2009
Kailangan ng Bawat Babae ang Relief Society
Nobyémbre 2009


Kailangan ng Bawat Babae ang Relief Society

Nais naming pagpalain ninyo ang inyong buhay at tahanan sa impluwensya at bisa ng Relief Society.

Silvia H. Allred

Kaysayang magtipun-tipon mula sa lahat ng panig ng mundo bilang magkakapatid sa Sion. Nagpapasalamat ako sa pagkakataong ito na magpatotoo sa inyo tungkol sa Tagapagligtas at magpahayag ng pagmamahal ko sa inyo.

Tatalakayin ko ngayon kung bakit kailangan ng bawat babae ang Relief Society sa kanyang buhay.

Katatapos lamang iorganisa at itatag ni Propetang Joseph Smith ang Simbahan, inorganisa rin niya ang Relief Society ng kababaihan. Sabi niya, “Nang maorganisa ang kababaihan noon lamang ganap na nabuo ang Simbahan.”1 Ang Relief Society ay mahalagang bahagi ng Simbahan, at bilang panguluhan, sana’y maipaunawa namin sa inyo kung bakit ito mahalaga sa buhay ninyo.

Ang pinakamatinding hangarin ng ating panguluhan ay maihanda ang bawat babae sa Simbahan na matanggap ang mga pagpapala ng templo, maisakatuparan ang mga tipan na kanyang gagawin, at maging abala sa kapakanan ng Sion. Binibigyang-inspirasyon at tinuturuan ng Relief Society ang kababaihan na pag-ibayuhin ang kanilang pananampalataya at personal na kabutihan, palakasin ang mga pamilya, at hanapin at tulungan ang mga nangangailangan.

Patungkol sa ating panahon, sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball:

“Mabilis na darami ang mga miyembro ng Simbahan sa mga huling araw dahil marami sa mabubuting babae sa mundo … ang magiging miyembro ng Simbahan. Mangyayari ito sa antas na mababanaag sa kababaihan ng Simbahan ang kabutihan at kaliwanagan sa kanilang buhay at makikitang sila ay kakaiba at naiiba—sa masasayang paraan—sa kababaihan ng mundo.

“Makakabilang sa mga tunay na bayaning babae sa mundo na darating sa Simbahan ang kababaihang higit na inaalala ang pagiging matwid kaysa pagiging makasarili. Ang mga tunay na bayaning ito ay may tunay na pagpapakumbaba, na higit na pinahahalagahan ang integridad kaysa pagpapakitang-tao… .

Kaya nga mangyayari na ang mga ulirang babae ng Simbahan ay magiging malaking puwersa kapwa sa dami at sa espirituwal na pag-unlad ng Simbahan sa mga huling araw.”2

Naniniwala ako na matutupad ang mga salitang ito ng propeta. Maraming mabubuting babae sa mundo ang tumatanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo sa lahat ng bansa. Kayo ang mga tunay na bayaning binabanggit niya. Libu-libo na sa inyo ang nakita namin sa paglalakbay namin sa mundo. Nakita na namin ang inyong mabubuting gawa; narinig na namin ang inyong taos-pusong patotoo; nadama na namin ang inyong niloloob. Nakita na namin ang liwanag ng ebanghelyo sa inyong mukha. Ang inyong halimbawa at impluwensya sa kabutihan ay kapwa kakaiba at pambihira.

Ngunit alam din namin na maraming kababaihan sa Simbahan na hindi lubos na nagtatamasa ng mga pagpapala ng pagiging aktibo sa Simbahan at sa Relief Society. Sa inyo na dumadalo na sa Relief Society, nananawagan kami. Puntahan sana ninyo ang kababaihang hindi lumalahok sa gawain ng Relief Society sa inyong mga ward at branch para mapagmahal na maituro sa kanila kung ano ang gagawin ng Relief Society para sa kanila. Patotohanan sa kanila na pagyayamanin ng Relief Society ang kanilang tahanan at personal na buhay. Kaibiganin ninyo sila at ilahok sa kapatiran. Bantayan sila at palakasin. Tulungan ninyo kaming labanan ang nauusong pagkawasak ng mga pamilya. Ibaling ang inyong kababaihan sa Panginoon at sa Kanyang plano ng kaligayahan para sa Kanyang mga anak. Makasusumpong sila ng patnubay, kapanatagan, kapayapaan, pag-unawa, at inspirasyon. Malalaman nila na mahal sila ng Ama sa Langit at inaaruga sila sa mga paraang hindi masusukat.

Ano ang ginagawa ng Relief Society para sa kababaihang pumapayag na maging aktibo sa organisasyon? Paano pinagpapala ng Relief Society ang mga pamilya at tahanan?

