2004
Mga Salita ni Cristo—Espirituwal Nating Liahona
Mayo 2004


Mga Salita ni Cristo—Espirituwal Nating Liahona

Mapanampalataya nating isaisip at isapuso ang mga salita ni Cristo.

Isang karangalan at pribilehiyo sa aking makiisa sa mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo sa pagsang-ayon sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Mapakumbaba naming ipinahahayag na sila ay mga “natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig” (D at T 107:23). Nagpapatotoo kami na sila’y “nangungusap habang sila ay pinakikilos ng Espiritu Santo. At anuman ang kanilang sasabihin kapag pinakikilos ng Espiritu Santo ay magiging mga banal na kasulatan, ang magiging kalooban ng Panginoon, ang magiging kaisipan ng Panginoon, ang magiging salita ng Panginoon, ang magiging tinig ng Panginoon, at ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan” (D at T 68:3–4). Sabi ng Tagapagligtas, “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:38). Ipinahahayag namin sa buong mundo na ang mga lingkod na ito ng Panginoon sa mga huling araw ay nagsasalita ng mga salita ni Cristo.

Sabi ng Tagapagligtas, “Saliksikin ninyo ang mga kasulatan; sapagka’t … ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin” (Juan 5:39). Sumulat si Apostol Pablo sa pinagtitiwalaan niyang kasamang si Timoteo na sinasabi, “Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Diyos ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran” (II kay Timoteo 3:16). Ipinahahayag natin sa mundo na ang Aklat ni Mormon ay banal na kasulatan, na ibinigay sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos. Ito man ay pakikinabangan sa doktrina, sa pagsansala, sa pagsaway, at sa pagtuturo sa katwiran.

Taimtim nating ipinahahayag na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, na isinalin mula sa sinaunang mga tala sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Ang sinaunang talaang ito ay isinulat at iningatan para mailabas upang tuparin ang propesiya at maging katuwang ng Banal na Biblia, ang dalawang aklat para gamitin nang magkaisa sa mga kamay ng Panginoon (tingnan sa Ezekiel 37:16–20). Sa Aklat ni Mormon ay may payo na “magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:3). Pinatototohanan natin na ang Aklat ni Mormon ang pangalawang saksi sa buhay at misyon ng Tagapagligtas. Tunay ngang ito ay “Isa pang Tipan ni Jesucristo.” Ipinahahayag natin na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng mga salita ni Cristo.

Anim na raang taon bago isilang si Cristo, pinagbilinan ng Panginoon ang sinaunang propetang si Lehi na lisanin ang Jerusalem kasama ang kanyang pamilya at simulan ang kamangha-manghang paglalakbay na magtatawid sa kanila sa malawak na karagatan tungo sa lupaing magiging “lupang pangako” sa kanila. Ang Aklat ni Mormon ay espirituwal na talaan ng buhay ng mga taong ito sa lupalop ng Amerika. Naglalaman ito ng mga tala at paghahayag ng mga propeta na ibinigay sa mga taong ito. Kasama sa mga banal na pakikipag-ugnayang ito ang maraming propesiya tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas, Kanyang ministeryo, at Kanyang dakilang nagbabayad-salang sakripisyo. Inilalarawan ng mga ito ang Kanyang Pagkakapako sa Krus at Pagkabuhay na Mag-uli at ibinabadya ang Kanyang pagdating sa sinaunang sibilisasyon ng Amerika. Nababasa natin sa Aklat ni Mormon na matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli at di nagtagal matapos Siyang umakyat sa langit, tunay na inihayag ni Cristo ang Kanyang sarili sa kanila. Pakinggan at damhin natin ang paglalarawan sa kamangha-manghang pangyayaring iyon sa kasaysayan:

“At ngayon ito ay nangyari na, na may napakaraming tao na sama-samang nagtipon… .

“At sila ay… nangag-uusap tungkol sa Jesucristong ito, na kung kanino ang palatandaan ay ibinigay hinggil sa kanyang kamatayan.

“At … habang sila ay nasa gayong pakikipag-usap sa isa’t isa, sila ay nakarinig ng tinig na parang nanggagaling sa langit; at … hindi nila naunawaan ang tinig na kanilang narinig; … iyon ay hindi garalgal na tinig, ni hindi ito malakas na tinig; gayunpaman, … ito ay isang maliit na tinig, iyon ay tumimo sa kanila na nakaririnig hanggang sa kaibuturan, kung kaya’t walang bahagi ng kanilang katawan ang hindi nagawang panginigin nito; oo, iyon ay tumimo sa kanilang pinaka-kaluluwa, at nagpaalab sa kanilang mga puso.

“At … muli nilang narinig ang tinig, at hindi nila ito naunawaan.

