Ang Pagbabayad-sala: Lahat para sa Lahat
Kapag lahat ng sa Tagapagligtas at lahat ng sa atin ay nagsama, hindi lang tayo mapapatawad sa ating sala, … “tayo ay magiging katulad niya.”
Nitong mga nagdaang taon, tayong mga Banal sa mga Huling Araw ay higit na nagtuturo, umaawit, at nagpapatotoo tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo. Natutuwa ako na tayo’y mas masaya ngayon.
Habang “nangungusap [tayo nang higit pa] tungkol kay Cristo,”1 ang kabuuan ng doktrina ng ebanghelyo ay lalabas mula sa kadiliman. Halimbawa, nagtataka ang ilang kaibigan natin kung ano ang relasyon ng ating paniniwala sa Pagbabayad-sala sa paniniwala natin tungkol sa pagiging higit na katulad ng ating Ama sa Langit. Ang iba nama’y mali sa pag-aakala na ang pag-unawa natin sa relasyon ng biyaya at paggawa ay batay sa mga turo ng Protestante. Gayong mga katanungan ang nag- uudyok sa akin na banggitin ngayon ang kakaibang doktrina ng Panunumbalik hinggil sa Pagbabayad-sala.
Ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo sa pamamagitan ni Joseph Smith dahil nagkaroon ng pagtalikod sa katotohanan. Mula noong ikalimang siglo, itinuro ng Kristiyanismo na ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay isang malaking pagkakamali, na nauwi sa paniniwala na ang sangkatauhan ay likas na masama. Ang pananaw na ito’y mali—hindi lamang tungkol sa Pagkahulog at likas na katangian ng tao, kundi pati na rin sa pinakalayunin ng buhay.
Ang Pagkahulog ay hindi masamang pangyayari. Hindi ito pagkakamali o aksidente. Ito’y bahagi talaga ng plano ng kaligtasan. Tayo’y mga espiritung “anak”2 ng Diyos na pinababa sa lupa na “walang kasalanan”3 sa paglabag ni Adan. Gayunman, ayon sa plano ng ating Ama tayo’y sasailalim sa tukso at lungkot ng makasalanang mundong ito bilang kabayaran para maunawaan natin ang tunay na kagalakan. Kung hindi natin matitikman ang mapait, talagang hindi natin malalaman ang matamis.4 Hinihingi natin ang disiplina at kapinuhan ng mortalidad bilang “kasunod na hakbang sa [ating] pag-unlad” tungo sa pagtulad sa ating Ama.5 Ngunit ang pag-unlad ay pagdanas ng maraming pasakit. Nangangahulugan din ito ng pagkatuto sa ating mga kamalian, sa patuloy na prosesong ginawang posible ng biyaya ng Tagapagligtas, na Kanyang ibinibigay kapwa sa paggawa at “sa kabila ng lahat ng ating magagawa.”6
Sina Adan at Eva ay laging natututo mula sa mahihirap nilang karanasan. Alam nila ang nadarama ng magulong pamilya. Isipin ninyo sina Cain at Abel. Pero dahil sa Pagbabayad-sala, matututo sila sa kanilang karanasan nang hindi hinahatulan dahil dito. Hindi basta binura ng sakripisyo ni Cristo ang kanilang pinili at ibinabalik na lamang sa kawalang-malay sa Eden. Walang katuturang kuwento iyan at walang pag-unlad sa pagkatao. Ang Kanyang plano ay pagpapaunlad—taludtod sa taludtod, paisa-isang hakbang, biyaya sa biyaya.
Kaya kung may problema kayo sa buhay, huwag ninyong akalaing may mali sa inyo. Ang pakikibaka sa mga problemang iyon ang pinakasentro sa layunin ng buhay. Habang lumalapit tayo sa Diyos, ipakikita Niya sa atin ang ating mga kahinaan, at sa pamamagitan nito ay magiging mas matalino, mas malakas tayo.7 Kung mas marami kayong napapansing kahinaan ninyo, baka nangangahulugan lang ito na napapalapit kayo sa Kanya, at hindi nalalayo.
