2009
Puspusin ng Kabanalan ang Iyong mga Iniisip
Nobyémbre 2009


Puspusin ng Kabanalan ang Iyong mga Iniisip

Dapat tayong manindigan at maging matatag sa pagpapanatili ng mga kabanalang tulad ng kay Cristo.

Larawan
Bishop H. David Burton

Salamat, Elder Pace, sa magandang pambungad na panalanging iyon, lalo na sa mga tagapakinig at tagapagsalita.

“Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos” (D at T 121:45).

Habang palapit noon ang ika-12 kaarawan ko, may ilan pang kailangang kumpletuhin bago ako magtapos sa Primary. Isa rito ang pagbigkas sa labintatlong Saligan ng Pananampalataya nang sunud-sunod. Medyo madali ang unang labindalawang saligan, pero mas mahirap ang ikalabintatlo. Nahirapan akong maalala ang pagkakasunud-sunod ng mga kabanalan. Salamat sa isang guro sa Primary na mapagpasensya at matiyaga, sa wakas ay natapos ko rin ang pagsasaulo.

Makalipas ang mga taon lumipat kami ng asawa ko’t mga anak sa una naming tahanan. Nagulat kaming malaman na magiging kapitbahay namin ang dati kong guro sa Primary. Sa 40 taon na magkalapit lang kami ng tirahan, naitago niya ang munting sikreto namin na mahirap akong matuto.

“Naniniwala kami sa pagiging matapat, tunay, malinis, mapagkawanggawa, marangal, at sa paggawa ng mabuti sa lahat ng tao; sa katotohanan, maaari naming sabihing sinusunod namin ang payo ni Pablo—Naniniwala kami sa lahat ng bagay, umaasa kami sa lahat ng bagay, nakapagtiis kami ng maraming bagay, at umaasang makapagtitiis sa lahat ng bagay. Kung may anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri, hinahangad namin ang mga bagay na ito” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13).

Ngayon ay nais kong magsalita tungkol sa mga personal na katangian na tinatawag nating mga kabanalan. Mga banal na katangian ang bumubuo sa pundasyon ng buhay ng Kristiyano at ito ang panlabas na pagpapakita ng tunay na pagkatao. Ang baybay sa Ingles ng maraming kabanalan ng tao ay nagtatapos sa mga letrang ity: integrity, humility, charity, spirituality, accountability, civility, fidelity, at marami pang iba. Batay na rin sa literatura, tatawagin kong mga kabanalang “dad” at “an” sa Tagalog ang mga kabanalang ito na nagtatapos sa ity sa Ingles. Ang “dad” at “an” ay mga hulaping ibig sabihin ay kalidad, kalagayan, o antas ng pag-iral.

Kailangan lang tayong tumingin sa paligid para makita ang nangyayari sa ating komunidad upang malaman na naglalaho na ang mga personal na kabanalang iyan. Pag-isipan ang asal ng mga drayber sa siksikang mga lansangan; napakadalas magkaroon ng awayan sa kalye. Bihirang makita ang paggagalangan sa pag-uusap ng mga pulitiko. Sa pagharap ng mga bansa sa mundo sa problema sa pera at ekonomiya, tila napalitan na ng kasakiman at katiwalian ang katapatan. Kapag binisita ninyo ang isang high school kadalasan ay makaririnig kayo ng magaspang na pananalita at mahalay na pananamit. May ilang atletang pikon at bihirang magpakumbaba maliban kung nalantad sa publiko dahil sa sinampahan ng kaso o sa imoralidad. Malaking bahagi ng ating populasyon ang nakadarama ng kaunting personal na pananagutan sa sarili nilang temporal na kapakanan. Sinisisi ng ilang taong naghihikahos ang mga bangko at mga nagpapautang na nagpautang ng pera para mabigyang-kasiyahan ang kanilang mga luho sa halip tugunan lamang ang mga pangangailangan. Kung minsan naglalaho ang pagsuporta natin sa mabubuting layon kapag nanaig ang pagkahilig nating magkaroon ng higit sa kailangan natin.

