2004
Para sa Lakas ng mga Kabataan
Mayo 2004


Para sa Lakas ng mga Kabataan

Ang mga pamantayan ng Simbahan ay matatag at totoo. Para ito sa inyong kaligtasan at walang hanggang kapanatagan.

Mahal kong kalalakihan ng priesthood, malaking karangalan ko ang makasama kayo ngayong gabi. Apat sa mga apo kong lalaki ang nasa Conference Center ngayon—sina Craig, Brent, Kendall, at Michael. Nais kong magsalita sa kanila at sa lahat ng maytaglay ng Aaronic Priesthood at anyayahan ang ibang makinig.

Sa mensahe mula sa Unang Panguluhan, na nasa buklet ng Para sa Lakas ng mga Kabataan, mababasa natin:

“Minamahal naming mga kabataan, malaki ang tiwala namin sa inyo. Kayo’y mga piling espiritung isinilang sa panahong ito, kung kailan ang mga responsibilidad at oportunidad, at maging ang mga tukso, ay napakatindi. Nagsisimula pa lamang kayo sa inyong paglalakbay sa buhay na ito. Nais ng inyong Ama sa Langit na maging masaya kayo sa buhay at akayin kayo pabalik sa Kanyang piling. Ang mga pagpapasiya ninyo ngayon ang magsasabi ng kahihinatnan ninyo sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.” 1

Nabubuhay kayo sa isang mundong walang katiyakan. Napakaraming tinig na naririnig. Napakaraming daan. Hindi lahat ay patungo sa ating Ama sa Langit. Paano ninyo malalaman kung sino ang pakikinggan o saan pupunta?

Sinagot ni propetang Jacob ang mga tanong na ito sa banal na kasulatang ito: “Ang Espiritu ay nagsasabi ng katotohanan at hindi nagsisinungaling. Anupa’t nagsasabi ito ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito, at mga bagay kung ano talaga ang magiging ito.”2

Ngunit ano ang “mga bagay kung ano talaga ang mga ito” na tinutukoy ni Jacob? Sinabi ni Elder Neal A. Maxwell tungkol sa paksang ito:

“Kung walang pagsunod sa ‘mga bagay kung ano talaga ang mga ito,’ walang katapusan ang mga liko at walang saysay ang paghahanap sa ibang landas ng buhay… . Ang landas ng buhay na mali ngayon ay hindi maaari at hindi magiging tama kailanman… .

“Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng maraming katotohanan …—na totoong may Diyos na buhay; na totoong may buhay na Simbahan; na totoong may buhay na mga propeta; na totoong may buhay na mga banal na kasulatan; at totoong magkakaroon ng pagkabuhay na mag-uli na may paghuhukom.”3

May ilang katotohanan, ilang “mga bagay kung ano talaga ang mga ito” na pinagtitibay ng mga pamantayan—na karamihan ay masusukat. Tingnan natin ang ilang halimbawa sa isports.

Makikita sa pabalat ng isyu ng New Era noong Marso 2004 ang larawan ni Moroni Rubio ng Mexico. Dalawang taon na ang nakalipas, sa edad na 16, nanguna siya sa Central American Junior Championships sa 100 metrong takbuhan. Ang pinakamabilis niyang takbo sa kasalukuyan ay 10.46 segundo.4 Inoorasan siya sa stopwatch na sumusukat ng bilis niya.

Ang world record ng mga lalaki para sa high jump ay hawak ng isang atletang taga Cuba na humigit- kumulang sa 8 piye (2.4 m) ang tinalon. Kaya ba ninyong tumalon ng ganoon kataas? Tinatalon ng mga high jumper ang harang na baras na nakasabit sa dalawang poste. Ang baras ay kumakatawan sa isang pamantayan, isang sukatang dapat pantayan o lampasan.

Kunwari ay may track meet na di sinusukat ng stopwatch ang bilis ng mga tumatakbo at walang harang na baras ang mga high jumper na susukat sa taas ng mga talon nila.

Sa buhay, tulad sa palakasan, may mga pamantayan, o sukatan ng pag-uugali. May mga tama at mali. Bilang mga mayhawak ng priesthood, hindi tayo nagha-high-jump nang walang baras.

