2004
Lakip ang Lahat ng Damdamin ng Nagmamahal na Magulang: Isang Mensahe ng Pag-asa para sa mga Pamilya
Mayo 2004


Lakip ang Lahat ng Damdamin ng Nagmamahal na Magulang: Isang Mensahe ng Pag-asa para sa mga Pamilya

Gaano man kasama ang mundo, mapapayapa pa rin ang ating pamilya. Kung gagawin natin ang tama, papatnubayan at pangangalagaan tayo.

Tulad ng propesiya ni Pablo, nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib.”1 “Si Satanas ay [matagal nang] nagpapalibut-libot, inaakay palayo ang mga puso ng mga tao,”2 at nag-iibayo ang kanyang impluwensya. Ngunit gaano man kasama ang mundo, mapapayapa pa rin ang ating pamilya. Kung gagawin natin ang tama, papatnubayan at pangangalagaan tayo.

Sinasabi sa himnong madalas awitin ng mga ninuno nating pioneer ang ating gagawin: “Maging handa at magiting, / Ang Diyos ‘di lilimot sa ‘tin.”3 Ang giting at pananampalatayang iyon ang kailangan natin bilang mga magulang at pamilya sa mga huling araw na ito.

Gayon katapang si Amang Lehi. Mahal niya ang kanyang pamilya at nagalak dahil sumunod ang ilan sa kanyang mga anak sa mga utos ng Panginoon. Ngunit malamang na nalungkot siya nang “hindi kumain ng bunga [na siyang pag-ibig ng Diyos] sina Laman at Lemuel”na kanyang mga anak. “Labis siyang natatakot para [sa kanila]; oo, natatakot siya na baka itakwil sila mula sa harapan ng Panginoon.”4

Bawat magulang ay may gayong takot na hinaharap. Gayunman, kapag sumasampalataya tayo sa pamamagitan ng pagtuturo sa ating mga anak at sa paggawa ng lahat para tulungan sila, nababawasan ang takot natin. Binigkisan ni Lehi ang kanyang mga balakang, at may pananampalatayang “pinayuhan [ang kanyang mga anak], lakip ang lahat ng damdamin ng isang nagmamahal na magulang, na makinig sila sa kanyang mga salita, na baka sakaling maawa ang Panginoon sa kanila.” At “sinabihan silang sundin ang mga kautusan ng Panginoon.”5

Tayo man ay dapat sumampalataya upang maturuan ang ating mga anak at sabihan silang sundin ang mga utos. Huwag nating hayaang pahinain ng kanilang mga pagpili ang ating pananampalataya. Hindi susukatin ang pagkamarapat natin sa pagiging matwid nila. Hindi nawala ang pagpapala ni Lehi na magpakabusog sa puno ng buhay dahil lang sa tumangging kumain sina Laman at Lemuel ng bunga nito. Kung minsan, akala nating mga magulang ay bigo tayo kapag nagkakamali o naliligaw ang ating mga anak. Kailanma’y hindi bigo ang mga magulang na gumagawa ng lahat ng makakaya nila para mahalin, turuan, ipagdasal, at pangalagaan ang kanilang mga anak. Ang kanilang pananampalataya, mga dalangin, at pagsisikap ay ilalaan sa kabutihan ng kanilang mga anak.

Hangad ng Panginoon na sundin nating mga magulang ang Kanyang mga utos. Sabi niya, “[Turuan] ang iyong mga anak ng liwanag at katotohanan, alinsunod sa mga kautusan… . [Isaayos] mo ang iyong sambahayan… . Tiyaking [ikaw] ay maging higit na masigasig at mapagmalasakit sa tahanan.”6

Gusto kong paalalahanan tayong lahat ngayon na wala pang pamilyang naging perpekto. Lahat ng pamilya ay sakop ng mga kundisyon ng mortalidad. Lahat tayo ay binigyan ng kaloob na kalayaan—na pumili para sa ating sarili at matuto mula sa ibubunga ng ating mga pagpili.

Maaaring mayroon sa atin na may asawa, anak, magulang, o kamag-anak na nagdurusa sa anumang paraan—sa isipan, sa katawan, sa damdamin, o sa espirituwal—at maaari nating danasin mismo ang mga pagdurusang ito. Sa madaling salita, hindi madali ang buhay sa mundo.

