2004
Mga Pagpili
Mayo 2004


Mga Pagpili

Ang mga biyaya at oportunidad sa hinaharap ay batay sa mga pagpili natin sa ngayon.

Mahal kong mga kapatid sa banal na priesthood ng Diyos sa buong mundo, binabati ko kayo sa diwa ng pag-ibig at kapatiran.

Sa buhay na ito’y gagawa tayo ng maraming pagpili. Ang ilan ay napakahalaga. Ang iba’y hindi. Marami sa pinagpipilian natin ay sa pagitan ng mabuti at masama. Gayunman, ang pagpili ang malaking batayan ng ating kaligayahan o kalungkutan, dahil kailangan nating tanggapin ang bunga ng ating mga pagpili. Ang perpektong pagpili sa tuwina ay imposible. Hindi ito nangyayari. Pero posibleng gumawa ng mabubuting pagpili na katanggap-tanggap para sa atin at sa ikauunlad natin. Kapag ang mga anak ng Diyos ay naging marapat sa banal na patnubay sila’y “[lalaya] magpakailanman, nakikilala ang mabuti sa masama; kumikilos para sa kanilang sarili at hindi pinakikilos.”1

Kung minsa’y mali ang napipili natin kapag napilit tayo ng barkada. Dinanas ito ni Kieth Merrill noong kabataan niya. Sila ng mga kaibigan niya’y tumalon mula sa mapanganib na mga rock wall sa East Canyon Reservoir, sa hilagang-silangan ng Salt Lake City. Naging paligsahan iyon ng mga tinedyer nang akyatin ng isa ang tuktok ng dam at tumalon sa taas na 50 talampakan papunta sa malalim na reservoir. Lahat ng mga binatilyo’y umakyat sa tuktok ng dam at gayon ang ginawa. May isang hindi nasiyahan kaya sinabi niyang, “Aba, kaya kong lampasan ‘yan!” Inakyat niya ang 60 talampakan ng matarik na dalisdis. Dahil ayaw patalo, sumabay sa kanya si Kieth sa pag-akyat. Matapos tumalon ang bata at tila ayos naman siya, naglakas-loob si Kieth at tumalon na rin. Silang dalawa na lang ang nagpaligsahan. At umakyat ng 70 talampakan ang kaibigan ni Kieth at tumalon. Nakatawa pa siya nang lumutang, haplos ang balikat at mga mata. At hinamon niya si Kieth, “O, ano, kaya mo ‘yon?”

“Aba, siyempre naman.” At lahat ng nasa pampang ay nagsabing, “Siyempre, kaya niya ‘yon!”

Kaya’t nagbalik sa pampang si Kieth at inakyat ang mga bato. Alam niyang kapag tumalon siya sa taas na 70 talampakan ay hihigitan ito ng kaibigan niya, kaya mabilis niyang inakyat ang 80 talampakan sa pinakatuktok ng dalisdis. Iyon na ang pinakamataas. Tumingin si Kieth sa ibaba, natakot siya nang makita niya kung gaano kataas ito. Mali ang desisyon niya. Hindi niya gustong gawin ito at nararamdaman niyang di niya dapat gawin ito. Sa halip nagdesisyon siya ayon sa sulsol at hamon ng anim na kabataan na sa ngayo’y hindi na niya matandaan ang mga pangalan.

Umatras siya at matuling tumakbo papunta sa gilid. Nakita niya ang palatandaang inilagay niya sa gilid ng bato at tumalon na sa kawalan. Habang pabulusok ay naalala niya ang turo ng kanyang mga magulang na mag-ingat siya sa paggawa ng mga desisyon dahil isang pagkakamali ay maaari siyang mamatay. At naisip niya ngayon, “Ito na ‘yon dahil paglagpak mo sa tubig ay ubod ka nang bilis kaya’t tila semento ito.” Nang lumagpak siya sa tubig, para nga itong semento. Laking pasalamat niya nang siya’y lumutang.

Bakit siya tumalon? Ano ba ang gusto niyang patunayan? Wala namang pakialam ang mga binatilyong iyon at marahil limot na nila ang kahangalang iyon. Pero matapos iyon ay natanto ni Kieth na nakagawa siya ng desisyong muntik na niyang ikamatay. Pinagbigyan niya ang mga kabarkadang umasang gagawin niya ang ayaw niyang gawin. Higit pa roon ang alam niya. Sabi niya, “Nabubuhay ako sa daigdig, at sa isang iglap ay nawala ako sa daigdig dahil hindi ko nakontrol ang sarili ko. Hindi ako ang nagdesisyon sa buhay ko. Ang mundo ang nagdesisyon para sa akin … at muntik na akong mamatay.”2

Kailangan ng tapang para tumanggi sa halip na kumilos nang hindi nag-iisip, na hinahayaang iba ang magdesisyon para sa atin. Mas madali tayong gumawa ng tamang desisyon kapag nauunawaan natin ang tunay nating pagkatao bilang mga anak ng Diyos at maytaglay ng banal na priesthood, na may magandang kinabukasan.