Mga kapatid, hindi natin kailangang makibahagi sa kawalan ng kabanalan na sumasalakay at nagpaparumi sa lipunan. Kung susundin natin ang mundo sa pagtalikod sa mga kabanalang Kristiyano, maaaring makapinsala ang mga bunga nito. Ang pananampalataya at katapatan ng tao, na walang hanggan ang mga bunga, ay unti-unting maglalaho. Masama ang magiging epekto nito sa pagkakaisa at espirituwalidad ng pamilya. Mababawasan ang impluwensya ng relihiyon sa lipunan, at mas mahirap ipatupad ang batas, at baka balewalain pa ito. Maaaring naitanim na ang pinag-uugatan ng lahat ng problema ng likas na tao, at labis itong ikinatutuwa ni Satanas.

Dapat tayong manindigan at maging matatag sa patuloy na pag-aangkin ng mga kabanalang tulad ng kay Cristo, maging ang mga kabanalang “dad” at “an”, sa ating pang-araw-araw na buhay. Ang pagtuturo ng mga banal na katangian ay nagsisimula sa tahanang may mga magulang na nagmamalasakit at nagpapakita ng mabuting halimbawa. Ang mabuting halimbawa ng magulang ay nakahihikayat tularan; ang masamang halimbawa ay nagbibigay ng dahilan sa mga bata na balewalain ang mga turo ng mga magulang at palalain pa ang masamang halimbawa. Ang mapagkunwaring halimbawa ay sumisira sa kredibilidad.

Ang walong-taong-gulang na si Megan ay mahilig tumugtog ng piyano. Kamakailan sinabi ng piano teacher niya na gagantimpalaan siya ng donut kung araw-araw siyang magpapraktis. Sabi ng titser “magpapadala siya ng mga donut” at tatawagan niya si Megan anumang araw sa loob ng linggo. Kung nagpraktis siya sa araw na iyon, makakamit niya ang gantimpala. Nang tawagan niya si Megan, wala ito sa bahay para mag-ulat. Sa kanyang lingguhang leksyon, tinanong ng titser si Megan kung nagpraktis siya, na sinagot ni Megan na nagpraktis yata siya at kinuha niya ang gantimpala. Nang makita ng ina ni Megan ang donut, kinausap niya si Megan at ipinaunawa rito na kailangan niyang maging tapat. Sa panghihikayat ng kanyang ina ay tinawagan niya ang titser para humingi ng paumanhin. Nang magkausap ang titser at estudyante, napag-alaman na talagang nakumpleto ni Megan ang music theory writing niya; dahil dito, naging marapat siya sa gantimpala. Salamat sa matalino at mapagmalasakit na mga magulang, matagal na maaalala ang mahahalagang aral.

Ang 15-taong-gulang naming apo, si Ben, ay isang big time skier, na lumaban na sa ilang paligsahan at nanalo. Bago nagkaroon ng gayong paligsahan sa Idaho, pinaalalahanan siya ng kanyang mga magulang na depende sa mga marka niya sa eskuwela ang pagsali niya roon. Nagpareserba ng condominium sa Sun Valley, Idaho, nagplanong dumalo ang kanyang mga lolo’t lola, at sinikap ni Ben na makamit ang mataas na marka sa eskuwela na inaasahan niya at ng kanyang mga magulang. Gayunman, sa pagtatapos ng araw, mababa ang markang nakuha niya. Hindi nakasali si Ben sa paligsahan sa ski at hindi siya nakakuha ng puntos para makasali sa Junior Olympics, pero nagkaroon si Ben ng malaking pagpapahalaga sa responsibilidad at pananagutan. Sa pananatiling matatag, madalas ay mas nagdurusa at nagdadalamhati ang mga magulang kaysa mga anak na sinisikap nilang turuan.

