“Ako’y Taga Ibang Bayan”
Mapanalanging ipasiya kung ano ang magagawa ninyo—ayon sa sarili ninyong oras at sitwasyon—para mapaglingkuran ang mga refugee na nakatira sa inyong lugar at komunidad.
Sa araw na inorganisa ang Relief Society, sinabi ni Emma Smith: “May gagawin tayong isang bagay na di karaniwan. … Umaasa tayong magkakaroon ng mga pambihirang pagkakataon at mahihirap na gawain.”1 Ang mahihirap na gawain at mga pambihirang pagkakataong iyon ay dumarating nang madalas noon—tulad ngayon.
Ang isa sa mga iyon ay dumating noong pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1856 nang ibalita ni Pangulong Brigham Young sa kongregasyon na nasa daan pa ang mga handcart pioneer at wala na sa panahon ang pagdating nila rito. Sinabi niya: “Ang inyong pananampalataya, relihiyon, at pangangaral ng relihiyon, ay hindi makapagliligtas ng kahit isang kaluluwa sa inyo sa kahariang selestiyal ng ating Diyos, kung hindi ninyo susundin ang mga alituntuning itinuturo ko sa inyo ngayon. Humayo kayo at dalhin dito ang mga taong nasa kapatagan ngayon, at [isagawang] mabuti ang mga bagay na tinatawag nating temporal, … kung hindi [ay] mawawalang-saysay ang inyong pananampalataya.”2
Naaalala natin nang may pasasalamat at paghanga ang mga lalaking nagsihayo upang sagipin ang nagdurusang mga Banal na ito. At ano naman ang ginawa ng kababaihan?
“Isinulat ni Sister [Lucy Meserve] Smith … na matapos mangaral si Pangulong Young, nagsikilos ang mga naroon. … Ang kababaihan ay ‘[naghubad] ng kanilang mga petticoat [mga pang-ilalim sa palda na bahagi ng usong kasuotan noon at nagbibigay ng init], stocking, at bawat bagay na maibibigay nila, doon mismo sa Tabernacle, at ikinarga [ang mga ito] sa mga bagon upang maipadala sa mga Banal na nasa kabundukan.’”3
Makalipas ang ilang linggo, muling tinipon ni Pangulong Brigham Young ang mga Banal sa lumang Tabernacle habang papalapit na ang mga sumagip at ang mga handcart company sa Salt Lake City. Nagmamadaling pinakiusapan niya ang mga Banal—lalo na ang kababaihan—na arugain ang mga nagdurusa at pakainin sila at salubungin sila, at sinabing: “Makikita ng ilan sa inyo na naninigas na sa lamig ang kanilang mga paa hanggang bukung-bukong; ang ilan ay naninigas hanggang mga tuhod at ang ilan ay naninigas ang mga kamay. … Nais naming tanggapin ninyo sila at mahalin na parang sarili ninyong mga anak.”4
Isinulat din ni Lucy Meserve Smith:
“Ginawa namin ang lahat ng aming magagawa, sa tulong ng mabubuting kalalakihan at kababaihan, upang bigyang-ginhawa ang mga nangangailangan. … Lubhang nanigas sa lamig ang kanilang mga kamay at paa. … Hindi kami tumigil sa paggawa hangga’t hindi komportable ang lahat. …
“Hindi pa ako kailanman higit na nasiyahan at, masasabi kong, natuwa sa anumang pagsisikap na ginawa ko sa aking buhay, gayon ang nanaig na damdamin ng pagkakaisa. …
“Ano ang susunod na gagawin ng mga taong handang tumulong?”5
Mahal kong mga kapatid, ang salaysay na ito ay maaaring ihalintulad sa ating panahon at sa mga nagdurusa sa buong mundo. Isa pang “pambihirang pagkakataon” ang umaantig sa ating puso.