Nakakalungkot, ilan sa mga maling pagpili ay hindi na mababago pa, pero marami ang puwede pang baguhin. Madalas ay puwede tayong magbago at bumalik sa tamang landas. Sa pagbalik sa tamang landas kailangan dito ng pagsisisi: una, amining nagkamali tayo; pangalawa, talikuran ang maling asal; pangatlo, huwag na itong ulitin; at pang-apat, pagtatapat3 at pagsasauli kung maaari. Mahalaga ang matuto sa karanasan ngunit kapag ito’y sa “trial and error,” madalas tayong magkamali. Mas mabilis at madali ang pag-unlad kapag natututo tayo sa ating mga magulang, sa mga nagmamahal sa atin, at sa ating mga guro. Matututo rin tayo sa pagkakamali ng iba, sa pagmamasid sa mga bunga ng mali nilang pagpili.

Ang ilang pagpili ay may dulot na mabubuting oportunidad alinmang landas ang tahakin natin—halimbawa, sa desisyon kung ano ang kukuning kurso o saan mag-aaral. May kilala akong matalinong binata na gustong maging doktor, pero hindi siya nakapag-aral nito; dahil dito’y kumuha siya ng abogasiya. Naging matagumpay siyang abogado, pero naniniwala akong gayon din sana siya katagumpay kung naging doktor siya.

Ang ilan sa ating mahahalagang pagpili ay may takdang oras. Kung ipagpapaliban natin ang desisyon, mawawala ang oportunidad. Kung minsa’y mga pangamba ang pumipigil sa desisyon natin dahil ito’y may kasamang pagbabago. Dahil dito’y nawawala ang pagkakataon. Sabi nga, “Kung dapat kang pumili at hindi mo ito ginawa, iyon mismo ay pagpili na.”4

Ang ilang tao’y nahihirapang magdesisyon. Isang psychiatrist ang nagsabi sa pasyente, “Hirap ka bang magpasiya?” Sabi ng pasyente, “Eh, oo at hindi.” Umaasa ako’t dasal ko na maging matatag tayong tulad ni Josue nang sabihin niyang, “Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; … nguni’t sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon.”5

Ang ilang pagpili ay may mas malaking bunga kaysa sa iba. Sa buhay na ito wala nang hihigit pa sa kusang pagpili ng mapapangasawa. Ang desisyong ito ay maaaring magdulot ng walang hanggang kaligayahan at galak. Upang maging matagumpay ang kasal, dapat ay lubos na maging tapat sa buhay may-asawa ang magkabiyak.

Ang ilang mahahalagang pagpili sa kaganapan at kaligayahan ay minsan lang gagawin at kapag nagawa na, hindi na ito muling gagawin pa. Halimbawa, minsan lang natin gawin ang matatag na pagpapasiya na hindi maninigarilyo, iinom ng alak, o gagamit ng drogang nakasisira ng utak.

Noong 1976, si Elder Robert C. Oaks na noo’y koronel sa United States Air Force, ay miyembro ng negotiating team ng Incidents at Sea. Naging panauhin sila sa hapunan na inalay ng Leningrad Naval District. Mga 50 senior officer ng Soviet Union at ng Estados Unidos ang naroon nang pangunahan ng host ang grupo sa toast bago kumain. Tumayo sila para sa unang toast at itinaas ang mga baso nila, na puno ng Russian vodka. Lemonada ang nasa baso ni Brother Oaks, na agad napuna ng admiral na nanguna sa toast. Tumigil siya at iginiit na punuin ni Brother Oaks ang kanyang baso ng vodka, na sinasabing hindi niya ito itutuloy hangga’t di niya ito ginagawa. Tumanggi si Brother Oaks, nagpapaliwanag na masaya na siya sa laman ng kanyang baso.

Nagsimula ang tensiyon, at maging ang mga kasamahan niya, na mas matataas ang ranggo kaysa kanya, ay asiwa na sa situwasyon. Bumulong kay Brother Oaks ang kanyang Soviet escort, “Punuin mo ng vodka ang baso mo!” Umusal ng maikling dalangin si Brother Oaks, “Diyos ko, tulungan po Ninyo ako!”

