Ang Pagtuturo ay Nakakatulong sa Pagliligtas ng mga Buhay
Itinuturo natin ang pangunahing doktrina, inaanyayahan ang mga tinuturuan na gawin ang ipinagagawa ng Diyos sa kanila, at saka natin ipinapangako na tiyak na darating ang mga pagpapala.
Isang araw noong mission president ako, kausap ko sa telepono ang panganay naming lalaki. Papunta siya sa ospital na pinagtatrabahuhan niya bilang doktor. Pagdating niya sa ospital, sabi niya, “Masaya ako’t nagkausap tayo, Dad, kaya lang kailangan ko na pong bumaba ng kotse at magligtas ng ilang buhay.”
Ang aming anak ay gumagamot ng mga batang malulubha ang karamdaman. Kapag nasuri niya nang husto ang sakit at naibigay ang tamang gamot, maililigtas niya ang buhay ng isang bata. Sinabi ko sa aming mga misyonero na trabaho rin nilang magligtas ng mga buhay—ang espirituwal na buhay ng mga tinuturuan nila.
Sabi ni Pangulong Joseph F. Smith: “Kapag [tinanggap natin] ang katotohanan ililigtas [tayo] nito. Maliligtas [tayo] hindi lamang dahil itinuro ito sa [atin] ng isang tao, kundi dahil sa tinanggap at isinagawa [natin] ito.” (sa Conference Report, Abr. 1902, 86; tingnan din sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 59; I Timoteo 4:16).
Ang aming anak ay nagliligtas ng buhay sa pagbabahagi ng kaalaman niya sa medisina; ang mga misyonero at guro sa Simbahan ay tumutulong sa pagliligtas ng mga buhay sa pagbabahagi ng kaalaman nila sa ebanghelyo. Kapag umaasa ang mga misyonero at guro sa Espiritu, itinuturo nila ang wastong alituntunin, inaanyayahan ang mga tinuturuan nila na ipamuhay iyon, at pinatototohanan ang mga ipinangakong pagpapalang tiyak na kasunod nito. Binanggit ni Elder David A. Bednar ang tatlong simpleng elemento ng epektibong pagtuturo sa isang pulong sa pagsasanay kamakailan: (1) pangunahing doktrina, (2) paanyayang kumilos, at (3) mga ipinangakong pagpapala.
Ang gabay na Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay tumutulong sa mga misyonero na ituro ang pangunahing doktrina, anyayahan ang mga tinuturuan nila na kumilos, at tanggapin ang mga ipinangakong pagpapala. Ang gabay na Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin ay tumutulong sa mga magulang at guro na gayon din ang gawin. Ito ay para sa pagtuturo ng ebanghelyo tulad ng ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay para sa gawaing misyonero. Ginagamit natin ang mga ito sa paghahandang magturo, at saka tayo umaasa sa Espiritu habang nagtuturo.
Ikinuwento ni Pangulong Thomas S. Monson ang isang guro sa Sunday School noong kabataan niya, si Lucy Gertsch. Isang araw ng Linggo, sa kalagitnaan ng aralin tungkol sa di-makasariling paglilingkod, inanyayahan ni Sister Gertsch ang kanyang mga estudyante na ibigay ang nalikom nilang pondo sa pamilya ng kaklase nilang namatayan ng ina. Sinabi ni Pangulong Monson na matapos gawin ang paanyayang iyon na kumilos, “isinara [ni Sister Gertsch] ang manwal at binuksan ang aming mga mata at tainga at puso sa kaluwalhatian ng Diyos” (“Mga Halimbawa ng Magagaling na Guro” [pandaigdigang pulong sa pagsasanay sa pamumuno Peb 10, 2007] Liahona, Hunyo 2007, 76). Malinaw na ginamit ni Sister Gertsch ang manwal upang ihanda ang kanyang aralin, ngunit pagdating ng inspirasyon, isinara niya ang manwal at inanyayahan ang kanyang mga estudyante na ipamuhay ang alituntunin ng ebanghelyo na kanyang itinuturo.
Tulad ng itinuro ni Pangulong Monson: “Ang mithiin ng pagtuturo ng ebanghelyo … ay hindi para ‘magbuhos ng impormasyon’ sa isipan ng mga miyembro ng klase… . Ang layunin ay pasiglahin ang tao na pag-isipan, damhin, at saka gumawa ng paraan para maipamuh ay ang mga alituntunin ng ebanghelyo” (sa Conference Report, Okt. 1970, 107).
