2004
Ang Pagbabayad-sala at ang Kahalagahan ng Isang Kaluluwa
Mayo 2004


Ang Pagbabayad-sala at ang Kahalagahan ng Isang Kaluluwa

Kung tunay na mauunawaan natin ang Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo, matatanto natin kung gaano kahalaga ang bawat anak ng Diyos.

Nitong nakaraang Enero namighati ang aming pamilya sa pagkamatay ng aming apong si Nathan sa pagbagsak ng eroplanong sinasakyan niya. Si Nathan ay naglingkod sa Baltic Mission na ang wika ay Ruso. Mahal niya ang mga tao at alam niyang isang pribilehiyo ang maglingkod sa Panginoon. Tatlong buwan matapos ko silang ikasal ni Jennifer sa templo, siya’y namatay sa aksidenteng ito. Ang biglaang pagkawala ni Nathan ang nagbaling sa aming puso at isipan sa Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. Bagama’t imposibleng masabi ko ang buong kahulugan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, dalangin ko na maipaliwanag ko ang kahulugan ng Kanyang Pagbabayad-sala sa akin at sa aming pamilya at kung ano rin ang maaaring kahulugan nito sa inyo at sa inyong pamilya.

Ang mahalagang pagsilang, buhay, Pagbabayad-sala sa Halamanan ng Getsemani, ang paghihirap sa Krus ng Tagapagligtas, ang paglibing sa Kanya sa puntod ni Jose, at ang Kanyang Pagkabuhay na Muli, lahat ng ito’y naging panibagong katotohanan para sa amin. Tinitiyak sa ating lahat ng Pagkabuhay na Muli ng Tagapagligtas na tayo rin ay susunod sa Kanya balang-araw at mabubuhay na muli. Mapayapa at nakapapanatag ang kaaliwang dulot ng dakilang kaloob na ito na dulot sa atin ng mapagmahal na biyaya ni Jesucristo, ang Tagapagligtas at Manunubos ng sangkatauhan. Dahil sa Kanya alam naming makakapiling namin muli si Nathan.

Wala nang mas dakila pang pagpapakita ng pagmamahal kaysa Pagbabayad-sala na isinagawa ng Anak ng Diyos. Kung hindi dahil sa plano ng ating Ama sa Langit, na itinatag bago pa nilikha ang daigdig, ang buong sangkatauhan—noon, ngayon, at sa hinaharap—ay maiiwang walang pag-asa sa walang hanggang pag-unlad. Bunga ng pagkakasala ni Adan, ang mga tao’y nawalay sa Diyos (tingnan sa Mga Taga Roma 6:23) at habampanahon maliban kung may makikitang paraan para madaig ang kamatayan. Hindi ito magiging madali, dahil kailangan dito ang sakripisyo alang-alang sa iba ng Taong walang bahid-dungis at makaaako sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan.

Salamat at magiting na isinagawa ni Jesucristo ang sakripisyong ito sa sinaunang Jerusalem. Doon sa Halamanan ng Getsemani sa tahimik na pag-iisa, Siya ay lumuhod sa mga nakapilipit na puno ng olibo, at sa paraang hindi natin lubos na mauunawaan, inako ng Tagapagligtas ang mga kasalanan ng daigdig. Kahit ang Kanyang buhay ay dalisay at walang kasalanan, binayaran Niya ang kahuli-hulihang kaparusahan para sa mga kasalanan—ang sa inyo, sa akin, at sa lahat ng nabuhay at mabubuhay dito sa mundo. Ang pagdurusa ng Kanyang isipan, damdamin, at kaluluwa ay napakabigat kung kaya’t lumabas sa maliliit na butas ng Kanyang balat ang dugo (tingnan sa Lucas 22:44, D at T 19:18). Gayunman si Jesus ay kusang nagdusa nang sa gayon lahat tayo’y magkaroon ng oportunidad na mahugasan at maging malinis—dahil sa ating pananampalataya sa kanya, pagsisisi sa ating mga kasalanan, pagkabinyag sa wastong awtoridad ng priesthood, sa pagtanggap sa nakadadalisay na kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng kumpirmasyon, at pagtanggap sa lahat ng iba pang mahahalagang ordenansa. Kung walang Pagbabayad-sala ng Panginoon, hindi natin matatanggap ang kahit isa sa mga biyayang ito, at hindi tayo magiging karapat-dapat at handang bumalik upang makapiling ang Diyos.