Bawat pamilya ay may sariling espesyal na kalagayan. Ngunit ang ebanghelyo ni Jesucristo ay sagot sa lahat ng hamon—kaya nga kailangan natin itong ituro sa ating mga anak.

Isinasaad sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” na:

“Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan, maglaan para sa kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan, turuan silang magmahal at maglingkod sa isa’t isa, sundin ang mga kautusan ng Diyos at maging masunurin sa batas saanman sila naninirahan. Ang mga mag-asawa—ang mga ina at ama—ay pananagutin sa harap ng Diyos sa kanilang pagtupad sa mga tungkuling ito.”7

Ang pagtupad sa mga tungkuling ito ang susi sa pangangalaga sa ating pamilya sa mga huling araw na ito.

Ipinayo ni Moises, “At iyong ituturo [ang mga salitang ito] ng buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasalitain tungkol sa kanila pagka ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, at pagka ikaw ay lumakad sa daan, at pagka ikaw ay nahihiga at pagka ikaw ay bumabangon.”8 Dapat nating isipin ang ating pamilya sa lahat ng oras.

Naunawaan ni Moises ang pangangailangan sa palagiang pagtuturo, dahil mahirap ang panahong kinalakihan niya. Nang isilang si Moises, ipinahayag ng Faraon na bawat sanggol na lalaking Hebreo sa Egipto ay dapat itapon sa ilog. Ngunit dibdibang tinupad ng mga magulang ni Moises ang kanilang tungkulin.

Nakatala sa mga banal na kasulatan, “Sa pananampalataya, nang ipanganak si Moises, ay itinagong tatlong buwan ng kaniyang mga magulang … at hindi sila natakot sa utos ng hari.”9 Nang lumaki na si Moises at di na maitago, ang kanyang inang si Jochebed ay gumawa ng takbang yantok, na pinahiran ng betun at ng sahing, at isinilid doon ang kanyang anak. Pinaanod niya ang takba sa ilog, sa ligtas na lugar—kung saan naliligo ang anak na babae ng Faraon.

Para makatiyak isinugo ni Jochebed ang isang inspiradong katuwang, ang anak niyang si Miriam, para magbantay. Nang makita ng prinsesang anak ng Faraon ang sanggol, lakas-loob na sinabi ni Miriam na hahanap siya ng mag-aalagang Hebreo. Ang tagapag-alaga ay si Jochebed, ang ina ni Moises.10

Dahil sa katapatan nito, nailigtas niya ang buhay ni Moises. Dumating ang panahon na nalaman niya kung sino siya talaga, at “iniwan niya ang Egipto, na hindi natakot sa poot ng hari.”11

Kaisa ako ng matatapat na magulang sa lahat ng dako sa pagpapahayag na alam natin kung sino tayo talaga, nauunawaan natin ang ating mga responsibilidad bilang magulang, at hindi tayo takot sa poot ng prinsipe ng kadiliman. Tiwala tayo sa Panginoon.

Tulad ni Jochebed, inaalagaan natin ang ating pamilya sa isang masama at masungit na mundo—na mapanganib tulad ng mga palasyo sa Egipto na pinamunuan ng Faraon. Ngunit, tulad ni Jochebed, gumagawa rin tayo ng takbang kanlungan ng ating mga anak—na tinatawag na “pamilya”—at ginagabayan sila sa mga ligtas na lugar kung saan mapagtitibay ang ating mga turo sa tahanan at sa simbahan.

Sa huli, ginagabayan natin sila sa pinakadakila sa lahat ng bahay ng pagkatuto—ang banal na templo kung saan balang-araw ay makakaluhod sila, na naliligiran ng matatapat na kapamilya, upang mabuklod sa panahon at kawalang-hanggan sa isang marapat na katuwang. Ang natutuhan nila sa atin ay ituturo nila sa kanilang mga anak, at magpapatuloy ang gawain ng walang hanggang mga pamilya.

Sa mga oras na malayo sa atin ang ating mga anak, ang Panginoon ay naglalaan ng mga Miriam upang bantayan sila—mga espesyal na katuwang na tulad ng mga lider ng priesthood at auxiliary, titser, kamag-anak, at mabubuting kaibigan. Kung minsan tayong mga magulang ay inuudyukan ng Espiritu na humanap ng espesyal na tulong kung hindi natin kaya sa pamamagitan ng mga doktor at kwalipikadong therapist. Ituturo ng Espiritu kung kailan at paano mahahanap ang gayong klase ng tulong.

