2009
Pangangasiwa—Isang Sagradong Pagtitiwala
Nobyémbre 2009


Pangangasiwa—Isang Sagradong Pagtitiwala

Naglilingkod tayo sa ating kapwa dahil naniniwala tayong ito ang nais ng Diyos na gawin natin.

Elder Quentin L. Cook

Tayo ay nabubuhay sa mga panahong mapanganib kung kailan marami ang naniniwala na hindi tayo mananagot sa Diyos at wala tayong personal na pananagutan o pangangasiwa sa ating sarili o sa iba. Marami sa mundo ang nakatuon sa pansariling kasiyahan, inuuna ang sarili, at maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa kabutihan. Hindi sila naniniwala na sila ang tagapagbantay ng kanilang kapatid. Gayunpaman, sa Simbahan naniniwala tayo na ang mga pangangasiwang ito ay sagradong pagtitiwala.

Kamakailan bumisita ang isang grupo ng kagalang-galang na mga lider ng Judio sa mga pasilidad ng Simbahan sa Salt Lake Valley, kabilang ang Welfare Square, ang Humanitarian Center, ang Family History Library, at ang open house ng Oquirrh Mountain Temple. Sa pagtatapos ng kanilang pagbisita, nagpahayag ng damdamin ang isa sa mga pinakatanyag na rabbi sa Amerika tungkol sa kanyang nakita at nadama.1

Nagbanggit siya ng mga konsepto ng mga Judio na nagmula sa Talmud2 at sinabing may dalawang magkaibang dahilan kaya gumagawa ng kabutihan at kagandahang-loob ang tao. Ang ilang tao ay dumadalaw sa maysakit, tumutulong sa mahihirap, at naglilingkod sa kanilang kapwa dahil naniniwala sila na tamang gawin ito at ang iba ay tatanaw ng utang na loob at gayundin ang gagawin para sa kanila kapag sila naman ang nangailangan. Ipinaliwanag niya na bagamat mabuti ito, bumubuo ng mapagmalasakit na mga komunidad, at dapat ituring na dakilang hangarin, gayunman mas dakila ang hangarin kapag pinaglilingkuran natin ang ating kapwa dahil naniniwala tayo na ito ang nais ipagawa sa atin ng Diyos.

Sinabi niya na dahil sa kanyang pagbisita, naniniwala siya na isinasagawa ng mga Banal sa mga Huling Araw ang gawaing pangkapakanan at pagtulong sa tao at ang gawain ng kaligtasan sa ating mga templo upang gawin ang pinaniniwalaan nating nais ipagawa sa atin ng Diyos.

Ang damdaming ito ng pagkakaroon ng pananagutan, na nakapaloob sa unang dakilang utos na mahalin ang Diyos, ay inilarawan ng iba bilang “pagsunod na hindi sapilitan.”3 Sinisikap nating gawin ang tama dahil mahal natin at gusto nating masiyahan ang ating Ama sa Langit, hindi dahil pinipilit tayo ng iba na sumunod.

Naganap ang Digmaan sa Langit matapos sabihin ni Satanas na pipilitin niya ang lahat na sundin ang kanyang mga ideya. Tinanggihan iyon. Bunga nito, nagkaroon tayo ng moral na kalayaan at kalayaang piliin ang tatahakin nating landas sa buhay na ito. Ngunit mananagot din tayo sa kalayaang iyon. Sinabi ng Panginoon na tayo ay “[mananagot] sa [ating] sariling mga kasalanan sa araw ng paghuhukom.”4 Ang mga alituntunin ng pagkakaroon ng pananagutan at pangangasiwa ay napakahalaga sa ating doktrina.5

Sa Simbahan, ang pangangasiwa ay hindi limitado sa temporal na pagtitiwala o responsibilidad. Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Tayo ang tagapangasiwa ng ating mga katawan, isipan, pamilya, at ari-arian… . Ang isang matapat na tagapangasiwa ay yaong namamahala nang matwid, nangangalaga sa sariling pamilya, at nagmamalasakit sa mahihirap at nangangailangan.”6

Bagamat maraming bahagi ang pangangasiwa, dalawa ang pinili kong talakayin. Ang una ay pangangasiwa sa ating sarili at sa ating pamilya. Ang pangalawa ay pangangasiwa sa mahihirap at nangangailangan.

