Jesus, ang Inyong Alaala
Jesus, ang Inyong alaala ay pinupuspos ng di-maihayag na galak ang puso ko. Sinusupil nito ang bawat bahagi ng aking pagkatao.
Kamakaila’y naulinigan si Pangulong Hinckley na sinabi sa batambatang mag-asawang bagong kasal sa templo, “Kaygandang panahon para mabuhay at umibig.” Ang magandang pananaw at ugali niya sa buhay ay nagbibigay-katiyakan. Nagbibigay ito ng pag-asa sa isang mapanglaw na mundo. Gayunman, ang mga ito ay higit pa sa pagpapakita ng positibong pagkatao. Sulyapan natin ang nakaraan para mailarawan ang ibig kong sabihin.
Sa unang bahagi ng ika-12 siglo, isinulat ng paring si Saint Bernard ng Clairvaux, “isang taong matindi … ang pananampalataya,”1 ang sumusunod na mga salita:
Ang mga linyang ito ay nagsasaad ng pag-asa at galak at kapayapaan, bagama’t naisulat sa panahong halos buong daigdig ay mangmang, hirap, at walang pag-asa. Mahihiwatig sa mga salitang ito ang kapanatagan ng loob na laging kaakibat ng patotoo kay Jesus. Ang katiyakang ito ang nagpapasigla at nagbibigay ng pag-asa sa mahal nating propeta at sa lahat ng tapat na tagasunod ni Cristo.
Ano ngayon ang patotoong ito kay Jesus, paano ito matatamo, at ano ang gagawin nito sa mga tatanggap nito? Ang patotoo kay Jesus ang tiyak at tunay na kaalaman, na inihayag sa espiritu ng isang tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na si Jesus ang buhay na Anak ng buhay na Diyos.3
Dahil bigay ng Diyos ang patotoo kay Jesus, ito ang nangunguna at mahalaga sa maligayang pamumuhay. Pangunahing alituntunin ito ng ating relihiyon, at lahat ng iba pang bagay na may kinalaman sa ating pananampalataya ay mga karagdagan dito.4 Ipinaaalala sa atin ni Pangulong Hinckley:
“Pribilehiyo, oportunidad, at obligasyon ng bawat Banal sa mga Huling Araw na kamtin nila mismo ang isang tiyak na kaalaman … na si Jesus ang Cristo, ang anak ng Diyos, ang Manunubos ng buong sangkatauhan… . Ang patotoong iyon … ang pinakamahalagang pag-aari ng sinuman sa atin… .
“… Naniniwala ako … na tuwing magkakaroon ang isang tao ng tunay na patotoo sa kanyang puso tungkol sa buhay na katotohanan ng Panginoong Jesucristo, lahat ng iba pa ay malalagay sa dapat nitong kalagyan.”5
Dahil napangalagaan sa matwid na pamumuhay, ang patotoong ito kay Jesus ay nagiging impluwensya sa lahat ng ginagawa ng isang tao. Bukod dito, makakamtan ito ng lahat, dahil “hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao.”6
Gayunpaman, ang gayong patotoo ay hindi natatamo nang hindi pinaghihirapan. Ang tao ay dapat magnais na makaalam, mag-aral para matuto, mamuhay para maging marapat at manalangin para makatanggap. Kapag pinagsikapan sa kapakumbabaan at pananampalataya, darating ang kaalaman, at sa kaalamang ito ay darating kapwa ang matamis na katiyakan na lahat ay maaayos at ang lakas ng loob na gawin ito.
Magnais na Makaalam
Ang pagnanais na makaalam ang unang hakbang sa pagtatamo ng isang tao ng patotoo kay Jesus. Tulad ng payo sa mga banal na kasulatan, “Kung kayo ay gigising at pupukawin ang inyong kaisipan, … maging sa isang pagsubok sa aking mga salita, at gagamit ng kahit bahagyang pananampalataya, oo, kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala, hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo, maging hanggang sa kayo ay maniwala sa isang pamamaraan na kayo ay magbibigay-puwang para sa isang bahagi ng aking mga salita.”7
Mag-aral para Matuto
Ang patotoo kay Jesus ay humihiling sa tapat na nagsasaliksik na mag-aral para matuto. Sabi ng Panginoon, “Saliksikin ninyo ang mga kasulatan; sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan: at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin.”8
Mula simula hanggang katapusan, ang Banal na Biblia ay itinuturo at pinatototohanan si Cristo. Siya ang Jehova sa Lumang Tipan, ang Mesiyas sa Bago.9 Ang Aklat ni Mormon, isa pang tipan tungkol kay Jesucristo, ay tinipon, iningatan, at inilabas para sa hayag na layuning “[hikayatin ang] mga Judio at Gentil na si JESUS ang CRISTO, ang DIYOS NA WALANG HANGGAN, nagpapatunay ng Kanyang sarili sa lahat ng bansa.”10
Mamuhay para Maging Marapat
Kasabay ng pagnanais at pag-aaral, dapat ding mamuhay para maging marapat ang isang tao sa gayong patotoo. Ang taong sumusunod kay Jesus ay nakikilala si Jesus. Sabi Niya:
“Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin.
“Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili.”11
Manalangin para Makatanggap
Sa huli, dumarating ang patotoo kay Jesus sa nananalangin para makatanggap nito. “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan”12 ang paanyayang umaakay sa mapakumbaba at nagsisisi tungo sa gayong kaalaman. Sa kaalamang ito, nauunawaan din ng nagsasaliksik ang pinagmulan at mga layunin ng buhay, na nagbubukas ng mga pananaw sa buhay na dati’y nakatago.