Kabibinyag pa lang ng aking ina sa Simbahan nang matawag siyang Relief Society president sa maliit na branch namin sa San Salvador. Sinabi niya sa branch president na wala siyang karanasan, hindi handa, at hindi karapat-dapat. Siya ay mahigit 30 anyos, kakaunti ang pinag-aralan, at buong buhay niya ay inilaan niya sa pag-aaruga sa kanyang asawa at pitong anak. Pero tinawag pa rin siya ng branch president.

Pinanood ko ang mahusay na pagganap ng aking ina sa kanyang tungkulin. Habang naglilingkod, natuto siyang mamuno at nagkaroon ng mga bagong kaloob tulad ng pagtuturo, pagsasalita sa publiko, at pagpaplano at pag-oorganisa ng mga miting, aktibidad, at proyektong paglilingkod. Naimpluwensyahan niya ang kababaihan sa branch. Pinaglingkuran niya sila at tinuruan silang maglingkod sa isa’t isa. Minahal siya at iginalang ng kababaihan. Tinulungan niya ang iba pang mga babae na tumuklas, gumamit, at magtaglay ng mga kaloob at talento; tinulungan niya silang maging mga tagapagtayo ng kaharian at magkaroon ng matibay at espirituwal na pamilya. Nanatili siyang tapat sa ginawa niyang mga tipan sa templo. Nang pumanaw siya, payapa siyang pumaroon sa kanyang Lumikha.

Lumiham sa akin ang isang babaeng kasama niyang naglingkod bilang tagapayo sa Relief Society pagkaraan ng ilang taon: “Ang nanay mo ang nagturo sa akin kung paano marating ang narating ko ngayon. Mula sa kanya, natuto ako ng pag-ibig sa kapwa, kabaitan, katapatan, at responsibilidad sa aming mga tungkulin. Siya ang aking guro at halimbawa. Ako ngayo’y 80 anyos na, ngunit nananatili akong tapat sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Nagmisyon ako, at labis akong pinagpala ng Panginoon.”3

Nakasaksi na ako ng gayon ding himala sa buhay ng maraming babae sa iba’t ibang panig ng mundo. Tinatanggap nila ang ebanghelyo, at tinulungan sila ng Relief Society na lumakas ang pananampalataya at espirituwal na lumago sa pagbibigay sa kanila ng mga pagkakataong mamuno at magturo. Sa kanilang paglilingkod, isang bagong aspeto ang nadagdag sa kanilang buhay. Habang espirituwal silang lumalago, higit nilang nadarama na sila’y kabilang, nakikilala nila ang kanilang sarili, at lumalaki ang pagpapahalaga nila sa kanilang sarili. Nauunawaan nila na ang buong layon ng plano ng ebanghelyo ay bigyan tayo ng pagkakataong maabot ang ating lubos na potensyal.

Sa gawain ng kababaihan ng Relief Society, tinutulungan nating maitayo ang kaharian at mapatatag ang mga tahanan ng Sion. Walang ibang organisasyon sa Simbahan na makapaglilingkod na tulad ng Relief Society. Libu-libong pamilya ang napaglilingkuran ng mapagmahal na mga visiting teacher na umaalo, nakikinig, nagpapalakas ng loob.

Ito ang sabi ng anak kong si Norma tungkol sa pagpapalang dulot ng Relief Society sa kanyang buhay: “Noong bagong kasal pa lang kami ni Darren at buntis ko sa panganay namin, nakatira kami sa isang maliit na bayan malapit sa kampus ng kolehiyo. Kapwa kami nag-aaral nang full-time at napakaliit ng kita namin. Ang pinakamalapit na ward ay nasa bayan mga 30 milya [48km] ang layo, at ang tanging sasakyan namin ay isang lumang kotseng madalas ay sira. Nang malaman ng kababaihan sa ward ang aming kalagayan, agad nilang pinag-usapan na isa sa kanila ang laging mag-aangkas sa amin papunta at pauwi mula sa simbahan tuwing Linggo at para sa iba pang mga aktibidad sa Simbahan. May ilang kababaihang nakatira sa ibang bayan at nagbibiyahe pa nang 20 o 30 milya [32 hanggang 48km] para lang kami sunduin. Bukod pa rito, marami sa kababaihan ang nag-aanyaya sa amin sa bahay nila para sa masasarap na hapunan pagkatapos magsimba. Walang nagpadama sa amin na pasanin kami sa kanila. Hinding-hindi ko malilimutan ang tunay na pagmamahal at kabaitang ipinakita sa amin ng kababaihan ng Relief Society sa maikli ngunit mahirap na panahong iyon sa buhay namin.”4

Bishop ang asawa ko, at sabi niya hinding-hindi niya magagawa ang kanyang gawain nang walang tulong ng Relief Society president. Ang mga Relief Society president sa buong mundo ay nakikipagtulungan sa kanilang bishop at branch president sa pag-oorganisa sa kababaihan sa sagradong tungkuling maghanap at tumulong sa mga nangangailangan. Kailangan ng tapat na mga Relief Society president ang inyong suporta at kusang pagtulong. Ang pagdalo sa mga miting ng Relief Society tuwing Linggo ay magpapala sa inyo, ngunit ang paglahok ninyo sa gawain ng Relief Society ay magpapala sa buong Simbahan.