Iminungkahi ni Pangulong James E. Faust na sa integridad nagmumula ang maraming kabanalan. Sinabi niya na ang integridad ay maipaliliwanag bilang “mahigpit na pagkapit sa batas ng moralidad.” Iminungkahi rin niya na “integridad ang liwanag na nagmumula sa disiplinadong konsiyensya. Ito ang pagganap sa tungkulin na nasa ating kalooban” (“Integrity, the Mother of Many Virtues,” sa Speaking Out on Moral Issues [1998], 61, 62). Mahirap para sa isang tao na magpakita ng mga banal na katangian kung wala siyang integridad. Kung walang integridad, kadalasan ay nalilimutan ang katapatan. Kung walang integridad, nawawala ang paggagalangan. Kung hindi mahalaga ang integridad, mahirap mapanatili ang espirituwalidad. Noong panahon ng Lumang Tipan, pinayuhan ni Moises ang mga anak ni Israel na “pagka ang isang lalake ay nagpanata ng isang panata sa Panginoon, o sumumpa ng isang sumpa, na itinali ang kaniyang kaluluwa sa isang gampanin, ay huwag niyang sisirain ang kaniyang salita, kaniyang gaganapin ayon sa lahat ng binuka ng kaniyang bibig” (Mga Bilang 30:2).

Pinaalalahanan tayo ni Pangulong Thomas S. Monson ilang taon na ang nakararaan na ‘karamihan sa mga tao ay hindi gagawa ng desperadong hakbang kung naituro sa kanila na mas mahalaga ang dignidad, katapatan at integridad kaysa paghihiganti o matinding galit; kung nauunawaan nila na ang respeto at kabaitan ay bibigyan sila ng mas magandang pagkakataong magtagumpay sa huli’ (“Family Values in a Violent Society,” Deseret News, Ene. 16, 1994, A12, ayon sa pagkabanggit sa “Paghahanap ng Kapayapaan,” Liahona, Mar. 2004, 4).

Narinig na siguro ninyo ang tungkol sa Nawawalang Batalyon ng World War I, ang sampung nawawalang lipi ni Israel, o siguro ang “nawawalang mga batang lalaki” sa dula-dulaan ni J. M. Barrie na Peter Pan. Pamilyar din siguro kayo sa album ni Michael McLean na pinamagatang The Forgotten Carols. Ang mga banal na pag-uugali ay hindi dapat kalimutan o balewalain kailanman. Kung malimutan o mabalewala, siguradong magiging “nawawalang mga kabanalan” ang mga ito. Kung mawala ang mga kabanalan, mabubuway ang mga pamilya, hihina ang pananampalataya ng tao sa Panginoong Jesucristo, at maaaring manganib ang mahahalaga at walang hanggang ugnayan.

Ang lubos na pagpapakita ng mga banal na pag-uugali ay magpapaluwag sa mahigpit na kapit ni Satanas sa lipunan at sisira sa mapanganib na plano niyang bihagin ang puso, isipan, at espiritu ng mga tao.

Panahon na upang sumali tayo sa pagsagip at pag-iingat sa mga bagay na “marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri.” Kapag pinuspos natin ng kabanalan ang ating isipan nang walang humpay at nilinang ang mga banal na pag-uugali sa personal nating buhay, gaganda ang ating mga komunidad at institusyon, tatatag ang ating mga anak at pamilya, at pagpapalain ng pananampalataya at integridad ang buhay ng mga tao.

Pinatototohanan at ipinahahayag ko na inaasahan ng ating Ama sa Langit ang kanyang mga anak na magkaroon ng integridad, paggagalangan, katapatan, pagmamahalan, kabaitan, moralidad, at lahat ng kabanalan. Nawa mapagpakumbaba nating samantalahin ang oportunidad na gawin ang ating responsibilidad upang maipamalas ang kakayahan nating gawin ito, ang dalangin ko, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Print