Tiniis din ng Tagapagligtas ang hirap ng pagtatanong, malulupit na hampas at kamatayan sa pagpapako sa krus sa Calvario. Kamakailan, nagkaroon ng sari-saring komentaryo hinggil dito at wala ni isang nagbigay linaw sa mahalagang punto na walang sinumang may kapangyarihang kunin ang buhay ng Tagapagligtas mula sa Kanya. Inalay Niya ito bilang kabayaran sa ating lahat. Bilang Anak ng Diyos, may kapangyarihan siyang baguhin ang sitwasyon. Subalit malinaw na nakasulat sa banal na kasulatan na hinayaan Niyang Siya’y mahagupit, makutya, magdusa, at sa huli mapako sa krus dahil sa Kanyang dakilang pagmamahal sa mga anak ng tao (tingnan sa 1 Nephi 19:9–10).

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa misyon ng Kanyang Anak sa daigdig at para sa ating kaligtasan. Dapat tayong magpasalamat sapagkat hindi humadlang ang ating Ama sa Langit at sa halip ay pinigilan Niya ang Kanyang damdamin na iligtas ang Kanyang Pinakamamahal na Anak. Dahil sa Kanyang walang hanggang pagmamahal para sa atin, itinulot Niya na makumpleto ni Jesus ang Kanyang misyon na inorden noon pa man na maging ating Manunubos. Ang kaloob ng pagkabuhay na mag-uli at kawalang-kamatayan ay ibinibigay nang libre dahil sa mapagmahal na biyaya ni Jesucristo sa lahat ng tao anuman ang edad nila, mabuti man sila o masama. At yaong mga taong piniling mahalin ang Panginoon at ipinakikita ang pagmamahal at pananampalataya nila sa Kanya sa pagsunod sa Kanyang mga utos, at karapat-dapat sa lubos na pagpapala ng Pagbabayad-sala, idinagdag Niya ang pangako ng kadakilaan at buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak magpakailanman.

Madalas nating awitin ang isang himno na nagpapahayag ng aking nadarama kapag naiisip ko ang mapagmahal na pagbabayad-sala ng Tagapagligtas:

Ako ay namangha sa pag-ibig ni Jesus,

Humanga sa pagpapalang alay N’yang lubos.

Na dahil sa ‘kin S’ya’y pinako at namatay.

Sa akin S’ya’y nagdusa’t nag-alay ng buhay.

(“Ako’y Namangha,” Mga Himno, blg. 115)

Si Jesucristo, na Tagapagligtas at Manunubos ng sangkatauhan, ay hindi patay. Siya’y buhay—ang nabuhay na muling Anak ng Diyos ay buhay—iyan ang aking patotoo, at ginagabayan Niya ang gawain ng Kanyang Simbahan ngayon.

Noong Tagsibol ng 1820, isang haligi ng liwanag ang nagpaningning sa isang kakahuyan sa gawing itaas ng New York. Ang ating Ama sa Langit at Kanyang Pinakamamahal na Anak ay nagpakita kay Propetang Joseph Smith. Ang karanasang ito ang panimula ng panunumbalik ng mga dakilang katotohanan ng doktrina na nawala sa matagal na panahon. Kabilang sa mga katotohanang halos mawala dahil sa pagtalikod sa katotohanan ay ang mga nagbibigay-siglang katotohanan na tayong lahat ay mga espiritung anak ng mapagmahal na Diyos na siyang ating Ama. Bahagi tayo ng Kanyang pamilya. Siya’y hindi isang Ama sa masimboliko o makatang paraan. Siya’y literal na Ama ng ating espiritu. Pinangangalagaan Niya ang bawat isa sa atin. Bagama’t minamaliit ng daigdig na ito ang kahalagahan ng kalalakihan at kababaihan, ang katotohana’y nagmula tayong lahat sa maharlika, at banal na angkan. Sa walang kaparis na pagpapakitang iyon ng Ama at ng Anak sa Banal na Kakahuyan, ang kauna-unahang salitang binigkas ng Ama nating lahat ay ang pangalang “Joseph.” Ganyan makipag-ugnayan ang ating Ama sa bawat isa sa atin. Alam Niya ang ating pangalan at nais Niyang maging karapat-dapat tayo para makabalik at makapiling Siya.

Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith ay naipanumbalik ang ebanghelyo. Minsan pa’y muling inihayag ng Panginoong Jesucristo, sa Kanyang piniling propeta, ang mga ordenansa at awtoridad ng priesthood para maigawad ang mga ito at maligtas ang lahat ng maniniwala.

Ipinakita rin sa isa pang propeta noon ang “mga bansa ng daigdig” (Moises 7:23). “At ipinakita ng Panginoon kay Enoc ang lahat ng bagay, maging hanggang sa wakas ng daigdig” (Moises 7:67). Nakita rin ni Enoc na si Satanas ay “may malaking tanikala sa kanyang kamay, at tinalukbungan nito ang ibabaw ng buong mundo ng kadiliman; at siya (Satanas) ay tumingala at tumawa (Moises 7:26).

Sa lahat ng nakitang iyon ni Enoc, may isang bagay na higit niyang napansin sa lahat. Nakita ni Enoc na tumingin ang Diyos sa labi ng mga tao at siya ay nanangis” (Moises 7:28). Naitala sa banal na kasulatang ito ang paulit-ulit na pagtatanong ni Enoc sa Diyos: “Paanong kayo ay nananangis? Paanong kayo ay nananangis?” (Moises 7:29, 31).

Sumagot ang Panginoon kay Enoc: “Masdan ang iyong mga kapatid; sila ay gawa ng sarili kong mga kamay … ; sa iyong mga kapatid aking … [ibinigay] rin [ang] kautusan, na kanilang nararapat mahalin ang isa’t isa, at na kanilang nararapat piliin ako, na kanilang Ama; subalit masdan, sila ay walang pagmamahal, at kinapopootan nila ang kanilang sariling dugo” (Moises 7:32–33).

Nakita ni Enoc ang mga pangyayari sa mga huling araw na ito. Alam niya at ng iba pang sinaunang propeta na tanging sa pagtanggap natin ng Pagbabayad-sala sa ating buhay at pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo, matutugunan ang mga hamon ng buhay at makasusumpong ng kapayapaan, kagalakan, at kaligayahan. Ang maunawaan ang dakilang kaloob na ito ay personal na adhikain ng bawat anak ng Diyos.

Mga kapatid, naniniwala ako na kung tunay na mauunawaan natin ang Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo, matatanto natin kung gaano kahalaga ang bawat anak ng Diyos. Naniniwala ako na ang walang hanggang layunin ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak ay karaniwang natatamo sa pamamagitan ng paggawa ng maliliit at simpleng bagay sa isa’t isa. Ang pagbabayad-sala ni Cristo ay para sa bawat nilalang. Kung mauunawaan ito ng buong sangkatauhan, walang sinuman na hindi natin pahahalagahan, anuman ang edad, lahi, kasarian, relihiyon, o katayuan nito sa lipunan at kabuhayan. Sisikapin nating tularan ang Tagapagligtas at di kailanman magiging masama, walang malasakit, walang paggalang, o di-sensitibo sa iba.

Kung tunay na nauunawaan natin ang Pagbabayad-sala at ang walang hanggang halaga ng bawat kaluluwa, hahanapin natin ang mga naliligaw na mga bata at ang bawat naliligaw na anak ng Diyos. Tutulong tayo para malaman nila ang pagmamahal ni Cristo para sa kanila. Gagawin natin ang lahat para makatulong at maihanda sila sa pagtanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo.

Tiyak na kung ang Pagbabayad-sala ni Cristo ang una sa isipan ng mga lider ng ward at branch ay walang mapapabayaang bago o muling napaaktibong miyembro. Dahil napakahalaga ng bawat kaluluwa, magsasanggunian sa isa’t isa ang mga lider upang matiyak na naituturo sa bawat isa ang mga doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Kapag naiisip ko si Nathan at kung gaano siya kahalaga sa amin, nakikita at nadarama ko nang mas malinaw kung gaano ang nadarama ng ating Ama sa Langit sa lahat ng Kanyang mga anak. Hindi natin ibig na manangis ang Diyos dahil hindi natin ginawa ang lahat ng ating makakaya upang ibahagi ang mga inihayag na katotohanan ng ebanghelyo. Dalangin ko na hangarin nawa ng bawat kabataan natin na malaman ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala at magsikap sila na maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos sa misyon. Tiyak na marami pang matatandang mag-asawa at iba pa na may kakayahan ang marubdob na magnanais na maglingkod sa Panginoon bilang mga misyonero kung iisipin nilang mabuti ang kahulugan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoong Jesucristo. Si Jesus ang nagsabing, “At kung … kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakan kasama niya sa kaharian ng aking Ama!” (D at T 18:15, idinagdag ang pagbibigay-diin). Hindi lang iyan, kaylaki rin ng kagalakan ng Panginoon sa kaluluwang nagsisisi! Sapagkat napakahalaga sa Kanya ng bawat isa.

