2004
Mga Pagkakautang sa Lupa at sa Langit
Mayo 2004


Mga Pagkakautang sa Lupa at sa Langit

May mga pagkakautang tayo sa lupa at sa langit. Maging matalino tayo sa pagharap sa bawat isa.

Mahal kong mga kapatid, kaydakilang pangyayari ang makadalo sa kumperensya. Alam natin na ang mga binigkas na salita ay nagbibigay-inspirasyon, at malaking kagalakan ang maparito.

Gusto kong magsalita tungkol sa ating mga pagkakautang sa lupa at sa langit. Nakatala sa apat na aklat ng Ebanghelyo na halos saanman magtungo ang Tagapagligtas, Siya ay pinaliligiran ng maraming tao. Umaasa ang iba na pagalingin Niya; ang iba nama’y para makinig sa Kanya. Ang iba’y humingi ng payo. Sa bandang huli ng Kanyang ministeryo sa lupa, ilan ang nanuya at nangutya sa Kanya at ipinagsigawang ipako Siya sa krus.

Isang araw ay isang lalaki ang lumapit sa Tagapagligtas at hiniling na mamagitan Siya sa isang away ng pamilya. “Guro, iutos mo sa aking kapatid,” pagsamo niya, “na bahaginan ako ng mana.”

Walang kinilingan ang Tagapagligtas sa sitwasyong ito, ngunit tunay na mahalagang aral ang itinuro Niya. “Mangagingat sa lahat ng kasakiman,” sabi Niya, “sapagka’t ang buhay ng tao ay hindi sa kasaganaan ng mga bagay na tinatangkilik niya.”1

Mga kapatid, mag-ingat sa kasakiman. Isa ito sa pinakamatitinding problema sa mga huling araw. Ito ang sanhi ng pagkaganid at galit. Kadalasa’y humahantong ito sa pagkaalipin, sama ng loob, at mabigat na pagkakautang.

Mga Pagkakautang sa Lupa

Napakarami ng mga mag-asawang nagkahiwalay dahil sa pera. Matinding sama ng loob ang dulot nito. Ang bigat ng problema sa pera ay nagdudulot ng malaking pasanin sa pamilya, karamdaman, matinding kalungkutan, at maging maagang kamatayan.

Sa kabila ng mga turo ng Simbahan mula noon hanggang ngayon, kung minsa’y biktima pa rin ang mga miyembro ng maraming di-matalino at maling paggastos. Ang ilan ay patuloy sa paggasta, na iniisip na kahit paano’y may darating na pera. Kahit paano’y makakaraos sila.

Madalas kaysa hindi, hindi dumarating ang perang inaasahan.

Tandaan: ang utang ay isang anyo ng pagkaalipin. Ito’y anay sa kabuhayan. Kapag nangungutang tayo para makabili, nagkakaroon lang tayo ng ilusyon na may pera tayo. Iniisip natin na pag-aari natin ang mga bagay-bagay pero ang totoo’y pag-aari tayo ng mga bagay-bagay.

Ang ilang utang—tulad ng para sa simpleng bahay, gastos sa pag-aaral, marahil ay para sa unang sasakyang kailangan—ay maaaring angkop lang. Pero hindi tayo dapat magpaalipin sa utang nang hindi pinag-iisipang mabuti ang kapalit nito.

Madalas nating marinig na ang interes ay mabuting alipin ngunit malupit na amo. Ganito ang paliwanag ni Pangulong J. Reuben Clark Jr.: “Ang interes ay di kailanman natutulog ni nagkakasakit ni namamatay. Hindi ito naoospital; nagtatrabaho ito tuwing Linggo at piyesta opisyal; hindi ito nagpapahinga. Sa sandaling magkautang, kasama mo na ang interes minu-minuto gabi’t araw; hindi mo ito maiiwasan o matatakasan; hindi mo ito mapapaalis; hindi ito nadadaig ng pagsamo, sapilitang paghingi, o utos; at tuwing babanggain mo ito o kokontrahin o hindi ibibigay ang hinihingi nito, dudurugin ka nito.”2

Ang payo mula sa ibang inspiradong propeta sa ating panahon sa paksang ito ay malinaw, at kung ano ang totoo 50 taon o 150 taon na ang nakalipas ay totoo pa rin ngayon.

