2009
Mahinahon sa Lahat ng Bagay
Nobyémbre 2009


Mahinahon sa Lahat ng Bagay

Ang matutong maging mahinahon sa lahat ng bagay ay isang espirituwal na kaloob na mapapasaatin sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Elder Kent D. Watson

Bilang sagot sa tanong ni Propetang Joseph Smith, itinuro ng Panginoon: “At walang sinuman ang makatutulong sa gawaing ito maliban kung siya ay magiging mapagpakumbaba at puno ng pagmamahal, may pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa tao, na mahinahon sa lahat ng bagay, anuman ang ipinagkatiwala sa kanyang pangangalinga.”1

Ang tagubiling maging mahinahon sa lahat ng bagay ay angkop sa bawat isa sa atin. Ano ang kahinahunan, at bakit nais ng Panginoon na maging mahinahon tayo? Ang isang limitadong pakahulugan ay maaaring “ang pagpigil sa sariling kumain o uminom.” Tunay nga, ang kahulugang ito ng kahinahunan ay maaaring mabuting payo para masunod ang Word of Wisdom. Kung minsan ang kahinahunan ay maaaring mangahulugan ng “pagtitimpi ng galit o pagiging mahinahon.” Ang mga kahulugang ito, gayunpaman, ay ilan lamang sa mga paraang ginamit sa mga banal na kasulatan.

Sa espirituwal na kahulugan, ang kahinahunan ay isang banal na katangian ni Jesucristo. Hangad Niya na paunlarin ng bawat isa sa atin ang katangiang ito. Ang matutong maging mahinahon sa lahat ng bagay ay isang espirituwal na kaloob na mapapasaatin sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Noong inilarawan ni Apostol Pablo ang mga bunga ng Espiritu sa kanyang Sulat sa mga taga Galacia, nagsalita siya tungkol sa “pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, kaamuan [at] pagpipigil.”2

Nang sumulat si Pablo kay Tito, na inilalarawan ang mga katangiang kailangan ng bishop sa pagtaguyod sa gawaing ito, sinabi niya na ang bishop ay “hindi [dapat magkaroon ng] mapagsariling kalooban, hindi magagalitin, … [kundi] mapagpigil.”3 Ang pagiging mapagpigil ay ang pagiging mahinahon sa lahat ng bagay o pagkontrol sa sarili.

Nang magturo ang Nakababatang Alma sa lupain ng Gedeon, sinabi niya:

“Ako ay nananalig na kayo ay hindi naiangat sa kapalaluan ng inyong mga puso; oo, ako ay nananalig na hindi ninyo inilagak ang inyong mga puso sa mga kayamanan at sa mga walang kabuluhang bagay ng sanlibutan… .

“Nais ko na kayo ay maging mapagpakumbaba, at maging masunurin at maamo; madaling pakiusapan, puspos ng tiyaga at mahabang pagtitiis; mahinahon sa lahat ng bagay.”4

Kalaunan sa kanyang mensahe, tinagubilinan ni Alma ang anak niyang si Shiblon, at tayo na ring lahat, na “tiyaking hindi ka inaangat sa kapalaluan.”5 Sa halip dapat ay “maging masigasig at mahinahon sa lahat ng bagay.”6 Ang ibig sabihin ng pagiging mahinahon ay maingat na pagsuri sa ating mga inaasahan at hinahangad, maging masigasig at matiyaga sa paghahangad ng matwid na mga mithiin.

Ilang taon na ang nakalilipas, nagmamaneho ako pauwi mula sa trabaho nang may isang malaking trak, na kasalubong ko, ang natanggalan ng isang gulong. Lumipad ang gulong at napunta sa gitnang linya ng kalsada. Tumalbog-talbog ito papunta sa panig ko sa freeway. Nagsilihis ang mga kotse sa magkabilang panig dahil hindi alam ng mga drayber kung saan sunod na tatalbog ang gulong. Umilag ako pakaliwa na dapat pala ay pakanan, at tumalbog ang gulong sa gilid ng aking windshield.

Tinawagan ng kaibigan ko ang aking asawa para ipaalam sa kanya ang aksidente. Kinalaunan sinabi niya sa akin na ang unang naisip niya ay mga sugat dahil sa nabasag na salamin. Totoo nga, puno ako ng mga bubog ngunit wala ako kahit isa mang galos. Tiyak na hindi iyon dahil sa magaling akong magmaneho; kundi dahil sa ang windshield ng maliit kong kotse ay yari sa tempered glass o salamin na pinasubhan.

Ang salamin na pinasubhan, tulad ng bakal na pinasubhan, ay sumasailalim sa kontroladong paraan ng pagpapainit na lalong nagpapatibay dito. Samakatwid, kapag ang salamin na pinasubhan ay napuwersa, hindi magiging matutulis ang pagkabasag nito kaya’t hindi makakasugat.

Gayundin, ang mahinahong kaluluwa—isang taong mapagpakumbaba at puno ng pagmamahal—ay isa ring taong may dagdag na kalakasang espirituwal. Sa dagdag na kalakasang espirituwal, napapaunlad natin ang pagkontrol sa sarili at namumuhay nang mahinahon. Natututuhan nating kontrolin, o timpiin, ang ating galit, kayabangan, at kapalaluan. Sa dagdag na espirituwal na kalakasan, mapoprotektahan natin ang ating sarili mula sa mapanganib na kalabisan at nakasisirang adiksyon ng mundo ngayon.

