Pagpepreserba ng Malaking Pagbabago ng Puso
Para makatiis hanggang wakas, maging sabik tayong bigyang-lugod ang Diyos at sambahin Siya nang tapat.
Noong Disyembre 1967 isinagawa ang unang tagumpay na pagpapalit ng puso sa Cape Town, South Africa. Inalis ang pusong maysakit ng naghihingalong lalaki, at tinahi sa lugar nito ang pusong malusog ng isang pumanaw na donor. Mula noon, mahigit 75,000 pagpapalit ng puso na ang naisagawa sa buong mundo.
Sa bawat pasyenteng pinalitan ng puso, kinikilala ng sarili niyang katawan na “dayuhan” ang bagong pusong nagligtas sa kanyang buhay at inaatake ito. Kapag napabayaan, tatanggihan ng likas na pagtugon ng katawan ang bagong puso at mamamatay ang pasyente. Mapipigilan ng mga gamot ang likas na pagtugong ito, ngunit kailangang uminom ng mga gamot araw-araw at sa takdang oras. Bukod pa rito, kailangang subaybayan ang kundisyon ng bagong puso. Bina-biopsy ang puso paminsan-minsan kung saan nagtatanggal ng maliliit na piraso ng himaymay ng puso para suriin sa microscope. Kapag nakita na tinatanggihan ito ng katawan, binabago ang mga gamot. Kung matuklasan nang maaga ang pagtanggi, hindi mamamatay ang pasyente.
Ang nakakagulat, nagiging pabaya ang ilang pasyente sa bagong puso nila. Maya’t maya ay hindi nila iniinom ang mga gamot nila at bihira na silang magpasuri sa doktor kaysa nararapat. Akala nila dahil maganda ang pakiramdam nila, maayos ang lahat. Kadalasan ay nanganganib ang mga pasyente at umiikli ang buhay nila dahil sa kakitirang ito ng isipan.
Ang pagpapalit ng puso ay pahahabain nang ilang taon ang buhay ng mga taong maaaring mamatay sa atake sa puso. Pero hindi ito “ang huling operasyon,” ang tawag dito sa Time magazine noong 1967.1 Ang huling operasyon ay hindi pisikal kundi espirituwal na “malaking pagbabago” ng puso.2
Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo at sa pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo, dinaraanan natin ang huling operasyong ito, ang espirituwal na pagbabago ng puso. Bunga ng ating mga paglabag, nagkakasakit at tumitigas ang ating mga espirituwal na puso, kaya sumasailalim tayo sa espirituwal na kamatayan at nahihiwalay sa ating Ama sa Langit. Ipinaliwanag ng Panginoon ang operasyong kailangan nating lahat: “Bibigyan ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan ko ang loob ninyo ng bagong diwa; at aking aalisin ang batong puso sa inyong katawan, at aking bibigyan kayo ng pusong laman.”3
Gayunman, tulad sa mga pasyenteng pinalitan ang puso, simula pa lamang ang malaking pagbabagong ito ng ating espirituwal na puso. Kailangan ang pagsisisi, binyag, at kumpirmasyon ngunit hindi ito sapat. Tunay, pantay, kung hindi man nakahihigit, na pangangalaga ang kailangan sa pusong espirituwal na nagbago kaysa sa pusong pinalitan ng iba kung magtitiis tayo hanggang wakas. Sa paggawa lamang nito tayo pawawalan ng sala sa araw ng paghuhukom.4
Maaaring mahirap magtiis hanggang wakas dahil sa hilig ng likas na tao na tanggihan ang pusong espirituwal na nagbago at hinahayaan itong tumigas. Kaya pala binalaan ng Panginoon “maging yaong mga pinabanal na magsipag-ingat.”5
Lahat tayo ay may kilalang mga tao na malaki ang pagbabago ng puso ngunit kalaunan ay bumigay sa likas na tao. Naging pabaya sila sa kanilang pagsamba at katapatan sa Diyos, tumigas ang kanilang puso, at sa gayo’y namiligro ang kanilang walang hanggang kaligtasan.
