2004
Ang Iyong Personal na Impluwensya
Mayo 2004


Ang Iyong Personal na Impluwensya

Habang sinusunod natin ang Lalaking ito na taga Galilea—maging ang Panginoong Jesucristo—madarama ang ating personal na impluwensya sa kabutihan saanman tayo naroon, anuman ang ating katungkulan.

Mahal kong mga kapatid, kapwa yaong tanaw ko at mga nagtipon sa buong mundo, hinihiling ko ang inyong mga dalangin at pananampalataya sa pagtugon ko sa takdang-gawain at pribilehiyong magsalita sa inyo.

Mahigit 40 taon na ang nakararaan, nang tawagin ako ni Pangulong David O. McKay sa Korum ng Labindalawang Apostol, taos-pusong ngiti at magiliw na yakap ang mainit niyang pagbati sa akin. Kasama sa sagradong payong ibinigay niya ang pagpapahayag na, “May isang responsibilidad na hindi matatakasan ng isang tao. Iyan ang responsibilidad ng personal na impluwensya.”

Ang tawag ng mga sinaunang Apostol ay nagpahiwatig ng impluwensya ng Panginoon. Nang maghanap Siya ng taong may pananampalataya, hindi Siya pumili sa mga mapagmagaling na madalas makita sa sinagoga. Bagkus, tinawag Niya ito mula sa mga mangingisda ng Capernaum. Dininig nina Pedro, Andres, Santiago at Juan ang tawag, “Magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.”1 Sumunod sila. Si Simeon, na nag-alinlangan, ay naging si Pedro, ang Apostol ng pananampalataya.

Nang pumili ang Tagapagligtas ng misyonerong masigasig at malakas, hindi Niya ito nakita sa Kanyang mga kaibigan kundi sa Kanyang mga kalaban. Si Saulo ng Tarsus—ang mang-uusig—ay naging si Pablong tagakumbinsi. Ang Manunubos ay pumili ng mga taong di perpekto upang ituro ang daan tungo sa pagiging perpekto. Ginawa Niya ito noon; magpahanggang ngayon.

Tinatawag Niya tayo upang maglingkod sa Kanya rito sa lupa at inihahanda tayo sa ipagagawa Niya sa atin. Tapat ang pangako. Walang pag-aalinlangan.

Habang sinusunod natin ang Lalaking ito na taga Galilea—maging ang Panginoong Jesucristo—madarama ang ating personal na impluwensya sa kabutihan saanman tayo naroon, anuman ang ating katungkulan.

Maaaring tila walang kabuluhan, hindi kailangan, hindi mapansin ang ipinagagawa sa atin. Maaaring matuksong magtanong ang ilan:

“Ama, ako ngayon ay saan gagawa?”

Pagmamahal ko’y dumaloy nang malaya.

Sa sulok na tago itinuro ako

At sabi n’ya sa ‘kin, “Alagaan mo ‘to.”

Agad kong isinagot, “Ay, ayoko d’yan!

Aba, hindi kita ng kahit sinuman,

Anuman ang aking pinagsisikapan.

Huwag naman diyan sa sulok na iyan.”

Di naman mabagsik, pagkasalita nito; …

“Sila ba o ako ang pinaglilingkuran mo?

Nazaret ay lugar na kakatiting,

Galilea’y gayundin kung tutuusin.”2

Ang pamilya ang tamang lugar para magturo. Ito rin ang laboratoryo ng pagkatuto. Makapagdudulot ng espirituwal na pag-unlad ang family home evening sa bawat miyembro.

“Ang tahanan ang batayan ng makatwirang buhay at walang makapapalit o makatutupad sa mahahalagang responsibilidad nito.”3 Marami nang Pangulo ng Simbahan ang nagturo ng katotohanang iyon.

Sa tahanan maituturo ng mga ama’t ina sa kanilang mga anak ang mabuting pamumuhay. Ang paghahati sa gawain at pagtutulungan ang nagiging huwaran ng mga pamilya sa hinaharap habang lumalaki ang mga bata, nag-aasawa at nagsasarili. Ang mga aral na natutuhan sa tahanan ay yaong mga tumatagal nang husto. Patuloy na binibigyang-diin ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang pag-iwas sa utang na hindi kailangan, ang maling paniniwala sa paggasta nang higit sa kinikita, at tuksong gawing pangangailangan ang ating mga gusto.