Ngunit ang pinakamalaking tulong sa ating pamilya ay sa pamamagitan ng ebanghelyo—mula sa ating Ama sa Langit, sa patnubay ng Espiritu Santo, sa mga doktrina at alituntunin, at sa tulong ng priesthood. Ibabahagi ko sa inyo ang limang mahahalagang sangkap sa pagiging magulang na tutulong sa atin para mapatibay ang ating pamilya.

Magdaos ng mga family council. Kung minsa’y takot tayo sa ating mga anak—takot na payuhan sila at baka sila masaktan. Walang katumbas ang mga pagpapalang makukuha sa pagsangguni sa ating pamilya na nagpapakita ng tunay na malasakit sa buhay ng ating mga kapamilya. Paminsan-minsan, maaaring isama sa mga family council ang buong pamilya bilang bahagi ng family home evening o iba pang espesyal na mga pagtitipon. Ngunit dapat lagi nating kausapin nang sarilinan ang mga anak natin.

Kung walang sarilinang pakikipag-usap sa ating mga anak, baka isipin nilang hindi nauunawaan o walang malasakit sina Inay at Itay, o sina Lolo at Lola, sa mga hamong kinakaharap nila. Habang nakikinig tayo nang may pagmamahal at hindi tayo sumasabad, tutulungan tayo ng Espiritu na malaman kung paano natin matutulungan at matuturuan ang ating mga anak.

Halimbawa, maaari nating ituro sa kanila na mapipili nila ang gusto nilang gawin pero hindi ang ibubunga niyon. Mahinahon nating maipauunawa sa kanila ang ibubunga ng kanilang gagawin sa sarili nilang buhay.

Kung minsan kapag hindi pinakikinggan ang ating mga turo at hindi nangyayari ang ating mga inaasahan, ipaalala natin sa ating sarili na buksan ang ating puso.

Sa talinghaga ng alibughang anak, may mabisang aral para sa pamilya at lalo na sa mga magulang. Matapos “makapagisip”12 ang bunso, nagpasiya itong umuwi.

Paano niya nalamang hindi siya itatakwil ng kanyang ama? Dahil kilala niya ang kanyang ama. Sa mga di- maiwasang pagtatalo, pag-aaway, at kalokohan ng kanyang kabataan, naiisip kong naroon ang kanyang ama na may maunawain at mahabaging puso, may malumanay na sagot, nakikinig na tainga, at yakap na nagpapatawad. Nakikita ko rin na parang alam ng kanyang anak na makakauwi siya dahil alam niya ang uri ng tahanang naghihintay sa kanya. Dahil ang sabi sa banal na kasulatan, “Malayo pa siya, ay natanawan na siya ng kaniyang ama, at nagdalang habag, at tumakbo, at niyakap siya at siya’y hinagkan.”13

Pinatototohanan ko na bukas ang puso ng ating Ama sa Langit. Pinatototohanan ko rin na hindi pa huli upang buksan ang pinto na nasa pagitan natin at ng ating mga anak sa simpleng mga salitang tulad ng “Mahal kita,” “Sori,” at “Patawad.” Makapagsisimula tayo ngayong lumikha ng isang tahanang gugustuhin nilang uwian—hindi lang ngayon kundi maging sa walang hanggan.

Matutulungan din natin ang ating masunuring mga anak na maging mapagpatawad sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating pagmamahal at pagpapahalaga sa kanila, at pagtulong sa kanilang magalak sa pagsisisi ng kanilang mga kapatid.

Sa pagbubukas ng ating puso, matututuhan nating ihalintulad sa ating buhay ang mga banal na kasulatan.

Madalas nating pag-usapan ang pagtuturo sa ating mga anak mula sa banal na kasulatan, ngunit paano natin ito ginagawa?