Bata man o matanda, dalaga o may-asawa, balo o may kasamang pamilya, nais naming pagpalain ninyo ang inyong buhay at tahanan sa impluwensya at bisa ng Relief Society. Malaki ang pangangailangang hikayatin ang kababaihan ng Simbahan na isulong ang gawain. Inaanyayahan namin kayong magministeryo sa tulong ng mabisa ninyong impluwensya sa kabutihan sa pagpapatatag sa ating mga pamilya, Simbahan, at komunidad. Kailangang-kailangan ang inyong puwersa sa pagmamahal, katotohanan, at kabutihan sa mundong ito. Kailangan namin kayo para pangalagaan ang mga pamilya, kaibigan, at kapitbahay. Sa pamamagitan ninyo naipapakita ang sakdal na pag-ibig ng Diyos para sa bawat isa at sa lahat ng Kanyang anak.

Madalas makatanggap ng liham ang ating panguluhan mula sa kababaihang ang buhay ay napagpala sa pamamagitan ng Relief Society. Marami sa kanila ang naglilista ng mga nagawa ng Relief Society para sa kanila at sa kanilang pamilya. Maaaring ganito ang ilan sa nakalista:

  • Tinitiyak sa akin ng Relief Society na mahal ako ng Ama sa Langit dahil ako ay Kanyang anak.

  • Ipinaaalala nito sa akin na biniyayaan ako ng Ama sa Langit ng mga talento at kaloob.

  • Nalalaman ko na mahalaga sa akin at sa aking pamilya ang mga tipan sa templo.

  • Natututo akong magalak sa pagiging ina.

  • Ang mga aralin at aktibidad sa Relief Society ay tumutulong na matuto ako ng mga kasanayang kailangan para maging mabuting ina.

  • Nauunawaan ko ang responsibilidad kong impluwensyahan sa kabutihan ang bagong henerasyon.

  • Tinutulungan ako ng Relief Society na maging mas mabuting maybahay, ikarangal at igalang ang aking asawa.

  • Nahihikayat akong mag-aral at personal na umunlad.

  • Natututo at nagsasanay ako ng mga pangunahing alituntunin ng pag-asa sa sarili sa mga miting at aktibidad.

  • Nagagalak akong maglingkod sa pamamagitan ng visiting teaching at mahabaging paglilingkod.

  • Natutuklasan ko ang mga kaloob na hindi ko alam na mayroon ako.

  • Binibigyan ako ng Relief Society ng mga pagkakataong gamitin ang aking mga talento.

  • Nalalaman ko na mapapasigla at mahihikayat ko ang iba.

  • Nalalaman ko na lahat tayo ay may maibabahagi: pagmamahal, kabaitan, mga ngiti, pagdamay, at iba pa.

  • Nagkakaroon ako ng tunay na malasakit sa iba.

  • Natututo akong maging mas mabuting kapitbahay at maging mabait sa iba.

  • Natututo ako maging maparaan at magkaroon ng matatag na layunin.

  • Alam ko na lahat ng pagpapala ng aking Ama ay mapapasaakin kung mananatili akong tapat at tunay sa aking mga tipan.

Maaaring humaba pa ang listahan, at tiyak ko na karamihan sa inyo ay may gustong idagdag sa listahang ito. Ang Relief Society ay mahalaga sa kapakanan ng bawat tahanan at pamilya. Bawat asawa at ama ay dapat maghikayat na maging aktibo sa Relief Society. Bawat babae ay dapat dumalo at malaman ang mga oportunidad na iniaalok ng Relief Society. Bawat butihing babae ay may mahalagang papel na gagampanan sa plano ng Diyos at sa pagtatayo ng Kanyang kaharian. Kailangan kayo ng Relief Society, at kailangan ninyo ang Relief Society.

Pinatototohanan ko sa inyo na ang Relief Society ay inorganisa ng langit para tulungan ang priesthood sa gawain ng kaligtasan. Alam ko na ang Ama sa Langit ay buhay. Kilala at mahal Niya tayo. Si Jesus ang Cristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Joseph Smith, sinipi sa Sarah Granger Kimball, “Auto-biography,” Woman’s Exponent, Set. 1, 1883, 51.

  2. Spencer W. Kimball, “The Role of Righteous Women,” Ensign, Nob. 1979, 103–4.

  3. Personal na liham.

  4. Personal na liham.