Pagbati sa Kumperensya
Hangad namin na hangga’t maaari ay mas marami pang miyembro ang magkaroon ng pagkakataong makadalo sa templo nang hindi na naglalakbay nang napakalayo.
Minamahal kong mga kapatid, ipinaaabot ko ang pagbati sa inyong lahat sa pagsisimula nitong Ika-179 na Ikalawang Taunang Pangkalahatang Kumperensya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Nagpapasalamat ako sa ating panahon—isang panahon ng makabagong teknolohiya kaya kami nakapagsasalita sa inyo sa iba’t ibang panig ng mundo. Habang nakatayo rito ang mga General Authority at lider ng auxiliary sa Conference Center sa Salt Lake City, ang aming tinig ay darating sa inyo sa iba’t ibang paraan, kabilang na ang radyo, telebisyon, satellite transmission, at Internet. Kahit magsasalita kami sa inyo sa wikang Ingles, maririnig ninyo kami sa mga 92 wika.
Simula nang huli tayong magtipon noong Abril ng taong ito, nailaan na namin ang magandang Oquirrh Mountain Utah Temple sa South Jordan, Utah. Sa pagitan ng paglalaan ng Draper Utah Temple noong Marso at nitong pinakahuling paglalaan ng Oquirrh Mountain Utah Temple noong Agosto, isang kagila-gilalas na dalawang-gabing pagtatanghal ng kultura ang ginanap, tampok ang mga kabataan mula sa dalawang temple district na ito. Ang mga produksyon ay nagbalik-tanaw sa mayamang pamana ng Utah sa pamamagitan ng mga awit at sayaw. Sa lahat ng ito, tinatayang 14,000 kabataan ang lumahok sa dalawang gabing iyon.
Patuloy tayong nagtatayo ng mga templo. Hangad namin na hangga’t maaari ay mas marami pang miyembro ang magkaroon ng pagkakataong makadalo sa templo nang hindi na naglalakbay nang napakalayo. Sa buong mundo, 83 porsiyento ng ating mga miyembro ay hindi lalampas sa 200 (320 km) milya ang layo ng tirahan mula sa isang templo. Ang porsiyentong iyan ay patuloy na madaragdagan habang nagtatayo tayo ng mga bagong templo sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa kasalukuyan 130 templo ang gumagana, at 16 pa ang ibinalita o kasalukuyang itinatayo. Ngayong umaga natutuwa akong ibalita na may 5 pang karagdagang templo na bibilhin na ang pagtatayuan at itatayo, sa darating na mga buwan at taon, sa mga lugar na ito: Brigham City, Utah; Concepción, Chile; Fortaleza, Brazil; Fort Lauderdale, Florida; at Sapporo, Japan.
Milyun-milyong ordenansa ang isinasagawa sa mga templo bawat taon sa ngalan ng yumao nating mga mahal sa buhay. Nawa’y manatili tayong tapat sa pagsasagawa ng gayong mga ordenansa para sa mga hindi makagawa nito para sa kanilang sarili. Gustung-gusto ko ang sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith tungkol sa paglilingkod sa templo at sa daigdig ng mga espiritu sa kabilang buhay. Sabi niya, “Sa pamamagitan ng ating mga pagsisikap para sa kanila ay makakalag ang gapos ng kanilang pagkaalipin, at maglalaho ang kadilimang bumabalot sa kanila, upang sikatan sila ng liwanag at maririnig nila sa daigdig ng mga espiritu ang gawaing isinagawa para sa kanila ng kanilang mga [tao] dito sa lupa, at magagalak sila sa pagsasagawa ninyo ng mga tungkuling ito.”1
Mga kapatid, ang Simbahan ay patuloy na lumalago, simula pa noong itatag ito mahigit 179 na taon na ang nakalilipas. Binabago nito ang buhay ng parami nang paraming mga tao taun-taon at lumalaganap ito sa buong daigdig habang hinahanap ng ating mga misyonero ang mga taong naghahanap ng mga katotohanang matatagpuan sa ebanghelyo ni Jesucristo. Nananawagan kami sa lahat ng miyembro ng Simbahan na kaibiganin ang mga bagong binyag, tulungan sila, pakitaan sila ng pagmamahal, at tulungan silang mapanatag ang kalooban.
Hinihiling ko na patuloy kayong sumampalataya at magdasal para sa kapakanan ng mga lugar kung saan limitado ang ating impluwensya at hindi tayo pinapayagang magbahagi ng ebanghelyo nang malaya sa panahong ito. Magkakaroon ng mga himala kapag ginawa natin ito.
Ngayon, mga kapatid ko, sabik na tayong makinig sa mga mensaheng ibibigay sa atin sa susunod na dalawang araw. Yaong mga magsasalita sa atin ay humingi ng tulong at patnubay ng langit habang naghahanda ng kanilang mensahe. Nabigyang-inspirasyon sila sa mga bagay na ibabahagi nila sa atin. Nawa’y mapuspos tayo ng Espiritu ng Panginoon habang nakikinig at natututo tayo ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.