Dalawang Alituntunin para sa Alinmang Pamumuhay
Sa panahon ng pagsubok natin kadalasang natututuhan ang pinakamahalagang aral na bumubuo ng ating pagkatao at humuhubog ng ating kapalaran.
Sa mga pagbisita namin sa mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo at sa naitatag na paraan ng pakikipag-ugnayan ng priesthood, nakakatanggap kami ng feedback tungkol sa kalagayan at problema ng ating mga miyembro Sa loob ng maraming taon karamihan sa ating mga miyembro ay naging biktima ng mga kalamidad sa iba’t ibang panig ng mundo, dulot man ito ng kalikasan o gawa ng tao. Nauunawaan din namin na kailangang maghigpit ng sinturon ang mga pamilya at iniisip kung makakayanan nila ang mahihirap na panahong ito.
Mga kapatid, alam namin ang nararamdaman ninyo. Mahal namin kayo, at ipinagdarasal namin kayo sa tuwina. Sapat na ang naranasan kong mabubuti at mapaghamong panahon sa buhay para malaman ko na matapos ang taglamig ay darating ang init at pag-asang dulot ng panibagong tagsibol. Maganda ang pananaw ko sa hinaharap. Mga kapatid, para sa ating kalagayan, dapat tayong manatiling matatag na umaasa, gumagawa nang masigasig at nagtitiwala sa Diyos.
Nitong mga ilang araw, naaalala ko ang panahon sa buhay ko kung kailan tila walang katapusan ang pagkabalisa ko sa walang-katiyakang hinaharap. Ako ay 11 taong gulang noon at kasamang naninirahan ng aking pamilya sa atik ng isang kubo malapit sa Frankfurt, Germany. Pangalawang beses na naming paglikas ito sa loob lamang ng ilang taon, at nahihirapan kaming magsimulang muli sa bagong lugar na napakalayo sa dati naming tirahan. Masasabi ko na mahirap kami noon, pero baka mas mahirap pa nga sa mahirap. Natutulog kaming lahat sa iisang silid na napakaliit kaya halos hindi ka na makadaan sa pagitan ng mga higaan. Sa isa pang maliit na kuwarto, may ilan kaming simpleng muwebles at isang kalan na pinaglulutuan ni Inay ng pagkain. Para makapunta sa kabilang kuwarto, kailangan muna naming daanan ang bodegang puno ng gamit sa pagsasaka, pati ang iba’t ibang karne at soriso na nakasabit sa barakilan. Nagugutom ako kapag naaamoy ko iyon. Wala kaming banyo pero mayroon kaming batalan —sa pagbaba ng hagdan at mga 50 talampakan (15 metro) ang layo; pero parang mas malayo ito kapag panahon ng taglamig.
Dahil isa akong refugee at may punto ng isang taga East Germany, madalas akong pagtawanan ng ibang mga bata at kung anu-ano ang ibinansag sa akin na nakasasakit nang labis. Sa lahat ng pangyayari noong kabataan ko, palagay ko ito ang pinakamalungkot.
Ngayon, ilang dekada na ang nakalipas, ginugunita ko ang mga panahong iyon nang may pang-unawang dulot ng karanasan. Bagaman naaalala ko pa rin ang sakit at lungkot, nakikita ko na ang hindi ko nakita noon: ito ang panahong umunlad nang husto ang pagkatao ko. Sa panahong ito, nagkalapit ang aming pamilya. Natuto ako sa nakita ko sa aking mga magulang. Humanga ako sa kanilang determinasyon at positibong pananaw. Mula sa kanila natutuhan ko na ang pagsubok, kung haharapin nang may pananampalataya, tapang, at katatagan, ay makakayanan.
Dahil alam kong ilan sa inyo ay dumaranas ng pagkabalisa at kawalan ng pag-asa, nais kong magsalita tungkol sa dalawang mahalagang prinsipyo na nagpalakas ng loob ko sa aking paglaki.