Ang buhay ng mga taong naniwala sa pangaral ng mga anak ni Mosias ay nagmumungkahi ng ilang ideya kung paano maiiwasan ng isang tao na tumanggi sa pusong malaki ang espirituwal na pagbabago. Tungkol dito, mababasa natin na “kasindami ng nadala sa kaalaman ng katotohanan, sa pamamagitan ng pangangaral ni Ammon at ng kanyang mga kapatid, … at mga nagbalik-loob sa Panginoon, kailanman ay hindi nagsitalikod.”6
Paano sila tagumpay na nakapagtiis hanggang wakas? Alam natin na sila ay “nakilala sa kanilang pagiging masigasig sa Diyos, at gayon din sa mga tao; sapagkat sila ay ganap na matatapat at matwid sa lahat ng bagay; at sila ay matatag sa pananampalataya kay Cristo, maging hanggang sa katapusan.”7
Malamang ay kasigasigan nila sa Diyos ang nabanaagan ng kasabikang bigyang-lugod ang Diyos at sambahin Siya nang tapat at masigla. Ang kasigasigan nila sa tao ay nagpapahiwatig ng masiglang interes na tumulong at maglingkod sa iba. Ang pagiging lubos na matwid at tapat sa lahat ng bagay ay nagpapahiwatig na tapat sila sa kanilang mga tipan at hindi nagdadahilan sa mga pangako nila sa Diyos o sa tao. Alam pa natin na tinuruan nila ng ebanghelyo ang kanilang mga anak sa kanilang tahanan. Alam natin na ibinaon ng mga tao ang kanilang mga sandata sa digmaan, at inilayo ang kanilang sarili sa tukso.
Malamang ay sinuri nila nang madalas ang kundisyon ng kanilang pusong espirituwal na nagbago. Hindi nila basta ipinalagay na maayos ang lahat. Kung sinusuri nila ang kanilang pusong nagbago, matutukoy nila nang maaga ang anumang pagtigas o pagtanggi at magagamot ito.
Sunud-sunod ang mga tanong ni Nakababatang Alma sa mga kaedaran ng mga tao ni Ammon na nagsusuri ng mga pusong espirituwal na nagbago. Nagtanong si Alma, ”Kung inyo nang naranasan ang pagbabago ng puso, at kung inyo nang nadama ang umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig, itinatanong ko, nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?”8 Itinanong pa niya kung sapat ang kanilang pagpapakumbaba, hindi sila hambog at naiinggit, at mabait sila sa kanilang kapwa.9 Kung tapat nating masasagot ang ganitong mga tanong, maitatama natin nang maaga ang mga paglihis sa tuwid at makitid na landas at lubos na matutupad ang ating mga tipan.
Noong 1980 lumipat ang pamilya namin sa tapat ng ospital kung saan ako nag-training at nagtrabaho. Nagtrabaho ako araw-araw, pati Linggo. Kung nakatapos na ako ng trabaho sa araw ng Linggo nang alas-2 n.h., nakakasama ako sa asawa’t anak ko papuntang simbahan para sa mga miting na nagsisimula nang alas-2:30.
Isang araw ng Linggo huli na ako sa unang taon ko sa training, alam ko na malamang na matapos ako nang alas-2:00. Gayunman, batid ko na kung magtatagal pa ako sa ospital, aalis ang asawa’t anak ko nang hindi ako kasama. Sa gayo’y makapaglalakad ako pauwi at makakaidlip. Nagsisisi ako dahil iyon mismo ang ginawa ko. Naghintay ako hanggang alas-2:15, dahan-dahang naglakad pauwi, at humiga sa sopa, sa pag-asang makaidlip. Pero, hindi ako makatulog. Nabagabag ako at nag-alala. Noon pa man ay mahilig na akong magsimba. Nagtaka ako kung bakit sa araw na ito at nawala ang init ng patotoo at kasigasigang dati kong nadarama.