Nang magpakita si Moroni kay Propetang Joseph, hindi lamang niya itinuro dito ang mga pangunahing doktrina ng Panunumbalik, kundi sinabi rin niya rito na “ang Diyos ay may gawaing ipagagawa sa [kanya]” at nangako rito na ang pangalan niya ay makikilala sa buong mundo (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:33). Lahat ng magulang at guro ng ebanghelyo ay mga sugo mula sa Diyos. Hindi lahat ay nagtuturo sa mga magiging propeta, na tulad ng ginawa nina Sister Gertsch at Moroni, ngunit lahat tayo ay nagtuturo sa mga magiging lider ng Simbahan. Kaya natin itinuturo ang pangunahing doktrina, inaanyayahan ang mga tinuturuan na gawin ang ipinagagawa ng Diyos sa kanila, at saka natin ipinapangako na tiyak na darating ang mga pagpapala.
Naaalala ko noong bata pa ako at walang iniintindi habang naglalakad papuntang simbahan para sa miting ng Primary. Pagdating ko, nagulat akong makita ang lahat ng magulang na naroon para sa isang espesyal na programa. Pagkatapos ay bigla kong naalala. May bahagi ako sa programang ito, at nalimutan kong isaulo ang sasabihin ko. Nang ako na ang magsasalita, tumayo ako sa harap ng aking upuan, pero wala akong nasabi. Wala akong matandaan. Kaya tumayo na lang ako roon at sa huli ay umupo ako at tumitig sa sahig.
Matapos maranasan iyon, nagpasiya ako na hindi na ako muling magsasalita sa anumang miting sa Simbahan. At matagal-tagal ko ring pinanindigan iyon. Pagkatapos isang araw ng Linggo, lumuhod si Sister Lydia Stillman, isang lider sa Primary, sa tabi ko at hinilingan akong magbigay ng maikling mensahe sa susunod na linggo. Sabi ko, “Hindi ako nagbibigay ng pananalita.” Sumagot siya, “Alam ko, pero maibibigay mo ito dahil tutulungan kita.” Patuloy akong tumanggi, pero nagpakita siya ng malaking tiwala sa akin kaya mahirap tanggihan ang kanyang paanyaya. Nagbigay ako ng pananalita.
Ang butihing babaing iyon ay sugo mula sa Diyos, na may gawaing ipinagawa sa akin. Itinuro niya sa akin na pagdating ng isang tawag, tanggapin mo ito, kahit sa pakiramdam mo ay hindi mo kaya. Tulad ng ginawa ni Moroni kay Joseph, tiniyak niyang handa ako pagdating ng oras na magsasalita na ako. Ang inspiradong guro ay tumulong na maligtas ang aking buhay.
Noong tinedyer na ako, isang kauuwing misyonerong nagngangalang Brother Peterson ang nagturo sa klase namin sa Sunday School. Linggu-linggo ay nagdodrowing siya ng malaking palaso mula sa kaliwang sulok sa ibaba ng pisara na nakaturo sa kanang sulok sa itaas nito. Pagkatapos ay isinusulat niya sa itaas ng pisara ang, “Taasan ang Mithiin.”
Anumang doktrina ang ituro niya, hinihiling niyang magsikap pa kami, na taasan pa ang mithiin kaysa inaakala naming kayang abutin. Ang palaso at ang tatlong salitang ito, taasan ang mithiin, ay paanyaya maya’t maya sa buong aralin. Dahil kay Brother Peterson ginusto kong makapaglingkod na mabuti sa misyon, pagbutihin ang pag-aaral, at taasan ang pangarap ko sa aking kurso.
May ipinagawa si Brother Peterson sa amin. Ang mithiin niya ay tulungan kaming “pag-isipan, damhin, at saka gumawa ng paraan para maipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo.” Ang turo niya ay nakatulong upang maligtas ang aking buhay.
Sa edad na 19, tinawag akong magmisyon sa Tahiti, kung saan kinailangan kong pag-aralan ang dalawang wikang banyaga—French at Tahitian. Sa simula ng aking misyon, labis akong nanghina dahil hindi ko matutuhan ang kahit alin dito. Tuwing sisikapin kong magsalita sa French, sumasagot ang mga tao sa wikang Tahitian. Nang sikapin kong magsalita sa Tahitian, sumasagot sila sa wikang French. Gusto ko na sanang sumuko.