Ang Unang Prinsipyo: Magtrabaho
Hanggang ngayon, hinahangaan ko pa rin nang lubos ang pagtatrabahong ginawa ng aking pamilya matapos mawalan ng lahat-lahat bunga ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig! Naaalala ko si Itay—na nakatapos ng kurso at nakapagtrabaho sa gobyerno—na pinapasok ang mahihirap na trabaho kabilang dito ang pagiging minero, mekaniko, at tsuper ng trak. Maaga siyang umaalis at madalas hatinggabi na ang uwi para matustusan ang aming pamilya. Sinimulan ni Inay ang paglalabada at maraming oras ang ginugol sa mahirap na trabaho. Pinatulong niya kami ng kapatid kong babae sa kanyang trabaho. Sakay ng aking bisikleta ako ang naging tagahatid at tagakuha ng labada. Natutuwa akong makatulong sa pamilya sa maliit na paraan, at bagaman hindi ko ito alam nang panahong iyon, ang pagbabanat ng buto ay naging pagpapala rin sa aking kalusugan.
Hindi madali iyon, pero dahil sa trabaho hindi namin gaanong naisip ang mahirap naming kalagayan. Bagaman hindi kaagad nagbago ang sitwasyon namin, nagbago din naman ito. Iyan ang ibinubunga ng pagtatrabaho. Kung gagawin lang natin ito—nang tuluy-tuloy at palagian—tiyak na magsisimulang magkaroon ng pagbabago.
Talagang hanga ako sa kalalakihan, kababaihan, at mga batang marunong magtrabaho! Tunay na mahal ng Panginoon ang mga manggagawa! Sabi Niya, “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay”1 at, “Ang manggagawa ay marapat sa kanyang upa.”2 Nangako rin Siya: “Hawakan ang iyong panggapas nang buo mong kaluluwa, at ang iyong mga kasalanan ay patatawarin.”3 Ang mga taong hindi takot magbanat ng buto at nakatuon sa pagkakamit ng makabuluhang mithiin ay isang pagpapala sa kanilang mga pamilya, komunidad, bansa, at sa Simbahan.
Hindi inaasahan ng Panginoon na magtatrabaho tayo nang higit sa makakaya natin. Hindi Niya (at dapat hindi rin natin) ikinukumpara sa iba ang mga ginagawa natin. Ang gusto lang ng ating Ama sa Langit ay gawin natin ang pinakamahusay na magagawa natin—na gumawa tayo sa abot ng makakaya natin, gaano man iyon kalaki o kaliit.
Ang pagtatrabaho ay panlaban sa alalahanin, gamot sa pagdurusa, at nagsisilbing daan sa mga posibleng mangyari. Anuman ang ating mga kalagayan sa buhay, mahal kong mga kapatid, gawin natin ang pinakamahusay nating magagawa at lumikha ng reputasyon sa pagiging mahusay sa lahat ng ating gawain. Ituon natin ang ating isipan at katawan sa napakagandang oportunidad na makapagtrabaho sa bawat araw na dumarating.
Kapag nabaon sa putik ang ating bagon, mas malamang na tulungan ng Diyos ang taong nagtutulak upang iahon ang bagon kaysa ang taong sumasambit lang ng panalangin—gaano man kahusay siyang magsalita. Ganito ang paliwanag ni Pangulong Thomas S. Monson: “Hindi sapat na gustuhing magsikap at sabihing magsisikap tayo… . Sa paggawa, hindi sa pag-iisip lamang, natin makakamit ang ating mga mithiin. Kung patuloy nating ipagpapaliban ang ating mga mithiin, hindi natin kailanman makikita ang katuparan ng mga ito.”4
Ang pagtatrabaho ay nagpaparangal at nagpapasaya, ngunit tandaan ang babala ni Jacob na “huwag gugulin … ang inyong paggawa sa mga yaong hindi nakasisiya.”5 Kung itutuon natin ang sarili sa pagkamit ng yaman ng mundo at kinang ng kasikatan sa ikapapahamak naman ng ating pamilya at espirituwal na pag-unlad, di magtatagal matutuklasan nating wala tayong napala. Ang mabubuting ginagawa natin sa loob mismo ng ating tahanan ay napakasagrado; walang hanggan ang kabutihang dulot nito. Hindi ito maipapagawa sa iba. Ito ang batayan ng ating gawain bilang mga mayhawak ng priesthood.