Sinabi ni Pangulong Heber J. Grant, “Sa abot ng aking alaala, mula pa noong panahon ni Brigham Young hanggang ngayon, narinig ko na ang kalalakihang tumayo sa pulpito … na hinihimok ang mga tao na huwag mangutang; at naniniwala ako na malaking dahilan ng lahat ng problema natin ngayon ang hindi pagsunod sa payong iyon.”3

Sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson, “Huwag hayaang magipit kayo o ang inyong pamilya sa pera… . Mag-ipon kayo.”4

Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee, “Hindi lang natin dapat turuan ang mga tao na umahon sa pagkakautang kundi dapat din natin silang turuang umiwas sa pag-utang.5

Ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Marami sa mga miyembro natin ang nabubuhay nang sapat lang sa kanilang kinikita. Ang ilan ay nabubuhay sa utang… .

“… Hinihimok ko kayong magtipid sa paggasta; disiplinahin ang inyong sarili sa pamimili para maiwasan ang pag-utang hangga’t maaari. Bayaran agad nang buo ang utang hangga’t maaari, at palayain ang sarili ninyo sa pagkaalipin.”6

Mga kapatid, marami ang nakinig sa payong ito ng propeta. Pinagkakasya nila ang kanilang kita, binabayaran ang kanilang mga utang, at sinisikap nilang bawasan ang utang na loob nila sa iba. Binabati namin ang gumagawa niyon, dahil darating ang araw na aanihin nila ang mga pagpapala ng kanilang mga pagsisikap at mauunawaan ang halaga ng inspiradong payong ito.

Gayunpaman, nahihirapan ang iba sa pera. Ang ilan ay biktima ng kahirapan at kadalasa’y di inaasahang pangyayari na naging sanhi ng pagkaubos ng pera. Ang iba’y lubog na sa utang dahil hindi nila natutuhang disiplinahin ang sarili at kontrolin ang kanilang paggasta. Bunga nito, hindi sila naging matalino sa paggasta.

Magmumungkahi ako ng limang hakbang na mapag-iisipan ninyo para makalaya sa problema sa pera.

Una, magbayad ng ikapu. Gusto ba ninyong mabuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit? Pangarap ba ninyong tumanggap ng mga pagpapalang napakarami na walang sapat na silid na kalalagyan ang mga ito?7 Laging magbayad ng ikapu at ipaubaya sa Panginoon ang kauuwian nito.

Pagsunod sa mga kautusan ng Diyos ang saligan ng masayang buhay. Tiyak na bibiyayaan tayo ng mga handog ng langit dahil sa ating pagsunod. Ang hindi pagbabayad ng ikapu ng mga taong batid ang alituntuning ito ay mabibigo sa buhay na ito at marahil ay malulungkot sa kabilang buhay.

Ikalawa, gumasta nang mas kaunti sa kinikita ninyo. Simpleng payo ito pero mabisang sekreto sa masaganang kabuhayan. Kadalasan ang paggasta ng pamilya ay nahihigitan ng gusto nila kaysa kinikita nila. Naniniwala sila na mas gaganda ang buhay nila kung napalilibutan sila ng kasaganaan. Kadalasan nagbubunga lang ito ng maiiwasan sanang pagkabalisa at kagipitan.

Alam ng masinop na namumuhay kung magkano ang perang dumarating buwan-buwan, at kahit mahirap, dinidisiplina nila ang kanilang sarili sa paggasta nang mas kaunti sa halagang iyon.

Napakadaling mangutang. Sa katunayan ipinagpipilitan pa ito sa atin. Ang mga may credit card na sobra-sobra ang paggastos sa mga bagay na di mahalaga ay dapat magpasiyang alisin na ang mga ito. Mas mabuti pang credit card na lang ang masira kaysa pamilya ang masira dahil sa utang.

Ikatlo, matutong mag-ipon. Alalahanin ang aral mula kay Jose sa Egipto. Sa panahon ng kasaganaan, mag-ipon para sa panahon ng kawalan.8

Kadalasan, akala ng mga tao ay hindi sila masasaktan, magkakasakit, mawawalan ng trabaho, o makikitang naglalaho ang puhunan nila. Ang masama pa, madalas gumastos ang mga tao ngayon batay sa inaasahan nilang magandang mangyayari sa hinaharap.

Nauunawaan ng matalino ang halaga ng pag-iipon ngayon para sa oras ng kagipitan. Nakaseguro sila na magtutustos sa kanila sa oras ng karamdaman o kamatayan. Hangga’t maaari, nagtatago sila ng isang taong suplay ng pagkain, tubig, at iba pang pangunahing pangangailangan sa buhay. Nagtatabi sila ng pera sa bangko at namumuhunan. Sinisikap nilang bawasan ang utang nila sa iba para makalaya sa pagkakautang.

