Pagtulong sa Iba na Kilalanin ang mga Bulong ng Espiritu
Matutulungan natin ang iba na maging mas pamilyar sa mga dikta ng Espiritu kapag nagbahagi tayo ng patotoo tungkol sa impluwensya ng Espiritu Santo sa ating mga buhay.
Sa pagtatapos ng araw, pauwi na ang magkakapares na mga misyonero nang biglang sabihin ng isa sa kompanyon niya, “Palagay ko kailangan nating huminto sa huling lugar na ito.” Isang home teacher ang nakaramdam na tawagan ang isa sa mga pamilyang binisita niya ilang araw pa lamang ang nakalilipas. Planong dumalo ng isang dalagita sa party ng isang kaeskwela niya pero parang may nagdidikta sa kanya na huwag umalis ng bahay sa pagkakataong ito.
Paano nalaman ng mga misyonero na kumatok sa pintuan ng isang taong ipinagdarasal na dumating sila? o ng home teacher na tumawag sa isang pamilyang labis na nangangailangan? o ng dalagitang umiwas sa isang sitwasyong maaaring makompromiso ang kanyang mga pinahahalagahan? Sa bawat isa sa mga sitwasyong ito ginabayan sila ng impluwensya ng Espiritu Santo.
Paulit-ulit na nangyayari ang mga karanasang katulad nito sa mga miyembro sa buong mundo, at may mga naghahangad na makadamang ginagabayan sila ng Espiritu araw-araw sa kanilang buhay. Bagaman maaaring matutuhan ng bawat tao na kilalanin ang mga bulong ng Espiritu, ang paraan ng pagkatuto ay mapapadali kapag ipinaunawa sa atin ng iba ang tungkol sa Espiritu Santo, ibinahagi nila ang kanilang mga personal na patotoo, at naglaan sila ng isang kapaligiran kung saan madarama ang Espiritu.
Pag-unawa sa Doktrina
Ang kahalagahan ng pagtulong na makaunawa ang iba ay inilarawan sa Doktrina at mga Tipan. Ang mga magulang “sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatag” ay sinabihang tulungan ang kanilang mga anak “na maunawaan ang doktrina.”1
Ito man ay sa silid-aralan, sa talakayan ng mga misyonero, o sa family home evening, ang pagtuturo ng doktrina tungkol sa Espiritu Santo ay makakatulong na maunawaan ng iba ang mahalagang kaloob na ito. Natutuhan natin na samantalang “ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama,”2 ang karapatan sa palagiang pagsama ng Espiritu Santo ay dumarating kapag nabigyan na ng kaloob na iyon ang mga miyembro sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may tamang awtoridad.3
Ang pagsasamang ito ay patuloy na mapapasaatin kung tayo ay karapat-dapat. Sinabihan tayo na “ang Espiritu ng Panginoon ay hindi nananahanan sa mga hindi banal na templo”4 at “puspusin ng kabanalan ang [ating] mga iniisip nang walang humpay; pagkatapos … ang Espiritu Santo ang [ating] magiging kasama sa tuwina.”5
Itinuturo ng mga banal na kasulatan at mga propeta kung ano ang pakiramdam ng palagiang pagsasamang ito. Sabi sa atin ng Panginoon, “Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso.”6 Sabi ni Enos, “Samantalang ako ay nasa gayong pagpupunyagi sa espiritu, masdan, ang tinig ng Panginoon ay sumaisip kong muli.”7 Sabi ni Joseph Smith, “[Ma]darama ninyo ang pagdaloy ng dalisay na talino sa inyo, maaaring may bigla kayong maisip.”8 Inilarawan ni Pangulong Henry B. Eyring ang impluwensya ng Espiritu Santo bilang “kapayapaan, pag-asa, at kagalakan.” Dagdag pa niya, “Halos lagi akong nakakaramdam ng liwanag.”9
Paborito ko ang paglalarawan ng 8-taong gulang na batang katatanggap lang ng Espiritu Santo. Sabi niya, “Para itong sikat ng araw.”
Magbahagi ng Personal na Patotoo
Gayunman, hindi laging madaling mahiwatigan ang mga sandaling ito ng “sikat ng araw” sa simula. Ikinukuwento sa atin sa Aklat ni Mormon ang ilang tapat na Lamanita na “nabinyagan ng apoy at ng Espiritu Santo, at hindi nila nalaman ito.”10
Matutulungan nating maging mas pamilyar ang iba sa mga dikta ng Espiritu kapag ibinahagi natin ang ating patotoo tungkol sa impluwensya ng Espiritu Santo sa ating buhay. Alalahanin na napakasagrado ng ilang karanasan para ihayag. Gayunman, sa pagbabahagi ng patotoo ng Espiritu sa ating buhay, yaong mga hindi pamilyar sa mga diktang ito ay mas malamang na matukoy ito kapag gayon din ang nadarama nila.
Ako ang una sa aming pamilya na sumapi sa Simbahan. Noong walong taong gulang ako, hinintay kong makadama ng kakaiba dahil binyag ko na. Ang totoo, ang tanging nadama ko pag-ahon ko mula sa tubig ay … basang-basa ako. Akala ko may mas mahalaga pang mangyayari nang makumpirma ako. Gayunman, matapos kong matanggap ang Espiritu Santo, muli akong sumaya pero walang ipinagkaiba ito sa nadama ko ilang minuto pa lamang ang nakararaan.
