Alalahanin Kung Paano Naging Maawain ang Panginoon
Bawat isa sa inyo ay may mga alaalang nakaukit sa inyong buhay. At makatutulong ang mga ito sa atin upang “maalala kung paano naging maawain ang Panginoon.”
Mga kapatid, hayaan ninyong impormal at may pasasalamat akong magbalik-tanaw. Sana’y magawa ko ito nang magaan at halos nakikipag-usap lang sa pamamagitan ng pagbanggit ng ilang alaala, ilan sa mga maliliit na aral sa buhay —na di naman kagila-gilalas. Ilan sa kanila ay maiikling katagang subok na. Ang pagbabalik-tanaw kong ito’y tungkol sa kung paano ako hinamong umunlad ng isang maawaing Panginoon (tingnan sa Moroni 10:3).
Kung kahit na isa man lang sa mga paggunitang ito ay “maihahalintulad” sa inyong mga sarili (tingnan sa 1 Nephi 19:23), maaaring pag-usapan ninyong mag-aama ito mamaya.
1. Balikan natin ang nakalipas na 60 taon. Nakatala sa rekord ng Wandamere Ward ng Grant Stake para sa Hunyo 4, 1944, na pinangasiwaan namin ng mga kaibigan kong sina Ward Jackson, Arthur Hicks, ang sakrament, sa 141 kataong kongregasyon. Pagkatapos noon ay ipinadala na ako sa digmaan. Noong Mayo 1945, binabasbasan kong muli ang sakrament—pero sa isang hukay sa Okinawa para lang sa isa kataong kongregasyon, ang sarili ko!
Simple lang ang natutuhan kong gawin noong bata pa ako—bagay na di ko gaanong pinahalagahan noon—tulad ng hindi ko pag-inom ng kape sa mga pagkakataong tulad ng kapag kakaunti ang tubig at maraming sangkap na chlorine.
Hindi ko alam ang naghihintay sa inyo, mga kabataan, ang payo ko sa inyo ay maghanda kayo sa mahirap na buhay na naghihintay sa inyo at manangan sa inyong mga prinsipyo!
2. Noong nasa Primary pa ako, kinanta namin ang “ ‘Magbigay,’ Wika ng Munting Sapa ” (Aklat ng mga Awit Pambata, 116)—awit na talagang nakahihikayat bagama’t hindi puno ng doktrina. Ang kinakanta ng mga bata ngayon, tulad ng alam ninyo, ay ang mas espirituwal na “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40).
3. Noon, lahat kami sa pamilya, kapitbahay, ward, at eskwela, ay mahihirap pero di namin alam ito. Hinayaan namin ang isa’t isa na umunlad, magkamali, magsisi, at magsimulang magkaroon ng ilang espirituwal na kakayahan. Ngayon, ang mga magulang ay masyadong nag-aalala na parang lagi nilang binubunot ang tanim nilang halaman upang makita kung ano ang nangyayari sa mga ugat nito.
4. Bata man o matanda, mga kapatid na maytaglay ng priesthood, magpasalamat kayo sa mga tao sa buhay ninyo na may sapat na pagmamahal sa inyo para iwasto kayo, ipaalala ang inyong mga pamantayan at kakayahan, kahit ayaw ninyong mapaalalahanan.
Mga ilang taon na nang pabirong sabihin sa akin ng isang yumaong mahal na kaibigan matapos kong bigkasin ang isang salitang di maganda, “Pwede mo namang hindi sabihin iyan.” Magiliw niya akong sinabihan sa iilang kataga, na nagpapakita kung paanong ang pagwawasto ng mali ay isang pagmamalasakit.
5. Kapag nagpapakita ng mabuting halimbawa ang mga mahal sa buhay, natatandaan natin iyon nang lubos. Ang kapatid kong si Lois, na bulag nang isilang, ay hindi lang namuhay nang maayos, kundi naging mahusay pang guro sa loob ng 33 taon. Nasa kanya ang diwa at pananaw na taglay ng mga pioneer, na mabilis na dumampot ng kanilang mga kariton at nagpunta sa kanluran, isang pananaw na kailangan nating lahat. Kaya kung nabigyan kayo ng iba’t ibang pagsubok, tanggapin iyon, nang walang hinanakit.
