Lahat ng Bagay ay Magkakalakip na Gagawa para sa Inyong Ikabubuti
Sa pagsasaliksik, pagdarasal, at paniniwala, makikita natin ang mga himala sa ating buhay at makagagawa tayo ng himala sa buhay ng iba.
Mahilig akong magbasa. Pero kapag nasa masyado nang mainit na bahagi ang nobela ninenerbiyos na ako—kung nanganganib o malungkot o magulo na ang buhay ng bida. Kaya binabasa ko muna ang wakas para matiyak kung maganda ang mangyayari sa bida.
Tayo’y parang nasa kalagitnaan ng sarili nating nobela, ang mga kuwento ng ating buhay. Kung minsan ang mga kuwento nati’y masyadong mainit at gusto nating basahin muna ang wakas para malaman ang mangyayari sa atin, para matiyak na maaayos ang lahat. Bagamat di natin alam ang detalye ng mga karanasan natin sa buhay, kahit paano’y may alam tayo tungkol sa hinaharap, kung mamumuhay tayo nang matwid.
Ibinigay sa atin ang ideyang ito sa Doktrina at mga Tipan 90:24: “Masigasig na maghanap, manalangin tuwina, at maging mapanampalataya, at lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti, kung kayo ay lalakad nang matwid.” Ang kagila-gilalas na pangakong ito ng Panginoon na lahat ay magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti ay inulit-ulit sa banal na kasulatan, lalo sa mga tao o propetang dumaranas ng pagsubok sa buhay.
Dama ko na ang pangakong ito’y mula sa magiliw at mapagmahal na Ama na hangad na pagpalain at bigyan tayo ng pag-asa habang nabubuhay sa mundo. Ang kaalaman na lahat ay magkakalakip na gagawa sa ating ikabubuti ay tutulong sa atin para magtiis gaya ng matatapat na tao sa banal na kasulatan na batid ang Kanyang mga pangako at nanalig sa mga ito, na “kanilang nangakita na natanaw mula sa malayo, at [sila’y nahikayat, at tinanggap nila ang mga ito]” (Sa Mga Hebreo 11:13). Matatanggap din natin ang pangakong ito.
Kung minsa’y agad natutupad ang pangako. Minsa’y ilang taon na tayong humihiling bago ito matupad. At tulad ng tapat na si Abraham, tinanggap niya ang mga pangako, ngunit “ayon sa pananampalataya ay [namatay] … na hindi kinamtan ang mga pangako” (Sa Mga Hebreo 11:13) habang nasa lupa. Bagamat totoo na minsan ay sa kawalang-hanggan lamang matutupad ang mga pangakong biyaya sa atin, totoo rin naman na sa pagsasaliksik, pananalangin, at paniniwala ay makikita natin na ang mga bagay ay magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti sa buhay na ito.
Sa pagbabasa ko ng mga kuwento hinggil sa mga apostol ni Jesus pagkamatay Niya, nalaman ko na madalas ay buong lupit silang inuusig, binabato, at ibinibilanggo. Ngunit nabuhay silang may tapang at pananampalataya. Alam nilang sa huli ang lahat ay magkakalakip na gagawa para sa ikabubuti nila. Alam din nila na sa mga panapanahong biyaya at himala maaayos ang lahat. Sila’y itinaguyod, tinuruan, at pinangalagaan. Niyakap nila ang mga pangako hindi lamang sa hinaharap, kundi dito rin sa buhay na ito.
Malaking himala ang nangyari kay Pedro nang ibilanggo siya ni Haring Herodes. Kapapatay pa lang sa kasamahan niyang apostol na si Santiago, at ngayon nakabilanggo si Pedro, at 16 na kalalakihan ang bantay niya. Naisip kong baka dinanas niya ang dinanas noon ni Propetang Joseph Smith sa Liberty Jail. Sa kulungan natanggap ni Joseph ang pangako ng Panginoon na “lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti” (D at T 122:7). Tila mahirap paniwalaan ang pangakong ito sa gitna ng mga pagsubok, ngunit tulad ni Joseph, pinagpala ng Panginoon si Pedro.
Ang mga miyembro ng Simbahan ay nangagtipon at “maningas na dumalangin” para kay Pedro. Pagkatapos ay may kagila-gilalas na bagay na nangyari. Kinagabihan habang nakakadenang natutulog si Pedro sa gitna ng dalawang bantay, “tumayo sa tabi niya” ang anghel ng Panginoon at “siya’y ginising” at “nangalaglag ang kaniyang mga tanikala sa kaniyang mga kamay.” Akala ni Pedro ay panaginip iyon. Sinundan niya ang anghel na dumaan sa mga bantay palabas sa pintuang-bakal patungo sa lansangan, “at pagdaka’y humiwalay sa kaniya ang anghel.” Noon nalaman ni Pedro na hindi iyon panaginip. Siya’y mahimalang naligtas. Pinagpala siya ng Panginoon noong sandaling iyon.