Mahigit 60 milyon ang mga refugee sa buong mundo, kabilang na ang mga tao na sapilitang pinaalis sa kanilang tahanan. Kalahati sa kanila ay mga bata.6 “Ang mga indibiduwal na ito ay dumanas ng matitinding hirap at nagsisimula nang muli sa … isang bagong bansa at kultura. Bagama’t [kung minsan] ay may mga organisasyon na nagbibigay sa kanila ng tirahan at mga pangunahin nilang pangangailangan, ang kailangan nila ay isang kaibigan at kapanalig na tutulong sa kanilang [makaakma] sa bago nilang tahanan, isang tao na tutulong para matutuhan nila ang wika, maunawaan ang mga sistema, at makaugnay.”7
Noong nakaraang tag-init nakilala ko si Sister Yvette Bugingo, na sa edad na 11 ay nagpalipat-lipat ng lugar matapos mapatay ang kanyang ama at mawala ang tatlong kapatid niyang lalaki sa isang bahagi ng mundo na may giyera. Si Yvette at ang iba pang mga kapamilya ay nanirahan kalaunan nang anim at kalahating taon bilang mga refugee sa isang kalapit na bansa hanggang sa makalipat sila sa isang permanenteng tahanan, kung saan biniyayaan sila ng mapagmalasakit na mag-asawang tumulong sa transportasyon, pag-aaral, at iba pang mga bagay. Sabi niya, sila “ang sagot sa aming mga dalangin.”8 Kasama natin ngayong gabi ang kanyang magandang ina at nakakagiliw at musmos na kapatid na babae, at kumakanta sa choir. Maraming beses kong pinag-isipan simula nang makilala ko ang mga kahanga-hangang babaeng ito, “Paano kung katulad ng kuwento ng buhay nila ang kuwento ng buhay ko?”
Bilang kababaihan binubuo natin ang mahigit kalahati ng kamalig ng Panginoon upang tulungan ang mga anak ng Ama sa Langit. Ang Kanyang kamalig ay hindi lamang naglalaman ng mga produkto kundi maging ng panahon, mga talento, kasanayan, at ng ating likas na kabanalan. Itinuro ni Sister Rosemary M. Wixom, “Ang likas na kabanalan ang naghihikayat sa atin na hangaring maglingkod sa iba [at kumilos].”9
Batid ang ating likas na kabanalan, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Kailangan namin ng kababaihang alam kung paano magagawa ang mahahalagang bagay sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya at matatapang na tagapagtanggol ng moralidad at mga pamilya sa mundong ito na puno ng kasalanan …; kababaihang nakakaalam kung paano manawagan sa mga kapangyarihan ng langit na pangalagaan at palakasin ang mga anak at pamilya. …
“… May asawa man o wala, taglay ninyong kababaihan ang naiibang mga kakayahan at natatanging intuwisyon na ipinagkaloob sa inyo ng Diyos. Hindi namin matutularang mga kalalakihan ang inyong kakaibang impluwensya.”10
Ipinahayag sa isang liham ng Unang Panguluhan na ipinadala sa Simbahan noong Oktubre 27, 2015, ang malaking pag-aalala at habag sa milyun-milyong taong tumakas mula sa kanilang tahanan sa paghahanap ng kapahingahan mula sa giyera-sibil at iba pang mga paghihirap. Inanyayahan ng Unang Panguluhan ang mga indibiduwal, pamilya, at unit ng Simbahan na makilahok sa paglilingkod na katulad ng kay Cristo sa mga local refugee relief project, at mag-ambag sa humanitarian fund ng Simbahan, kung saan maaari.
Pinag-isipan ng mga general presidency ng Relief Society, Young Women, at Primary kung paano tutugon sa paanyaya ng Unang Panguluhan. Alam namin na kayong lahat, mahal naming mga kapatid, ay iba’t iba ang katayuan sa buhay at iba-iba ang inyong sitwasyon. Nakipagtipan sa binyag ang bawat miyembro ng pandaigdigang kapatirang ito ng kababaihan na “aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw.”11 Subalit kailangan nating tandaan na walang sinuman sa atin ang dapat tumakbo nang mas mabilis kaysa taglay nating lakas.12
Nasasaisip ang mga katotohanang ito, nag-organisa kami ng relief effort na tinawag na “I Was a Stranger [Ako’y Taga Ibang Bayan].” Umaasa kami na mapanalangin kayong magpapasiya kung ano ang magagawa ninyo—ayon sa sarili ninyong oras at sitwasyon—para mapaglingkuran ang mga refugee na nakatira sa inyong lugar at komunidad. Isang pagkakataon ito na makapaglingkod sa isang tao, sa mga pamilya, at sa pamamagitan ng organisasyon upang makipagkaibigan, magturo, at gumawa ng iba pang paglilingkod na katulad ng kay Cristo at isa ito sa maraming paraan na makapaglilingkod ang kababaihan.