Mga kapatid, ang paghahanda ninyo ngayon ay magsisilbi sa inyo tulad ng inimbak na pagkain para sa mga Taga Egipto at sa pamilya ng ama ni Jose.

Ikaapat, bayaran ang inyong mga utang. Paminsan-minsan, naririnig natin ang mga kuwento ng pagkaganid at kasakiman na nagpapalungkot sa atin. Naririnig natin ang mga panggagantso, pagkabalasubas, dayaan sa pera, at pagkalugi.

Naririnig natin ang tungkol sa mga amang pinababayaan ang sariling pamilya. Sinasabi namin sa kalalakihan at kababaihan saanman, kung mag-aanak kayo, banal na obligasyon ninyong gawin ang lahat ng kaya ninyo na tustusan sila. Walang lalaking matatawag na lalaki kung pinalilibutan niya ang sarili ng mga sasakyan, lantsa, at iba pang pag-aari habang kinalilimutan ang sagrado niyang obligasyong tustusan ang asawa at mga anak.

Tayo’y mga taong may integridad. Naniniwala tayo na dapat bayaran ang utang at maging tapat sa pakikitungo sa ating kapwa.

Ikukuwento ko sa inyo ang tungkol sa lalaking lubos na nagsakripisyo para mapanatili ang kanyang integridad at dangal.

Noong mga taong 1930, nagbukas ng bagong botika si Fred Snowberger sa hilagang-silangang Oregon. Pangarap niya talagang magkaroon ng sariling negosyo, ngunit hindi nangyari ang inasahan niyang pag-unlad ng ekonomiya. Pagkaraan ng walong buwan, nagsara ng botika si Fred sa kahuli-hulihang pagkakataon.

Bagama’t nalugi ang negosyo niya, determinado si Fred na bayaran ang perang inutang niya. Nagtaka ang ilan kung bakit patuloy pa rin siyang nagbabayad. Bakit hindi na lang niya idineklara na bagsak na ang negosyo niya at legal nang mapatawad sa utang.

Pero hindi nakinig si Fred. Sinabi niyang babayaran niya ang utang, at determinado siyang tuparin ang sinabi niya. Ang pamilya niya ang tumahi ng halos lahat ng kanilang damit, nagtanim ng mga halamang makakain, at ginamit ang lahat ng mayroon sila hanggang magkasira-sira o maubos ito. Umulan man o umaraw, araw-araw na naglakad si Fred papunta’t pauwi sa trabaho. At buwan-buwang nagbayad ng utang si Fred ng kaya niyang ibayad.

Lumipas ang mga taon at sa wakas ay dumating ang araw na ibinigay ni Fred ang huling bayad niya sa utang. Personal niya itong ibinigay. Napaiyak ang taong pinagkautangan niya at luhaan nitong sinabi, “Hindi mo lang ibinalik ang bawat sentimo, kundi itinuro mo pa sa akin kung anong klaseng tao ang may integridad at tapat.”

Hanggang ngayon, halos 70 taon na mula nang lagdaan ni Fred ang utang na iyon, may pagmamalaki pa rin itong ikinukuwento ng mga inapo nina Fred at Erma Snowberger. Ang pagpapakitang ito ng integridad at dangal ay matagal na ginunita bilang halimbawa ng integridad ng pamilya.

Ikalima, turuan ang inyong mga anak na sundin ang inyong halimbawa. Marami sa ating mga kabataan ang nagdarahop dahil hindi nila natutuhan ang wastong prinsipyo sa paghawak ng pananalapi sa tahanan. Turuan ang inyong mga anak habang bata pa sila. Ituro sa kanila na hindi mapapasakanila ang isang bagay dahil lang sa gusto nila ito. Turuan silang magtrabaho, magtipid, at mag-ipon.

Kung inaakala ninyong wala kayong sapat na kaalaman para turuan sila, dapat ay lalo ninyong simulang matuto. Maraming mapagkukunan—mula sa mga klase, aklat, at iba pa.

Mayroon sa ating saganang nabiyayaan at may sapat na maibabahagi sa iba. Inaasahan ng ating Ama sa Langit na hindi lang natin ito gagamitin para magtayo ng mas malalaking kamalig para paglagyan ng mga ito. Maiisip mo ba kung ano pa ang magagawa mo para maitatag ang kaharian ng Diyos? Maiisip mo ba kung ano pa ang magagawa mo para mabasbasan ang buhay ng iba at mabigyan sila ng liwanag at pag-asa sa kanilang buhay?

