2004
Mas Tumatag ang Simbahan
Mayo 2004


Mas Tumatag ang Simbahan

Marami pang kailangang gawin, ngunit talagang pambihira ang mga nagawa na.

Minamahal kong mga kapatid, malugod namin kayong binabati sa isa pang pandaigdigang kumperensya ng Simbahan. Tayo ngayo’y isang malaking pandaigdigang pamilya, na naninirahan sa maraming bansa at nagsasalita ng maraming wika. Sa akin, kahanga-hanga at mahimala na nakikita at naririnig ninyo kami sa buong mundo.

Sa buong buhay ko bilang General Authority nagbago tayo mula sa panahon na akala natin ay malaking bagay na ang makapagsalita tayo sa Salt Lake Tabernacle at marinig sa radyo sa buong estado ng Utah. Ngayo’y nagtipon tayo sa malaki at kahanga-hangang Conference Center, at ang ating mga katauhan at salita ay umaabot sa 95 porsiyento ng mga miyembro ng Simbahan.

Bagong teknolohiya na ang gamit natin habang lumalaki at lumalakas nang husto ang Simbahan. Ang mga miyembro ay umaabot na sa halos 12 milyon, at mas maraming miyembrong naninirahan sa labas ng North America kaysa sa loob. Minsa’y nakilala tayo bilang isang simbahan sa Utah. Ngayon tayo ay isang malaking pandaigdigang organisasyon.

Malayo na ang ating narating sa pagtulong sa mga bansa sa mundo. Marami pang kailangang gawin, ngunit talagang pambihira ang nagawa na.

Totoong nawawalan tayo ng mga miyembro—napakarami. Lahat ng organisasyong alam ko ay dumanas nito. Pero nasisiyahan na ako na mas malaking porsiyento ng ating mga miyembro ang nananatili at aktibo kaysa iba pang malalaking simbahang alam ko.

Sa lahat ng dako ay maraming aktibo at masigasig. May matatatag at malalakas na lider tayo sa buong mundo na nag-uukol ng oras at kabuhayan nila para isulong ang gawain.

Nakalulugod tingnan ang pananampalataya at katapatan ng ating mga kabataan. Nabubuhay sila sa isang panahong matindi ang kasamaan sa ibabaw ng lupa. Tila nasa lahat ito ng dako. Tinatalikuran na ang mga lumang pamantayan. Isinasantabi na ang mga alituntunin ng kabutihan at integridad. Ngunit daan-daang libo ng ating mga kabataan ang nakikita nating nananangan sa matataas na pamantayan ng ebanghelyo. Nakakakita sila ng maligaya at masiglang pakikisama sa kanilang mga kauri. Tumatalas ang isipan nila sa pag-aaral at ang kanilang mga kasanayan sa disiplina at ang impluwensya nila sa kabutihan ay mas laganap.

Natutuwa akong ireport, mga kapatid, na mabuti ang kalagayan ng Simbahan. Patuloy tayong nagtatayo ng mga templo, nagtatayo ng mga bahay na sambahan, nagsusulong ng maraming proyekto sa pagtatayo at pagpapaganda, at lahat ay nangyayari dahil sa pananampalataya ng ating mga tao.

Malaking tulong sa tao ang ginagawa natin, na nagpapala sa buhay ng maraming kapuspalad sa daigdig at sa mga biktima ng kapinsalaang dulot ng kalikasan.

Nasisiyahan kaming malaman na sa Abril 1 ng taong ito, nagkakaisang nagpasa ng isang resolusyon ang Illinois House of Representatives na nagpapahiwatig ng pagsisisi sa puwersadong pagpapaalis sa ating mga tao mula sa Nauvoo noong 1846. Ang kagandahang-loob na ito ay maaaring isama sa pagkilos ni Gobernador Christopher S. Bond ng Missouri, na noong 1976 ay binawi ang malupit at di makatarungang utos ni Gobernador Lilburn W. Boggs na pagpapatayin ang ating mga miyembro noong 1838.

Ang mga ito at iba pang mga pangyayari ay nagpapahiwatig ng napakahalagang pagbabago sa pakikitungo sa mga Banal sa mga Huling Araw.

Kaylaki ng pasasalamat ko sa inyong lahat sa inyong tapat at taos-pusong paglilingkod. Salamat sa kabutihan ninyo sa akin saanman ako magtungo. Ako’y inyong lingkod, na handa at magkukusang tumulong sa inyo sa abot ng aking makakaya.

Pagpalain kayo ng Diyos, mahal kong mga kasama. Mahal na mahal ko kayo. Ipinagdarasal ko kayo. Lubos ko kayong pinasasalamatan.

Nawa’y ngumiti ang langit sa inyo. Magkaroon nawa ng pagmamahalan at pagkakasundo, kapayapaan at kabutihan sa inyong mga tahanan. Nawa’y maligtas kayo sa kapahamakan at kasamaan. Nawa’y maging pamantayan sa buhay ninyo ang “dakilang plano ng kaligayahan”(Alma 42:8) ng ating Ama. Mapakumbaba at mapagpasalamat ko itong hinihiling sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Ngayo’y ikalulugod nating makarinig mula sa ating mahal na kasamang si Elder David B. Haight ng Korum ng Labindalawa, na ngayo’y 97 taong gulang na. Elder Haight, halika rito’t magsalita ka sa napakarami mong kaibigan.