Ang Kuwentong Tapos
Dapat tayong magpatuloy sa pagsulat, paglakad, paglilingkod at pagtanggap ng mga bagong hamon hanggang sa wakas ng sarili nating kuwento.
Isang araw nakakita ako ng malaking puting sobre sa mailbox ko. Sa loob noon ay isang kuwentong isinulat ng isang batang lalaking tinuruan ko noon pang nasa ikaanim na grado siya. Naalala ko ang estudyante at ang takdang-araling ilan buwan nilang ginawa ng mga kaklase niya. Naalala ko ring mahilig siyang sumulat at uupo siya at mag-iisip nang mag-iisip. Kung minsan isa o dalawang kataga lang ang naisusulat niya. Kung minsa’y gumagawa siya tuwing recess, pero pagsapit ng takdang araw, isang kabanata pa ang kulang niya. Sabi ko isumite na lang nang ganoon, pero iba ang iniisip ni Jimmy at gusto niyang isumite ito nang tapos. Sa huling araw ng klase nakiusap siya kung puwede niyang tapusin ito sa bakasyon. Sinabi ko ulit sa kanya na isumite na lang ito. Humingi pa siya ng palugit, at sa wakas ay pinayagan ko na siya tangay ang bunton ng mga lukot at maruming papel, at pinuri siya sa kanyang determinasyon at tiniyak sa kanyang may tiwala ako sa kakayahan niyang makagawa ng magandang kuwento.
Inisip ko siya noong bakasyong iyon, pero nalimutan ko na ang takdang-aralin hanggang sa makita ko ang tapos niyang kuwento sa mailbox ko makalipas ang maraming taon. Namangha ako at nagtaka kung ano ang nag-udyok kay Jimmy na tapusin ang kuwento niya. Anong pananaw, determinasyon at pagsisikap ang kinailangan sa gawaing ito? Bakit natin tatapusin ang isang mahirap na gawain, lalo na kung walang nag-uutos na tapusin ito?
Si Henry Clegg Jr. na kalolo-lolohan ng asawa ko ay laging tinatapos ang sinimulan niya. Sumapi sila ng pamilya niya sa Simbahan nang magtungo ng Preston, England, ang unang mga misyonerong LDS. May ideya si Henry sa patutunguhan niya nang mandayuhan sila ng asawa niyang si Hannah at dalawa nilang anak na lalaki sa Utah. Iniwan ni Henry ang matatandang magulang niya, na napakahina na para sa malayo at mahirap na paglalakbay, batid na hindi na sila magkikitang muli.
Habang tinatawid ang kapatagan, nagka-cholera si Hannah at namatay. Inilibing siya sa isang puntod na walang tanda. Nagpatuloy ang grupo at nang alas-sais ng gabi ay namatay din ang bunsong anak ni Henry. Binalikan ni Henry ang puntod ni Hannah, inihimlay ang anak sa bisig na kanyang asawa, at magkasamang inilibing ang dalawa. Kinailangang bumalik ni Henry sa hanay ng mga bagon, na limang milya na ang layo sa mga sandaling ito. Nang magka-cholera na rin si Henry, sinabi niya na nakabingit na siya sa kamatayan at alam niyang isang libong milya pa ang lalakarin niya. Kamangha-manghang nagpatuloy siyang sumulong, sa paisa-isang hakbang. Tumigil siyang sumulat sa kanyang journal nang ilang linggo matapos pumanaw ang mahal niyang si Hannah at bunsong anak. Naantig ako sa mga katagang ginamit niya nang muli siyang sumulat: “Patuloy pa rin kaming naglalakbay.”
Nang sapitin niya ang pinagtitipunan ng mga Banal, nagsimula siya ng panibagong pamilya. Sumampalataya siya. Itinuloy niya ang kanyang kuwento. Kapansin-pansin na ang dalamhati niya sa pagpanaw ng kanyang asawa at anak ang nagpasimula sa pamana ng aming pamilya na magpatuloy, na magtapos.
