Makatayong Walang Bahid- dungis sa Harapan ng Panginoon
Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, tayong lahat ay makatatayong walang bahid-dungis, dalisay at maputi sa harapan ng Panginoon.
Minsan kami ng abenturero kong anak na si Jeff ay sumakay sa isang lumang bus sa isang mabatong daan sa Central America nang ala-1:00 N.U. Maagang-maaga kaming umalis dahil iyon lang ang bus nang araw na iyon. Makaraan ang kalahating oras ay tumigil ito at isinakay ng drayber ang dalawang misyonero. Tinanong namin kung saan sila pupunta nang gayon kaaga? Zone conference! At talagang gagawin nila ang lahat para makarating doon. Mga alas 2:00 N.U. ay may dalawa pang elder na sumakay at masiglang binati ang kapwa nila mga misyonero. Paulit-ulit ang tagpong ito tuwing kalahating oras habang paakyat ng bundok ang bus. Dakong alas 5:00 N.U. ay 16 na ang kasakay namin at tuwang-tuwa kami sa Diwang hatid nila habang nakasakay.
Walang anu-ano’y bigla kaming huminto. Natabunan ng gumuhong putik ang daan. Sabi ni Jeff “Ano’ng gagawin natin, Itay?” Iyon din ang problema ng mga kaibigan naming sina Stan, Eric at Allan. Tapos ay biglang sumigaw ang zone leader ng “Tayo na elders, walang makapipigil sa atin!” At mabilis silang nagbabaan ng bus! Nagkatinginan kami at sinabing “Sundan natin ang elders,” at nagkadulas-dulas kami sa putik sa pagsisikap na habulin ang mga misyonero. Nagkataong may trak sa kabilang daan kaya sumakay kaming lahat. Paglampas ng isang milya, huminto na naman kami dahil sa gumuhong putik. Minsan pang naglakad sa putikan ang mga elder at kami’y kasunod lamang nila. Pero wala nang trak. Buong tapang na sinabi ng zone leader na, “Makakarating tayo sa paroroonan natin, kahit lakarin na lang natin.” Makalipas ang maraming taon, sinabi sa akin ni Jeff kung paano siyang nahikayat ng mga misyonerong iyon at ng retratong ito habang naglilingkod siya sa Panginoon sa Argentina.
Kahit nalampasan namin ang mga gumuhong putik, lahat kami’y may tilamsik pa rin ng putik. Medyo kabado ang mga misyonero na humarap sa kanilang president sa araw ng zone conference kung saan susuriing mabuti ng president at ng kanyang asawa ang kanilang anyo.
Habang nagkakadulas-dulas tayo sa mga gumuhong putik ng buhay, hindi natin maiiwasan ang ilang tilamsik ng putik. At ayaw nating tumayo sa harapan ng Panginoon na maputik.
Nang magpakita ang Tagapagligtas sa sinaunang Amerika sinabi niyang, “Magsisi, lahat kayong nasa mga dulo ng mundo, at lumapit sa akin at magpabinyag sa aking pangalan, upang kayo ay pabanalin sa pamamagitan ng pagtanggap sa Espiritu Santo, upang kayo ay makatayong walang bahid- dungis sa aking harapan sa huling araw (3 Nephi 27:20).
Binalaan tayo ni Alma tungkol sa ilang paraan na mapuputikan tayo: “Sapagkat ang ating mga salita ang hahatol sa atin, oo, lahat ng ating mga gawa ang hahatol sa atin; tayo ay hindi matatagpuang walang bahid-dungis; at ang ating mga pag-iisip ang hahatol din sa atin” (Alma 12:14).
Sinabi rin ni Alma:
“Kayo ay hindi maliligtas; sapagkat walang sino mang tao ang maliligtas maliban kung ang kanyang mga kasuotan ay nahugasang maputi; oo, ang kanyang mga kasuotan ay kailangang dalisayin hanggang sa ito ay maging malinis sa lahat ng dumi… .