Ilang taon na ang nakararaan, tinuturuan ko ang anak kong lalaki tungkol sa buhay at mga karanasan ng kapatid ni Jared. Bagama’t nakakatuwa ang kuwento, hindi siya nakaugnay. Tapos ay tinanong ko kung ano ang kahulugan sa kanya ng kuwento. Napakahalagang itanong sa ating mga anak na, “Ano ang kahulugan nito sa iyo?” Sabi niya, “Alam ninyo, walang pinag-iba iyan sa ginawa ni Joseph Smith sa kakayuhan nang magdasal siya at makatanggap ng sagot.”

Sabi ko, “Halos kaedad mo si Joseph Smith. Palagay mo ba’y makakatulong sa iyo ang dasal na tulad ng sa kanya?” Kapagdaka’y hindi na kuwento sa malayong lupain ang pinag-uusapan namin. Ang usapan ay tungkol na sa aming anak—ang buhay niya, pangangailangan, at kung paano makakatulong sa kanya ang pagdarasal.

Bilang mga magulang, responsibilidad nating tulungan ang ating mga anak na “[ihalintulad sa atin at sa ating mga anak] ang lahat ng banal na kasulatan [lahat ng bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo], … para sa kapakinabangan at kaalaman [ng ating mga pamilya].”14

Inihahalintulad ba natin ang lahat ng karanasan ng mga anak natin sa ebanghelyo sa tunay na mga pangangailangan nila sa buhay? Itinuturo ba natin sa kanila ang kaloob na Espiritu Santo, pagsisisi, Pagbabayad-sala, sakrament, at biyaya ng sakrament miting sa pagharap nila sa mga hamon sa buhay? Hindi sapat ang oras sa pormal na mga miting para ituro sa ating mga anak ang lahat ng kailangan nilang malaman. Kung gayon, kailangan nating samantalahin ang mga sandali ng pagtuturo sa araw-araw.

Napakahalaga ng mga sandaling ito. Dumarating sila kapag nagtatrabaho, naglalaro, at abala tayong lahat. Pagdating nila, matutulungan tayo ng Espiritu ng Panginoon na malaman kung ano ang sasabihin at matutulungan ang ating mga anak na tanggapin ang itinuturo natin.

Kaylaking galak at biyaya na mapasaating tahanan ang Espiritu! At kaylaking pagpapala ang maanyayahan ito sa panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagsasalita nang mahinahon at pagpapahalaga sa isa’t isa! Paghandaan natin ang mga sandali ng pagtuturo sa pamamagitan ng pagdarasal na tulad ni Alma para sa kanyang anak, na may “labis na pananampalataya”15 at buong lakas ng ating kaluluwa sa pag-aayuno, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagsisisi sa ating mga kasalanan, at pagpapahintulot sa Espiritu Santo na puspusin ang ating puso ng pag-ibig, pagpapatawad, at habag. Pagkatapos tayo’y magtiwala sa Mabuting Pastor.

Ginabayan ng inang si Jochebed ang anak niyang si Moises pababa ng ilog nang may pananampalataya sa “Pastor … ng [ating] mga kaluluwa.”16 Bilang mga magulang, tayo man ay magtiwala sa mabuting Pastor na gumabay at pumatnubay sa atin. Ipinangako ni Isaias, “papatnubayan [Niya] na marahan”17 yaong may responsibilidad sa mga bata.

Tutulungan Niya tayong pagtiwalaan at igalang ang mga alituntunin ng kalayaan, oposisyon, at Pagbabayad-sala, kahit magkamali sa pagpili ang ating mga anak. Sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, tutulungan Niya tayong maturuan ang ating mga anak na harapin ang bawat hamon, pagsubok, at paghihirap sa buhay sa pag-alaala kung sino sila—mga anak ng Diyos. Bibigyan tayo ng mga paraan para tulungan silang isuot ang “buong kagayakan ng Dios,”18 nang sa gayo’y matagalan nila ang “nag-aapoy na sibat ng kaaway”19 nang may “kalasag ng pananampalataya”20 at “tabak ng Espiritu.”21 Habang espirituwal na naihahanda at napalalakas, babasbasan Niya sila na maging tapat hanggang wakas at makauwi, upang marapat na tumayo at makapiling ang kanilang Ama sa Langit magpakailanman.