Ang Panginoon ay madalas gumamit ng mga talinghaga na may kaugnayan sa lupa sa pagtuturo ng pagkakaroon ng pananagutan at pangangasiwa. Noong bata pa ako, binibisita ko ang lolo’t lola ko sa kanilang rantso tuwing tag-init. Walang kuryente, tubig, o instalasyon ng mga tubo na daluyan ng tubig. Gayunpaman, may isang bukal ng tubig sa tabi ng maliit nilang bahay sa rantso. Ang bukal ay nakalikha ng maliit na lawa ng malinis at dalisay na tubig, kung saan ilang beses sa isang araw ay tumutulong ako sa aking lola na magsalok ng tubig para inumin, ipangluto, ipangligo, at ipanglaba ng mga damit. Mahal ng lolo’t lola ko ang bukal na ito na nagbibigay-buhay at pinakaingatan para mapangalagaan ito.

Maraming taon na ang nakaraan lampas 90 anyos na ang lolo ko at hindi na nakatira doon; hindi na niya ito kayang pangalagaan o pangasiwaan. Ipinagmamaneho ko siya para makita ang rantsong minahal niya. Ang mataas niyang ekspektasyon na makita niya ang rantso ay naging kabiguan nang malaman niyang ang mga bakod na nagpoprotekta sa bukal ay nasira na at nadumihan ng mga baka ang bukal, at ang mahalaga at dalisay na tubig mula sa bukal ay talagang marumi na. Ikinagalit niya ang pagkasira at pagiging marumi nito. Para sa kanya, iyon ay pagsira sa pagtitiwala na kanyang iningatan sa buong buhay ng kanyang pagtatrabaho. Tila nadama niya na hindi niya naprotektahan ang bukal na iyon na nagbibigay-buhay at napakahalaga sa kanya.

Tulad ng dalisay na bukal na naging marumi nang hindi na napangalagaan, tayo ay nabubuhay sa panahon kung kailan ang kabanalan at kalinisang-puri ay hindi napangangalagaan.7 Ang walang hanggang kahalagahan ng pansariling moralidad ay hindi iginagalang. Ang mapagmahal na Ama sa Langit ay naglaan ng paraan para maipadala ang Kanyang mga espiritung anak sa mundong ito para magampanan ang layunin ng kanilang paglikha. Tinagubilinan Niya tayo na ang mga bukal ng buhay ay dapat panatilihing dalisay, tulad ng magandang bukal sa rantso na kailangang pangalagaan para makapagbigay-buhay. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ang kabanalan at kalinisang-puri ay napakahalaga sa plano ng ating Ama sa Langit.

Dahil sa reaksiyon ng lolo ko sa maruming bukal, inayos at pinangalagaan ito kaya’t nagbalik ang dating ganda at kadalisayan ng bukal.

Bilang mga tagapaglingkod ng Panginoong Jesucristo, sagradong responsibilidad natin ang ituro ang Kanyang pamantayan ng moralidad, na pare-pareho sa lahat ng Kanyang mga anak. Kapag ang ating iniisip o ikinikilos ay hindi dalisay, nilalabag natin ang Kanyang pamantayan. Sinabi ng Panginoon, “Ako … ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang.”8 Ang ilan ay nagtatangkang bigyang-katwiran ang kanilang ikinikilos.

Sa isang tula ni John Holmes na pinamagatang “Talk,” isang matandang bingi na tagagawa ng barko sa England ang nagturo sa isang binatilyo tungkol sa pangangatwiran. Sa paglalarawan sa isa sa mga natutuhan niyang aral, ipinaliwanag ng binatilyo na, “Hindi ko sana nalaman na kahit paano mo ito ginawa, kailangang makapaglayag ang barko; hindi pakikinggan ng karagatan ang anumang paliwanag mo.”9

Sinasabing anuman ang nangyayari sa isang lungsod ay mananatili na roon. Gusto ko ang karatulang nakapaskil sa Sevier County, Utah na nagsasabing, “Anuman ang nangyayari sa Sevier County … puwede mo itong ibahagi sa iyong mga kaibigan!!!” Kapag natanto natin na mananagot tayo sa Diyos, nakikita natin kung gaano kahangal ang mga pangangatwiran. Ang mga nangangatwiran ay nagpapaalala sa atin sa maliliit na bata na nagtatakip ng kanilang mga mata, sa paniniwalang kung hindi nila tayo nakikita, hindi natin sila makikita. Iminumungkahi ko na kung nag-iisip tayong magbigay-sulit ng ating mga ginawa sa Tagapagligtas, makikita ang tunay na dahilan ng ating mga pangangatwiran.

