2009
Pag-ibig at Batas
Nobyémbre 2009


Pag-ibig at Batas

Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi kapalit ng Kanyang mga batas at kautusan, at ang epekto ng mga batas at kautusan ng Diyos ay hindi nakababawas sa layunin at epekto ng Kanyang pagmamahal.

Elder Dallin H. Oaks

Nadama kong dapat akong magsalita tungkol sa pag-ibig ng Diyos at mga kautusan ng Diyos. Ang mensahe ko ay na ang pangkalahatan at perpektong pag-ibig ng Diyos ay ipinakikita sa lahat ng mga pagpapala ng plano ng Kanyang ebanghelyo, pati na ang katotohanang ang Kanyang mga pinakapiling pagpapala ay nakalaan para sa mga sumusunod sa Kanyang mga batas.1 Ito ang mga walang hanggang alituntunin na dapat gumabay sa mga magulang sa pagmamahal at pagtuturo sa kanilang mga anak.

I.

Sisimulan ko sa apat na halimbawa na naglalarawan sa ilang kalituhan ng tao tungkol sa pag-ibig at batas.

  • Isang young adult na may kinakasama ang nagsabi sa nagdadalamhating mga magulang, “Kung talagang mahal ninyo ako, tatanggapin ninyo ako at ang kinakasama ko tulad ng pagtanggap ninyo sa mga anak ninyong may-asawa na.”

  • Isang kabataan ang nagbigay ng reaksiyon sa utos o hiling ng mga magulang sa pagsasabing, “Kung talagang mahal ninyo ako, hindi ninyo ako pipilitin.”

Sa mga halimbawang ito iginigiit ng taong lumalabag sa mga kautusan na ang pagmamahal ng magulang ay dapat mangibabaw sa mga utos ng batas ng langit at turo ng mga magulang.

Ang kasunod na dalawang halimbawa ay nagpapakita ng kalituhan ng tao tungkol sa epekto ng pag-ibig ng Diyos.

  • Tinanggihan ng isang tao ang doktrina na kailangang maikasal ang isang mag-asawa sa kawalang-hanggan upang magsama-sama ang mga pamilya sa kabilang-buhay, na nagsasabing, “Kung talagang mahal tayo ng Diyos, hindi ako makapaniwalang paghihiwalayin Niya ang mga mag-asawa sa ganitong paraan.”

  • May isang nagsabi na nasira ang kanyang pananampalataya dahil sa pagdurusang itinutulot ng Diyos na danasin ng isang tao o lahi, at nagsabing, “Kung may Diyos na nagmamahal sa atin, hindi Niya papayagang mangyari ito.”

Ang mga taong ito ay hindi naniniwala sa mga walang-hanggang batas na itinuturing nilang salungat sa konsepto nila tungkol sa bisa ng pag-ibig ng Diyos. Hindi nauunawaan ng mga taong ganito ang katuwiran ng pag-ibig ng Diyos o ang layunin ng Kanyang mga batas at kautusan. Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi kapalit ng Kanyang mga batas at Kanyang mga kautusan, at ang epekto ng mga batas at kautusan ng Diyos ay hindi nakababawas sa layunin at bisa ng Kanyang pagmamahal. Dapat ganito rin sa pagmamahal at patakaran ng mga magulang.

II.

Una, isaisip ang pag-ibig ng Diyos, na inilarawang mabuti sa umagang ito ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf. “Sino ang maghihiwalay sa atin sa pagibig ni Cristo?” tanong ni Apostol Pablo. [Hindi] ang kahapisan; o ang pag-uusig; o ang panganib o ang tabak (tingnan sa Mga Taga Roma 8:35). “Sapagka’t ako’y naniniwala,” sabi niya, “na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamunuan, … kahit ang alin mang ibang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pagibig ng Dios” (mga talata 38–39).

Wala nang hihigit na katibayan sa walang-katapusang kapangyarihan at kaganapan ng pag-ibig ng Diyos na ipinahayag ni Apostol Juan: “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak” (Juan 3:16). Isa pang Apostol ang sumulat na ang Diyos ay “hindi ipinagkait ang kanyang sariling Anak kundi ibinigay dahil sa ating lahat” (Mga Taga Roma 8:32). Isipin na lamang kung gaano ang pighati ng ating Ama sa Langit sa pagsusugo ng Kanyang Anak upang tiisin ang di-maarok na pagdurusa para sa ating mga kasalanan. Iyan ang pinakamalaking katibayan ng Kanyang pagmamahal sa bawat isa sa atin!

Ang pag-ibig ng Diyos sa Kanyang mga anak ay walang-hanggang katotohanan, ngunit bakit ganoon Niya tayo kamahal, at bakit hangad natin ang pagmamahal na iyon? Ang sagot ay matatagpuan sa kaugnayan ng pag-ibig ng Diyos at ng Kanyang mga batas.

