2004
Manatili sa Mataas na Landas
Mayo 2004


Manatili sa Mataas na Landas

Idalangin ang lakas na tahakin ang mataas na landas, na kung minsan ay magiging malungkot, ngunit hahantong sa kapayapaan at kaligayahan at banal na kagalakan.

Mahal kong mga kaibigang kabataan, kayong magagandang dalaga, narinig namin ang nakasisiglang patotoo at magagandang talumpati ng panguluhang ito ng Young Women. Ang tatalino at ang gagaling nilang lider. Sinusuportahan sila ng general board na napakagaling din, at ito ang namumuno sa dakilang programang ito para sa mga kabataang babae sa buong mundo.

Ako na ang magsasalita sa inyo ngayon, at halos hindi ko alam ang sasabihin ko. Nalulula ako sa dami ninyo. Libu-libo ang narito sa malaking Conference Center na ito. Umaapaw rin sa kalapit na mga gusali. Umaabot ang kumperensyang ito sa mga meetinghouse sa maraming bansa sa malawak na mundong ito.

Napakarami ninyo. Mahal na mahal ko kayo. Pinahahalagahan ko kayo. Ikinararangal ko kayo. Iginagalang ko kayo. Kaylaking impluwensya ninyo para sa kabutihan.

Kayo ang lakas sa kasalukuyan, ang pag-asa sa hinaharap.

Kayo ang bunga ng lahat ng henerasyong pumanaw na, ang halimbawa sa lahat ng isisilang pa lang.

Dapat ninyong malaman, gaya ng sinabi sa inyo, na hindi kayo nag-iisa sa mundong ito. Daan-daang libo kayo. Naninirahan kayo sa maraming lupain. Iba’t iba ang inyong mga wika. At lahat kayo ay may kabanalan sa inyong kalooban.

Wala kayong kapantay. Kayo ay mga anak ng Diyos.

Dumating sa inyo ang isang bagay na maganda at sagrado at banal sa inyong pagkapanganay. Huwag ninyo iyang kalilimutan kailanman. Ang inyong Amang Walang Hanggan ang dakilang Panginoon ng sansinukob. Siya ang namumuno sa lahat, ngunit diringgin din Niya ang inyong mga dalangin bilang Kanyang anak at pakikinggan kayo kapag kinausap ninyo Siya. Sasagutin Niya ang inyong mga dalangin at hindi kayo pababayaan.

Sa mga sandali ng katahimikan ko, iniisip ko ang kinabukasan pati na ang lahat ng magagandang posibilidad nito at lahat ng matitinding tukso nito. Iniisip ko kung ano ang mangyayari sa inyo sa susunod na 10 taon. Saan kaya kayo naroroon? Ano kaya ang ginagawa ninyo? Babatay iyan sa mga pagpili ninyo, na ang ilan ay parang hindi mahalaga sa oras na iyon ngunit malaki ang magiging epekto.

May nagsabing, “Ang ginagawa natin sa kasalukuyan, tama man o mali, ay may epekto sa kawalang-hanggan” (James Freeman Clarke, sa Elbert Hubbard’s Scrap Book [1923], 95).

May potensyal kayong maging anumang itakda ninyo sa inyong isipan. Mayroon kayong isip at katawan at espiritu. Sa tulong ng tatlong ito, matatahak ninyo ang mataas na landas tungo sa tagumpay at kaligayahan. Ngunit mangangailangan ito ng pagsisikap at sakripisyo at pananampalataya.

Bukod dito, kailangan kong ipaalala sa inyo na kailangan ninyong mag-aral hangga’t kaya ninyo. Naging magulo at pagalingan na sa buhay na ito. Hindi mo masasabi na may mga karapatan o pribilehiyo kayo. Aasahan kayong magsikap nang husto at magpakatalino upang matamo ang pinakamagandang kinabukasang kaya ninyo. Paminsan-minsan, malamang na magkaroon ng malulubhang kabiguan. Ngunit may tutulong sa daan, maraming gayon, na manghihikayat at magpapalakas sa inyo na sumulong.

