.5

Ang disiplinang moral ay natututuhan sa tahanan. Bagama’t wala tayong kontrol sa maaaring gawin o hindi gawin ng iba, tiyak na papanig ang mga Banal sa mga Huling Araw sa mga nagpapamalas ng kabanalan sa sarili nilang buhay at nagtuturo ng kabanalan sa bagong henerasyon. Alalahanin mula sa kasaysayan ng Aklat ni Mormon ang mga binatang naging susi sa tagumpay ng mga Nephita sa mahabang digmaan mula 66 hanggang 60 B.C.—ang mga anak na lalaki ng mga tao ni Ammon. Ang kanilang pagkatao at disiplina ay inilarawan sa mga salitang ito:

“Sila’y kalalakihang matatapat sa lahat ng panahon sa anumang bagay na ipinagkakatiwala sa kanila.

“Oo, sila’y mga lalaki ng katotohanan at maunawain, sapagkat sila ay naturuang sumunod sa mga kautusan ng Diyos at lumakad nang matwid sa kanyang harapan” (Alma 53:20–21).

“Ngayon hindi pa sila nakikipaglaban, gayon pa man sila ay hindi natakot sa kamatayan; at mas inisip pa nila ang kalayaan ng kanilang mga ama kaysa sa kanilang sariling mga buhay; oo, sila ay tinuruan ng kanilang mga ina, na kung hindi sila mag-aalinlangan, sila ay ililigtas ng Diyos” (Alma 56:47).

“Ngayon, ito ang pananampalataya nila na mga tinutukoy ko; sila ay mga bata, at ang kanilang mga pag-iisip ay di matinag, at patuloy nilang ibinibigay ang kanilang tiwala sa Diyos” (Alma 57:27).

Dito’y nakikita natin ang isang pamantayan ng nararapat mangyari sa ating tahanan at sa Simbahan. Ang ating pagtuturo ay dapat umasa sa sarili nating pananampalataya at magtuon muna higit sa lahat sa pagkikintal ng pananampalataya sa Diyos sa bagong henerasyon. Dapat nating ipahayag ang mahalagang pangangailangang sundin ang mga utos ng Diyos at lumakad nang matwid sa kanyang harapan nang may kahinahunan, o sa madaling salita, nang may pitagan. Bawat tao ay dapat mahikayat na ang paglilingkod at sakripisyo alang-alang sa kapakanan at kaligayahan ng iba ay mas magaling kaysa pag-uuna sa sarili niyang kapanatagan at mga pag-aari.

Ang kailangan dito ay higit pa sa paminsan-minsang pagsangguni sa isa o iba pang alituntunin ng ebanghelyo. Dapat ay tuluy-tuloy ang pagtuturo, karamiha’y sa pamamagitan ng halimbawa. Ipinahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ang pangarap na pinipilit nating makamit:

“Ang dalisay na ebanghelyo ni Jesucristo ay dapat pumasok sa puso ng [ating mga anak] sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Hindi sasapat ang mayroon silang espirituwal na patotoo sa katotohanan at magnais ng mabubuting bagay kalaunan. Hindi sasapat ang umasa sila sa anumang paglilinis at pagpapalakas sa hinaharap. Ang ating layon ay tunay silang maniwala sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo habang kasama natin sila… .

“Sa gayo’y nakapagtamo sila ng lakas mula sa kung ano sila, hindi lamang mula sa nalalaman nila. Sila ay magiging mga disipulo ni Cristo.”6

Narinig kong sinabi ng ilang magulang na ayaw nilang ipilit ang ebanghelyo sa kanilang mga anak, kundi gusto nilang magpasiya sila sa kanilang sarili kung ano ang kanilang paniniwalaan at susundin. Akala nila sa paraang ito nila natutulutang gamitin ng kanilang mga anak ang kanilang kalayaan. Nakakalimutan nila na ang matalinong paggamit ng kalayaan ay nangangailangan ng kaalaman ng katotohanan ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito (tingnan sa D at T 93:24). Kung wala iyon, hindi natin maaasahang maunawaan at masuri ang mga alternatibong nakakaharap nila. Dapat pag-isipan ng mga magulang kung paano nilalapitan ng kaaway ang kanilang mga anak. Siya at kanyang mga kampon ay hindi nag-uudyok ng kalayaang mag-isip ngunit sila ay masisiglag tagapagtaguyod ng kasalanan at kasakiman.