Sa kasamaang-palad, nakikita natin ang paglalaho ng mga tradisyonal na pamantayan ng moralidad at pag-uugali sa mundo ngayon. Ang kasabihan ngayon ay “gawin mo ang gusto mo.” Itinuturing ng mundo na makaluma o lipas na ang mga pamantayang subok na ng panahon.

Kabilang tayo sa simbahang may sinusunod na mga pamantayan. Ang mga bagay na mali noon ay mali pa rin hanggang ngayon. Hindi binabago ng Simbahan ang mga pamantayan ng moralidad sa pagsunod sa mga nagbabagong kaugalian o moralidad ng lipunang ginagalawan natin.

Ikinuwento ni Pangulong Hinckley ang karanasan niya isang gabi noong bata pa siya na kasama niyang nakahiga sa lumang bagon ang kapatid niyang si Sherman. Sila ay “nakatingin sa di mabilang na mga bituin sa kalangitan, at naghalinhinan sa pagpili ng pamilyar na mga bituin at tinunton ang Big Dipper, ang tatangnan at ang tasa, para makita ang North Star.” Ayon kay Pangulong Hinckley, namangha siya sa North Star. Anuman ang ikot ng mundo, nananatili ang North Star sa lugar nito sa kalangitan at hindi kailanman umaalis. Sabi niya: “Itinuring ko itong isang bagay na di nagbabago sa gitna ng pagbabago. Isa itong bagay na maaasahan, isang bagay na mapagkakatiwalaan, isang angkla sa isang tila magalaw at pabagu-bagong kalangitan.”5

Sa pagtukoy sa di nagbabago at tiyak na posisyon ng North Star, salungat naman ang kuwento ng isang manunulat tungkol sa isang batang lalaking naligaw sa kamping. Nang matagpuan siya ng kanyang ama, itinanong nito kung may tinandaan siyang isang bagay sa kabundukan na lagi niyang makikita. Ito sana, sabi ng ama, ang nakatulong sa kanya para di maligaw. Sabi ng bata, “Opo.”

“Ano iyon?” tanong ng ama.

“Iyon pong kunehong iyon,” sabi ng bata.6

Mga kabataan ng Aaronic Priesthood, ituon ang inyong tingin sa mga di nagbabagong pamantayan ng ebanghelyo at hindi sa malikot na kuneho.

Sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan, ang sumusunod na mga pamantayan, bukod sa iba pa, ay parang North Star ninyo: pumili ng mga kaibigang mataas ang mga pamantayan, huwag papangitin ang katawan ninyo sa pagpapatato o pagpapabutas nito, iwasan ang pornograpiya, huwag makinig sa malaswang musika, huwag magmura, makipagdeyt lang sa may mataas na pamantayan, panatilihing dalisay ang puri, magsisi kapag kailangan, maging tapat, panatilihing banal ang araw ng Sabbath, magbayad ng ikapu, sundin ang Word of Wisdom.7

Labindalawang taon na ang nakararaan, sa isang bansa sa Africa, may matatapat na miyembro tayo ng Simbahan na ilang taon nang nagmimiting sa kanilang tahanan. Pumunta ako sa bansang iyon para humingi ng pahintulot sa gobyerno na makapagpadala tayo ng mga misyonero at itatag ang Simbahan. Nakipagkita ako sa isang mataas na ministro ng gobyerno. Binigyan niya ako ng 20 minuto para ipaliwanag ang ating posisyon.

Nang matapos ako, sabi niya, “Wala akong makita sa sinabi mo na kaiba sa kasalukuyang umiiral ngayon sa bansa namin. Wala akong dahilan para aprubahan ang pakiusap mong makapagpadala ng mga misyonero sa aming bansa.”

Tumayo siya para ihatid ako palabas ng opisina niya. Nataranta ako. Bigo ako. Ilang saglit na lang at tapos na ang miting namin. Ano ang magagawa ko? Tahimik akong nagdasal.

Tapos ay may naisip ako. Sabi ko sa ministro, “Sir, kung bibigyan pa ninyo ako ng limang minuto, may gusto pa sana akong sabihin sa inyo. Tapos nito ay aalis na ako.” Magiliw siyang pumayag.