Tila pinahahalagahan ng ilan ang pag-ibig ng Diyos dahil sa pag-asa nilang ang Kanyang pag-ibig ay napakadakila at walang hinihinging kapalit kung kaya’t buong awang bibigyang paumanhin sila nito sa paglabag sa Kanyang mga batas. Sa kabaligtaran, nalalaman ng mga nakauunawa sa plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak na ang mga batas ng Diyos ay hindi nagbabago, na isa pang malaking katibayan ng Kanyang pagmamahal para sa Kanyang mga anak. Hindi maaagawan ng awa ang katarungan,2 at ang mga tatanggap ng awa ay “sila na mga tumupad sa tipan at sumunod sa kautusan” (D at T 54:6).

Paulit-ulit nating nababasa sa Biblia at sa makabagong mga banal na kasulatan ang tungkol sa galit ng Diyos sa masasama3 at ang pagkilos Niya sa Kanyang pagkapoot4 sa mga taong lumalabag sa Kanyang mga batas. Paanong ang galit at poot ay ebidensya ng Kanyang pagmamahal? Itinuro ni Joseph Smith na ang Diyos ay “[n]agtatag ng mga batas na nagbibigay [sa mga espiritung ipapadala Niya sa mundo] ng pribilehiyong umunlad na katulad niya.”5 Ang pag-ibig ng Diyos ay napakaperpekto kaya’t buong pagmamahal Niyang hinihiling na sundin natin ang Kanyang mga utos dahil alam Niyang sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa Kanyang mga batas tayo magiging perpekto, tulad Niya. Dahil dito, ang galit at poot ng Diyos ay hindi kasalungat ng Kanyang pag-ibig kundi ebidensya ng Kanyang pagmamahal. Alam ng bawat magulang na magagawa mong mahalin nang lubusan ang isang anak kahit nagagalit at hindi nasisiyahan sa pag-uugaling humahadlang sa pag-unlad ng anak.

Ang pag-ibig ng Diyos ay pangkalahatan kung kaya’t ang Kanyang perpektong plano ay nagbibigay ng maraming kaloob sa lahat ng Kanyang anak, kahit sa mga lumalabag sa Kanyang mga batas. Ang mortalidad ay isa sa mga kaloob na ito, na ibinigay sa lahat ng naging marapat sa Digmaan sa Langit.6 Ang isa pang kaloob na walang hinihinging kapalit ay ang pagkabuhay na mag-uli ng lahat: “Sapagka’t kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin” (1 Mga Taga Corinto 15:22). Marami pang mortal na mga kaloob ang walang kaugnayan sa ating personal na pagsunod sa batas. Tulad ng itinuro ni Jesus, “pinasisikat [ng ating Ama sa Langit] ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga ganap at sa mga hindi ganap” (Mateo 5:45).

Kung makikinig lamang tayo, malalaman at madarama natin ang pag-ibig ng Diyos, kahit suwail tayo. Isang babaing kababalik pa lamang sa pagiging aktibo sa Simbahan ang nagbigay ng paglalarawang ito sa mensahe sa sac-rament meeting: “Lagi Siyang nariyan para sa akin, kahit na tinanggihan ko Siya. Palagi Niya akong ginagabayan at inaalo sa Kanyang magiliw na awa na nakapaligid sa akin, ngunit sobra ang galit ko [noon] para makita at tanggapin ang mga pangyayari bilang tulong mula sa Diyos.”7

III.

Ang mga pinakapiling pagpapala ng Diyos ay malinaw na kaakibat ng pagsunod sa mga batas at kautusan ng Diyos. Ang pangunahing aral ay mula sa makabagong paghahayag:

“May isang batas, hindi mababagong utos sa langit bago pa ang pagkakatatag ng daigdig na ito, kung saan ang lahat ng pagpapala ay nakasalalay—

“At kapag tayo ay nagtatamo ng anumang mga pagpapala mula sa Diyos, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito ay nakasalalay” (D at T 130:20–21).

Ang dakilang alituntuning ito ay nakatutulong upang maunawaan natin ang bakit ng maraming bagay, tulad ng katarungan at awa na binalanse ng Pagbabayad-Sala. Ipinaliliwanag din nito kung bakit hindi hinadlangan ng Diyos ang kalayaan sa pagpili ng Kanyang mga anak. Ang kalayaan—ang kapangyarihan nating pumili—ay mahalaga sa plano ng ebanghelyo na nagdala sa atin sa lupa. Hindi namamagitan ang Diyos para hadlangan ang mga bunga ng pagpili ng ilang tao upang maprotektahan ang kapakanan ng iba pang mga tao—kahit na pumatay sila, o makasugat, o makapang-api sa iba—sapagkat sisirain nito ang Kanyang plano para sa ating walang-hanggang pag-unlad.8 Pagpapalain Niya tayo na mapagtiisan ang mga bunga ng pagpili ng iba, ngunit hindi Niya hahadlangan ang mga pagpiling iyon.9

Kung nauunawaan ng isang tao ang mga turo ni Jesus, hindi niya sasabihing ang ating mapagmahal na Ama sa Langit o ang Kanyang banal na Anak ay naniniwala na ang pagmamahal Nila ay maipapalit sa Kanilang mga kautusan. Isipin ang mga halimbawang ito.

