2004
Huwag Matakot
Mayo 2004


“Huwag Matakot”

Ang mga kabutihang-asal na mahalagang batayan ng sibilisasyon ay ubod nang bilis na naglalaho. Gayunman, hindi ako takot sa kinabukasan.

Mga ilang linggo na ang nakalilipas nang dalawin kami ng bunso naming anak na lalaki kasama ang kanyang pamilya. Unang lumabas ng kotse ang dalawang-taong gulang naming apo. Tumatakbo siyang palapit sa akin, na sumisigaw ng, “Lolo! Lolo! Lolo!”

Niyakap niya ang binti ko, at tiningnan ko ang masaya niyang mukha at ang malalaki at inosenteng mata at naisip kong, “Anong uri ng mundo ang naghihintay sa kanya?”

Sandali akong nakadama ng pagkabalisa, iyong takot sa kinabukasan na binabanggit sa amin ng maraming magulang. Sa lahat ng dako ay may mga ama at ina na nag-aalala sa kinabukasan ng kanilang anak sa napakagulong mundong ito.

Ngunit nakadama ako ng katiyakan. Nawala ang takot ko sa kinabukasan.

Ang gumagabay at nakaaalong Espiritu, na pamilyar sa ating mga nasa Simbahan, ang nagpagunita sa akin. Nawala ang takot ko sa kinabukasan. Ang dalawang-taong gulang na batang iyon ay magkakaroon ng magandang buhay—napakagandang buhay—at gayundin ang kanyang mga anak at apo, kahit na mamumuhay sila sa daigdig na puno ng kasamaan.

Masasaksihan nila ang maraming pangyayari sa kanilang buhay. Ang ilan ay magiging hamon sa kanilang lakas ng loob at magpapatatag ng kanilang pananampalataya. Ngunit kung mananalangin sila’t hihingi ng tulong at patnubay, bibigyan sila ng kapangyarihan laban sa kasamaan. Ang gayong mga pagsubok ay hindi dapat maging sagabal sa kanilang pag-unlad, sa halip dapat maging daan ito tungo sa dagdag na kaalaman.

Bilang isang lolo at miyembro ng Labindalawa, may ilang payo ako, ilang babala, at maraming panghihikayat. Magagawa ko ito nang mas mabuti kung ang lola namin, ang asawa ko na 57 taon ko nang kasama, ay katabi ko rito. Mas maraming alam sa buhay ang mga ina kaysa sa mga ama, pero gagawin ko ang lahat ng magagawa ko.

Hindi natin dapat katakutan ang kinabukasan natin o ng ating mga anak. Mapanganib at magulo ang ating panahon. Ang mga kabutihang-asal na nagpatatag sa sangkatauhan noo’y binabalewala na.

Hindi dapat balewalain ang mga salita ni Moroni nang makita niya ang ating panahon at sabihing, “Kayo ay magising sa pang-unawa sa inyong kakila-kilabot na kalagayan” (Eter 8:24).

Hindi natin puwedeng ipagwalang-bahala ang babalang ito mula sa Aklat ni Mormon:

“Ang Panginoon sa kanyang walang hanggang kabutihan ay pinagpapala at pinananagana ang mga yaong nagtitiwala sa kanya … ginagawa ang lahat ng bagay para sa kapakanan at kaligayahan ng kanyang mga tao; oo, yaon ang panahong pinatitigas nila ang kanilang mga puso, at kinalilimutan ang Panginoon nilang Diyos, at niyuyurakan sa ilalim ng kanilang mga paa ang Banal—oo, at dahil ito sa kanilang kaginhawaan, at kanilang labis na kasaganaan.

“At sa gayon nakikita natin na maliban kung parurusahan ng Panginoon ang kanyang mga tao sa pamamagitan ng maraming pagdurusa, oo, maliban kung kanyang parurusahan sila sa pamamagitan ng kamatayan at sa pamamagitan ng sindak, at sa pamamagitan ng taggutom at sa pamamagitan ng lahat ng uri ng salot, ay hindi nila siya maaalaala” (Hel. 12:1–3; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Napuna ba ninyo ang salitang sindak sa babala ng propeta sa Aklat ni Mormon?