Mga kapatid, ipinakita ng ating Ama sa Langit ang pagmamahal sa atin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas. Inaanyayahan niya ang lahat na “lumapit kay Cristo, na siyang Banal ng Israel, at makibahagi sa kanyang kaligtasan, at sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos” (Omni 1:26). Itinuro Niya sa atin na sa pamamagitan ng ating matapat na pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo, sa pagtanggap ng nakapagliligtas na ordenansa na ipinanumbalik, sa patuloy na paglilingkod, at pagtitiis hanggang wakas, ay makababalik tayo sa Kanyang piling. Mayroon pa bang bagay sa daigdig na kasinghalaga ng kaalamang ito?

Nakalulungkot na sa daigdig ngayon, ang kahalagahan ng isang tao ay kadalasang nahuhusgahan sa dami ng manonood sa kanyang pagtatanghal. Ganoon inihahanay ang mga programa sa media at isport, kung paano magkaminsan itinatakda ang kabantugan ng isang samahan at madalas kung paano natatamo ang ranggo sa gobyerno. Iyan marahil ang dahilan kung bakit ang tungkuling gaya ng “ama,” “ina,” at “misyonero,” ay bibihirang makatanggap ng papuri ng tao. “Kakaunti” ang nakapupuna sa ginagawa ng mga ama, ina, at misyonero. Gayunman, sa paningin ng Panginoon iisa lamang ang mahalagang manonood—at iyon ay isang tao lang, ang bawat isa, ikaw at ako, at bawat isa sa mga anak ng Diyos. Ang Pagbabayad-sala ay walang katapusan at walang hanggan, gayunman ito’y angkop sa bawat indibiduwal, nang isa-isa.

Ang himno ng mga bata na “Ako ay Anak ng Diyos” (Mga Himno, blg. 189) ay naghahayag ng walang hanggang katotohanan. Tayo’y mga anak ng Diyos. Ang bawat isa sa atin ay mahalaga kung kaya’t nagagalak nang lubos ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan kapag tayo’y matapat, at lumuluha, kung tayo’y di-tapat.

Gaya ng sinabi ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa mga Nephita, gayundin ang Kanyang sasabihin sa atin:

“Pinagpala kayo dahil sa inyong pananampalataya. At ngayon masdan, ang aking kagalakan ay lubos.

“At nang sabihin niya ang mga salitang ito, siya ay tumangis, at ang maraming tao ay nagpatotoo nito, at kinuha ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila” (3 Nephi 17:20–21, idinagdag ang pagbibigay-diin).

Mga kapatid, huwag na huwag maliitin ang kahalagahan ng isang tao. Alalahanin tuwina ang simpleng payo ng Panginoon: “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15). Sikapin tuwina na mamuhay nang karapat-dapat sa mga banal at lubos na pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. Sa aming kalungkutan sa pagkawalay ng aming mahal na si Nathan ay dumating ang kapayapaang tanging ang ating Tagapagligtas at Manunubos ang makapagbibigay. Bumaling ang aming pamilya sa Kanya, bawat isa; at ngayo’y umaawit nang may higit na pagpapahalaga at pag-unawa:

O, kahanga-hangang

Minahal N’ya ako’t

Buhay N’ya’y ‘binigay!

O kahanga-hanga

Para sa akin! (“Ako’y Namangha,” Mga Himno, blg. 115)

Mahal kong mga kapatid, nawa’y ipagkaloob ninyo sa iba at tanggapin sa inyong sarili ang lahat ng pagpapalang inilaan ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo, ang mapagkumbaba kong dalangin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.