Nang simulan ni Jesus ang kanyang ministeryo, ang una niyang mensahe ay pagsisisi.10

Nang magpakita Siya ng mahabaging pagmamahal sa hindi pagkondena sa babaing nahuling nangangalunya, sinabi Niya sa babae na “Humayo ka ng iyong lakad; mula ngayo’y huwag ka nang magkasala” (Juan 8:11).

Itinuro ni Jesus, “Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit” (Mateo 7:21).

Ang epekto ng mga utos at batas ng Diyos ay hindi binabago para pagbigyan ang kaugalian o mga hangarin ng nakararami. Kung iniisip ng sinuman na ang pag-ibig ng Diyos o ng mga magulang para sa isang tao ay nagbibigay ng pahintulot sa taong minamahal na labagin ang batas, hindi niya nauunawaan ang pag-ibig ni ang batas. Sinabi ng Panginoon: “Yaong lumalabag sa batas, at hindi sumusunod sa batas, sa halip ay naghahangad na maging isang batas sa sarili nito, at nakahandang manatili sa kasalanan, at sa kalahatan ay nananatili sa kasalanan, ay hindi mapababanal ng batas, ni ng awa, katarungan, o paghuhukom. Kaya nga, sila ay kailangang manatiling marumi pa rin” (D at T 88:35).

Mababasa natin sa makabagong paghahayag, “Lahat ng kaharian ay may batas na ibinigay” (D at T 88:36). Halimbawa:

“Siya na hindi makasusunod sa batas ng isang kahariang selestiyal ay hindi makatitigil sa isang kaluwalhatiang selestiyal.

“At siya na hindi makasusunod sa batas ng kahariang terestriyal ay hindi makatitigil sa isang kaluwalhatiang terestriyal.

“At siya na hindi makasusunod sa batas ng kahariang telestiyal ay hindi makatitigil sa isang kaluwalhatiang telestiyal” (D at T 88:22–24).

Sa madaling salita, ang kaharian ng kaluwalhatian na ibibigay sa atin sa Huling Paghuhukom ay hindi ibabatay sa pag-ibig kundi sa batas ng Diyos na ipinataw sa Kanyang plano upang gawin tayong karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, na “pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (D at T 14:7).

IV.

Sa pagtuturo at reaksyon sa kanilang mga anak, maraming pagkakataon ang mga magulang na isagawa ang mga alituntuning ito. Ang isa sa mga pagkakataong ito ay may kinalaman sa mga regalong ibinibigay ng mga magulang sa kanilang mga anak. Tulad ng pagbibigay ng Diyos ng ilang kaloob sa lahat ng Kanyang anak sa lupa nang hindi hinihingi ang kanilang pagsunod sa Kanyang mga batas, ang mga magulang ay naglalaan ng maraming benepisyo tulad ng tirahan at pagkain kahit na hindi sumusunod ang kanilang mga anak sa lahat ng kahilingan ng mga magulang. Ngunit, sa pagsunod sa halimbawa ng matalino at mapagmahal na Ama sa Langit na nagbigay ng mga batas at kautusan para sa kapakanan ng Kanyang mga anak, ang matatalinong magulang ay nagbibigay ng kondisyon sa ilang regalo ng mga magulang batay sa pagsunod.

Kung ang mga magulang ay may suwail na anak—tulad ng isang tin- edyer na umiinom ng alak o gumagamit ng droga—sila ay nahaharap sa mabigat na katanungan. Ang pagmamahal ba ng magulang ay nangangailangan ng pagpayag ng paggamit ng mga bagay na ito sa tahanan o hinihiling ng batas ng lupain o kamalian ng asal o kapakanan ng iba pang mga anak sa tahanan na ipagbawal ito?

Para sa mas mabigat pang katanungan, kung ang isang anak na nasa hustong gulang ay may kinakasama, ang kamalian ba ng seksuwal na relasyon sa labas ng kasal ay nangangailangan na madama ng anak na ito ang matinding pagtutol ng pamilya sa pamamagitan ng hindi pakikipag-ugnayan ng pamilya, o dahil ba sa pagmamahal ng mga magulang ay ipagwawalang-bahala na lang ang pagsasamang ito? Nakita ko kapwa ang mabibigat na situwasyong ito, at naniniwala ako na hindi marapat ang mga ito.