Hangad nating lahat ang kapayapaan ng isipan, at hangad natin ang kaligtasan at kaligayahan para sa ating mga pamilya. Kung naghahanap tayo ng di-inaasahang mga pagpapala sa pagbulusok ng ekonomiya nitong nakaraang taon, marahil ang mga pagsubok na kinaharap ng marami ay nagturo sa atin na ang kapayapaan ng isipan, kaligtasan at kaligayahan ay hindi dumarating sa pagbili natin ng bagong bahay o pagparami ng mga ari-arian kung saan ang utang ay mas malaki kaysa kaya ng ating ipon o sahod.

Nabubuhay tayo sa isang mundong walang pagtitiis at walang kahinahunan, na puno ng kawalang-katiyakan at pagtatalo. Katulad ito ng komunidad ng mga nabinyagan sa iba’t ibang relihiyon kung saan nanirahan si Joseph Smith noong 14 na taong gulang siya at naghahangad ng mga kasagutan sa kanyang mga katanungan. Sabi ng batang si Joseph, “Lahat ng kanilang mabubuting damdamin sa isa’t isa, kung sila ma’y nagkaroon nga nito, ay ganap na nawala sa sigalutan ng mga salita at sa tunggalian hinggil sa mga palagay.”7

Ang kaligtasan ng ating mga pamilya ay nagmumula sa pagkatutong kontrolin ang sarili, pag-iwas sa kalabisan ng mundong ito, at pagiging mahinahon sa lahat ng bagay. Ang kapayapaan ng isipan ay nagmumula sa pinalakas na pananampalataya kay Jesucristo. Ang kaligayahan ay nagmumula sa pagiging masigasig sa pagtupad ng mga tipang ginawa sa binyag at sa mga banal na templo ng Panginoon.

May hihigit pa bang halimbawa ng kahinahunan maliban sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo?

Kung ang ating mga puso ay pinupukaw ng galit sa pagtatalo at pag-aaway, itinuro ng Tagapagligtas na dapat tayong “magsisi, at maging katulad ng isang bata.”8 Dapat tayong makipagkasundo sa ating kapatid at lumapit sa Kanya na may buong layunin ng puso.9

Kapag hindi mabait ang iba, itinuro ni Jesus na “ang aking kabaitan kailanman ay hindi maglalaho sa iyo.”10

Kapag nahaharap tayo sa mga pagdurusa, sinabi Niya: “Maging mapagtiis sa mga pagdurusa, huwag manlait sa mga yaong nanlalait. Pamahalaan ang iyong kasambahay sa kaamuan, at maging matatag.”11

Kapag tayo ay inaapi, tayo ay maaliw sa kaalamang “siya ay inapi, at siya ay pinahirapan, gayon man, hindi niya ibinuka ang kanyang bibig.”12 “Tunay na kanyang pinasan ang ating mga dalamhati, at dinala ang ating mga kalungkutan.”13

Nang si Jesucristo, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, ay nagdusa para sa atin hanggang sa labasan Siya ng dugo sa pinakamaliit na butas ng balat, hindi Siya nagpakita ng galit o nanlait sa pagdurusa. Sa walang kapantay na pagpipigil, o kahinahunan, hindi ang sarili Niya ang Kanyang iniisip kundi ikaw at ako. At pagkatapos, sa pagpapakumbaba at puno ng pagmamahal, sinabi Niya, “Gayon pa man, ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao.”14

Nitong nakalipas na taon, nagkaroon ako ng pribilehiyong makapagpatotoo sa katotohanan ng Tagapagligtas at ng Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga Banal at mga kaibigan sa buong Asia. Karamihan ay mga unang henerasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw na nakatira sa mga lugar na kaunti pa ang mga miyembro ng Simbahan. Ang paglalakbay sa kanilang lupain sa mga huling araw ay nakapagpapagunita sa mga karanasan ng mga Banal sa mga Huling Araw noong unang panahon.

Sa kagila-gilalas na mundo ng pagkakaiba sa Asia, kung saan ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay wala pang isang porsiyento ng napakalaking populasyon, nagkaroon ako ng higit na pagpapahalaga sa kahinahunan na tulad ng kay Cristo. Mahal ko at ikinararangal ang mga Banal na ito, na nagturo sa akin sa pamamagitan ng halimbawa kung ano ang ibig sabihin ng magpakumbaba at puno ng pagmamahal, “mahinahon sa lahat ng bagay anuman ang ipinagkatiwala sa [kanilang] pangangalinga.”15 Dahil sa kanila, mas naunawaan ko ang pagmamahal ng Diyos para sa lahat ng Kanyang mga anak.

Iniiwan ko ang aking pagsaksi na ang ating Manunubos ay buhay at ang Kanyang banal na kaloob na kahinahunan ay naririyan para sa bawat anak ng Diyos, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. D at T 12:8.

  2. Mga Taga Galacia 5:22–23.

  3. Kay Tito 1:7–8.

  4. Alma 7:6, 23.

  5. Alma 38:11.

  6. Alma 38:10.

  7. Joseph Smith—Kasaysayan 1:6.

  8. 3 Nephi 11:37.

  9. Tingnan sa 3 Nephi 12:24.

  10. 3 Nephi 22:10.

  11. D at T 31:9.

  12. Mosias 14:7.

  13. Mosias 14:4.

  14. D at T 19:19.

  15. D at T 12:8.