6. Pagkagaling mula sa Ika-II Digmaang Pandaigdig, may “mga pangako akong dapat tuparin” (Robert Frost, “Stopping by Woods on a Snowy Evening,” sa The Poetry of Robert Frost, pat. Edward Connery Lathem [1969], 225)–ang magmisyon na “ngayon.” Nainip na ako sa kahihintay sa bishop. At sa “panghihimasok sa tungkuling wala akong awtoridad,” pumunta ako sa bahay ng bishop at sinabing nakaipon na ako at gusto ko nang magmisyon. Nag-atubili ang butihing bishop, at sinabing binabalak na nga niya akong tanungin tungkol dito.
Lumipas ang ilang taon, nalaman ko sa isang masipag na ward clerk na naisip noon ng bishop na tila kailangan ko pang makasama muna nang matagal-tagal ang pamilya ko dahil matagal din akong nalayo sa kanila. Nang marinig ko ito, nagalit ako sa sarili ko dahil masyado akong naging mapanghusga. (Tingnan sa Bruce C. Hafen, A Disciple’s Life: The Biography of Neal A. Maxwell [2002], 129–30.)
Hindi nakapagtatakang minsan ay naobserbahan ng matalinong ama ni Elder Henry B. Eyring na perpekto ang Simbahan ng Panginoon hanggang sa hayaan Niya tayong maging bahagi nito!
7. Dalawang napapanahong alaala para sa mga batang ama. Noong katulad pa ninyo ako, nakatanggap ako ng tawag sa telepono at ibinalitang namatay sa aksidente ang isang kaibigan ko. Nakaupo akong umiiyak sa sala. Nakita ng anak naming si Cory, na nagdaan sa pasilyo, na umiiiyak ako. Nalaman ko na inisip niya na umiiyak ako dahil may ginawa siyang mali. Hindi niya alam ang tungkol sa tawag sa telepono. Mga kapatid, minamaliit natin ang tapat at madalas na pagnanais ng mga anak natin na pasayahin tayo.
8. Dahil mahina ako sa numero, bihira kong matulungan ang aming mga anak sa matematika at agham. Isang araw humingi sa akin ng “kaunting tulong” ang anak naming si Nancy na nasa hayskul tungkol sa kaso sa Supreme Court na Fletcher v. Peck. Gustung-gusto kong tumulong matapos ang maraming beses na hindi ako nakatulong. Sa wakas pagkakataon ko nang magpasikat! Pinagsasabi ko ang alam ko tungkol sa Fletcher v. Peck. Sa huli sinabi ng bigong anak ko, “Itay, kaunting tulong lang po ang kailangan ko!” Mas tinugunan ko ang gusto ko kaysa bigyan siya ng “kaunting tulong.”
Sinasamba natin ang Panginoon na nagtuturo sa atin nang tuntunin sa tuntunin, mga kapatid, kaya’t kahit sa pagtuturo ng ebanghelyo sa ating mga anak, huwag nating ituro ito sa kanila nang minsanan lamang.
9. Sa nakalipas na mga taon, nakita ko ang ilang umalis sa Simbahan na noo’y ayaw tumigil sa pagtuligsa rito. Kadalasa’y gamit nilang dahilan ang mga pagdududang nasa kanilang isipan para mapagtakpan ang kanilang mga nagawang kasalanan (tingnan sa Neal A. Maxwell, All These Things Shall Give Thee Experience [1979], 110). May ilan kayong makikitang ganyan. Siyanga pala, huwag ninyong asahan na maging epektibo ang mga solusyon ng mundo sa mga problema ng mundo. Ang gayong mga solusyon, ayon sa panulat ni C. S. Lewis, ay madalas katulad ng pagpaparoo’t parito ng mga tao na dala ang fire extinguisher sa panahon ng baha (tingnan sa The Screwtape Letters [1959], 117–18). Tanging ang ebanghelyo lamang ang epektibo tuwina, at ang anumang kapalit nito ay walang magagawa.