Mga Pagkakautang sa Langit

Binanggit natin ang mga pagkakautang sa lupa at ang tungkulin nating bayaran ang mga ito. Ngunit may iba pang mga pagkakautang—utang na mas pangwalang-hanggan—na hindi madaling bayaran. Katunayan, hindi natin mababayaran ang ilan dito kailanman. Ito’y ang mga pagkakautang sa langit.

Binigyan tayo ng buhay ng ating mga ama’t ina at isinilang tayo sa mundong ito. Binigyan nila tayo ng pagkakataong magkaroon ng katawang-tao at magdanas ng saya at lungkot ng masaganang mundong ito. Sa maraming pagkakataon, isinasantabi nila ang sarili nilang mga pangarap at naisin alang-alang sa kanilang mga anak. Nararapat lang natin silang igalang at ipakita sa salita at gawa na mahal natin at pinasasalamatan sila.

Malaki rin ang utang natin sa ating mga ninuno na nauna sa atin at hinihintay sa kabilang buhay ang mga ordenansang magbibigay-daan sa kanilang walang hanggang pag-unlad. Ito ang utang na kahit paano’y mababayaran natin para sa kanila sa ating mga templo.

Kaylaki ng utang natin sa Panginoon sa pagpapanumbalik Niya ng Kanyang Simbahan at tunay na ebanghelyo sa mga huling araw na ito sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Mula noong bata siya hanggang sa Pagmamartir niya, inilaan niya ang kanyang panahon sa paghahatid ng nawalang ebanghelyo ni Jesucristo sa sanlibutan. Malaki ang utang na loob natin sa kanya at sa lahat ng kalalakihan sa sagradong tungkuling ito na nabigyang-awtoridad na pamunuan ang Kanyang Simbahan.

Paano natin mababayaran ang utang natin sa Tagapagligtas? Binayaran Niya ang utang na hindi Kanya upang palayain tayo sa utang na hinding-hindi natin mababayaran. Dahil sa Kanya, mabubuhay tayo nang walang hanggan. Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, mapapalis ang ating mga kasalanan, na magpaparanas sa atin ng pinakadakila sa mga handog ng Diyos: ang buhay na walang hanggan.9

May presyo ba ang gayong handog? Matutumbasan ba natin ang handog na iyon? Itinuro ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Haring Benjamin “na kung inyong ibibigay ang lahat ng pasasalamat at papuri na makakayang taglayin ng inyong buong kaluluwa … [at] siya ay paglilingkuran ninyo ng inyong buong kaluluwa, gayunman, kayo ay magiging hindi kapaki-pakinabang na mga tagapaglingkod.”10

May mga pagkakautang tayo sa lupa at sa langit. Maging matalino tayo sa pagharap sa bawat isa at laging tandaan ang mga salita ng Tagapagligtas. Sinasabi sa mga banal na kasulatan, “Huwag kayong mangagtipon ng mga kayamanan sa lupa, na dito’y sumisira ang tanga at ang kalawang, at dito’y nanghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw; kundi mangagtipon kayo ng mga kayamanan sa langit”11 Ang mga yaman ng mundong ito ay buhangin lang kumpara sa yamang naghihintay sa matatapat sa mga mansiyon ng ating Ama sa Langit. Malaking hangal ang taong inaaksaya ang panahon sa paghahangad ng mga bagay na kinakalawang at kumukupas. Kaytalino ng taong inuukol ang panahon sa paghahangad ng buhay na walang hanggan.

Alamin sa inyong puso na Jesus na Cristo ay buhay. Mapayapa, dahil sa inyong paglapit sa Kanya, lalapit Siya sa inyo. Huwag malungkot, sa halip ay magalak. Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, naipanumbalik na muli ang ebanghelyo. Hindi nakapinid ang kalangitan. Tulad noong una, may isang taong tumatanggap ng mga paghahayag sa Ama sa Langit. Isang propeta, si Pangulong Gordon B. Hinckley, ang nabubuhay sa lupa sa ating panahon at sa ngayon. Pinatototohanan ko ito sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. Lucas 12:13, 15.

  2. Sa Conference Report, Abr. 1938, 103.

  3. Sa Conference Report, Okt. 1921, 3.

  4. Pay Thy Debt, and Live … , Brigham Young University Speeches of the Year (28 Peb. 1962), 10.

  5. The Teachings of Harold B. Lee, ed. Clyde J. Williams (1996), 315.

  6. “To the Boys and to the Men,” Liahona, Ene. 1999, 65–66; Ensign, Nob. 1998, 53–54.

  7. Tingnan sa Malakias 3:10.

  8. Tingnan sa Genesis 41:47–57.

  9. Tingnan sa D at T 14:7.

  10. Mosias 2:20–21.

  11. Mateo 6:19–20.