Kinabukasan sa fast and testimony meeting ko lang naranasan ang kinikilala ko ngayong impluwensya ng Espiritu Santo. Isang lalaki ang tumayo at nagpatotoo tungkol sa mga pagpapala ng pagiging miyembro niya sa Simbahan. Uminit ang pakiramdam ko. Kahit walong taong gulang pa lang ako, nadama kong kakaiba ito. Nakaramdam ako ng kapayapaan, at lubos kong nadama na nalugod ang Ama sa Langit sa akin.
Maglaan ng Kapaligiran Kung Saan Madarama ang Espiritu
May mga lugar kung saan mas madaling madama ang Espiritu. Mga testimony meeting at pangkalahatang kumperensya ang ilan sa mga lugar na iyon. Tiyak na isa na rito ang mga templo. Ang hamon sa bawat isa sa atin ay maglaan ng kapaligiran kung saan madarama ang Espiritu araw-araw sa ating tahanan at linggu-linggo sa simbahan.
Ang isa sa mga dahilan kaya tayo hinihikayat na manalangin at magbasa ng mga banal na kasulatan araw-araw ay dahil ang dalawang aktibidad na ito ay inaanyayahan ang Espiritu sa ating tahanan at sa buhay ng ating mga kapamilya.
Dahil ang Espiritu ay madalas ilarawan bilang isang marahan at banayad na tinig,11 mahalaga ring magkaroon ng oras ng katahimikan sa buhay natin. Pinayuhan tayo ng Panginoon na “mapanatag at malaman na ako ang Diyos.”12 Kung maglalaan tayo ng panatag at tahimik na oras bawat araw na hindi tayo abala sa telebisyon, computer, mga video game, o personal na mga electronic device, binibigyan natin ng pagkakataon ang marahan at banayad na tinig na iyon na bigyan tayo ng personal na paghahayag at bulungan ng magiliw na patnubay, kapanatagan, at aliw.
Gayundin, makapaglalaan tayo ng kapaligiran sa simbahan na magtutulot sa Espiritu na makapagbigay ng banal na patibay sa itinuturo. Ang mga guro at lider ay hindi lamang nagtuturo o namumuno sa mga miting. Pinadadali nila ang pagdating ng mga bulong ng Espiritu sa bawat miyembro. Sabi ni Elder Richard G. Scott,”Kung wala na kayong iba pang maisakatuparan sa inyong ugnayan sa inyong mga mag-aaral kundi ang tulungan silang kilalanin at sundin ang mga udyok ng Espiritu, pagpapalain ninyo ang kanilang buhay nang walang kapantay at walang hanggan.”13
Isa-isang binalutan ng guro sa Sunbeam ng kumot ang bawat miyembro ng kanyang klase upang ituro sa kanila kung paano naging katulad ng aliw at katiwasayang dulot ng kumot na iyon ang Espiritu. Narinig din ng isang inang bumisita ang aralin.
Pagkaraan ng ilang buwan pinasalamatan ng ina ang guro. Sinabi niya kung paano siya naging di-gaanong aktibo nang samahan niya ang kanyang anak na babae sa Primary. Ilang linggo pagkaraan ng aralin, nalaglag ang ipinagbubuntis niya. Puspos siya ng dalamhati nang bigla siyang makaramdam ng ginhawa at kapayapaan. Parang may isang taong binalutan siya ng mainit na kumot. Nadama niya ang pagtiyak ng Espiritu at nalaman na batid ng Ama sa Langit ang nangyayari sa kanya at mahal siya Nito.
Kapag naunawaan na natin ang mga bulong ng Espiritu, maririnig na natin na tinuturuan Niya tayo ng “mga mapayapang bagay ng kaharian”14 at “lahat ng bagay na dapat [nating] gawin.”15 Makikilala natin ang sagot sa ating mga dalangin at malalaman natin kung paano ipamuhay nang mas ganap ang ebanghelyo sa bawat araw. Papatnubayan at poprotektahan tayo. At malilinang natin ang kaloob na ito sa ating buhay sa pagsunod sa mga espirituwal na diktang iyon. Ang pinakamahalaga, madarama natin ang pagsaksi Niya sa atin sa Ama at sa Anak.16
Noong dalagita pa ako na dumadalo sa youth conference, pinatotohanan sa akin ng Espiritu ang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa paghahanda para sa isang testimony meeting, inawit namin ang “Espiritu ng Diyos.” Maraming beses ko nang kinanta ang himnong iyon sa mga sacrament meeting. Pero sa pagkakataong ito, nagsisimula pa lang ako, nadama ko na ang Espiritu. Nang kantahin na namin ang “kal’walhatian ay dumarating na,”17 alam ko na hindi lang maganda ang mga titik nito; ito ay mga dakilang katotohanan.
Pinagtibay sa akin ng Espiritu Santo na ang Diyos Ama ay buhay. Mahal Niya ang bawat isa sa atin. Kilala Niya ang bawat isa sa atin nang personal. Pinakikinggan Niya ang mga pagsamo ng ating puso, at sinasagot Niya ang taimtim na mga dalanging iyon.
Si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Pumarito Siya sa mundo sa kalagitnaan ng panahon upang magbayad-sala para sa ating mga kasalanan. At muli Siyang paparito. Ang mga ito at ang iba pang mga aspeto ng ebanghelyo na bumubuo sa aking patotoo ay matatag sa puso ko dahil sa impluwensya ng Espiritu Santo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.