Isang matagal nang miyembrong Australyano ang nagsabi: “Ang buhay ko noon ay tila puno ng ligaw na damo, na walang kabula-bulaklak. [Pero] ngayon wala na ang mga damo at ito’y napalitan na ng mga bulaklak.”8
Tayo’y umuunlad sa dalawang paraan—pag-aalis ng masasamang damo at pagtatanim ng magagandang bulaklak. Pareho itong pinagpapala ng biyaya ng Tagapagligtas—kung gagawin natin ang ating bahagi. Una at paulit-ulit nating bunutin nang lubusan ang mga damo ng kasalanan at masasamang pagpili. Hindi sapat na gupitin lang ang mga damo. Buong lakas na bunutin ang ugat nito, na lubos na nagsisisi upang matugunan ang mga kundisyon ng awa. Ngunit ang mapatawad ay bahagi lang ng ating pag-unlad. Hindi lang tayo nagbabayad ng utang. Ang ating layunin ay maging mga selestiyal na nilalang. Kapag nalinis na natin ang ating puso, patuloy tayong magtanim, magdamo, at pangalagaan natin ang mga binhi ng mga banal na katangian. At matapos tayong umunlad sa ating pagsisikap at disiplina upang maabot ang Kanyang mga kaloob, “ang mga bulaklak ng biyaya ay sisibol,”9 gaya ng pag-asa at kaamuan. Maging ang puno ng buhay ay mag-uugat sa ating puso, at mamumunga ng napakatamis na magpapagaan sa lahat ng ating pasanin “sa pamamagitan ng kagalakan sa kanyang Anak.”10 At kapag ang bulaklak ng pag-ibig ay sumibol dito, mamahalin natin ang iba nang may kapangyarihan ng pag-ibig ni Cristo.11
Kailangan natin ng biyaya upang madaig ang mga makasalanang damo at makapatubo ng mga banal na bulaklak. Hindi natin lubos na magagawang mag-isa ang alinman dito. Ngunit hindi madaling makuha ang biyaya. Napakamahal nito, at lubhang mahalaga. Magkano nga ba ang biyayang ito? Sapat na ba ang maniwala kay Cristo? Ang lalaking nakasumpong ng mahalagang perlas ay ipinagbili “ang lahat niyang tinatangkilik”12 para dito. Kung nais natin ng “lahat ng mayroon [ang] Ama,”13 hinihingi ng Diyos ang lahat ng ating tinatangkilik. Para maging marapat sa katangi-tanging kayamanang iyon, sa anumang paraang mapapasaatin iyon, ibigay natin ang lahat gaya ni Cristo—lahat ng mayroon Siya: “Kung gaano kasidhi ay hindi mo nalalaman, oo, kung gaano kahirap dalhin ay hindi mo nalalaman.”14 Sabi ni Pablo “Kung gayon nga makipagtiis tayo sa kaniya” tayo’y mga “kasamang tagapagmana ni Cristo.”15 Buong puso Siyang nagbigay, dapat ay tayo rin.
Anong perlas ang ganoon kahalaga—para sa Kanya at sa atin? Ang daigdig na ito ay hindi natin tahanan. Tayo’y nasa paaralan, na sinisikap matutuhan ang mga aral ng “dakilang plano ng kaligayahan”16 upang makauwi tayo at malaman ang kabutihan ng pagparoon. Paulit-ulit na sinasabi sa atin ng Panginoon kung bakit marapat ang plano sa ating sakripisyo—at ng kay Jesucristo. Tinawag ito ni Eva na, “kagalakan ng ating pagkakatubos.”17 Tinawag ito ni Jacob na, “kaligayahang inihanda para sa mga banal.”18 Dahil kailangan, ang plano ay puno ng paghihirap at kalungkutan—sa Kanya at sa atin. Ngunit dahil Siya at tayo ay magkasamang nagsisikap para maligtas, ang pagiging “isa” natin sa Kanya sa pagdaig sa lahat ng oposisyon ay maghahatid sa atin ng “hindi maunawaang kagalakan.”19
Ang Pagbabayad-sala ni Cristo ang pinakasentro ng planong ito. Kung hindi sa Kanyang napakahalagang sakrispisyo hindi tayo makauuwi, hindi tayo magsasama-sama, at hindi tayo magiging tulad Niya. Ibinigay Niya sa atin ang lahat ng Kanya. Samakatwid, “anong laki ng kanyang kagalakan,”20 kahit isa lang sa atin ay “makuha ito”—kapag tumitingala tayo mula sa madamong hardin at bumabaling sa Anak.