Binisita ko ang isang mahal na kaibigan sa ospital noong isang araw. Inobserbahan ko ang maraming narses na nagsisilbi. Ang huhusay nila. Tingin ko’y alam nila ang lahat ng nangyayari at kung ano ang gagawin tungkol doon. Mahusay silang naturuan, at nakita ko iyon. Isang nakakuwadrong sawikain ang nakasabit sa dingding ng bawat silid. Nakasaad doon na, “Pinagsisikapan namin ang pinakamahusay.”

Anong laking kaibhan ang naidudulot ng training. Ito ang susi sa oportunidad. Kaakibat nito ang hamon na dagdagan ang kaalaman at ang lakas at kapangyarihan ng disiplina. Marahil wala kayong pera para pag-aralan ang gusto ninyo. Gamitin nang husto ang pera ninyo, at samantalahin ang mga scholarship, grant, at pautang na kakayanin ninyong bayaran.

Dahil dito kaya itinatag ang Perpetwal na Pondong Pang- edukasyon. Kinikilala namin na malaking kaibhan ang magagawa ng kaunting salapi sa mga oportunidad na makakuha ng training ang mga kabataan. Ang makikinabang ay kumukuha ng training at nagbabayad ng utang upang magkaroon ng gayunding oportunidad ang ibang tao.

Sa ngayon ayon sa ating karanasan tatlo o apat na ulit ang kita ng may training kaysa wala. Isipin ninyo iyan!

Bagama’t walang ganitong programa sa lahat ng dako, ngayo’y nasa lugar na ito kung saan naninirahan ang ilan sa inyo, at kung mayroon man, mapatutunayan na ito ay malaking pagpapala sa inyong buhay.

Sa pagtahak ninyo sa landas ng buhay, mag-ingat sa inyong mga kaibigan. Tutulungan nila kayo o ipapahamak kayo. Maging bukas-palad sa pagtulong sa mga kapus-palad at nagdurusa. Subalit magpanatili ng mga kaibigang kauri ninyo, na hihikayat sa inyo, magiging tapat sa inyo, mamumuhay na tulad ng hangad ninyo; na magagalak sa uri ng libangang gusto ninyo; at lalabanan ang kasamaang ipinasiya ninyong labanan.

Upang maisakatuparan ang Kanyang plano ng kaligayahan, itinanim sa atin ng Dakilang Lumikha ang likas na ugaling gustuhin ng mga lalaki ang mga babae at ng mga babae ang mga lalaki. Ang makapangyarihang hilig na iyon ay hahantong sa maganda o napakapangit na mga karanasan. Sa pagmamasid natin sa buong mundo, tila binabalewala na ang moralidad. Karaniwan na ang paglabag sa mga lumang pamantayan. Makikita sa sunud-sunod na pag-aaral ang pagtalikod sa subok nang mga prinsipyo. Nalimutan na ang disiplina sa sarili, at laganap na ang kawalan ng delikadesa.

Ngunit, mahal kong mga kaibigan, hindi natin maaaring tanggapin ang naging karaniwan na sa mundo. Bilang mga miyembro ng Simbahang ito, mas mataas at mas mahirap ang inyong pamantayan. Ipinahahayag nito sa tinig na mula sa Sinai na hindi kayo dapat makiapid. Kailangan ninyong pigilin ang inyong mga pagnanasa. Wala kayong mapapala kung tatahak kayo sa ibang landas. Babaguhin ko iyan sa pagsasabing naglaan ang Panginoon ng pagsisisi at pagpapatawad. Gayunpaman, ang pagpatol sa tukso ay matutulad sa sugat na hindi naghihilom at lagi itong nag-iiwan ng pangit na pilat.

Ang kahinhinan sa pananamit at kilos ay makakatulong sa paglaban sa tukso. Maaaring mahirap makakita ng mahinhing kasuotan, ngunit matatagpuan ito sa sapat na pagsisikap. Kung minsa’y hangad kong magkaroon ng makina ang bawat babae at matutong gumamit nito. Sa gayo’y matatahi niya ang sarili niyang magandang kasuotan. Palagay ko’y imposible itong mangyari. Pero walang pag-aatubili kong sasabihin na magiging kaakit-akit kayo nang hindi nagiging masagwa. Maaari kayong magmukhang kahali-halina at masaya at maganda sa inyong pananamit at sa inyong pagkilos. Ang paghalina ninyo sa iba ay manggagaling sa inyong personalidad, na siyang kabuuan ng inyong mga katangian. Maging maligaya. Ngumiti. Magsaya. Ngunit lumikha ng mahihigpit na pamantayan para sa inyong sarili, na parang guhit sa buhangin, na hindi ninyo lalabagin.