Alam natin na may mga taong gumagawa ng taliwas sa sagradong pamantayang ito ng moralidad. Mangyaring unawain na sa pamamagitan ng Pagbabayad-Sala ng Tagapagligtas lahat ay makapagsisisi at makababalik tulad ng bukal ng tubig, sa isang kalagayang malinis at dalisay. Mahirap magsisi; nangangailangan ito ng bagbag na puso at nagsisising espiritu.10 Subalit kapag ang mga hakbang ng pagsisisi ay sinunod na mabuti, angkop ang mga salitang binanggit ng propetang si Alma sa kanyang anak na si Corianton, na nakagawa ng mga kasalanang moral: “At ngayon, anak ko, hinihiling ko na ang mga bagay na ito ay huwag nang gumulo pa sa iyo, at hayaan na ang iyong mga kasalanan na lamang ang bumagabag sa iyo, sa yaong pangbabagabag na magdadala sa iyo sa pagsisisi.”11 Sinabi ng Tagapagligtas, “Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito.”12

Tungkol sa ating pangangasiwa sa ating mga pamilya, may ilang nagturo na kapag nag-ulat tayo sa Tagapagligtas at inutusan Niya tayo na magbigay-sulit sa mga responsibilidad natin dito sa mundo, dalawang mahahalgang tanong ang may kinalaman sa ating mga pamilya. Ang una ay ang kaugnayan natin sa ating asawa, at ang pangalawa ay ang tungkol sa bawat isa sa ating mga anak.13

Madali tayong malito sa ating mga priyoridad. Tungkulin nating pangalagaan ang pisikal na kaligtasan at kapakanan ng ating mga anak. Gayunpaman, may ilang mga magulang na inuuna ang temporal at materyal na bagay. Ang ilan ay hindi gaanong masigasig na iturong maigi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kanilang mga anak.14 Tandaan na ang pagsunod sa mga alituntunin ng Simbahan sa tahanan ay kasinghalaga ng paglalaan ng pagkain, damit, at tirahan. Makatutulong din ang mga magulang sa pagtuklas at pagpapaunlad ng mga talento ng kanilang mga anak. Mananagot tayo sa mga talentong natanggap natin. Ang mga batang hindi tinuruan na pananagutan nila ang kanilang panahon at mga talento ay lubhang napapasailalim sa kahangalan at kasamaang laganap na sa mundo.15 Nagbabala ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak na ang mga taong “bigo sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin sa mag-anak, na balang-araw sila ay papananagutin sa harap ng Diyos.”16

Ang pangalawang pangangasiwa ay pagmamalasakit sa mahihirap at mga nangangailangan, na talagang ukol sa ating lahat. Ang paalala ng Panginoon na tayo ay mga tagapangasiwa ng mga nangangailangan ay naglalaman ng ilang pinakamatinding salita sa buong banal na kasulatan: “Kung sinuman ang kukuha sa kasaganaan na aking ginawa, at hindi nagkakaloob ng kanyang bahagi … sa mga maralita at nangangailangan, siya, kasama ng masasama, ay magtataas ng kanyang mga mata sa impiyerno, dahil sa paghihirap.”17 Tayo ang mananagot bilang mga katiwala sa mga makalupang pagpapala, na ibinigay ng Panginoon.

Ang mga lider na mga Judio na binanggit ko kanina ay naantig sa alituntunin ng pag-aayuno at bukas-palad na pagbabayad ng handog-ayuno. Hanga sila na ang mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang dako ng mundo ay buwanang nag-aayuno at kusang nagbibigay ng handog-ayuno para sa kapakanan ng mga nangangailangan.

Nang bisitahin ng mga rabbi ang Welfare Square, naantig sila na malaman na kahit sa panahong mahirap ang kabuhayan, ang ating mga miyembro, na nagmamalasakit sa mga problemang dinaranas ng marami, ay patuloy sa bukas-palad na pagbibigay para tulungan ang mahihirap at nangangailangan.