“At muli, sa ikatlong pagkakataon narinig nila ang tinig, at binuksan ang kanilang mga tainga upang marinig ito; at ang kanilang mga mata ay tumingin sa pinanggagalingan ng tunog niyon.

“At masdan, sa ikatlong pagkakataon ay naunawaaan nila ang tinig na kanilang narinig: at sinabi nito sa kanila:

“Masdan, ang Minamahal kong Anak , na siya kong labis na kinalulugdan, sa kanya ay niluwalhati ko ang aking pangalan—pakinggan ninyo siya.

“At … nang kanilang maunawaan ay muli nilang itinuon ang kanilang mga paningin sa langit; at masdan, nakita nila ang isang Lalaking bumababa mula sa langit; at siya ay nabibihisan ng isang maputing bata; at siya ay bumaba at tumayo sa gitna nila; …

“At ito ay nangyari na, na iniunat niya ang kanyang kamay at nangusap sa mga tao, sinasabing:

“Masdan, ako si Jesucristo, na siyang pinatotohanan ng mga propeta na paparito sa daigdig.

“At masdan, ako ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan; at ako ay uminom sa mapait na sarong ibinigay ng Ama sa akin, at niluwalhati ang Ama sa pagdadala ko ng mga kasalanan ng sanlibutan, na kung saan aking binata ang kalooban ng Ama sa lahat ng bagay magbuhat pa sa simula.

“At ito ay nangyari na, nang sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, ang lahat ng tao ay nangabuwal sa lupa; sapagkat kanilang naalaalang iprinopesiya sa kanila na ipakikita ni Cristo ang kanyang sarili sa kanila pagkatapos na siya ay umakyat sa langit” (3 Nephi 11:1–12).

Binasbasan ng Tagapagligtas ang mga taong iyon at itinuro ang Kanyang maluwalhating ebanghelyo sa kanila tulad nang ginawa Niya sa Jerusalem. Pinagpala tayo na mapasaatin ang Kanyang mga salita sa Aklat ni Mormon, maging ang mismong mga salita ni Cristo, na binanggit sa sinaunang sibilisasyong iyon.

Matapos utusan si Lehi at pamilya niya na lisanin ang Jerusalem, binigyan sila ng sagradong instrumento na nagsilbing aguhon [kompas] sa kanila, na nagturo sa kanila ng daang dapat nilang tahakin. Nabasa natin na gumagana ito ayon sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Sinabi ni Alma, isang propeta sa Aklat ni Mormon, sa kanyang anak na si Helaman na ang aguhon ay tinatawag na “Liahona” (tingnan sa Alma 37:38). Sabi niya:

“At ngayon, anak ko, nais kong maunawaan mo na ang mga bagay na ito ay hindi sa walang kahalintulad; sapagkat yayamang naging tamad ang ating mga ama sa pagbibigay-pansin sa aguhong ito (ngayon, ang mga bagay na ito ay temporal) sila ay hindi umunlad; maging sa mga bagay na espirituwal.

“Sapagkat masdan, kasindali ng pagbibigay-pansin sa salita ni Cristo, na magtuturo sa iyo sa tuwid na daan patungo sa walang hanggang kaligayahan, gayon din para sa ating mga ama na bigyang-pansin ang aguhong ito, na nagturo sa kanila sa tuwid na daan patungo sa lupang pangako.

“At ngayon sinasabi ko, hindi ba’t may pagkakahalintulad sa mga bagay na ito? Sapagkat kasintiyak na inakay ng tagagabay na ito ang ating mga ama, sa pamamagitan ng pagsunod sa pagkilos nito, patungo sa lupang pangako, na ang mga salita ni Cristo, kung susundin natin ang mga aral nito, ay dadalhin tayo sa kabila nitong lambak ng kalungkutan tungo sa higit na mainam na lupang pangako. O anak ko, huwag tayong maging mga tamad dahil sa kadalian ng daan” (Alma 37:43–46).

Kaya nalalaman natin, mga kapatid, na ang mga salita ni Cristo ay maaaring magsilbing personal na Liahona ng bawat isa sa atin, na nagtuturo sa atin ng daan. Huwag tayong tamarin dahil sa madali ang daan. Mapanampalataya nating isaisip at isapuso ang mga salita ni Cristo ayon sa pagkakatala nito sa banal na kasulatan at pagkakabanggit dito ng mga buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag. Mapanampalataya at masigasig tayong magpakabusog sa mga salita ni Cristo, dahil ang mga salita ni Cristo ang ating espirituwal na Liahona na nagsasabi sa atin ng lahat ng bagay na dapat nating gawin. Taimtim ko itong pinatototohanan sa ngalan ni Jesucristo, amen.