10. Minsang naglalakbay kami kasama sina Elder at Sister Russell M. Nelson, umalis kami sa aming otel sa Bombay, India, para sumakay ng eroplano patungong Karachi, Pakistan at tapos ay sa Islamabad. Nang makarating kami sa magulong airport, nakansela na pala ang flight namin. Inis na kinausap ko ang lalaki sa counter, “Anong gusto ninyong gawin namin, basta bumalik na lang sa otel?” Sabi niya nang may dignidad, “Sir, hindi ho kayo dapat bumalik sa otel.” Nagtanong-tanong kami sa airport hanggang sa may makuha kaming flight, nakarating sa Islamabad at nakatulog pa ng isang gabi. Ganyan talaga ang buhay kung minsan: kailangan nating magpatuloy at tiisin ang pagkainis—kaysa “bumalik sa otel”! Kung hindi, ang “pagsuko agad” ay makaaapekto sa lahat, bata man o matanda. Tutal, alam ng Panginoon kung ilan pang milya ang lalakbayin natin “bago [tayo] matulog”! (“Stopping by Woods on a Snowy Evening”).
11. Noong 1956, pagkauwi ko makaraan ang ilang taon sa Washington, D.C., at tanggihan ang ilang magagandang alok doon, nakatanggap ako ng alok na magtrabaho sa University of Utah. Sinabi ng asawa ko na dapat ko itong tanggapin. Sabi niya na parang nanghuhula, “Palagay ko kapag nagpunta ka roon, makaiimpluwensiya ka pa ng mga estudyante roon.” Ang painis kong nasabi’y, “Magmamakinilya ako ng mga balita, hindi ako mangangasiwa ng mga bata.” Ang mga sumunod na oportunidad ay ang pagiging bishop ko sa isang ward na binubuo ng mga estudyante, pagiging dean ng mga estudyante, at guro ng daan-daang mahuhusay na estudyante sa political science. Siyempre pa, hindi ang posisyon ang mahalaga, kundi ang umunlad at mabigyan ng pagkakataong maglingkod. Kadalasa’y inspirado ang ating mga asawa pero minsan sa mga paraang waring di makatwiran … isang katotohanan, mga kabataan, na marahil ay kayang ipaliwanag sa inyo ng mga tatay ninyo balang-araw.
12. Kapansin-pansin din na lumilikha tayo ng mga impresyon sa isipan ng ating mga apo nang hindi natin nalalaman. Mga ilang taon na, noong mga limang taon ang apo naming si Robbie, dumaan kami sa Orem para dalawin ang kanyang pamilya. Natutulog siya sa itaas, at tinawag siya ng kanyang ina, “Robbie, narito si Lolo Neal!” Isang pagod na tinig ang narinig sa ibaba na nagtatanong, “Dadalhin ko po ba ang banal na kasulatan ko?”
Siyempre napakabata pa niya para basahin ito, pero dinala niya ang mga ito, tulad ng ginagawa ng marami sa Simbahan ngayon!
Mg kapatid, bawat isa sa inyo ay may mga alaalang nakaukit sa inyong buhay. At makatutulong ang mga ito sa atin upang “maalala kung paano naging maawain ang Panginoon” (Moroni 10:3). Totoong naging maawain siya sa akin!
Mga kapatid, sa pagpapasakop ninyo ng inyong kalooban sa Diyos, ibinibigay ninyo sa Kanya ang nag- iisang bagay na talagang maibibigay ninyo sa Kanya. Huwag ninyong ipagpaliban pa ang pag-aalay ng inyong kalooban! Hindi na kailangang hintayin ang resibo, ang Panginoon ay may natatanging paraan ng pagkilala sa alay natin.
Nagpapatotoo ako na matagal nang kilala ng Diyos ang bawat isa sa inyo, mga kapatid (D at T 93:23). Noon pa man ay mahal na Niya kayo. Hindi lang Niya alam ang pangalan ng lahat ng bituin (tingnan sa Awit 147:4; Isaias 40:26). Alam din Niya ang inyong mga pangalan at lahat ng inyong hinanakit at galak! Kahit ang mga bituin ay hindi imortal, sa huli maging ang mga ito ay namamatay. Ngunit katabi ninyo ngayon ang mga imortal na mga indibidwal—hindi sila perpekto, ngunit gayunman ay “nagsisikap na maging tulad ni Jesus”! Sa Kanyang pangalan, maging kay Jesucristo, amen.