Sa loob ng ilang segundo, ang tagapagsaling Soviet, na kapitan ng army na nakausap niya tungkol sa relihiyon ay bumulong sa admiral, “Dahil iyan sa kanyang relihiyon.” Tumango ang admiral, at kaagad nawala ang tensiyon, at natuloy ang programa.6

Noon pa man ay nagdesisyon na si Elder Oaks na hindi siya iinom ng alak kaya’t sa oras ng pagsubok ay di na niya kailangang magdesisyon pa. Naniniwala si Elder Oaks na higit ang magiging pinsala sa kanya kung ipinagpalit niya ang kanyang paniniwala sa pag-inom ng vodka. Kaakibat nito, ang pagsunod niya sa alituntunin ng kanyang relihiyon ay hindi nakasama sa kanya. Matapos ang insidenteng ito siya’y tuluy-tuloy na naging four-star general.

Nakakapagtaka na ang paggawa ng mali ay tila makatwiran, marahil dahil mas madali itong gawin. Madalas nating marinig ang maling pangangatwiran na, “Ginagawa naman ito ng lahat.” Sinisira ng masamang ideyang ito ang katotohanan at si Satanas ang may gawa nito. Sinabi nga ni Nephi na, “Sa gayon lilinlangin ng diyablo ang kanilang mga kaluluwa, at maingat silang aakayin pababa sa impiyerno.”7

Kahit pa maraming tao ang sangkot sa ating lipunan, hindi mabibigyang katwiran ang panlilinlang, pagsisinungaling, paglapastangan, lalo na sa pagsambit ng pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan, imoral na seksuwal na pakikipagrelasyon, o kawalang-galang sa araw ng Panginoon.

Hindi ididikta ng kilos ng ibang tao kung ano ang tama o mali. Ang taong may lakas ng loob na piliin ang tama ay makaiimpluwensya sa marami na matalinong makapili. Gusto kong imungkahi ang nasa polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan:

“Kayo ang may pananagutan sa mga pagpiling ginagawa ninyo. Hindi ninyo dapat sisihin ang mga pangyayari, ang inyong mag-anak, o ang inyong mga kaibigan kung pinipili ninyong suwayin ang mga kautusan ng Diyos. Kayo ay anak ng Diyos na may makapangyarihang lakas. May kakayahan kayong pumili ng kabutihan at kaligayahan, anuman ang inyong kalagayan.”8

Paanong makapipili nang wasto? Kasama sa pagpili ang paggawa ng desisyon. Para matalino ang maging desisyon kailangang timbangin ang lahat ng bagay ukol sa isyu. Pero hindi iyan sapat. Ang tamang desisyon ay may kasamang panalangin at inspirasyon. Nasa ika-9 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan ang susi. Sinabi ng Panginoon kay Oliver Cowdery:

“Masdan, hindi mo naunawaan; inakala mo na aking ibibigay ito sa iyo, gayong wala kang inisip maliban sa ito ay itanong sa akin.

“Subalit, masdan, sinasabi ko sa iyo, na kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama, at kung ito ay tama aking papapangyarihin na ang iyong dibdib ay mag-alab; samakatwid, madarama mo na ito ay tama.

“Subalit kung ito ay hindi tama wala kang madaramang gayon, kundi ikaw ay magkakaroon ng pagkatuliro ng pag-iisip na magiging dahilan upang makalimutan mo ang bagay na mali.”9

Sa pagtingin natin sa hinaharap, kakailanganin nating maging mas malakas at mas responsable sa ating mga pagpili sa daigdig na kung saan ang mga tao ay “tumatawag sa masama na mabuti, at sa mabuti na masama”10 Hindi matalino ang pagpili natin kung salungat sa kalooban ng Diyos o sa payo ng priesthood ang gagawin natin. Ang mga biyaya at oportunidad sa hinaharap ay batay sa mga pagpili natin sa ngayon.

Mga kapatid, naniniwala ako at patotoo ko na responsibilidad natin na maging mabuting halimbawa sa buong mundo. Sa magiting na pamumuno ni Pangulong Gordon B. Hinckley, kailangan nating ipakita ang daan sa pamamagitan ng may inspirasyon nating mga pagpili. Nasa inyo ang kapangyarihang pumili. Nawa’y matalino nating magamit ang bigay ng Diyos na kalayaan sa pagpili sa paggawa ng pagpili sa kawalang-hanggan. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. 2 Nephi 2:26.

  2. Hango mula sa “Deciding about Decisions,” New Era, Hunyo 1976, 12–13.

  3. Tingnan sa D at T 58:43.

  4. William James, na binanggit sa Evan Esar, ed., 20,000 Quips and Quotes (1968), 132.

  5. Josue 24:15.

  6. Hango mula sa Believe! Trust in the Lord, (2003), 27–28.

  7. 2 Nephi 28:21.

  8. Para sa Lakas ng mga Kabataan, 2001, 4.

  9. D at T 9:7–9.

  10. 2 Nephi 15:20.