Ang mga kabutihang-asal na mahalagang batayan ng sibilisasyon ay ubod nang bilis na naglalaho. Gayunman, hindi ako takot sa kinabukasan.

Natapos ang Unang Digmaang Pandaigdig mga anim na taon lang bago ako isilang. Noong bata pa kami, ang epekto ng digmaan ay nasa lahat ng dako. Matapos ang 15 taon ay naganap ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. At nagsimula ang nakakatakot na mga pangyayari.

Nabahala rin kami noon tulad ng marami sa inyo ngayon. Inisip namin kung ano ang kinabukasan namin sa magulong daigdig.

Noong bata pa ako’y pangkaraniwan ang mga sakit ng bata sa bawat komunidad. Kapag may nagka-bulutong-tubig, o tigdas, o beke, dadalaw ang health officer sa tahanan at maglalagay ng karatula sa pinto o bintana para balaan ang mga tao na lumayo. Sa malaking pamilyang tulad ng sa amin ang mga sakit na iyon ay nagpapasalin-salin, isa-isa kaming nagkakaroon, kaya’t mga ilang linggong nakasabit ang karatula.

Hindi namin maprotektahan ang aming sarili sa aming tahanan o kaya’y lumayo para maiwasan ang pagkahawa. Kapag lumabas kami’y sa eskwelahan o trabaho o simbahan lang—iyon ang buhay!

Dalawa sa kapatid kong babae ang nagkaroon ng matinding tigdas. Noong una’y parang gagaling sila. Makalipas ang ilang linggo ay tumanaw sa bintana si Inay at nakita si Adele, ang mas bata, na nakasandal sa swing. Nawalan siya ng malay at nanghina dahil sa lagnat. May rheumatic fever na pala siya! Komplikasyon ito na dulot ng tigdas. May lagnat din ang isa kong kapatid.

Halos wala kaming magawa. Sa kabila ng mga dasal ng aking mga magulang, namatay si Adele. Walong taong gulang lang siya noon.

Si Nona naman, na matanda ng dalawang taon, ay gumaling at naging sakitin mula noon.

Noong nasa health class ako sa grade seven, may binasang artikulo ang guro. Nalaman ng isang ina na may bulutong-tubig ang mga anak ng kapitbahay. Naroon ang panganib na mahawa ang kanyang mga anak, paisa-isa marahil. Nagpasiya siyang tapusin ito nang minsanan.

Kaya pinapunta niya ang mga bata sa kapitbahay para makipaglaro sa mga bata roon at mahawa na nga, at sa gayon ay minsanan na lang iyon. Laking takot niya nang dumating ang doktor at sabihing hindi pala bulutong-tubig iyon kundi totoong bulutong o smallpox.

Ang pinakamainam gawin noon at kailangang gawin natin ngayon ay iwasan ang mga lugar na may panganib ng pisikal o espirituwal na pagkahawa.

Hindi kami gaanong nag-aalala na baka magkatigdas ang aming mga apo. Nabakunahan naman sila at malayang makakakilos nang hindi natatakot dito.

Bagamat sa maraming panig ng daigdig ay tuluyan nang napuksa ang tigdas, ito pa rin ang nangungunang sanhi ng pagbabakuna para maiwasan ang pagkamatay ng mga bata.

Mula sa perang bukas-palad na ibinigay ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang Simbahan ay nag-ambag kamakailan ng milyong dolyar sa pagsisikap na mabakunahan laban sa tigdas ang mga bata sa Aprika. Sa halagang isang dolyar ay mapoprotektahan ang isang bata.

Ang mga magulang ngayon ay nababahala sa moral at espirituwal na mga sakit. Maaaring magkaroon ito ng matinding komplikasyon kapag nilabag ang mga pamantayan at kagandahang-asal. Lahat tayo’y kailangang mag-ingat.

Sa pamamagitan ng tamang bakuna, ang pisikal na katawan ay napoprotektahan laban sa sakit. Maaari din nating protektahan ang ating mga anak mula sa moral at espirituwal na sakit.

Ang salitang inoculate ay may dalawang bahagi: In—“sa loob” at ang oculate ay “mata para makakita.”