Inilabas ko sa pitaka ang maliit na buklet na ito na Para sa Lakas ng mga Kabataan na lagi kong dala.

Sabi ko, “Ito ay isang maliit na buklet ng mga pamantayang ibinibigay namin sa lahat ng kabataan sa aming Simbahan.”

Tapos ay binasa ko ang ilan sa mga pamantayang binanggit ko ngayong gabi. Nang matapos ako sinabi niya, “Ibig mong sabihin inaasahan ninyong ipamuhay ng mga kabataan ng simbahan ninyo ang mga pamantayang ito?”

“Opo,” sagot ko. “at ginagawa nila iyon.”

“Kamangha-mangha iyan,” wika niya. “Puwede mo ba akong padalhan ng ilang buklet na ito para maipamahagi ko sa mga kabataan sa aking simbahan?”

Sumagot ako, “Opo, “at ginawa ko nga.

Ilang buwan ang nagdaan tumanggap kami ng opisyal na pagsang-ayon sa gobyerno ng bansang iyon na pumunta roon at itatag ang Simbahan.

Mga kabataang lalaki, ang mga pamantayang ito na pribilehiyo ninyong sundin ay tunay na isang mahalagang perlas. Hindi ito nauunawaan ng mundo. Maraming mabubuting tao ang naghahangad nito. Mayroon kayo nito.

Si Propetang Joseph Smith ay tumanggap ng paghahayag na nagsasabi kung paano natin malalaman ngayon kung aling tinig ang pakikinggan—anong mga pamantayan ang susundin. Sa paghahayag na ito, ang ating panahon, o henerasyon, ay tinukoy bilang panahon na ang mga tao ay “[makikita] ang labis na pagpaparusa,” at “isang mapamanglaw na karamdaman ang babalot sa lupa.”8

Sa gayo’y ibinigay ng Panginoon ang pamantayan ng kaligtasan na mangangalaga sa tapat na mga tagasunod. Sabi niya: “Subalit ang aking mga disipulo ay tatayo sa mga banal na lugar, at hindi matitinag.”9

Ang mga Kapatid sa Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ay mga disipulo na nakatayo sa mga banal na lugar. Hindi sila natitinag o natatangay ng pabagu-bagong panahon mula sa napagtibay nang totoo sa lahat ng naunang henerasyon. Ang mga pamantayan ng Simbahan ay matatag at totoo. Para ito sa inyong kaligtasan at walang hanggang kapanatagan. Kapag nangako kayong ipamuhay ang mga ito, susukatin kayo sa mga pamantayang subok na ng panahon na sinang-ayunan ng Diyos.

Ngayon, mga apo ko at mahal na mga kapatid sa Aaronic Priesthood, nasa isang paligsahan kayo sa pagtakbo sa buhay. Hindi ito maikli. Para itong maraton.

Susubukan kayo at patutunayan ayon sa mga pamantayang itinatag ng Diyos. Gagabayan kayo ng Espiritu upang tulungan kayong malaman ang dapat ninyong gawin.

Halos tayo na lang ang natitirang organisasyon na may mga pamantayang subok na ng panahon. Karamihan sa iba ay nagpatangay na sa kultura ng ating mundo. Pinagpala tayong magkaroon ng mga buhay na propeta.

Nawa’y pagpalain kayo sa pagsunod sa mga pamantayan ng Simbahan. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. Para sa Lakas ng mga Kabataan (2001), 2.

  2. Jacob 4:13.

  3. Things as They Really Are (1978), xi–xii.

  4. Tingnan sa “Mga Paa ni Moroni,” ni Adam C. Olson, Liahona, Mar. 2004, 8–11.

  5. Tingnan sa Go Forward with Faith: The Biography of Gordon B. Hinckley, ni Sheri L. Dew, (1996), 5–6.

  6. Tingnan sa Jerry Johnston, “Following True North Is Lifelong Challenge,” Deseret Morning News, 14 Peb. 2004, sec. E, p. 1.

  7. Tingnan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, 12–37.

  8. D at T 45:31.

  9. D at T 45:32.