Nguni’t Kung Hindi …
Nakagagawa ng kahanga-hangang mga bagay ang tao sa pagtitiwala sa Panginoon at pagsunod sa Kanyang mga utos—sa pagsampalataya kahit hindi nila alam kung paano sila hinuhubog ng Panginoon.
Noong bata pa ako, umuwi ako galing sa basketball tournament ng ika-8 grado na malungkot, bigo at lito. Naibulalas ko kay Nanay, “Hindi ko alam kung bakit kami natalo—may pananampalataya naman akong mananalo kami!”
Ngayon ko nalaman na hindi ko pala alam noon kung ano ang pananampalataya.
Ang pananampalataya’y hindi pakunwaring katapangan, hindi basta mithiin, hindi basta pag-asam. Ang tunay na pananampalataya ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo— tiwala at pananalig kay Jesucristo na umaakay sa tao para sumunod sa Kanya.1
Ilang siglo na ang nakalipas, bigla na lang kinuha sa bahay nila si Daniel at ang mga kasama niyang kabataan patungo sa isang lugar— na banyaga at nakakatakot. Nang tumanggi sina Sadrach, Mesach, at Abed-nego na sambahin ang imaheng gintong ginawa ng hari, sinabi sa kanila ng galit na galit na si Nabucodonosor na kapag hindi sila sumamba gaya ng ipinag-utos, kaagad silang ihahagis sa nagniningas na hurno. “At sinong dios ang magliligtas sa inyo sa aking kamay?”2
Mabilis at tiwalang sumagot ang tatlong binata, “Narito [kung ihahagis mo kami sa hurno], ang aming Dios na aming pinaglilingkuran ay makapagliligtas sa amin sa mabangis na hurnong nagniningas, at ililigtas niya kami sa iyong kamay.” Parang tulad ng pananalig ko noong nasa ika-8 grado ako. Pero ipinakita nila na lubos nilang nauunawaan kung ano ang pananampalataya. Patuloy nila: “Nguni’t kung hindi, … hindi kami mangaglilingkod sa iyong mga dios, ni magsisisamba man sa larawang ginto na iyong itinayo.”3 Iyan ay pahayag ng tunay na pananampalataya.
Alam nilang mapagkakatiwalaan nila ang Diyos—kahit hindi nangyari ang inaasahan nilang mangyari.4 Alam nilang ang pananampalataya’y higit pa sa pagsang-ayon ng isipan; higit pa sa pagkilala na buhay ang Diyos. Ang pananampalataya’y ganap na pagtitiwala sa Kanya.
Ang pananampalataya’y paniniwala na bagama’t hindi natin nauunawaan ang lahat ng bagay, nauunawaan Niya ito. Ito’y pagkaalam na bagama’t limitado ang ating kakayahan, ang sa Kanya ay hindi. Ang pananampalataya kay Jesucristo ay lubos na pag-asa sa Kanya.
Batid nina Sadrach, Mesach at Abed-nego na lagi silang makakaasa sa Kanya dahil alam nila ang Kanyang plano at alam nilang hindi Siya pabagu-bago.5 Batid nila, tulad natin, na ang mortalidad ay hindi nagkataon lamang. Ito’y maikling bahagi ng dakilang plano6 ng ating mapagmahal na Ama sa Langit upang matamo natin, na Kanyang mga anak, ang mga biyayang tinatamasa Niya, kung nanaisin natin.
Batid nila, tulad natin, na sa buhay natin bago tayo isinilang ay itinuro Niya sa atin ang layunin ng mortalidad: “Tayo ay lilikha ng mundo kung saan sila makapaninirahan; at susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.”7
May katibayan tayo—ito’y isang pagsubok. Ang daigdig ay lugar ng pagsubok para sa mga mortal na tao. Kapag naunawaan natin na pagsubok lang ang lahat ng ito, na ibinigay ng ating Ama sa Langit, na ang gusto’y magtiwala tayo sa Kanya at hayaang tulungan Niya tayo, lalo pa tayong maliliwanagan.
Ang Kanyang gawain at kaluwalhatian, sabi Niya, ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”8 Natamo na Niya ang pagiging Diyos. Ang tanging adhikain Niya ay tulungan tayo—upang makabalik tayo sa Kanya at maging tulad Niya at mamuhay na tulad Niya magpakailanman.
Dahil alam nila ang lahat ng ito, hindi nahirapan ang tatlong binatang Hebreo na magpasiya. Susundin nila ang Diyos; mananalig sila sa Kanya. Ililigtas Niya sila, nguni’t kung hindi—at alam na natin ang nangyari sa kuwento.
Binigyan tayo ng Panginoon ng kalayaang pumili, ang karapatan at responsibilidad na magpasiya.9 Sinusubukan Niya tayo sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng hamon. Tinitiyak Niya na hindi Niya papayagang matukso tayo ng higit sa kakayahan natin.10 Pero dapat nating malaman na ang mahihirap na pagsubok ay nagpapabuti sa tao. Hindi natin hangad na mahirapan, pero kung tutugon tayo nang may pananampalataya, palalakasin tayo ng Panginoon. Ang mga nguni’t kung hindi ay magiging kagila-gilalas na mga pagpapala.