Kapag bininyagan at kinumpirma ang mga bata (tingnan sa D at T 20:41, 43; 33:15), nilalagyan natin sila ng mata sa loob—ang hindi masambit na kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa D at T 121:26). Kasama sa Panunumbalik ng ebanghelyo ang awtoridad na igawad ang kaloob na ito.

Ibinigay sa atin ng Aklat ni Mormon ang susi:

“Ang mga anghel ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; anupa’t, nangungusap sila ng mga salita ni Cristo… . Magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo [at sa inyong mga anak] ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Ne. 32:3).

Kung tatanggapin ninyo ito sa inyong isipan at pangangalagaang mabuti, ang kaalaman sa ipinanumbalik na ebanghelyo at patotoo kay Jesucristo ay maaaring maging espirituwal na bakuna sa inyong mga anak.

Isang bagay ang tiyak: ang pinakaligtas na lugar at pinakamainam na proteksyon laban sa moral at espirituwal na mga sakit ay ang matatag na tahanan at pamilya. Totoo ito sa tuwina at magpakailanman. Kailangang lagi nating isaisip iyan.

Binabanggit ng banal na kasulatan “ang kalasag ng pananampalataya at sa pamamagitan nito,” sabi ng Panginoon, “masusubuhan ninyo ang lahat ng nag-aapoy na sibat ng masama” (D at T 27:17).

Ang kalasag na ito ng pananampalataya ay mainam na nagagawa sa tahanan. Bagamat maaaring pakinisin ang kalasag sa mga klase sa Simbahan at mga aktibidad, nilayon itong gawin sa tahanan para lumapat sa bawat indibiduwal.

Sabi ng Panginoon, “Magsuot kayo ng aking buong baluti, upang inyong mapaglabanan ang araw ng kasamaan, matapos na maisagawa ang lahat, upang kayo ay makatindig” (D at T 27:15).

Ang ating mga kabataan ay mas malakas at mahusay kaysa sa atin sa maraming paraan. Tayo at sila ay hindi dapat matakot sa mangyayari sa hinaharap.

Hikayatin ang ating mga kabataan. Hindi sila dapat mabuhay nang may takot (tingnan sa D at T 6:36). Ang takot ay kabaligtaran ng pananampalataya.

Bagamat hindi natin mabubura ang kasamaan, makapagpapalaki tayo ng mga Banal sa mga Huling Araw na espirituwal na inalagaan at nabakunahan laban sa masasamang impluwensya.

Bilang lolo na matanda na rin naman, ang payo ko sa inyo’y manampalataya. May paraan ang lahat ng bagay. Manatiling malapit sa Simbahan. Panatilihing malapit sa Simbahan ang inyong mga anak.

Noong panahon ni Alma, “ang pangangaral ng salita ay may lakas na umakay sa mga tao na gawin yaong matwid—oo, may higit itong malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa espada, o ano pa mang bagay, na nangyari na sa kanila—anupa’t naisip ni Alma na kapaki-pakinabang na subukan nila ang bisa ng salita ng Diyos” (Alma 31:5).

Ang tunay na doktrina, kapag naunawaan, ay nagpapabago ng asal at pag-uugali. Ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo ay mas mabilis na makapagpapabuti sa pag-uugali kaysa sa mismong pag-aaral ng pag-uugali.

Maging masaya sa mga ordinaryong bagay, at maging masayahin lagi.

Gumaling si Nona sa tigdas at rheumatic fever. Humaba ang kanyang buhay at naoperahan pa sa puso at matiwasay na namuhay na may ibayong kalusugan. Napag-usapan ng iba ang kanyang bagong lakas. Sabi niya, “Mayroon akong bagong puso sa lumang katawan.”

Maging masayahin lagi!

Huwag matakot na magsilang ng mga anak sa mundo. Nasa ilalim tayo ng tipan na maglalaan ng pisikal na katawan upang makapasok sa mortalidad ang mga espiritu (tingnan sa Genesis 1:28; Moises 2:28). Ang mga bata ang kinabukasan ng ipinanumbalik na Simbahan.