Hindi ko kinailangang mag-isip nang matagal. Dahil sa iskedyul ko, naging pabaya ako sa aking pagdarasal at pag-aaral ng banal na kasulatan. Gigising ako sa umaga, magdarasal, at papasok sa trabaho. Kadalasan gumagabi at nag-uumaga nang muli bago ako makauwi nang hatinggabi kinabukasan. Sa gayo’y pagod na pagod na ako kaya nakakatulog ako bago makapagdasal o makabasa ng mga banal na kasulatan. Kinabukasan naulit ang prosesong iyon. Ang problema ay hindi ko ginagawa ang mahahalagang bagay na kailangan kong gawin para huwag tumigas ang puso kong malaki na ang ipinagbago.
Tumindig ako mula sa sopa, lumuhod, at humingi ng tawad sa Diyos. Nangako ako sa aking Ama sa Langit na magbabago na ako. Kinabukasan nagdala ako ng Aklat ni Mormon sa ospital. Sa listahan ng mga gagawin ko sa araw na iyon, at araw-araw na mula noon, ay may dalawang bagay: pagdarasal kahit sa umaga at gabi lang at pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Kung minsan ay hatinggabi na, at magkukumahog akong maghanap ng pribadong lugar para magdasal. May mga araw naman na sandali lang ako nag-aral ng banal na kasulatan. Nangako rin ako sa Ama sa Langit na sisikapin kong makapagsimba palagi, kahit mahuli ako sa miting. Pagkaraan ng ilang linggo, muling nagbalik ang kasigasigan at alab ng aking patotoo. Nangako ako na hindi na muling mahuhulog sa espirituwal na bitag ng kamatayan sa pagiging pabaya tungkol sa tila maliliit na gawain na inilalagay sa panganib ang mga bagay na walang hanggan, anuman ang sitwasyon.
Para makatiis hanggang wakas, maging sabik tayong bigyang-lugod ang Diyos at sambahin Siya nang tapat at masigla. Ibig sabihin nito manatili tayong sumasampalataya kay Jesucristo sa pagdarasal, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pakikibahagi sa sacrament bawat linggo, at gawin nating palagiang kasama ang Espiritu Santo. Kailangan nating maging aktibo sa pagtulong at paglilingkod sa iba at ibahagi natin ang ebanghelyo sa kanila. Kailangan nating maging lubos na matwid at tapat sa lahat ng bagay, hindi isinasapalaran ang ating mga tipan sa Diyos o mga pangako sa tao, anuman ang sitwasyon. Sa ating mga tahanan kailangan tayong mangusap, magalak, at mangaral tungkol kay Cristo upang hangarin ng ating mga anak—at natin mismo—na iangkop ang Pagbabayad-sala sa ating buhay.10 Dapat nating tukuyin ang mga tuksong madaling makabagabag sa atin at lumayo sa mga ito— nang napakalayo. Sa huli, madalas nating suriin ang ating pusong malaki ang pagbabago at alisin ang anumang tanda ng maagang pagtigas nito.
Mangyaring isipin ang kalagayan ng inyong pusong nagbago. May nadarama ba kayong anumang pagtanggi dahil sa hilig ng likas na tao na magpabaya? Kung gayon, humanap ng isang lugar kung saan kayo man ay makakaluhod. Alalahanin, mahigit pa sa haba ng buhay ninyo sa daigdig na ito ang nakataya. Huwag magsapalarang mawala ang mga bunga ng huling operasyon: walang hanggang kaligtasan at kadakilaan.
Dalangin ko na magpatuloy tayo sa paglakad nang may katatagan kay Cristo at magtiis nang may kagalakan hanggang sa wakas,11 sa pangalan ni Jesucristo, amen.