Ang panghihikayat ni Apostol Pablo sa kanyang mahal na si Timoteo ay naglalaan ng payo na magpapatimo ng ating personal na impluwensya sa puso ng ating mga kasamahan: “Maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.”4

Noong bata pa ako, nakatira ang pamilya namin sa Sixth-Seventh Ward ng Pioneer Stake. Madalas ay alis at dating ang mga miyembro ng ward, kaya pabagu-bago rin ang mga titser namin sa Sunday School. Nakikilala pa lang naming mga bata ang isang titser at napapamahal pa lang sa amin, bibisita na naman sa klase ang Sunday School Superintendent para magpakilala ng bagong titser. Naiinis kaming lahat at nawawalan kami ng disiplina.

Ang mga magiging titser, na nakarinig sa hindi magandang nangyayari sa klase namin, ay magalang na tatangging maglingkod o magmumungkahing ibang klase na lang ang paturuan sa kanila kung saan mas disiplinado ang mga estudyante. Natuwa kami sa bagong pagkakilala sa amin at ipinakita namin sa mga titser na talagang ganoon kami.

Isang Linggo ng umaga, isang magandang dalaga ang kasama ng Superintendent sa klase at ipinakilala ito sa amin bilang gurong humiling ng pagkakataong makapagturo sa amin. Nalaman namin na naging misyonero siya at natutuwa siya sa mga bata. Ang pangalan niya ay Lucy Gertsch. Maganda siya, mabining magsalita, at interesado sa amin. Hinilingan niya ang bawat isa na magpakilala sa klase at nagtanong nang nagtanong para malaman niya ang pinagmulan ng bawat isa. Ikinuwento niya sa amin ang kabataan niya sa Midway, utah, at nang ilarawan niya ang magandang lambak, binuhay niya ang kagandahan nito sa puso namin at pinangarap naming mabisita ang luntiang kabukirang mahal na mahal niya.

Nang magturo si Lucy, binuhay niya ang mga kuwento sa mga banal na kasulatan. Nakilala namin mismo sina Samuel, David, Jacob, Nephi, Joseph Smith, at ang Panginoong Jesucristo. Dumami ang kaalaman namin sa ebanghelyo. Gumanda ang aming pag-uugali. Walang hangganan ang pagmamahal namin kay Lucy Gertsch.

Nagsagawa kami ng proyekto na mag-impok ng mga barya para sa isang malaking Christmas party. Maingat na itinala ni Sister Gertsch ang aming progreso. Komo mga batang likas ang hilig, nabuo sa isipan namin na ang kabuuan ng pera ay katumbas ng mga cake, cookie, pie, at ice cream. Magiging masaya ang party. Kahit kailan wala pa kaming naging titser na nagmungkahi ng ganitong klaseng pagtitipon.

Unti-unting napalitan ng taglagas ang tag-init. Ang taglagas ay naging taglamig. Natupad ang minimithi namin para sa party. Lumaki ang klase. Nanatili ang mabuting diwa.

Hindi namin malilimutan ang malungkot na umagang iyon nang ibalita sa amin ng mahal naming titser na pumanaw ang ina ng isa naming kaklase. Naisip namin ang sarili naming mga ina at kung gaano sila kahalaga sa amin. Nalungkot kami talaga para kay Billy Devenport sa pagpanaw ng nanay niya.

Ang leksyon sa Linggong ito ay mula sa aklat ng Mga Gawa, kabanata 20, talata 35: “Alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya rin ang may sabi, Lalo pang mapalad ang magbigay kay sa tumanggap.” Sa pagtatapos ng paglalahad ng leksyon na mahusay na inihanda, nagkomento si Lucy Gertsch sa lagay ng kabuhayan ng pamilya ni Billy. Nangyari ito noong panahon ng Matinding Kahirapan, at mahirap humanap ng pera. May ningning sa mga mata, sabi niya: “Gusto ba ninyong sundin ang turong ito ng ating Panginoon? Kunin kaya natin ang pera ng party at ibigay natin sa pamilyang Devenport para ipakita ang ating pagmamahal?” Nagkaisa kaming lahat. Maingat naming binilang ang bawat barya at isinulat ang kabuuan sa malaking sobre. Bumili kami ng magandang card at isinulat namin ang aming mga pangalan.

Ang simpleng kabaitang ito ay nagbigkis sa amin. Nalaman namin sa sarili naming karanasan na tunay na mas mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.

Mabilis na lumipas ang mga taon. Wala na ang lumang kapilya, biktima ng kaunlaran. Ang mga batang lalaki’t babae na natuto, naghalakhakan, lumaki sa patnubay ng inspiradong guro ng katotohanan, ay hinding-hindi nalimutan ang kanyang pagmamahal o mga naituro. Nakakahawa ang kanyang personal na impluwensya sa kabutihan.