Isaayos ang inyong mga tahanan. Kung nagtatrabaho si Inay sa labas ng tahanan, tingnan ninyo kung puwede pang baguhin iyan, kahit bahagya. Maaaring mahirap mabago sa kasalukuyan. Ngunit pag-isipan itong mabuti at maging madasalin (tingnan sa D at T 9:8–9). Tapos ay umasang magkakaroon ng inspirasyon, na siyang paghahayag (tingnan sa D at T 8:2–3). Asahang mamamagitan ang Kapangyarihan na tutulong sa inyo upang kumilos, sa takdang panahon, para sa pinakamainam para sa inyong pamilya.

Tinawag ni Alma ang plano ng kaligtasan na “dakilang plano ng kaligayahan” (Alma 42:8; tingnan din sa 2 Nephi 11:5; Alma 12:25; 17:16; 34:9; 41:2; 42:5, 11–13, 15, 31; Moises 6:62).

Bawat isa sa atin ay pumaparito sa mortalidad para tumanggap ng katawang pisikal at subukan (tingnan sa Abraham 3:24–26).

Laging may mga hamon ang buhay, ang ilan ay mapait at ang iba ay mahirap tiisin. Maaari nating pangarapin na huwag dumanas ng mga pagsubok, pero labag iyan sa dakilang plano ng kaligayahan, “sapagkat talagang kinakailangan, na may pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Ne. 2:11). Sa pagsubok nagmumula ang ating lakas.

Bilang musmos na walang-malay, ang buhay ng kapatid kong si Adele ay malupit na winakasan ng sakit at pagdurusa. Siya at lahat ng iba pang pumanaw na ay nagpapatuloy sa gawain ng Panginoon sa kabila ng tabing. Hindi ipagkakait sa kanya ang anumang bagay na mahalaga sa kanyang walang hanggang pag-unlad.

Nawalan din kami ng sanggol na apong babae. Isinunod ang pangalan niyang Emma sa aking ina. Tumatanggap kami ng pag-alo mula sa mga banal na kasulatan.

“[Ang] maliliit na anak ay hindi nangangailangan ng pagsisisi, ni ng binyag… .

“… Ang maliliit na bata ay buhay kay Cristo” (Moro. 8:11–12).

Alalahanin ang Pagbabayad-sala ni Cristo. Huwag mawalan ng pag-asa o isiping habampanahon nang nawalay ang mga napatukso kay Satanas. Sila, matapos bayaran ang pagkakautang sa “katapustapusang beles” (Mateo 5:26) at matapos gumaling dahil sa lubusang pagsisising isinagawa, ay tatanggap ng kaligtasan.

Sundin ang mga lider na tinawag na mamuno sa inyo, dahil may pangakong: “Kung ang aking mga tao ay makikinig sa aking tinig, at sa tinig ng aking mga tagapaglingkod na aking itinalagang aakay sa aking mga tao, masdan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, sila ay hindi mapaaalis mula sa kanilang lugar” (D at T 124:45).

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay susulong “hanggang sa mapuno nito ang buong mundo” (D at T 65:2) at sabihin ng dakilang Jehova na tapos na ang Kanyang gawain (tingnan sa History of the Church 4:540). Ang Simbahan ay ligtas na daungan. Mapoprotektahan tayo ng hustisya at maaalo ng habag (tingnan sa Alma 34:15–16). Walang maruming kamay na makapipigil sa pagsulong ng gawaing ito (tingnan sa D at T 76:3).

Hindi tayo bulag sa mga kalagayan sa daigdig.

Nagpropesiya si Apostol Pablo tungkol sa “mga panahong mapanganib” sa mga huling araw (2 Timoteo 3:1), at nagbabalang, “Ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan” (Mga Taga Efeso 6:12).

Nangako si Isaias, “Sa katuwiran ay matatatag ka: ikaw ay malalayo sa kapighatian sapagka’t yao’y hindi mo katatakutan; at sa kakilabutan, sapagka’t hindi lalapit sa iyo” (Isaias 54:14).

Ang Panginoon Mismo’y nanghikayat, “Kaya nga, magalak, at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at tatayo sa tabi ninyo; at magpapatotoo kayo sa akin, maging si Jesucristo, na ako ang Anak ng buhay na Diyos, na ako ang noon, na ako ang ngayon, at na ako ang paparito” (D at T 68:6). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.