Tandaan, pansamantala lamang ang paglalakbay natin sa mundo. Huwag nating ituon ang mga talento at lakas na bigay sa atin ng Diyos sa paglalagay ng mga angkla sa lupa, sa halip mag-ukol tayo ng panahon sa pagpapalaki ng mga espirituwal na pakpak. Dahil bilang mga anak ng Kataastaasang Diyos, nilikha tayo upang pumailanlang sa mga bagong papawirin.
Ngayon, isang payo para sa ating mga nakatatandang kapatid: ang pagreretiro ay hindi bahagi ng plano ng kaligayahan ng Panginoon. Walang bakasyon o programa ng pagreretiro para sa mga responsibilidad sa priesthood—anuman ang edad o pisikal na kakayahan. Bagaman ang mga salitang, “galing na ako diyan, nagawa ko na iyan” ay puwedeng idahilan para maiwasan ang mag-skateboard, tanggihan ang paanyayang magmotorsiklo, o palampasin ang maaanghang na pagkain sa handaan, hindi ito katanggap-tanggap na dahilan para umiwas sa mga responsibilidad sa tipan tulad ng paglalaan ng oras, talento, at ari-arian sa gawain sa kaharian ng Diyos.
Maaaring may ilang naniniwala na matapos ang maraming taon ng paglilingkod sa Simbahan, maaari na silang magpahinga habang nagtatrabaho ang iba. Sa diretsahang pananalita, mga kapatid, ang ganitong takbo ng pag-iisip ay hindi marapat sa mga disipulo ni Cristo. Malaking bahagi ng gawain natin sa mundong ito ang magtiis hanggang wakas nang may galak—araw-araw sa ating buhay.
Ngayon, isang payo para sa mas nakababatang mga kapatid ng Melchizedek Priesthood, na pinagsisikapang makamit ang matwid na mithiing magtapos ng kurso at maghanap ng asawang makakasama nang walang-hanggan. Matwid ang mga hangaring ito, mga kapatid, ngunit tandaan: ang pagtatrabaho sa ubasan ng Panginoon ay lubos na makapagpapaganda ng inyong résumé at magpapalaki sa pagkakataon ninyong mapagtagumpayan ang dalawang matwid na hangaring ito.
Kayo man ang pinakabatang deacon o pinakamatandang priest, may dapat kayong gawin!
Ang Pangalawang Prinsipyo: Matuto
Noong panahon ng kahirapan sa ekonomiya pagkatapos ng digmaan sa Germany, walang gaanong pagkakataong makapag-aral noon kumpara sa ngayon. Ngunit sa kabila ng kakauting pagkakataon, lagi pa ring naroon sa akin ang kasabikang matuto. Naaalala ko na isang araw, sa paghahatid ko ng labada sakay ng aking bisikleta, ay pumasok ako sa bahay ng kaklase ko. Sa isa sa mga kuwarto, may dalawang maliliit na desk o mesa na nakasandal sa dingding. Napakagandang tingnan noon! Napakapalad ng mga bata na may sariling mesa! Parang nakikita ko sila na nakaupo at may nakabukas na aklat habang nag-aaral ng kanilang mga leksyon at gumagawa ng takdang-aralin. Para sa akin ang magkaroon ng sariling mesa ang pinakamagandang bagay sa mundo.
Kinailangan kong maghintay nang matagal bago natupad ang pangarap na iyon. Makaraan ang ilang taon, nakapagtrabaho ako sa isang research institution na may malaking aklatan. Maraming libreng oras ang ginugol ko sa aklatang iyon. Doon makakaupo na ako sa wakas sa harap ng mesa—nang ako lang—at mapupuno ang isipan ng impormasyon at kaalaman mula sa mga aklat na iyon. Gustung-gusto kong magbasa at matuto! Noong mga panahong iyon talagang naunawaan ko ang mga salita ng isang lumang kasabihan: Ang edukasyon ay hindi lamang pagpupuno ng timba kundi pagpapaningas ng apoy.