Ang isang General Authority na malawak ang naabot ng personal na impluwensya ay si Pangulong Spencer W. Kimball. Talagang nakagawa siya ng kaibhan sa buhay ng napakaraming tao.

Noong bishop ako, tumunog ang telepono isang araw at nagpakilala ang tumawag na siya si Elder Spencer W. Kimball. Sabi niya, “Bishop Monson, may paradahan ng mga trailer sa ward mo, at sa isang maliit na trailer sa paradahang iyon—ang pinakamaliit sa lahat—ay ang magiliw na balo na taga Navajo, si Margaret Bird. Maaari mo bang padalawin sa kanya ang Relief Society president ninyo para anyayahan siyang dumalo sa Relief Society at makibahagi sa kababaihan?” Ginawa nga namin. Dumating si Margaret Bird at mainit siyang sinalubong.

Minsan pang tumawag si Elder Kimball. “Bishop Monson,” sabi niya, “nalaman ko na may dalawang batang Samoan na nakatira sa isang hotel sa bayan. Mapapahamak sila. Maaari bang gawin mo silang miyembro ng ward mo?”

Hatinggabi nang makita ko ang dalawang batang ito na nakaupo sa baitang ng hotel at tumutugtog ng ukulele at kumakanta. Naging miyembro sila ng aming ward. Kalaunan, nakasal sa templo ang bawat isa at magiting na naglingkod. Laganap ang impluwensya nila sa kabutihan.

Noong matawag akong bishop, natuklasan ko na kakaunti ang nagsususkribe sa Relief Society Magazine sa Sixth-Seventh Ward. Mapanalangin kong ipinagdasal ang mga pangalan ng mga taong matatawag namin para maging magazine representative. Idinikta ng inspirasyon na dapat ibigay ang tungkulin kay Elizabeth Keachie. Bilang bishop niya, inilapit ko sa kanya ang gawain. Tumugon siya, “Bishop Monson, gagawin ko ito.”

Si Elizabeth Keachie ay lahing Scottish, at nang sumagot siya ng, “Gagawin ko ito,” paniwalaan mo ito. Sila ng kanyang hipag na si Helen Ivory—na parehong wala pang limang talampakan ang taas—ay nagsimulang isa-isahin ang mga miyembro, nagbahay-bahay, ginaygay ang mga kalye at bloke. Pambihira ang resulta. Pinakamarami ang suskrisyon sa Relief Society Magazine sa amin kaysa sa kabuuan ng pinagsama-samang mga yunit ng stake.

Binati ko si Elizabeth Keachie isang Linggo ng gabi at sinabihan siya, “Tapos na ang trabaho mo.”

Sagot niya, “Hindi pa, Bishop. Dalawang bloke pa ang hindi namin napupuntahan.

Nang sabihin niya kung aling mga bloke iyon, sabi ko, “Ah, Sister Keachie, walang nakatira sa mga blokeng iyon. Puro pabrika doon.”

“Hindi bale,” wika niya, “Gaganda ang pakiramdam ko kung pupunta kami ni Nell para malaman namin mismo.”

Isang araw na umuulan, nilakad nila ni Nell ang huling dalawang blokeng iyon. Sa una, wala siyang nakitang bahay, ni sa ikalawa. Gayunman, tumigil sila ni Sister Ivory sa driveway na nagputik noong huling bagyo. Tumingin si Sister Keachie nang mga 100 talampakan (30 m) pababa ng driveway, na katabi ng isang talyer, at doo’y napansin ang isang garahe. Gayunman, hindi ito karaniwang garahe dahil may kurtina ang bintana nito.

Bumaling siya sa kompanyon niya at sinabing, “Nell, tingnan natin?”

Lumakad nang 40 talampakan (12 m) ang dalawang magigiliw na babaeng ito sa maputik na driveway hanggang makita nang buung-buo ang garahe. Ngayo’y napansin nila ang pintuan sa gilid ng garahe, na hindi kita mula sa kalye. Napansin din nila na may tsimeneang may usok.

Kumatok si Elizabeth Keachie sa pintuan. Isang lalaking 68 taong gulang, si William Ringwood, ang nagbukas. Doo’y ikinuwento nila ang pangangailangang magkaroon ang bawat tahanan ng Relief Society Magazine. Ang sagot ni William Ringwood, “Mabuti pa’y si Itay ang alukin mo.”