Hanggang saan ang ibibigay na hangganan ng mga magulang? Ito ay may kinalaman sa karunungan ng mga magulang, na ginagabayan ng inspirasyon ng Panginoon. Walang ibang gagawing hakbang ang mga magulang na mas nangangailangan ng patnubay ng langit o mas malamang na tumanggap nito kaysa desisyon ng mga magulang sa pagpapalaki ng kanilang mga anak at pamamahala sa kanilang pamilya. Ito ang gawain sa kawalang-hanggan.

Habang nakikibaka ang mga magulang sa mga problemang ito, dapat nilang tandaan ang turo ng Panginoon na iwan natin ang siyamnapu’t siyam at humayo sa ilang para saklolohan ang nawawalang tupa.11 Si Pangulong Monson ay nanawagan para sa misyon ng pagmamahal upang sagipin ang mga kapatid nating naglalagalag sa ilang ng kawalang-damdamin o kamangmangan.12 Kailangan sa mga turong ito ang patuloy na pagmamalasakit, na dapat ay may kaakibat na mapagmahal na pakikitungo.

Dapat ding tandaan ng mga magulang ang palaging itinuturo ng Panginoon na “pinarurusahan ng Panginoon ang kanyang iniibig” (Sa Mga Hebreo 12:6).13 Sa kanyang mensahe sa kumperensya tungkol sa pagpaparaya at pagmamahal, itinuro ni Elder Russell M. Nelson na “sa pagmamahal sa nagkasala ay kakailanganin ang lakas-loob na pakikipagharap—hindi pagpapawalang-sala! Hindi inaayunan ng tunay na pag-ibig ang pag-uugaling nakasisira ng pagkatao.”14

Saanman ang maging hangganan ng kapangyarihan ng pagmamahal at ng puwersa ng batas, ang paglabag sa mga kautusan ay tiyak na may epekto sa pagmamahalan ng pamilya. Itinuro ni Jesus:

“Inaakala ba ninyo na ako’y naparito upang magbigay ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, Hindi, kundi bagkus pagkakabahabahagi:

“Sapagka’t mula ngayon ay magkakabahabahagi ang lima sa isang bahay, tatlo laban sa dalawa, at dalawa laban sa tatlo.

“Sila’y mangagkakabahabahagi, ang ama’y laban sa anak na lalake, at ang anak na lalake ay laban sa ama; ang ina’y laban sa anak na babae, at ang anak na babae ay laban sa kaniyang ina” (Lucas 12:51–53).

Ipinaaalala ng nakalulungkot na turong ito na kapag hindi nagkakaisa ang mga miyembro ng pamilya sa pagsisikap na sundin ang mga kautusan ng Diyos, magkakaroon ng pagkakabahabahagi. Ginagawa natin ang lahat upang maiwasang masira ang pagmamahalan sa pamilya, ngunit kung minsan nangyayari ito kahit nagawa na ang lahat sa abot ng ating makakaya.

Sa gitna ng ganitong kagipitan, kailangan nating tiisin ang katotohanan na ang pagkaligaw ng ating mga mahal sa buhay ay nakababawas sa ating kaligayahan, ngunit hindi nito dapat mabawasan ang pagmamahal natin sa isa’t isa o ang ating matiyagang pagsisikap na magkaisa sa pag-unawa sa pag-ibig ng Diyos at sa mga batas ng Diyos.

Pinatototohanan ko ang mga bagay na ito, na bahagi ng plano ng kaligtasan at ng doktrina ni Cristo, na aking pinatototohanan sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Banal na Pag-ibig,” Liahona, Peb. 2003, 12.

  2. Tingnan sa Alma 42:25.

  3. Tingnan, halimbawa, ang Mga Hukom 2:12–14; Mga Awit. 7:11; D at T 5:8, 63:32.

  4. Tingnan, halimbawa, ang II Mga Hari 23:26–27; Mga Taga Efeso 5:6; 1 Nephi 22:16–17; Alma 12:35–36; D at T 84:24.

  5. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 244.

  6. Tingnan sa Apocalipsis 12:7–8.

  7. Liham noong Dis. 6, 2005, nasa pag-iingat ng may-akda.

  8. Ihambing sa Alma 42:8.

  9. Ihambing sa Mosias 24:14–15.

  10. Tingnan sa Mateo 4:17.

  11. Tingnan sa Lucas 15:3–7.

  12. Tingnan sa Thomas S. Monson, “Lost Battalions,” Liahona, Set. 1987, 3.

  13. Tingnan din sa Mga Kawikaan 3:12; Apocalipsis 3:19; D at T 95:1.

  14. Russell M. Nelson, “Teach Us Tolerance and Love,” Ensign, Mayo 1994, 71.