Halimbawa, ang buhay ng Panginoon ay di nagsimula sa Betlehem,13 at ang atin ay di nagsimula sa pagsilang. Sa mundo bago tayo isinilang, Siya’y nanatiling tapat at matatag na tagapagtanggol ng walang hanggang plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak,14 at naroon tayo. Sa malaking Digmaan sa Langit, pinalayas si Lucifer sa kapangyarihan ng Panganay,15 at tumulong tayong ipaglaban ang planong iyon. Sa pamamagitan ng Bugtong na Anak ng Diyos “ang daigdig ay nililikha at nalikha,”16 at sa gayo’y makakamtan natin ang banal na potensyal na maging Diyos. Tulad ng sabi ni Pangulong J. Reuben Clark:
“Hindi isang bagito, hindi isang baguhan, hindi isang Nilalang na unang sumubok, ang bumaba sa simula … at … lumikha sa daigdig na ito … .
“At kung iniisip ninyo na sa simula pa lang ay mayroon na ang ating galaxy ng marahil ay … isang milyong daigdig, at paramihin ninyo iyan ayon sa bilang ng milyun-milyong galaxy … na nakapalibot sa atin, mahihinuha ninyo kung sino [si Jesucristo].”17
Mangha tayong nakikigalak sa sinaunang pari: Jesus, ang Inyong alaala, dulot ay paghanga.
Bilang literal na anak ng Diyos at isinilang sa mortal na ina, ang Cristo sa buhay bago siya isilang ay naging Bugtong na Anak ng Ama sa laman. Bagama’t ang kaganapan ng Kanyang kadakilaan, pagiging Mesiyas, at Diyos ay hindi Niya natanggap sa simula, Siya’y “nagpatuloy nang biyaya sa biyaya, hanggang sa matanggap niya ang kaganapan,” at tayo rin.18
Pinaglingkuran Siya ng mga anghel, bumaba ang Espiritu Santo sa Kanya, dinala Niya ang pighati ng buong sangkatauhan, at mapapatawad ang ating mga sala sa pamamagitan Niya.19
Ang Jesus na ito, na tinatawag na Cristo, ay gumawa ng perpektong pagbabayad-sala para sa buong sangkatauhan sa Kanyang walang kapantay na buhay, paghihirap sa Getsemani, pagtigis ng Kanyang dugo, pagkamatay Niya sa krus, at maluwalhati Niyang Pagkabuhay na Mag-uli. Nadaig Niya ang kamatayan, at dahil sa Kanya, at gayundin tayo.20 “Siya ang pinakadakilang Nilalang na isinilang sa mundong ito… . Siya’y Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, … ang Tagapagligtas, … ang Maningning na Tala sa Umaga. Ang Kanyang pangalan … ang tanging pangalan sa silong ng langit upang tayo’y maligtas.”21 Siya ang Hinirang. Muli ipinahahayag natin: Jesus, ang Inyong alaala, dulot ay kapitagan.
Dahil hindi Siya madaig ng mundo noong Siya’y narito, gayundin ang daigdig ay walang magagawa kung wala Siya sa ating panahon, at gayundin tayo. Ang layunin Niya ay ang “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”22 Kaya nga Siya nagpakita kay Propetang Joseph Smith, ibinalik ang priesthood, muling itinatag ang Kanyang Simbahan at muling inihayag ang plano ng pagtubos. Nakita Siya at nakausap ni Joseph, na nag-iwan sa atin ng napakaganda at patulang salaysay tungkol sa Kanya:
Aking nakita sa palibot ng trono,
Mga anghel na nagmula sa ibang mundo,
Diyos at Kordero ay sasambahin,
Magpakailanman, Amen at Amen!
Ngayon, sa lahat ng patotoo sa kanya,
Ng mga tunay na saksi, na Siya’y kilala,
Narito ang akin, totoong siya’y buhay!
Katabi ng Diyos sa kanyang kanang kamay.
Patotoo sa langit, aking natalos,
Siya ang Tagapagligtas, at anak ng Diyos—
Sa pamamagitan Niya, lahat nalikha,
Pati kalangitang malawak na lubha.
Lahat ng nilalang na naroroon,
Ay tinubos din ng Tagapagligtas na ‘yon;
Mangyari pa, sila’y mga anak ng Diyos,
Sa katotohana’t kapangyarihang lubos.23
Kapiling natin ngayon ang tunay na inordenang mga Apostol ng Panginoon. Tapat sa kanilang sagradong tungkulin bilang “mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig,”24 pahayag nila:
“Si Jesus ang Buhay na Cristo, ang walang kamatayang Anak ng Diyos. Siya ang dakilang Haring Emmanuel, na ngayon ay nakatayo sa kanang kamay ng Kanyang Ama. Siya ang liwanag, ang buhay, at pag-asa ng mundo. Siya ang daan na naghahatid sa kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating. Salamat sa Diyos sa Kanyang walang kapantay na kaloob na Kanyang banal na Anak.”25
Jesus, ang Inyong alaala ay pinupuspos ng di-maihayag na galak ang puso ko. Sinusupil nito ang bawat bahagi ng aking pagkatao. Ang aking buhay, pag-ibig, at ambisyon ay nahubog, napasigla, at nagkaroon ng saysay sapagkat alam kong Kayo ang Cristo, ang Banal.
Nagpapasalamat ako sa Diyos para sa aking patotoo kay Jesus at dalangin ko na pagpalain din nang gayon ang lahat, sa ngalan ni Jesucristo, amen.