Natutuhan ni Apostol Pablo ang mahalagang aral na ito at sinabi, matapos ang mahaba at tapat na pagmimisyon, “Nangagagalak tayo sa ating mga kapighatian … nalalamang ang kapighatian ay gumagawa ng katiyagaan; At ang katiyagaan, ng pagpapatunay; At ang pagpapatunay, ng pagasa: At ang pagasa ay hindi humihiya.”11
Tiniyak sa kanya ng Tagapagligtas, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo: sapagka’t ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan.”12
Sumagot si Pablo: “Kaya’t bagkus akong magmamapuri na may malaking galak sa aking kahinaan, upang manahan nawa sa akin ang kapangyarihan ni Cristo… . Ako’y nagagalak sa mga kahinaan, sa mga kaapihan, sa mga pangangailangan, sa mga pag-uusig, sa mga paghihinagpis, dahil kay Cristo: sapagka’t ako’y mahina, ako nga’y malakas.”13 Sa pagharap sa kanyang mga hamon sa paraan ng Panginoon, nag-ibayo ang pananampalataya ni Pablo.
“Sa pananampalataya, nang subukin si Abraham, ay inihandog niya si Isaac.”14 Si Abraham, dahil sa kanyang malaking pananampalataya, ay pinangakuan ng angkang mas marami pa sa mga bituin sa kalangitan, at ang angkang iyon ay magmumula kay Isaac. Agad sumunod si Abraham sa utos ng Panginoon. Tutuparin ng Diyos ang Kanyang pangako, nguni’t kung hindi man sa paraang inasahan ni Abraham, lubos pa rin siyang nagtiwala sa Panginoon.
Nakagagawa ng kahanga-hangang mga bagay ang tao sa pagtitiwala sa Panginoon at pagsunod sa Kanyang mga utos—sa pagsampalataya kahit hindi nila alam kung paano sila hinuhubog ng Panginoon.
“Sa pananampalataya si Moises … ay tumangging tawaging anak ng anak na babae ni Faraon;
“Na pinili pa ang siya’y tampalasanin na kasama ng bayan ng Dios, kay sa magtamo ng nagsisikupas na kaligayahan sa pagkakasala;
“Na inaring malaking kayamanan ang kadustaan ni Cristo, kay sa kayamanan ng Egipto… .
“Sa pananampalataya’y iniwan niya ang Egipto, na hindi natakot sa poot ng hari… .
“Sa pananampalataya’y nagsipagdaan sila sa gitna ng Dagat na Mapula na gaya ng sa lupang tuyo… .
“Sa pananampalataya’y nangalagpak ang mga kuta ng Jerico.”15
Ang iba, “sa pamamagitan ng pananampalataya’y nagsilupig ng mga kaharian, … nangagtamo ng mga pangako, nangagtikom ng mga bibig ng mga leon, “nagsipatay ng bisa ng apoy, nangakatanan sa talim ng tabak, nagsilakas sa kahinaan, naging mga makapangyarihan sa pakikipagbaka.”16
Ngunit sa gitna ng lahat ng maluwalhating nangyari na inasam at inasahan ng mga nagsisampalataya, laging mayroong mga ngunit kung hindi:
“At ang iba’y nangagkaroon ng pagsubok sa pagkalibak at pagkahampas, … tanikala at bilangguan:
“Sila’y pinagbabato, pinaglagari, pinagtutukso, pinagpapatay sa tabak: sila’y nagsilakad na paroot’ parito … na mga salat, nangagpipighati, tinampalasan; …17
“Na ipinaghanda ng Dios ng lalong mabuting bagay para sa kanila dahil sa kanilang mga paghihirap, sapagka’t kung walang paghihirap sila’y hindi magiging sakdal.”18
Ang mga banal na kasulatan at kasaysayan natin ay puno ng mga kuwento ng dakilang kalalakihan at kababaihan ng Diyos na nanalig na sila’y ililigtas Niya, ngunit kung hindi, ay ipinakita pa rin nila na sila’y magtitiwala at magiging tapat.
Taglay Niya ang kapangyarihan, ngunit ito’y pagsubok sa atin.
Ano ang inaasahan sa atin ng Panginoon hinggil sa ating mga hamon? Umaasa Siyang gagawin natin ang lahat ng ating makakaya. Siya na ang bahala sa iba. Sabi ni Nephi, “Sapagkat nalalaman naming naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa.”19
Dapat ay may pananampalataya tayong tulad ng kina Sadrach, Mesach, at Abed-nego.
Ililigtas tayo ng ating Diyos mula sa pangungutya at pag-uusig, ngunit kung hindi… . Ililigtas tayo ng ating Diyos mula sa sakit at karamdaman, ngunit kung hindi… . Ililigtas Niya tayo mula sa kalungkutan, kapighatian o takot, ngunit kung hindi… . Ililigtas tayo ng ating Diyos mula sa pananakot, pambibintang at kawalang-kapanatagan, ngunit kung hindi… . Ililigtas Niya tayo mula sa pagkamatay o pagkapinsala ng mga mahal sa buhay, ngunit kung hindi, … magtitiwala tayo sa Panginoon.
Titiyakin ng ating Diyos na tatanggap tayo ng katarungan at katwiran, ngunit kung hindi… .
Kanyang titiyakin na tayo’y minamahal at kinikilala, ngunit kung hindi… . Tatanggap tayo ng perpektong asawa at mabuti at masunuring mga anak, ngunit kung hindi, … mananalig tayo sa Panginoong Jesucristo, nalalaman na kung gagawin natin ang ating makakaya, tayo, sa Kanyang takdang panahon at paraan, ay maliligtas at tatanggapin ang lahat ng mayroon Siya.20
Ito ang patotoo ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.