Tanging ang ipinanumbalik na ebanghelyo ang may kabuuan ng mga katotohanang ito! Subalit ang kaaway ay kumikilos upang makapanlinlang, hinihikayat ang mga tao na kakaunti lang ang nalalaman ng Simbahang ito—gayong ang totoo’y alam nito ang halos lahat—kung paano tayo ginagawang tunay na Kristiyano ng kaugnayan natin kay Cristo.
Kung kailangan nating ibigay ang lahat ng mayroon tayo, kung gayo’y hindi sapat ang pagbibigay natin ng halos lahat. Kung halos sinusunod natin ang mga utos, halos natatanggap natin ang mga biyaya. Halimbawa, inaakala ng ilang kabataan na makakalublob sila sa putikan ng kasalanan hanggang sa magsisi sila bago mainterbyu para sa misyon o sa templo. Ang iba’y nagpaplanong magsisi samantalang sinadya nilang gumawa ng kasalanan. Tinutuya nila ang kaloob na awa na nagpapahintulot sa tunay na pagsisisi.
Ang ilan nama’y nananatiling nakahawak ang isang kamay sa templo habang ang isa pang kamay ay nakahawak sa mga “makamundong bagay.”21 Sabay nating ihawak ang dalawang kamay natin sa templo at manatiling ligtas. Ang isang kamay ay hindi pa halos sapat.
Ibinigay ng mayamang binata ang halos lahat. Nang sabihin sa kanya ng Tagapagligtas na ipagbili ang lahat ng kanyang pag-aari, hindi lang ito basta kuwento tungkol sa kayamanan.22 Maaari tayong mabuhay nang walang hanggan kung gusto natin, pero ito’y kung wala na tayong iba pang nais.
Kaya dapat ay bukal sa kalooban nating ibigay ang lahat, dahil ang Diyos mismo ay hindi tayo pauunlarin nang labag sa ating kalooban, at wala tayong lubusang partisipasyon. Subalit kahit pinapagod natin ang ating sarili, wala tayong kapangyarihang lumikha ng perpekto na Diyos lang ang tanging makakagawa. Ang lahat natin mismo ay hindi pa rin halos sapat—hanggang ito’y buuin ng lahat ng Kanya na siyang “sumakdal ng ating pananampalataya.”23 Kung magkagayon, ang ating di perpekto ngunit pinabanal na halos ay sapat na.
Ang kaibigan kong si Donna ay lumaki na naniniwalang siya’y mag-aasawa at magkakapamilya. Ngunit kailanma’y di dumating ang biyayang iyon. Sa halip, sa kanyang pagtanda ay naglingkod siya sa mga tao sa kanyang ward na puno ng pagkahabag, at nagpayo sa mga litong kabataan sa isang malaking paaralan sa district. May arthritis siya at maraming mahahabang panahon ng kalungkutan. Gayon pa man lagi siyang pinasasaya ng kanyang mga kaibigan at pamilya. Nang itinuturo niya ang panaginip ni Lehi, mahinahon niyang sinabi, “Ilalagay ko ang sarili ko sa larawang iyon doon sa makipot at makitid na landas, na nakahawak sa gabay na bakal ngunit bumagsak dahil sa pagod.” Sa isang inspiradong pagbabasbas bago siya mamatay, sinabi ng home teacher ni Donna na siya’y “tinatanggap” ng Panginoon. Umiyak si Donna. Hindi niya nadama kailanman na ang kanyang pagiging matandang dalaga ay kalugod-lugod. Ngunit sabi ng Panginoon, yaong “[tinupad] ang kanilang mga tipan sa pamamagitan ng paghahain ay … tinatanggap ko.”24 Nakikinita ko Siyang patungo kay Donna mula sa puno ng buhay upang ibangon ito nang may galak at isama pauwi.