Ang paghahangad na maging neutral tungkol sa ebanghelyo ay, sa katotohanan, pagtanggi sa pag-iral ng Diyos at sa Kanyang awtoridad. Bagkus ay kilalanin Siya at ang Kanyang kapangyarihan kung nais nating maging malinaw sa ating mga anak ang mga pagpipilian sa buhay at makapag-isip sila para sa kanilang sarili. Hindi na dapat nilang matutuhan sa malungkot na karanasan na “ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan” (Alma 41:10).

Ibabahagi ko sa inyo ang isang simpleng halimbawa mula sa sarili kong buhay kung ano ang magagawa ng mga magulang. Noong mga lima o anim na taong gulang ako, nakatira ako sa tapat ng isang maliit na grocery. Isang araw pinasama ako ng dalawa pang batang lalaki papunta sa tindahan. Habang nakatayong tumatakam sa kending ibinebenta roon, dinaklot ng nakatatandang bata ang kendi at ibinulsa ito. Hinimok niya kami ng isa pang bata na gayon din ang gawin, at matapos mag-atubili nang kaunti sumunod kami. Pagkatapos ay mabilis naming nilisan ang tindahan at tumakbo sa magkabilang direksyon. Nakakita ako ng pagtataguan sa bahay at binalatan ko ang kendi. Natuklasan ako ng nanay ko na may ebidensya ng tsokolate sa mukha ko at sinamahan ako pabalik sa grocery. Pagtawid namin sa kalsada, natiyak ko na napipinto akong makulong habambuhay. Sa gitna ng mga hikbi at luha, humingi ako ng tawad sa may-ari at binayaran siya ng sampung sentimo na ipinahiram ng nanay ko para sa kendi (na kinailangan kong kitain kalaunan). Ang pagmamahal at disiplina ng nanay ko ang nagbigay ng mabilis at maagang wakas ng paggawa ng di mabuti.

Lahat tayo ay dumaranas ng mga tukso. Gayon din ang Tagapagligtas, ngunit “hindi siya nagpadaig sa mga ito” (D at T 20:22). Gayon din, huwag tayong bumigay dahil lamang sa natukso tayo. Maaaring gustuhin natin, pero hindi natin kailangang gawin ito. Isang di makapaniwalang kaibigang babae ang nagtanong sa isang dalaga, na tapat na ipinamumuhay ang batas ng kalinisang-puri, kung paano niya nagawang hindi “sumiping kaninuman” kahit kailan. “Ayaw mo ba?” tanong ng kaibigan. Nag-isip ang dalaga, “Natawa ako sa tanong, kasi wala naman iyong kinalaman doon… . Hindi wastong gabay ng moralidad ang basta gusto mo lang.”7

Sa ilang kaso, maaaring tukso ang magpapaibayo sa potensyal o aktuwal na adiksyon. Nagpapasalamat ako na sa dumaraming taong lulong, ang Simbahan ay nagbibigay ng iba’t ibang uri ng pagpapagaling upang tulungan silang iwasan o daigin ang adiksyon. Magkagayunman, kahit masuportahan ng pagpapagaling ang isipan ng tao, hindi ito mapapalitan niyon. Ngayon at kailanman, kailangan natin ang disiplina—disiplinang moral na nakasalig sa pananampalataya sa Diyos Ama at sa Anak at sa magagawa Nila sa atin sa pamamagitan ng nagbabayad-salang awa ni Jesucristo. Sa mga salita ni Pedro, “Ang Panginoon ay marunong magligtas ng mga banal sa tukso” (II Pedro 2:9).