Para sa mga miyembro ng Simbahan, hindi lamang isang magandang ideya ang edukasyon—ito ay kautusan. Dapat nating matutuhan ang “mga bagay maging sa langit at sa lupa, at sa ilalim ng lupa; mga bagay na nangyari na, mga bagay na mangyayari, mga bagay na malapit nang mangyari; mga bagay na nasa tahanan, mga bagay na nasa ibang bansa.”6
Mahilig mag-aral si Joseph Smith kahit kaunti lang ang mga oportunidad niyang makapag-aral. Sa kanyang mga journal, masaya niyang ikinuwento ang mga panahong ginugol niya sa pag-aaral at madalas na ipinahayag ang hangarin niyang matuto.7
Iitnuro ni Joseph sa mga Banal na ang kaalaman ay mahalagang bahagi ng ating buhay sa lupa, sapagkat “ang isang tao bago maligtas ay kailangan munang magtamo ng kaalaman,”8 at na “anumang alituntunin ng katalinuhan ang ating matamo sa buhay na ito, ito ay kasama nating babangon sa pagkabuhay na mag-uli.”9 Sa panahong puno ng mga hamon, mas mahalagang matuto. Itinuro ni Propetang Joseph, “Ang kaalaman ay nag-aalis ng kadiliman, [pagkabalisa], at pag-aalinlangan, sapagkat hindi iiral ang mga ito kung may kaalaman.”10
Mga kapatid, tungkulin ninyong matuto hanggang sa abot ng makakaya ninyo. Mangyaring hikayatin ang inyong pamilya, ang mga miyembro ng inyong korum, ang bawat isa na matuto at madagdagan pa ang kaalaman. Kung hindi posibleng makapag-aral, huwag ninyong hayaang maging hadlang iyan sa pagkakaroon ng lahat ng kaalamang matatamo ninyo. Sa mga ganitong kalagayan, ang pinakamahuhusay na aklat, kung iisipin, ay maaari ninyong maging “unibersidad”—isang silid-aralan na laging bukas at tinatanggap ang sinumang gustong mag-aral. Sikaping maragdagan ang inyong kaalaman tungkol sa lahat ng “marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri.”11 Maghangad ng kaalaman “sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya.”12 Maghangad nang may bagbag na espiritu at nagsisising puso.13 Sa pagsasagawa ninyo ng espirituwal na aspeto ng inyong pananampalataya sa inyong pag-aaral—maging sa mga temporal na bagay—mapalalawak ninyo ang inyong kakayahang mag-isip, dahil “kung ang inyong mata ay nakatuon sa [kaluwalhatian ng Diyos], ang inyong buong katawan ay mapupuno ng liwanag, … at nakauunawa sa lahat ng bagay.”14
Sa ating pag-aaral, huwag nating kalimutan ang bukal ng paghahayag. Ang mga banal na kasulatan at mga salita ng makabagong mga apostol at propeta ang mga pinagkukunan ng karunungan, makalangit na kaalaman, at ng pansariling paghahayag na tutulong sa atin upang mahanap ang mga kasagutan sa lahat ng hamon ng buhay. Matuto tayo tungkol kay Cristo; hangarin natin ang kaalamang iyan na humahantong sa kapayapaan, katotohanan, at dakilang hiwaga ng kawalang-hanggan.15
Katapusan
Mga kapatid, naiisip kong muli ang 11-taong-gulang na batang iyon sa Frankfurt, Germany, na nag-alala sa kanyang kinabukasan at nadama ang walang katapusang kirot na dulot ng masasakit na salita. Naaalala ko ang mga araw na iyon nang may lungkot at pang-unawa. Bagaman hindi ko na gusto pang maranasang muli ang mga panahong iyon ng pagsubok at pagkabalisa, may kaunti akong pag-aalinlangan kung ang mga aral na natutuhan ko sa mga panahong iyon ng pagsubok ay magandang paghahanda para sa darating na oportunidad. Ngayon, makalipas ang maraming taon, alam ko na ito nang may katiyakan: sa panahon ng pagsubok natin kadalasang natututuhan ang pinakamahalagang aral na bumubuo ng ating pagkatao at humuhubog ng ating kapalaran.
Dalangin ko na sa susunod na mga buwan at taon ay pupunuin natin ang ating mga oras at araw ng matwid na paggawa. Dalangin kong maghangad tayong matuto at mapalawak ang ating isipan at puso sa pag-aaral nang lubos mula sa mga bukal ng katotohanan. Iniiwan ko sa inyo ang aking pagmamahal at basbas sa pangalan ni Jesucristo, amen.