Madalas kong isipin kapag naririnig ko ang mga kuwento ng mga pioneer na tulad ng kay Henry Clegg, “Magagawa ko kaya iyon?” Kung minsa’y natatakot ako sa tanong na ito, batid na buhay pa ang pamana ng mga pioneer namin ngayon. Kamakailan ay binisita ko ang West Africa at nasaksihan ang mga karaniwang taong parang mga pioneer na sumusulong, sumasapi sa isang bagong simbahan, tinatalikuran ang mga siglo ng tradisyon, pati pamilya at mga kaibigan, tulad ni Henry. Malaki ang paghanga at pagmamahal ko sa kanila tulad sa aking mga ninuno.
Para bang mas mahirap ang mga hamon ng iba kaysa sa atin? Madalas nating pagmasdan ang isang taong napakaraming responsibilidad at iniisip nating, “Hindi ko kayang gawin iyon.” Subalit gayundin ang nadarama ng iba kapag minamasdan tayo. Hindi sa laki ng responsibilidad kundi sa pagkagipit sa gawaing hindi tapos. Para sa isang batambatang ina na maraming anak sa bahay at nag-aaruga sa kanila maghapon at magdamag, parang isang libong milya pa ang lalakarin. Ang pagtuturo ng isang leksyon sa Relief Society sa kababaihang mas matanda o bata at mas may karanasan o pinag-aralan ay parang mahirap, lalo na kung nahihirapan ka mismong unawain at ipamuhay ang paksa. Maaaring nakakatakot magturo sa klase ng 10 aktibong anim-na-taong-gulang, lalo na kapag ang sarili ninyong anim-na-taong-gulang ay nasa klase at siya pa nga lang ay hindi na ninyo maturuan.
Ano ang matututuhan natin sa batang si Jimmy, mula sa mga sinauna at makabagong pioneer sa buong mundo, na makakatulong sa ating partikular na mga hamon? Maraming taong mag-isang sumulat si Jimmy na walang takdang-oras, sumulong mag-isa si Henry Clegg kahit walang hangad na sumulat man lang sa journal, at namuhay ang mga Banal sa Africa na marapat para sa templong hindi nila akalaing itatayo isang araw sa sarili nilang bansa. Ang makapagpatuloy, manatiling tapat, at makatapos ang mismong gantimpala nito.
Ilang taon na ang nakalilipas pinalabas ako ng anak naming babae para maglaro ng tetherball. Pinaupo niya ako at ipinakita ang paulit-ulit niyang pagpalo sa bola sa lubid na umiikot sa isang poste. Matapos panoorin ang ilang pag-ikot itinanong ko kung ano ang gagawin ko at sabi niya, “Inay naman, sabihin ninyo, ‘Magaling, magaling,’ tuwing iikot ang bola sa poste.”
Ang pagsasabi ng “Magaling!” ay nakakatulong sa paglalakbay. Para itong tawag sa telepono mula sa ina ng isang anim-na-taong-gulang sa klaseng iyon ng Primary, para ipaalam sa titser na tumulong ang anak niyang lalaki na maiupo sa kotse ang bunsong kapatid nitong babae nang walang nag-uutos, na nagpapasalamat sa turo ng titser sa Primary na nag-udyok sa inasal niyang ito. Para itong lalaking inihahatid ang mga anak sa nursery at Primary habang inihahanda ng kanyang kabiyak ang leksyon niya sa Young Women. Maaari itong maging simple tulad ng ngiti, yakap, o malayuang paglakad upang makipagbati sa kaibigan, asawa, o anak.
Bawat isa sa atin ay dapat tuklasin at tapusin ang sarili niyang kuwento, ngunit higit na masarap itong ikuwento kapag may panghihikayat, kapag pinahalagahan at ipinagdiwang ang ating pagdating, kahit napakatagal nang sinimulan ang paglalakbay.