Sa lahat ng ating mapanalanging pagsisikap, dapat nating sundin ang matalinong payo ni Haring Benjamin, sa kanyang mga tao matapos niya silang payuhan na pangalagaan ang mga nangangailangan: “Tiyakin na ang lahat ng bagay na ito ay gagawin sa karunungan at kaayusan.”13
Mga kapatid, alam namin na ang pagtulong sa iba nang may pagmamahal ay mahalaga sa Panginoon. Isaalang-alang ang mga paalalang ito sa mga banal na kasulatan:
“Ang taga ibang bayan na nakikipamayan na kasama ninyo, ay inyong aariing tubo sa lupain, at iibigin ninyo na gaya ng sa inyong sarili.”14
“Huwag ninyong limutin ang pagpapakita ng pagibig sa mga taga ibang lupa: sapagka’t sa pamamagitan nito ang iba’y walang malay na nakapagpapatuloy ng mga anghel.”15
At sinabi ng Tagapagligtas:
“Sapagkaʼt akoʼy nagutom, at ako’y inyong pinakain; ako’y nauhaw, at akoʼy inyong pinainom: ako’y naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy;
“Naging hubad, at inyo akong pinaramtan; ako’y nagkasakit at inyo akong dinalaw.”16
Mapagmahal na kinilala ng Tagapagligtas ang balo na nag-ambag ng dalawang lepta lamang dahil iyon lang ang kaya niya.17 Ikinuwento rin Niya ang talinghaga tungkol sa mabuting Samaritano—na tinapos Niya sa pagsasabing, “Humayo ka, at gayon din ang gawin mo.”18 Kung minsan ay hindi madaling tumulong. Ngunit kapag nagtulung-tulong tayo nang may pagmamahal at pagkakaisa, maaasahan natin ang tulong ng langit.
Sa serbisyo sa libing ng isang kahanga-hangang anak na babae ng Diyos, may nagbahagi na ang sister na ito, bilang stake Relief Society president, ay nakipagtulungan sa iba sa kanyang stake na mag-ambag ng mga quilt para mabigyan ng init ang mga nagdurusang tao sa Kosovo noong 1990s. At gaya ng mabuting Samaritano, humayo siya upang gumawa nang higit pa nang patakbuhin nila ng kanyang anak na babae ang isang trak na puno ng mga quilt na iyon mula London papunta sa Kosovo. Habang nasa daan pauwi, nakadama siya ng malinaw na espirituwal na impresyon na tumimo sa kaibuturan ng kanyang puso. Ang impresyong ito ay: “Napakabuti ng ginawa mo. Ngayo’y umuwi ka na, tumawid ka ng kalye, at paglingkuran mo ang kapitbahay mo!”19
Ang libing ay puno ng ibang mga kuwentong nagbibigay-inspirasyon kung paano kinilala at tinugunan ng tapat na babaeng ito ang pambihira at mahihirap na gawain—at gayundin ang mga karaniwang pagkakataon—ng mga tao sa kanyang paligid. Halimbawa, binuksan niya ang kanyang tahanan at puso sa pagtulong sa nahihirapang mga kabataan anumang oras—araw man o gabi.
Mahal kong mga kapatid, makatitiyak tayo sa tulong ng Ama sa Langit kapag lumuhod tayo at hiningi ang patnubay ng langit na pagpalain ang Kanyang mga anak. Ang Ama sa Langit, ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at ang Espiritu Santo ay handang tumulong.
Ibinahagi ni Pangulong Henry B. Eyring ang napakalakas na patotoong ito sa kababaihan ng Simbahan:
“Naririnig at sinasagot ng Ama sa Langit ang inyong mga panalangin ng pananampalataya para patnubayan at tulungan kayong magtiis sa paglilingkod sa Kanya.
“Isinusugo ang Espiritu Santo sa inyo at sa mga inaalagaan ninyo. Palalakasin kayo subalit bibigyang-inspirasyon ding malaman ang hangganan ng inyong kakayahang maglingkod. Papanatagin kayo ng Espiritu kapag inisip ninyo, ‘Sapat na ba ang nagawa ko?’”20
Kapag inisip natin ang “mahihirap na gawain” ng mga taong nangangailangan ng ating tulong, itanong natin sa ating sarili, “Paano kung katulad ng kuwento ng buhay nila ang kuwento ko?” Kung gayon nawa’y maghangad tayo ng inspirasyon, kumilos ayon sa mga impresyong natatanggap natin, at tumulong nang may pakikiisa sa pagtulong sa mga nangangailangan kapag kaya natin at inspirado tayong gawin iyon. Sa gayon marahil ay masasabi tungkol sa atin, tulad ng sinabi ng Tagapagligtas sa isang mapagmahal na babaeng naglingkod sa Kanya: “Mabuting gawa ang ginawa niya sa akin. … Ginawa niya ang kaniyang nakaya.”21 Pambihira ang tawag ko riyan! Sa pangalan ni Jesucristo, amen.