“… Ano ang madarama ng sino man sa inyo, kung kayo ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Diyos, na ang inyong mga kasuotan ay nabahiran ng dugo at ng lahat ng uri ng karumihan?” (Alma 5:21–22).
Sinabi rin niya sa atin ang tungkol sa “lahat ng banal na propeta, na ang mga kasuotan ay nangalinis at walang bahid-dungis, dalisay at maputi” (Alma 5:24).
Pagkatapos ay kinukumusta niya tayo sa pagtawid sa mga gumuhong putik ng buhay: “Kayo ba ay lumakad na pinananatiling walang sala ang inyong sarili sa harapan ng Diyos? Masasabi ba ninyo sa inyong sarili, kung kayo ay tatawaging mamatay sa mga sandaling ito, … na ang inyong mga kasuotan ay nalinis at nagawang maputi sa pamamagitan ng dugo ni Cristo?” (Alma 5:27).
Dahil sa pagsisisi at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang ating mga damit ay maaaring maging walang bahid- dungis, dalisay, kaaya-aya at maputi. Ang samo ni Moroni, “O, sa gayon, kayong mga walang paniniwala, bumaling kayo sa Panginoon; magsumamo nang buong taimtim sa Ama sa pangalan ni Jesus, baka sakaling kayo ay matagpuang walang bahid-dungis, dalisay, kaaya-aya, at maputi, nalinis sa pamamagitan ng dugo ng Kordero, sa dakila at huling araw na yaon” (Mormon 9:6).
Sa I Samuel ay mababasa natin, “Huwag mong tingnan ang kaniyang mukha, o ang taas ng kaniyang kataasan; … sapagka’t ang tao ay tumitingin sa mukha, ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso” (16:7).
Ang mga Nephita ay tumitingin sa panlabas na anyo ng mga Lamanita, dahil ipinahayag ni Jacob na, “Anupa’t ako ay nagbibigay sa inyo ng isang kautusan, na salita ng Diyos, na huwag na ninyong laitin pa sila dahil sa kaitiman ng kanilang mga balat” (Jacob 3:9).
Kilala at mahal ng ating Ama ang Kanyang mga anak sa buong mundo, mula Boston hanggang Okinawa, mula San Antonio hanggang Espanya, mula Italya hanggang Costa Rica. Sa Ghana, kamakailan ay pinasalamatan ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang Panginoon “sa kapatiran na umiiral sa amin, na maging ang kulay ng balat ni ang lupang sinilangan ay hindi makapaghihiwalay sa amin na Iyong mga anak” (panalangin sa dedikasyon ng Accra Ghana Temple, sa “Brotherhood Exists,” Church News, 17 Ene. 2004, p. 11).
Iniimbitahan namin ang kalalakihan at kababaihan sa lahat ng dako, anuman ang wika o kultura na “lumapit kay [Cristo], at makibahagi sa Kanyang kabutihan; at wala Siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa Kanya; maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; … [dahil] pantay-pantay ang lahat sa Diyos” (2 Nephi 26:33).
Naparirito tayo sa daigdig na ito na magkakaiba ang kulay, hubog, laki at kalagayan. Hindi tayo kailangang maging mayaman, matangkad, payat, ubod nang talino, o maganda para maligtas sa kaharian ng Diyos—maging dalisay lamang. Kailangan tayong sumunod sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang mga utos. At mapipili nating lahat iyan saan man tayo nakatira o ano man ang ating hitsura.
Nang ituro ng apat na anak ni Mosias ang ebanghelyo sa mababangis at mababagsik na Lamanita, may nangyaring malaking pagbabago ng puso:
“Kasindami ng mga Lamanita na naniwala sa kanilang pangangaral, at mga nagbalik-loob sa Panginoon, kailanman ay hindi nagsitalikod.
“Sapagkat sila ay naging mabubuting tao; ibinaba nila ang kanilang mga sandata ng paghihimagsik, na hindi na nila muli pang nilabanan ang Diyos, ni [ang] labanan ang sino man sa kanilang mga kapatid” (Alma 23:6–7).