Isipin ninyo ang ibang tao, na tulad ni Donna ay lubos na inilaan ang sarili, na para sa kanila ang halos ay sapat na:
Maraming misyonero sa Europa, na walang tigil sa pagbabahagi ng kanilang kaisipan at damdamin tungkol sa ebanghelyo, kahit patuloy silang tinatanggihan.
Isipin ang mga handcart pioneer na sinabing nakilala nila ang Diyos sa labis nilang kahirapan, at ang kabayarang makilala Siya ay isang pribilehiyo.
Isipin ang isang ama na ginawa na ang lahat, ngunit di pa rin naimpluwensyahan ang mga pagpapasiya ng anak na babae; mapakumbaba lang siyang lumapit sa Panginoon, na nagmamakaawa gaya ni Alma para sa kanyang anak.
Isipin ang isang babae na humikayat sa kanyang asawa sa kabila ng maraming taon ng pagkakasala, hanggang sa wakas ay magsisi sa puso nito. Sinabi niya, “Sinikap kong tingnan siya tulad ng pagtingin sa akin ni Cristo.”
Isipin ang isang lalaki na ang asawa ay nagdusa sa maraming taon dahil may emosyonal na problema; ngunit para sa kanya ito’y lagi nang “maliit naming hamon”—hindi lang basta “sakit niya.” Sa kanilang pagsasama, pinahirapan siya ng sakit na ito, tulad ni Cristo “sa lahat [ng ating] paghihirap ay naghirap”25 sa Kanyang walang hanggang kaharian.26
Ang mga tao sa 3 Nephi 17 ay naligtas sa pagkawasak, alinlangan, at kadiliman para lang makapunta sa templo kasama si Jesus. Matapos makinig sa Kanya sa maraming oras na nagtataka, napagod sila sa pag-unawa sa Kanya. Nang Siya’y handa nang umalis, luhaan silang tumingin sa Kanya at nais Siyang manatili pa at binasbasan Niya ang kanilang maysakit at mga anak. Ni hindi nila Siya naunawaan, ngunit gusto Siyang makapiling pa nang higit kaysa anupaman. Kaya nanatili Siya. Ang kanilang “halos” ay sapat na.
Ang halos ay lalo nang sapat kapag ang sarili nating mga sakripisyo ay tulad ng sa Tagapagligtas, gaano man tayo kaimperpekto. Hindi tayo tunay na iibig—ng dalisay na pag-ibig ni Cristo sa iba—nang hindi dinaranas ang Kanyang pagdurusa para sa iba, dahil ang pag-ibig at pagdurusa ay dalawang panig ng isang katotohanan. Kapag tayo’y talagang naghirap sa paghihirap ng ibang tao, makakapasok tayo sa “pakikisama ng kaniyang mga kahirapan”27 nang sapat upang maging kasamang tagapagmana Niya.
Huwag nawa tayong manliit kapag natuklasan natin kung gaano kalaki ang kapalit upang matanggap sa wakas ang kaloob mula sa Kanya. Kapag lahat ng sa Tagapagligtas at lahat ng atin ay nagsama, hindi lang tayo mapapatawad sa ating sala, “makikita natin siya bilang siya,” at “tayo ay magiging katulad niya.”28 Mahal ko Siya. Gusto ko Siyang makapiling. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.