Nagpunta siya sa tahanan kung saan nagtipon ang mga miyembro ng Simbahan na nagdasal para sa kanya. Nang kumatok si Pedro, isang dalagitang (tulad ninyo) na ang pangalan ay Rode ang pumunta sa pintuan at narinig at nakilala ang boses ni Pedro. Sabi sa banal na kasulatan siya’y “natuwa.” Ngunit sa kasabikan ay nalimutan niyang papasukin si Pedro. Sa halip siya’y bumalik para ibalita sa iba na nasa pintuan si Pedro. Hindi sila naniwala at nakipagtalo sa kanya, na sinasabing hindi niya alam ang sinasabi niya. Si Pedro naman ay patuloy na kumatok at naghintay. Nang puntahan nila si Pedro, “sila’y nangamangha” (tingnan sa Mga Gawa 12:4–17).
Patuloy na nagdasal ang mga taong ito para sa himala, ngunit nang sagutin ng Panginoon ang dasal nila, sila’y namangha. Nagulat sila sa kabutihan ng Panginoon sa mahimala Niyang pagtugon. Nakikita ba natin ang katuparan ng mga pangako sa ating buhay? Gaya ng tanong ng Tagapagligtas, “Mayroon kayong mga mata, hindi baga kayo nangakakakita?” (Marcos 8:18). May mga mata ba tayo na makakakita?
Sa lahat ng dako ay may mga kabataang babae na nasa kalagitnaan ng kanilang kuwento, na nahaharap sa mga panganib at kahirapan. Tulad ni Pedro may “mga anghel [sa] paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88). Tutulungan nila tayo sa mga pasanin sa buhay. Kadalasan sa buhay, ang mga anghel ay mga taong nasa paligid na nagmamahal sa atin, na payag maging mga instrumento sa kamay ng Panginoon. Sabi ni Pangulong Spencer W. Kimball, “Napapansin tayo ng Diyos, at binabantayan Niya tayo. Ngunit karaniwa’y sa pamamagitan ng isang tao Niya tinutugunan ang ating mga pangangailangan. Kung gayon, mahalagang paglingkuran natin ang isa’t isa sa kaharian” (“There Is Purpose in Life,” New Era, Set. 1974, 5).
Salamat sa kagila-gilalas na mga kabataan at lider ng Young Women, mga ama’t ina, at mabubuting magkaibigan na nagpapatatag sa isa’t isa. Kayo ang mga anghel na tumutulong para matupad ang mga pangako ng Ama sa Langit sa buhay ng minamahal Niyang mga anak.
Isang grupo ng Young Women sa Oklahoma ang nagdasal sa Ama sa Langit para malaman kung paano isasali sa Beehive ang isang batang bingi. Nagsikap silang mabuti na maging Kanyang mga instrumento at kamay (halos ganoon na nga) sa pagtulong sa kabataang ito. Nagkaroon ng himala sa buong ward nang maging mga anghel sila na sumuporta kay Alexis, ang bagong Beehive.
Sabi ni Alexis, “Kinabahan ako at sabik na magsimula sa Young Women. Lagi sa tabi ko si Inay para sumenyas dahil bingi ako. Matapos ang pambungad na panalangin at awit, sinabi ni Sister Hoskin, ang Young Women President ko, ‘Alexis, may regalo kami sa iyo.’ Tapos ay tumayo ang mga batang babae at nagsimulang sumenyas. Alam kong espesyal iyon. Sa huli’y nalaman ko na Young Women Theme pala iyon. Pinag-aralan ito ng mga batang babae sa ward namin para sorpresahin ako.
“Alam kong mahal ako ng Ama sa Langit dahil sa mabubuting tao sa mundo na nagmamahal sa akin, lalo na ang mga batang babae sa aking [klase sa] Young Women at aking mga lider sa Young Women na sumenyas para sa akin at tumulong para matutuhan ko ang ebanghelyo” (Liham sa pangkalahatang panguluhan ng Young Women).
Si Sister Hoskin, ang pangulo ng Young Women, ay masigasig na nagdasal para malaman kung paano tutulungan si Alexis. Isinulat niya:
“Isang linggo pa lang akong pangulo ng Young Women sa ward nang mag-alala ako tungkol sa isang batang malapit nang maging Beehive. Si Alexis ay bingi, at nag-isip ako kung paano ko siya matutulungan para madama niya at ipakita sa kanya na kabilang siya sa amin. Matapos mag-alala at manalangin nang maraming araw, nagising ako sa hatinggabi dahil sa isang panaginip kung saan nakita kong nakatayo kami ng mga kabataang babae, at isinesenyas ang Young Women Theme. Alam ko ang sagot sa mga dasal ko.
