Tulong sa Kalamidad
Nanalasa ang Tsunami sa mga Isla ng South Pacific
Tinulungan ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang mga kapitbahay at ang isa’t isa sa paglilinis matapos lumikha ng tsunami ang lindol na may lakas na 8.0 sa South Pacific noong Setyembre 29, 2009.
Ang lindol at malalaking alon ng tsunami ay pumatay ng mahigit 180 katao, at nag-iwan ng daan-daang nawawala o nasugatan, at sumira sa maraming gusali. Tinatayang 140 katao ang kumpirmadong namatay sa Samoa, at mahigit 30 sa American Samoa at 9 sa Tonga. Kabilang sa mga namatay ang di kukulangin sa 26 na mga miyembro ng Simbahan—22 sa Samoa at 4 sa karatig na American Samoa.
Tumulong ang mga lokal na lider ng priesthood sa kagyat na pangangailangan, na kinabibilangan ng pagkain, tubig, at mga hygiene item. Nakipagtulungan din ang mga lider ng priesthood sa mga opisyal ng pamahalaan at mga relief organization upang makapagbigay ng pangmatagalang tugon sa pangangailangan. Tumulong ang Simbahan sa paglalaan ng isang eroplanong puno ng mga relief supply na ipinadala mula sa Salt Lake City noong Oktubre 6.
Sinalanta ng mga Bagyo ang Pilipinas at Vietnam
Ang Simbahan at mga miyembro ng Simbahan ay kumilos upang magbigay ng tulong matapos manalasa ang Bagyong Ketsana sa Pilipinas at sa Southeast Asia, na pumatay ng mahigit 300 katao noong Setyembre at Oktubre 2009.
Ang bagyo ay unang nanalanta sa Pilipinas, at kalahating milyong katao ang nawalan ng tahanan. Mahigit 560,000 katao ang inilikas sa mahigit 600 mga evacuation camp. Kabilang sa mahigit 275 katao na kumpirmadong nangamatay ang 12 mga miyembro ng Simbahan. May 14 pang nawawala. Winasak ng pagbaha ang 44 na mga tahanan ng mga miyembro at pininsala ang 223 iba pa. Di kukulangin sa 25 mga meetinghouse ang nasira ng baha, at 25 ang ginamit bilang pansamantalang matutuluyan.
Sa Vietnam, ang bagyo ay pumatay ng mahigit 40 katao dahil sa pagbaha at mga pagguho ng lupa. Tinatayang 200,000 katao ang inilikas mula sa mga lalawigang nasa gitna bago dumating ang bagyo. Lahat ng miyembro ng Simbahan at mga misyonero sa Vietnam ay ligtas.
Nang sumunod na linggo, nanalasa ang Bagyong Parma sa mga hilagang lalawigan ng Pilipinas, at pumatay ng di kukulangin sa 160 pang katao.
Sinalanta ng Magkakasunod na Lindol ang Indonesia
Isang lindol na may lakas na 7.6 ang tumama 30 milya (50 km) mula sa baybayin ng isla ng Sumatra sa Indonesia noong Setyembre 30, 2009. Isa pang lindol, na may lakas namang 6.8, ang tumama sa kalapit na lugar kinabukasan.
Di kukulangin sa 1,100 katao ang nangamatay, at daan-daan pa ang sugatan, at marami ang nangatabunan ng gumuhong lupa. Winasak ng lindol ang mga ospital, paaralan, pamilihan, tulay, at lansangan. Naputol ang mga linya ng kuryente at lumikha ng mga pagguho ng lupa.
Ligtas ang lahat ng miyembro ng Simbahan, at walang naiulat na pagkasira ng ari- arian ng Simbahan ang sentro ng lindol ay nasa layong 500 milya (800 km) mula sa tahanan ng mga miyembro.