Sinabi ng pinadakilang tagapagturo at tagapagtanggol: “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88). Kaya kaya nating tanggihan ito sa kani-kanyang nating paglalakbay?
Patuloy pa ring sumulong si Henry Clegg upang mamuhay kasama ng matatapat na Banal, lumagay sa kanyang lugar, magpalaki ng matwid na pamilya, maglingkod sa kanyang kapwa. Naisip niya iyon kahit nagdurugo ang kanyang puso. Narinig kong sumagot ang isang batang Primary mula sa Ghana sa tanong na, “Ano’ng ibig sabihin ng piliin ang tama araw-araw?” ng “Ibig sabihi’y sundin ang Panginoon at Tagapagligtas araw-araw at gawin ang lahat kahit mahirap ito.” Ang makabagong batang lalaking pioneer na ito ay naunawaan ang payo ni Pangulong Hinckley. Alam niya ang tungkol sa pagsunod sa mga utos araw-araw. Naunawaan niyang mahahayag lang ang sarili niyang kuwento sa paisa-isang hakbang araw-araw.
Noong nakaraang taglagas nagkaroon ako ng maganda ngunit mapanghamong oportunidad na bumuo at magturo ng Primary training sa tulong ng video na isinalin sa Espanyol. Minsan sa buhay ko marunong akong magsalita ng Espanyol, pero Portuges na ngayon ang sinasalita ko at batid ko kung gaano kahirap matuto ulit ng Espanyol. Ginawa ko ang lahat ng ginagawa ninyo upang matapos ang gawain na parang napakahirap. Nakakita ako ng tulong mula sa may kakayahan at tapat na mga sister na Kastila. Sama-sama kaming nag-aral, nanalangin, nag-ayuno, at nagtrabaho nang matagal. Sumapit ang araw para humayo at gawin ang ipinag-uutos ng Panginoon, at hindi lang kami takot kundi dama naming kulang pa ang aming nagawa. Nagsikap kami hanggang sa araw na iyon, at wala nang magagawa pa. Gusto kong magsimula ulit.
Binigyan kami ng priesthood blessing ng mga asawa namin, at nagsimula kaming mapayapa at mapanatag. Tulad ng mga anghel, dumating ang tulong sa anyo ng magiliw na asawang nagpapaalarma ng relo para maipagdasal niya ako kada kalahating oras noong nagrerekord kami, ang cameraman na nagniningning ang mga matang nagsasabi ng “Magaling,” at mga lider ng Primary na tiwala sa mga paramdam ng Espiritu at mabisang nakapagsalita. Natapos namin ang pelikulang nakatulong sa ating mga lider na Espanyol ang salita. Lahat ng nakilahok dito ay medyo nagulat at lubos na nagpasalamat sa tagumpay nito. Nagsikap kami hangga’t kaya namin, at nang akala nami’y hindi na namin kaya at babagsak na kami, sinalo kami ng mga anghel.
Ano ang natutuhan namin sa gawaing ito? Ang leksyong natutuhan nina Henry Clegg Jr. at Jimmy at ang bagay ring natututuhan ng lahat ng tapat na makabagong pioneer. Sa Panginoon, walang imposible (tingnan sa Lucas 1:37), ngunit dapat nating tapusin ang sarili nating kuwento. Ipinadadala Niya ang Kanyang Espiritu, hinihikayat natin ang isa’t isa, ngunit dapat tayong magpatuloy sa pagsulat, paglakad, paglilingkod at pagtanggap ng mga bagong hamon hanggang sa wakas ng sarili nating kuwento. “Patuloy pang lumalakad” ang pangunahing kailangan sa pagtahak sa landas ng buhay. Nais Niya tayong makatapos nang maayos. Nais Niya tayong makabalik sa Kanya. Dalangin ko na bawat kuwento natin ay magtapos sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit at Kanyang Anak, ang Tagapagligtas nating si Jesucristo, ang mga may-akda at tagapagtapos ng ating pananampalataya. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.