Ulat ng Church Auditing Department, 2003
Para sa Unang Panguluhan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw
Minamahal na mga Kapatid: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagpapanatili ng isang departamento ng awdit, na gumaganap ng gawain nang hiwalay sa lahat ng departamento at pagpapalakad ng Simbahan. Ang managing director ng Church Auditing Department ay tuwiran at regular na nag-uulat sa Unang Panguluhan. Ang Church Auditing Department ay binubuo ng mga certified public accountant, mga certified internal auditor, mga certified information systems auditor, at iba pang lisensyadong mga propesyonal.
Sa utos ng Unang Panguluhan, may karapatan ang Church Auditing Department na mag-awdit ng lahat ng departamento at mga operasyon ng Simbahan sa buong daigdig. Ang Church Auditing Department ay may karapatan sa lahat ng sistema, talaan, tauhan, at pag-aaring kailangan sa pag-aawdit ng mga kontribusyon, paggugol, at gamit ng Simbahan. Propesyonal na mga pamantayan sa pag-aawdit ng pananalapi at pagpapalakad ang pinagbabatayan ng pagsasagawa ng awdit. Pagkadelikado ang pangunahing gabay sa pagpili ng mga awdit.
Ang Council on the Disposition of the Tithes ay responsable, at para sa taong 2003 ay may karapatan, sa paggugol ng pondo ng Simbahan. Ang council na ito ay binubuo ng Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawang Apostol, at Presiding Bishopric, tulad ng isinaad sa paghahayag. Sa ilalim ng direksyon ng council na ito, kontrolado ang mga kontribusyon, paggugol, at gamit ng Simbahan sa pamamagitan ng bawat grupong nangangasiwa sa departamento at sa tulong ng Budget Department at Finance Department ng Simbahan. Ang pangangasiwa ng pondo ng mga namamahala at mga grupong ito ng budget at finance ay inawdit at iniulat.
Batay sa aming pag-aawdit, ipinasiya ng Church Auditing Department, sa lahat ng aspetong materyal, na ang mga kontribusyong natanggap, pondong nagugol, at gamit ng Simbahan na ginamit sa taong 2003 ay pinangasiwaan ayon sa sinang-ayunang patnubay sa pagbabadyet at itinatag na mga patakaran at palakad ng Simbahan.
Ang paggastos ng mga organisasyong nakaugnay sa Simbahan, na hiwalay ang palakad sa Simbahan, ay hindi inawdit ng Church Auditing Department sa taong 2003. Mga hiwalay na public accounting firm ang nag-awdit sa mga financial statement at mga naaayong kontrol sa mga organisasyong ito. Kabilang sa mga organisasyong ito ang Deseret Management Corporation at mga sangay nito at iba pang institusyon ng Simbahan para sa mas mataas na edukasyon, kabilang na ang Brigham Young University. Gayunpaman, tiniyak ng Church Auditing Department na angkop na naiulat ang mga resulta ng awdit ng mga public accounting firm na ito sa bawat komite sa awdit ng bawat organisasyon.
Buong galang na isinumite,
Church Auditing Department
Wesley L. Jones
Managing Director