Pagkatapos isang araw, pagdaan ko sa laundry room sa mission home, may narinig akong tumatawag sa akin. Lumingon ako at nakita ko ang isang babaing Tahitian na maputi na ang buhok na nakatayo sa pintuan at sinesenyasan akong bumalik. Ang pangalan niya ay Tuputeata Moo. Tahitian lang ang salita niya. Ingles lang ang salita ko. Marami akong hindi naintindihan sa sinabi niya sa akin, pero naunawaan ko na gusto niyang bumalik ako sa laundry room araw-araw para maturuan niya ako ng Tahitian.
Araw-araw akong nagpunta para masanay niya ako habang namamalantsa siya. Noong una inisip ko kung matututo ako sa mga pagkikita namin, pero unti-unti ay naintindihan ko siya. Tuwing magkikita kami, nagpapakita siya ng buong pagtitiwala na matututuhan ko ang dalawang wika.
Tinulungan ako ni Sister Moo na matuto ng Tahitian. Pero higit pa riyan ang natutuhan ko sa kanya. Itinuturo niya talaga sa akin noon ang unang alituntunin ng ebanghelyo—pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Itinuro niya sa akin na kung aasa ako sa Panginoon, tutulungan Niya akong gawin ang bagay na imposible para sa akin. Hindi lang niya ako tinulungang iligtas ang misyon ko—tinulungan niya pa akong iligtas ang buhay ko.
Nagturo sina Sister Stillman, Brother Peterson, at Sister Moo “sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig; sa pamamagitan ng kabaitan, at dalisay na kaalaman, na siyang lubos na magpapalaki ng kaluluwa” (D at T 121:41–42). Nagturo sila nang puspos ng kabanalan ang kanilang mga iniisip, at dahil doon, palagi nilang kasama ang Espiritu Santo (tingnan sa D at T 121:45–46).
Nabigyang-inspirasyon ako ng magagaling na gurong ito na usisain ang sarili kong pagtuturo:
-
Bilang guro, itinuturing ko ba ang sarili ko na sugo ng Diyos?
-
Naghahanda ba ako at saka nagtuturo sa mga paraang makakatulong sa pagliligtas ng mga buhay?
-
Nakatuon ba ako sa pangunahing doktrina ng Panunumbalik?
-
Madarama ba ng mga tinuturuan ko na mahal ko sila at ang aking Ama sa Langit at ang Tagapagligtas?
-
Pagdating ng inspirasyon, isinasara ko ba ang manwal at binubuksan ang kanilang mga mata at tainga at puso sa kaluwalhatian ng Diyos?
-
Inaanyayahan ko ba silang gawin ang ipinagagawa sa kanila ng Diyos?
-
Nagpapakita ba ako ng malaking tiwala sa kanila para mahirapan silang tanggihan ang paanyaya?
-
Tinutulungan ko ba silang makilala ang ipinangakong mga pagpapalang dulot ng pagsunod sa doktrinang itinuturo ko?
Ang pagkatuto at pagtuturo ay hindi mga opsyonal na gawain sa kaharian ng Diyos. Ito mismo ang mga paraan kaya naipanumbalik ang ebanghelyo sa lupa at kaya tayo magtatamo ng buhay na walang hanggan. Itinuturo nila ang daan para magkaroon ng personal na patotoo. Walang sinumang maaaring “maligtas dahil sa kamangmangan” (D at T 131:6).
Alam kong ang Diyos ay buhay. Pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo. Pinatototohanan ko na si Propetang Joseph ang nagpasimula sa dispensasyong ito sa pamamagitan ng pag-alam sa katotohanan at pagtuturo nito pagkatapos. Sunud-sunod ang tanong ni Joseph, tumanggap siya ng sagot mula sa langit, at pagkatapos ay itinuro niya sa mga anak ng Diyos ang kanyang natutuhan. Alam ko na si Pangulong Monson ang tagapagsalita ngayon ng Panginoon sa lupa at patuloy siyang natututo at nagtuturo sa atin tulad ng ginawa ni Joseph dahil ang pagtuturo ay nakakatulong sa pagliligtas ng mga buhay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.