Hindi natin maipapalagay na matutulad sa nakaraan ang hinaharap—na ang mga bagay at huwarang inaasahan natin sa ekonomiya, pulitika, at lipunan ay magiging katulad pa rin ng dati. Marahil ang ating disiplinang moral, kung ating lilinangin, ay magkakaroon ng impluwensya sa kabutihan at magbibigay-inspirasyon sa iba na sundan ang ating yapak. Sa gayon magkakaroon tayo ng impluwensya sa mga mangyayari sa hinaharap. Kung sakali, magiging malaking tulong sa atin ang disiplinang moral kapag naharap tayo sa anumang problema at mga hamong darating sa isang nabubulok na lipunan.

Narinig na natin ang maalalahanin at inspiradong mga mensahe sa kumperensyang ito, at sa isang saglit magbibigay ng panghuling payo si Pangulong Thomas S. Monson. Habang mapanalangin nating pinag-iisipan ang natutuhan at muling natutuhan natin, naniniwala ako na liliwanagin pa ng Espiritu ang mga bagay na talagang nauukol sa bawat isa sa atin. Titibay tayo sa disiplinang moral na kailangan upang lumakad nang matwid sa harapan ng Panginoon at makaisa Niya at ng Ama.

Kasama ako ng aking mga kapatid at ninyo, mga kapatid ko, bilang saksi na ang Diyos ang ating Ama at ang Kanyang Anak na si Jesus ang ating Manunubos. Ang kanilang batas ay hindi nagbabago; ang kanilang katotohanan ay walang katapusan; at ang kanilang pag-ibig ay walang hanggan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. James E. Faust, Stories From My Life (2001), 2–3.

  2. Walter Williams, “Laws Are a Poor Substitute for Common Decency, Moral Values,” Deseret News, Abril 29, 2009, A15. 29, 2009, A15.

  3. Nang magsalita ilang taon na ang nakararaan sa mga abugado, nagbabala si President James E. Faust, “Higit na malaki ang panganib sa pagbibigay katwiran sa indibiduwal nating ginagawa at sa gawain nating propesyonal batay sa kung ano ang ‘legal’ kaysa sa kung ano ang ‘tama.’ Sa paggawa nito, inilalagay natin sa panganib ang mismong mga kaluluwa natin. Mananakaw ng pilosopiyang kung ano ang legal ay tama rin ang ating pinakamataaas at pinakamainam na likas na katangian. Ang mga pag-uugaling legal, sa maraming pagkakataon, ay napakababa sa pamantayan ng isang sibilisadong lipunan at malayung-malayo sa mga turo ni Cristo. Kung tatanggapin ninyo bilang pamantayan sa personal at propesyonal ninyong pag-uugali kung ano ang legal, ipinagkakait mo sa iyong sarili ang kung ano ang tunay na dakila sa iyong karangalan at kahalagahan.” (“Be Healers,” Clark Memorandum, tagsibol 2003, 3).

  4. “Bishop Fulton John Sheen Makes a Wartime Plea,” siping-banggit sa Lend Me Your Ears, Great Speeches in History, sel. William Safire, [1997], 478.

  5. Minsa’y napansin ng mga editoryal na manunulat ng WallStreet Journal:

    “Ang kasalanan ay isang bagay na hindi masyadong pinag-uusapan o inaalala ng maraming tao, maging halos lahat ng simbahan, sa mga nakalipas na mga taon ng rebolusyong seksuwal. Subalit ito ang masasabi namin sa kasalanan: kahit paano ay nagbigay ito ng sukatan para sa personal na asal. Nang mabuwag ang sukatan, hindi lamang ang kasalanan ang nawala; pati na rin ang pamantayan ng personal na pananagutan… .

    “Ang Estados Unidos ay may problema sa adiksyon sa droga, at problemang seksuwal sa high school at sa pangkapakanan, sa AIDS at sa panggagahasa. Hindi ito mawawala hangga’t ang mga taong nanunungkulan ay handang lumantad at magpaliwanag, sa tuwirang moral na pananalita, na ang ilang mga bagay na ginagawa ng mga tao ngayon ay mali” (“The Joy of What?” Wall Street Journal, Dis. 12, 1991, A14).

  6. Henry B. Eyring, sa Shaun D. Stahle, “Inspiring Students to Stand Strong amid Torrent of Temptation,” Church News, Ago. 18, 2001, 5.

  7. Sarah E. Hinlicky, “Subversive Virginity,” First Things, Okt. 1998, 14.