Sa lahat ng ito, malulungkot tayong makita ang mga kapamilya natin na tinatamaan ng mga tirador at pana ng mortalidad. Ngunit mamamangha tayo sa pag-ibig na alay ng ating Tagapagligtas sa kanila. Dahil sa Kanya, hindi sila kailangang talunin at sirain ng paghihirap, bagkus palalambutin, palalakasin, at pababanalin sila ng mga ito.

Sa mga magulang at pamilya sa buong mundo, pinatototohanan ko na ang Panginoong Jesucristo ay may kapangyarihang magligtas. Siya ang Tagahilom, ang Manunubos, ang sasagip na Pastor na iiwanan ang siyamnapu’t siyam upang hanapin ang isa. Kung hangad nating iligtas ang nawawalang tupa sa sarili nating pamilya, nagpapatotoo ako na tutulungan Niya sila. Alalay Niya tayo sa pagtulong sa kanila sa tapat na pamumuhay ng ebanghelyo, pagkabuklod sa templo, at pamumuhay nang tapat sa mga tipan na ginawa natin doon.

Maaaliw nang husto ang mga magulang sa mga sinabi ni Elder Orson F. Whitney tungkol sa mga turo ni Joseph Smith:

“Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith—at wala siyang ibang turong mas nakakaaliw—na ang walang hanggang pagkabuklod ng matatapat na magulang at ang banal na mga pangako sa kanila para sa magiting na paglilingkod sa Layunin ng Katotohanan, ay ililigtas hindi lang ang kanilang sarili, kundi pati na ang kanilang inapo. Bagama’t maaaring maligaw ang ilan sa mga tupa, binabantayan sila ng Pastor, at madarama nila ang mga galamay ng Ama sa Langit na inaabot sila at ibinabalik sa kawan. Sa buhay mang ito o sa kabilang buhay, babalik sila. Kailangan nilang pagbayaran ang kanilang inutang; pagdusahan ang kanilang mga sala, at maaari silang mahirapan; ngunit kung sa wakas ay makabalik sila, tulad ng nagsising Alibugha, sa mapagmahal at mapagpatawad na puso at tahanan ng isang ama, ang mapait na karanasan ay hindi mawawalan ng saysay. Ipagdasal ang inyong pabaya at masuwaying mga anak; pagtiyagaan sila nang may pananampalataya. Patuloy na umasa at magtiwala hanggang matamo ninyo ang kaligtasan ng Diyos.”22

Iniiwan ko ang natatangi kong patotoo na ibinuwis ni Jesucristo ang Kanyang buhay, na nagbigay-daan sa kaligtasan at kadakilaan ng lahat ng pamilya sa lupa. Lakip ang lahat ng damdamin ng isang nagmamahal na magulang, ipinararating ko sa inyo at sa inyong pamilya ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit.

Nawa’y tipunin natin ang ating mga mahal sa buhay, “maging handa at magiting; [at] ang Diyos ‘di lilimot sa ‘tin.” Sa pamamagitan ng pananampalataya, lakas ng loob, at pagmamahal, ang mga pamilya ay magkakasama-sama sa walang hanggan. Iyon ang aking patotoo sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. 2 Timoteo 3:1.

  2. 3 Nephi 2:3.

  3. “Mga Banal, Halina,” Mga Himno, blg. 23.

  4. 1 Nephi 8:35–36.

  5. 1 Nephi 8:37–38.

  6. D at T 93:42–43, 50.

  7. Liahona, Okt. 1998, 24.

  8. Deuteronomio 6:7.

  9. Mga Hebreo 11:23.

  10. Tingnan sa Exodo 2:3–10; tingnan din sa Our Sisters in the Bible, ni Jerrie W. Hurd, (1983), 36–37.

  11. Tingnan sa Mga Hebreo 11:24–27.

  12. Lucas 15:17.

  13. Lucas 15:20.

  14. 1 Nephi 19:23.

  15. Mosias 27:14.

  16. I Pedro 2:25.

  17. Isaias 40:11.

  18. Tingnan sa Mga Taga Efeso 6:11, 13; tingnan din sa D at T 27:15.

  19. 1 Nephi 15:24; D at T 3:8; tingnan din sa Mga Taga Efeso 6:16.

  20. Mga Taga Efeso 6:16; D at T 27:17.

  21. Mga Taga Efeso 6:17; tingnan din sa D at T 27:18.

  22. Sa Conference Report, Abr. 1929, 110.