Naalala ko nang matawag ako bilang bishop, ang sinundan ko na si Bishop Russell Johnson, ay binalaan ako na maging maingat sa ipapagawa ko sa mga miyembro. Sabi niya, “Ang ilan ay tutugon sa bawat mungkahi, kahit malaki ang gagawing sakripisyo.” Binanggit niya ang isang balo na mahigit 80 anyos na at nag-aalaga sa kanyang asawa at isang anak na matagal nang may sakit bago pumanaw ang mga ito. Sinabi ni Bishop Johnson na sa kabila ng maliit na mapagkukunan, palaging sinisikap ng matanda na tumugon. Natuklasan kong totoo ito. Tuwing nagbabanggit ako ng pangangailangan na magbigay ng kontribusyon o paglilingkod para pagpalain ang iba, si Sarah ang madalas na unang tumutugon.

Isang Sabado, tinawagan ako ng isang miyembrong babae at sinabing, “Bishop, dali, iligtas ninyo si Sarah!” Ibinalita ng miyembrong ito na ang 80 anyos na si Sarah ay nasa tuktok ng hagdan at nililinis ang mga alulod ng kapitbahay. Takot ang miyembrong ito na baka mahulog si Sarah at gustong pigilan ito ng bishop.

Hindi ko iminumungkahi na maaari o dapat gayahin ng lahat si Sarah. Nakokonsiyensya ang ilan dahil hindi nila kaagad matugunan ang bawat pangangailangan. Gusto ko ang madalas banggitin ni Elder Neal A. Maxwell mula kay Anne Morrow Lindbergh: “Sa buhay ko hindi ko matutulungang lahat ang mga taong gusto kong tulungan.”18 Itinuro ni Haring Benjamin, “Tiyakin na ang lahat ng bagay na ito ay gagawin sa karunungan at kaayusan; sapagkat hindi kinakailangan na ang tao ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa kanyang lakas.”19 Subalit idinagdag niya na dapat tayong maging masigasig.

Nagagalak ang aking puso habang minamasdan ko ang mga Banal sa buong Simbahan na ginagawa ang lahat ng makakaya nila para makapaglingkod na tulad ni Cristo saanman may nangangailangan nito. Dahil sa mga kontribusyon ng mga miyembro, nakatutugon ang Simbahan nang tahimik at hindi nagpapasikat sa mga pangangailangan sa iba’t ibang dako ng mundo.20 Nakatugon na ang Simbahan sa mga kalamidad sa Pilipinas, Pacific Islands, at Indonesia.

Noong isang taon ang mga miyembro natin ay tumugon sa Hurricane Gustav. Nakipagtulungan nang husto ang Simbahan sa mapagkawanggawang organisasyon na pinamunuan ni Martin Luther King III. Pagkaraan nito ay binisita ni G. King ang Salt Lake City at sinabi: “Talagang ang pakay ko sa pagpunta rito ay magpasalamat sa Simbahan sa kanilang suportang pangkapakanan, ngunit kaagad kong nakilala ang likas na katangian ninyo na napakalalim at napakatindi. Sa pagitan ng Humanitarian Center, Welfare Square at ng open house ng templo, higit ko ngayong napahahalagahan kung bakit ginagawa ninyo ang ginagawa ninyo.”

Sa lahat ng pagsisikap natin na mangasiwa, sinusunod natin si Jesucristo. Sinisikap nating sundin ang ipinagagawa Niya, kapwa ang Kanyang mga turo at Kanyang halimbawa. Buong puso kaming nagpapasalamat sa mga miyembro ng Simbahan sa kanilang bukas-palad na kontribusyon at paglilingkod na tulad ng kay Cristo.

Si Isaias, sa pagsasalita tungkol sa pag-aayuno at pagpapakain sa nagugutom at pagbibigay ng kasuotan sa hubad, ay nangako sa nakaaantig na salita, “Kung magkagayo’y tatawag ka, at ang Panginoon ay sasagot.”21 Sabi pa ni Isaias: “At kung magmamagandang-loob ka sa gutom , at iyong sisiyahan ng loob ang nagdadalamhating kaluluwa; … papatnubayan ka ng Panginoon na palagi, … at ikaw ay magiging parang … bukal ng tubig, na ang tubig ay hindi naglilikat… . At] ikaw ay magbabangon ng mga patibayan ng maraming sali’t saling lahi.”22

Inaasam ko na pag-iisipang muli ng bawat isa sa atin at bilang pamilya ang mga pangangasiwa na may responsibilidad tayo at pananagutan. Dalangin ko na gawin natin ito nalalamang mananagot tayo sa Diyos sa huli at na sa buhay na ito ay makasusunod tayo nang hindi pinipilit.