Ngayon, marami sa kanilang mga inapo ang nagbabasa tungkol dito sa kanilang sariling kopya ng Aklat ni Mormon at pinipili nilang sundin si Cristo. Natutuwa akong makita ang mga inapo ni Lehi na nakasuot ng puting-puti sa maraming templo sa Mexico-South Area kung saan ako kasalukuyang naglilingkod. Nadama ko ang nadama ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa dedikasyon ng Guatemala City Temple:
“Kayo na mabait at maawaing Ama, ang aming mga puso ay umaapaw sa pasasalamat sa pag-alaala Ninyo sa mga anak ni Lehi, ang maraming henerasyon ng aming mga ama’t ina na nagdusa nang labis at matagal na lumakad sa kadiliman. Narinig Ninyo ang kanilang pagsamo at nakita ang kanilang pagluha. Ngayo’y mabubuksan sa kanila ang mga pintuan ng kaligtasan at buhay na walang hanggan” (panalangin sa dedikasyon ng Guatemala City Guatemala Temple, sa “Their Cries Heard, Their Tears Seen,” Church News, 23 Dis. 1984, 4).
Nakita ko ang mga mapagpakumbabang inapo ni Lehi na bumaba mula sa mga bundok papunta sa templong iyon at hayagang tumangis habang nanggigilalas sila. Niyakap ako ng isa at hiniling na ihatid ko ang yakap na iyon ng pagmamahal, pasasalamat at pakikipagkapatiran sa lahat ng misyonerong naghatid sa kanila ng ebanghelyo at sa lahat ng banal na dahil sa matapat nilang pagbabayad ng ikapu ay nabiyayaan sila ng templo. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, tayong lahat ay makatatayong walang bahid-dungis, dalisay at maputi sa harapan ng Panginoon.
Buong pasasalamat kong itinataas ang aking tinig kasama ni Nephi: “At nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak [at mga apo] kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan” (2 Nephi 25:26).
Gustung-gusto naming mag-asawa ang banal na kasulatang ito kaya ipininta niya ito sa dingding ng aming sala sa ibaba ng magandang porselanang Christus. Ang mga ito’y paalaala sa amin na ituon ang aming buhay kay Cristo.
Isang araw, nagbabasa ng banal na kasulatan ang aming anak na lalaki kasama ang kanyang pamilya. Ang pitong taong gulang naming apong si Clatie ay nagbasa “ ‘At nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo’—Aba, ito ang nasa dingding nina Lolo’t Lola!” Ngayo’y isa na iyan sa mga paborito niyang talata.
Minsan naman ay nasa Visitors Center kami sa Temple Square kasama ang mga apo ring ito. Pagod na ang dalawang taong si Ashley at gusto nang umalis. Tinanong siya ni Sister Mask kung gusto niyang makita ang malaking Jesus na tulad ng nasa dingding namin. Tanong niya, “Kasinglaki ko ba Siya?” “Mas malaki pa,” sagot ni Sister Mask. Nang tumingala ang musmos na ito sa kagila-gilalas na Christus, tumakbo siya at tumayo sa paanan at buong pitagang pinagmasdan ito nang ilang minuto. Nang ipahiwatig ng Tatay niya na oras na para umalis, sinabi niyang, “Ayoko, Itay, mahal Niya ako at gusto Niya akong hagkan!”
Ang landas ng buhay ay puno ng espirituwal na mga pagguho ng putik. Anuman ang kasalanan at kamalian nati’y labanan natin ang mga ito nang buong tapang tulad ng ginawa ng mga elder. Pasalamatan natin araw-araw ang ating Ama sa pagsusugo sa Kanyang Anak na si Jesucristo para patawarin tayo sa ating mga kasalanan upang makatayo tayong walang bahid-dungis sa Kanyang harapan. Tama si Ashley. Mahal nga Niya tayo at sasabihin sa atin sa dakilang araw, “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: … pumasok ka sa kagalakan ng iyong Panginoon” (Mateo 25:21).
Pinatototohanan ko na Siya’y buhay at mahal Niya tayo. Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.