Nagsalita ang Panginoon sa mga yaong ayaw mapayuhan at sa mga yaong “[natisod] at [nadapa] kapag ang mga bagyo ay bumaba, at ang mga hangin ay umihip, at ang mga ulan ay bumagsak, at humampas sa kanilang bahay” (D at T 90:5).

Lumayo sa mahalay na libangan. Maaari itong maging kaakit-akit, ngunit sa maraming pagkakataon ay nakakababang-uri ito. Ayokong maging maselan tungkol dito. Ayokong maituring na kill-joy. Ayokong isipin ng iba na ako’y isang matandang walang alam tungkol sa kabataan at mga problema nila. Palagay ko’y may alam akong mahalaga tungkol sa mga bagay na ito, at ito ay mula sa kaibuturan ng puso ko at dala ng pagmamahal ko sumasamo ako na manatili kayo sa mataas na landas. Magpakasaya sa mabubuti ninyong kaibigan. Umawit at sumayaw, lumangoy at mag-hiking, magkasamang sumali sa mga proyekto, at mamuhay nang may sigla at katuwaan.

Igalang ang inyong katawan. Inilarawan ito ng Panginoon bilang mga templo. Marami sa panahon ngayon ang pinapapangit ang kanilang katawan sa pagpapatato. Walang katuturan iyon. Habambuhay ang mga tatong ito. Basta’t nakamarka na, hindi na ito mabubura pa liban kung titiisin at gagastusan nang malaki. Hindi ko maunawaan kung bakit magpapatato ang sinumang babae. Sumasamo ako sa inyo na iwasang pumangit sa ganitong paraan.

At habang binabanggit ko ang mga bagay na dapat iwasan, babanggitin ko ulit ang droga. Huwag sana ninyo itong subukan. Iwasan ito na parang nakapandidiring na sakit, dahil gayon talaga iyon.

Huwag ninyong isipin kailanman na magtatagumpay kayong mag-isa. Kailangan ninyo ang tulong ng Panginoon. Huwag mag-atubiling lumuhod sa tagong lugar at kausapin Siya. Kamangha-mangha at mainam ang panalangin. Isipin ninyo ito. Talagang makakausap natin ang ating Ama sa Langit. Makikinig Siya at sasagot, ngunit kailangan nating pakinggan ang sagot na iyon. Walang bagay na napakalubha, at walang- halaga para hindi ibahagi sa Kanya. Sinabi Niya, “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin” (Mateo 11:28). Pagpapatuloy Niya, “Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan” (Mateo 11:30).

Ang ibig lang sabihin niyan ay kapag nasabi at nagawa na ang lahat, ang Kanyang paraan ay madaling tiisin, at ang Kanyang landas ay madaling tahakin. Isinulat ni Pablo sa mga taga Roma, “Sapagka’t ang kaharian ng Dios ay hindi ang pagkain at pag-inom, kundi ang katuwiran at ang kapayapaan at ang kagalakan sa Espiritu Santo” (Mga Taga Roma 14:17).

Ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ang dapat maging tanglaw sa inyong harapan, ang bituing gabay ninyo sa langit.

Malimit magsalita si Pangulong George Albert Smith tungkol sa pananatiling tapat sa Panginoon. Napakahalaga niyan.

Maraming taon na ang lumipas nagkuwento ako sa kumperensya na palagay ko’y uulitin ko. Tungkol ito sa isang manlalaro ng baseball. Batid ko na ilan sa inyo sa iba’t ibang panig ng mundo ang walang masyadong alam tungkol sa baseball. Ni wala kayong pakialam tungkol dito. Ngunit malaking aral ang hatid ng kuwentong ito.