Nagpapasalamat ako sa payo ng mapagmahal, at tapat na propeta na paglingkuran at sagipin ang mga nangangailangan. Sa pagsunod natin sa kanyang payo, alam ko na magiging karapat-dapat tayo sa pangako ng Panginoon: “At sinuman ang matatagpuang isang matapat, makatarungan, at matalinong katiwala ay papasok sa kagalakan ng kanyang Panginoon, at magmamana ng buhay na walang hanggan.”23

Saksi ako sa sagradong katotohanang ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Rabbi Haskel Lookstein, dating pangulo ng New York Board of Rabbis, pangulo ng Synagogue Council of America, at chairman ng National Rabbinic Cabinet of UJA.

  2. “Ang Talmud ay repositoryo ng libu-libong taon ng karunungan ng mga Judio, at ang batas na binibigkas…ay nakasaad dito” (Adin Steinsaltz, The Essential Talmud [2006], 4).

  3. John Fletcher Moulton, sinipi sa Clayton M. Christensen,, “The Importance of Asking the Right Questions,” (talumpating ibinigay sa Southern New Hampshire University commencement, Mayo 16, 2009, 3; tingnan din sa Deuteronomio 6:4–7.

  4. D at T 101:78.

  5. Tingnan sa D at T 20:71. Ang lahat ng nasa edad ng pananagutan ay dapat magsisi at magpabinyag (D at T 18:42). Ang mga namatay bago tumuntong sa edad ng pananagutan ay maliligtas sa kahariang selestiyal (tingnan sa D at T 137:10; tingnan din sa D at T 29:46–47, 50).

  6. Spencer W. Kimball, “Welfare Services: The Gospel in Action,” Ensign, Nob. 1977, 78.

  7. Tingnan sa Gregory Katz, “U.K. Health Booklet’s Message: Teen Sex Can Be Fun,” Deseret News, Hulyo 15, 2009, A9.

  8. D at T 1:31.

  9. “Talk,” sa Collected Poems of John Holmes, http://hdl.handle.net/10427/14894.

  10. Tingnan sa D at T 20:37; 2 Nephi 2:7; Alma 39; 3 Nephi 9:20. Binigyang-kahulugan ni Pangulong Ezra Taft Benson ang bagbag na puso at nagsisising espiritu sa ganitong paraan: “Ang kalumbayang mula sa Diyos … ay malalim na pagkaunawa na nagkasala tayo sa ating Ama at sa ating Diyos dahil sa ating mga ikinilos. Ito ay malinaw at matinding pagkaunawa … na ang ating mga kasalanan ang sanhi ng pagdurugo ng bawat butas ng Kanyang [ng Tagapagligtas] balat. Ang tunay na paghihirap na ito sa isipan at espiritu ang tinutukoy ng mga banal na kasulatan na isang ‘bagbag na puso at nagsisising espiritu’ ” (“A Mighty Change of Heart,” Tambuli, Mar. 1990, 5).

  11. Alma 42:29.

  12. D at T 58:42.

  13. Tingnan sa Robert D. Hales, “Understandings of the Heart,” sa Brigham Young University 1987–88 Devotional and Fireside Speeches (1988), 129; tingnan din sa 2 Nephi 9:41.

  14. Tingnan sa Joseph Fielding Smith, Take Heed to Yourselves! comp. Joseph Fielding Smith Jr. (1971), 221.

  15. Tingnan sa Marcos 7:20–23.

  16. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Okt. 2004, 49; tingnan din sa Russell M. Nelson, “Set in Order Thy House,” Liahona, Ene. 2002, 80–83.

  17. D at T 104:18.

  18. Anne Morrow Lindbergh, sinipi sa Neal A. Maxwell, “Wisdom and Order,” Liahona, Dis. 2001, 20.

  19. Mosias 4:27.

  20. Sa nakaraang 10 taon, nakapagbigay ang Simbahan ng mahigit $900 milyong na donasyon at tulong na materyal sa gawaing pangkawanggawa at di mabilang na oras na paglilingkod ng mga kalalakihan at kababaihan. Halimbawa, tungkol sa Hurricane Katrina, mahigit 330,000 oras ng masigasig na paglilingkod ang ibinigay (ulat ni Elder John S. Anderson, Area Seventy, na nangasiwa sa pamimigay ng tulong).

  21. Isaias 58:9.

  22. Isaias 58:10–12.

  23. D at T 51:19; tingnan din sa Mateo 25:34–46.