“Malaking hamon iyon. Maraming oras ang ginugol—isang buong gabi ng Mutual, at lingguhang praktis bago kami naging handa. Nang kaarawan na ni Alexis, sabik at kabado ang lahat sa aming sorpresa. Hinila ko si Alexis at ang nanay niya sa harapan ng mga bata at sinabi (habang sumesenyas kay Alexis), ‘May regalo kami sa iyo. Ngayo’y isa ka na sa amin.’ At tumayo kami at binigkas ang tema sa sign language. Napakalakas ng Espiritu at halos walang makapagsalita dahil umiiyak kaming lahat, ngunit ang galing ng mga bata. Tuwang-tuwa si Alexis. Alam niyang isa na siya sa amin.
“Nalaman naming mahal tayo ng Ama sa Langit at may oras na tayo ang nagiging kamay at tinig Niya para ipadama sa iba ang pagmamahal na iyon. Nalaman namin na ang paglilingkod ay nagdudulot ng malaking kagalakan. Nalaman ko na mahalaga ang pagsunod sa mga inspirasyon, kahit kailangang pagsikapan itong mabuti at tila imposible” (Liham sa pangkalahatang panguluhan ng Young Women).
Isipin ninyo kung gaano katagal ipinagdasal ng kanyang ina si Alexis, taglay ang lahat ng pag-asa at pangarap ng isang ina para sa kanyang anak. Sabi niya:
“Bilang ina ng isang anak na may kapansanan, sanay akong gumawa ng iba pang mga bagay para tulungan siya. Dahil bingi siya, madalas ako sa tabi niya para magsalin para sa kanya. Marahil alam na ninyo ang nadama ko nang isenyas sa kanya ng mga kabataang babae ang Young Women Theme. Habang nakatayo ako’t nagmamasid at lumuluha, pumasok sa isip ko ang talata mula sa Mateo 25:40: ‘Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.’
“Ang pambihirang pagmamahal at serbisyong ipinakita ng mga kabataang ito ay nagsimula lang noong araw na iyon. Marami sa kanila ang nag-ukol ng oras at nagsikap matuto ng sign language at ngayo’y tumutulong na sa pagsasalin para kay Alexis. Ang dalangin ko para kay Alexis ay lagi siyang maging maligaya, umunlad, at malaman na siya’y minamahal.
“Bilang magulang, ang patotoo ko sa Tagapagligtas ay lumakas sa nakita kong serbisyo at pagmamahal ng mga batang ito at ng kanilang mga lider. Kung minsan, mabigat na pasanin ang problema namin sa aming anak, ngunit gumaan ito dahil sa ginawa ng matatapat na kabataang ito at ng matatalinong lider nila.”
Ang inang ito’y humingi ng tulong sa Panginoon at ngayon sa tulong ng iba, na mga anghel sa lupa, nakita niya na lahat ay magkakalakip na gumagawa para sa ikabubuti ng kanyang anak.
Ikinuwento ng iba pang mga kabataan kung paano sila umunlad sa paglilingkod na ito. Sinabi ng pangulo ng klase ng Laurel na mahirap pag-aralang isenyas ang tema, ngunit dama nila ang tulong ng Espiritu sa pagsisikap na ito. Sabi niya, “Hindi kami nagmadaling tapusin ang pagbigkas ng tema na tulad ng dati. Inisip namin ang mga salita at isinenyas ito para sa iba para malaman din nila ang mga salita, at masaya ako na malaman na nauunawaan niya ang aming tema at na siya’y anak din ng Diyos.”
Kahit ang kabinataan ay kasali. Natuto silang sumenyas ng, “Puwede ba kitang isayaw?”, bilang paghahanda sa darating na sayawan sa aktibiti ng ward sa Mutual. Dahil dito’y sumayaw ni Alexis sa lahat ng tugtog. Natutuhang isenyas ng mga priest ang mga panalangin sa sakrament para sa kanya. Nabalot ng diwa ng pagmamahal ang buong ward.
Sa bawat ward o branch, tahanan o pamilya, ay may Alexis na may espesyal na pangangailangan, sa pisikal, emosyonal, o espirituwal, na nagdarasal at nagtitiwala na “ang lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa [kanyang] ikabubuti.” Tayo’y maaaring maging instrumento sa kamay ng Panginoon, isang anghel sa lupa na makatutulong para mangyari ang mga himala.
Nagpapatotoo ako na ang Ama sa Langit ay magiliw at mapagmahal na magulang na ang hangad ay ibigay sa atin ang lahat ng mayroon Siya. Sa pagsasaliksik, pagdarasal, at paniniwala, makikita natin ang mga himala sa ating buhay at makagagawa tayo ng himala sa buhay ng iba. Mahihimok tayo ng Kanyang pangako na lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti, sa ngalan ni Jesucristo, amen.