Lumapit sa pintuan ang siyamnapu’t-apat-na-taong-gulang na si Charles W. Ringwood at nakinig sa mensahe. Nagsuskribe siya.

Inireport sa akin ni Elizabeth Keachie ang pagdalo ng dalawang lalaking ito sa aming ward. Nang hingin ko sa Church headquarters ang katibayan ng pagiging miyembro nila, tumanggap ako ng tawag mula sa Membership Department ng Presiding Bishopric’s Office. Sabi ng klerk, “Sigurado ba kayong nakatira sa ward ninyo si Charles W. Ringwood?”

Umoo ako, at pagkatapos nito ay inireport niya na 16 na taon nang nasa “lost and unknown” file ng Presiding Bishopric’s Office ang katibayan ng pagiging miyembro nito.

Kinaumagahan ng Linggo dinala nina Elizabeth Keachie at Nell Ivory sa priesthood meeting namin sina Charles at William Ringwood. Ito ang unang pagkakataon na napasok sila sa kapilya sa maraming taon. Si Charles Ringwood ang pinakamatandang deacon na nakilala ko. Ang anak niya ang pinakamatandang miyembrong nakilala ko na wala pang priesthood.

Naging oportunidad ko na maorden na teacher si Brother Charles Ringwood at makaraa’y priest at sa huli’y elder. Hinding-hindi ko malilimutan ang kanyang interbyu para sa rekomend sa templo. Inabutan niya ako ng isang dolyar na pilak na kinuha niya sa isang luma at sirang pitakang katad at sinabi, “Narito ang fast offering ko.”

Sabi ko, “Brother Ringwood, wala kang utang sa fast offering. Kailangan mo ang perang iyan.”

“Gusto kong tumanggap ng mga biyaya, ayaw kong itago ang pera,” tugon niya.

Oportunidad kong dalhin si Charles Ringwood sa Salt Lake Temple at samahan siya sa endowment session.

Sa loob ng ilang buwan, pumanaw si Charles W. Ringwood. Sa burol niya, napansin ko ang kanyang pamilya na nakaupo sa harapan ng kapilya ng punerarya, pero napansin ko rin ang dalawang magigiliw na kababaihan na nakaupo sa likod ng kapilya, sina Elizabeth Keachie at Helen Ivory.

Nang sulyapan ko ang dalawang tapat at dedikadong kababaihang ito at pag-isipan ang kanilang personal na impluwensya sa kabutihan, napuspos ang aking kaluluwa ng pangako ng Panginoon: “Ako, ang Panginoon, ay maawain at mapagmahal sa mga yaong may takot sa akin, at nagagalak na parangalan yaong mga naglilingkod sa akin sa kabutihan at sa katotohanan hanggang sa katapusan. Dakila ang kanilang gantimpala at walang hanggan ang kanilang kaluwalhatian.”5

May isang higit sa lahat na ang personal na impluwensya ay sumasakop sa mga lupalop, bumabagtas sa karagatan at tumatagos sa puso ng mga tunay na naniniwala. Pinagbayaran Niya ang mga sala ng sangkatauhan.

Pinatototohanan ko na Siya ang guro ng katotohanan—ngunit higit pa Siya sa guro. Siya ang Huwaran ng perpektong buhay—ngunit higit pa Siya sa huwaran. Siya ang Dakilang Manggagamot—ngunit higit pa Siya sa manggagamot. Siya ang literal na Tagapagligtas ng mundo, ang Anak ng Diyos, ang Pangulo ng Kapayapaan, ang Banal ng Israel, maging ang nagbangong Panginoon, na nagpahayag:

“Ako si Jesucristo, na siyang pinatotohanan ng mga propeta na paparito sa daigdig… . Ako ang buhay at ang ilaw ng sanlibutan.”6

“Ako ang una at ang huli; ako ang siyang nabuhay, ako ang siyang pinaslang; ako ang inyong tagapamagitan sa Ama.”7

Bilang saksi Niya, pinatototohanan ko na Siya ay buhay! Sa Kanyang banal na pangalan—maging si Jesucristo na Tagapagligtas—amen.

Mga tala

  1. Mateo 4:19.

  2. Meade McGuire, “Father, Where Shall I Work Today?” sa Best-Loved Poems of the LDS People, tinipon ni Jack M. Lyon at iba pa (1996), 152.

  3. Liham ng Unang Panguluhan, 11 Peb. 1999; sinipi sa Liahona, Dis. 1999, 1.

  4. I Kay Timoteo 4:12.

  5. D at T 76:5–6.

  6. 3 Nephi 11:10–11.

  7. D at T 110:4.