Nangyari ito noong 1912. Nilalaro ang World Series, at ito ang huling laro para malaman kung sino ang panalo. Ang iskor sa 2-1 na pabor sa New York Giants, na nasa laruan. Ang Boston Red Sox ang papalo. Umarko nang mataas ang tira ng lalaking papalo. Dalawang manlalaro ng New York ang humabol dito. Sumenyas sa kanyang mga kasamahan si Fred Snodgrass sa center field na siya ang sasalo. Nasalo niya ang bola, na bumagsak sa kanyang guwantes. Ngunit hindi ito nagtagal sa kanya. Humulagpos ang bola at nalaglag sa lupa. Hiyawan ang mga manonood. Hindi sila makapaniwala na nailaglag ni Snodgrass ang bola. Daan-daang fly ball na ang nasalo niya. Ngunit ngayon, sa pinakamahalagang sandaling ito, nabigo siyang pigilan ang bola, at nagpatuloy ang Red Sox upang mapanalunan ang pandaigdigang kampeonato.

Bumalik si Snodgrass nang sumunod na laro at mahusay na sumalo ng bola sa loob ng siyam na taon pa. Nabuhay siya nang 86 na taon, at namatay noong 1974. Ngunit matapos ang isang pagkakamaling iyon, sa loob ng 62 taon tuwing ipakikilala siya kaninuman, ang inaasahang tugon ay, “Ah, oo, siya ‘yung nakalaglag ng bola.”

Sa kasamaang-palad, nakikita natin ang mga taong laging nalalaglagan ng bola. Nariyan ang estudyanteng akala’y sapat na ang ginagawa niya at kapag huling pagsusulit na ay bumabagsak. Nariyan ang drayber na sobra ang ingat. Pero, sa isang saglit na kapabayaan, nasangkot sa isang aksidenteng ikinamatay niya. Nariyan ang empleyadong pinagkatiwalaan at mahusay. Tapos, sa isang iglap, naharap siya sa tuksong hindi niya napaglabanan. Nakamarka sa kanya iyon na tila hindi na mabubura pa.

Nariyan ang pagsilakbo ng galit na dagling sumisira sa matagal nang pagkakaibigan. Nariyan ang munting kasalanan na kahit papaano’y lumaki at kalauna’y humantong sa pagkawalay sa Simbahan.

Nariyan ang disenteng pamumuhay; pagkatapos dumating ang mapanira, na laging nananakot, isang beses na pagkarahuyo, na ang alaala ay tila ayaw maglaho kailanman.

Sa lahat ng gayong pagkakataon, may nalaglagan ng bola. Maaaring malaki ang tiwala ng isang tao sa sarili. Maaaring medyo mayabang siya, na iniisip na, “Hindi ko na kailangang magsikap.” Ngunit nang sasaluhin na niya ang bola, lumusot ito sa guwantes at nalaglag sa lupa. Oo nga’t may pagsisisi. Siyempre pa’y may pagpapatawad. May pagnanais na makalimot. Ngunit kahit paano, mahirap limutin ang pagkalaglag ng bola.

Ngayon, mahal kong magagandang dalaga, nagsasalita ako sa inyo na taglay ang pag-ibig ng isang ama. Salamat sa mainam na pamumuhay hanggang sa ngayon. Sumasamo ako sa inyo na huwag kayong bibigay, na magtakda ng layunin at sundin ang linya at sumulong nang walang hadlang sa anumang kumakalabang tukso o puwersang haharang sa inyong landas.

Dalangin ko na hindi masayang ang inyong buhay kundi magbunga ito ng dakila at walang-katapusang kabutihan. Lilipas ang mga taon, at mawawala na ako rito upang tingnan kung ano ang ginawa ninyo sa inyong buhay. Ngunit marami pang darating, ah marami pang iba, na aasa sa inyo, na ang kapayapaan at kaligayahan ay nakasalig sa gagawin ninyo. At higit sa lahat nariyan ang inyong Ama sa Langit, na mamahalin kayong lagi bilang Kanyang anak.

Gusto kong bigyang-diin na kung magkakamali kayo, mapapatawad ito, malalabanan ito, maiwawasto ito. Makakasulong kayo sa tagumpay at kaligayahan. Ngunit dalangin ko na hindi ninyo maranasan ang mga iyon, at tiwala ako na hindi nga ninyo ito daranasin kung ipapasiya ninyo at idadalangin ang lakas na tahakin ang mataas na landas, na kung minsan ay magiging malungkot ngunit hahantong sa kapayapaan at kaligayahan at banal na kagalakan ngayon at magpakailanman.

Dalangin ko ito sa banal na pangalan Niya na nagbuwis ng buhay upang tayo ay mabuhay nang walang hanggan, maging ang Panginoong Jesucristo, amen.