2016
Jean B. Bingham
Mayo 2016


Sister Jean B. Bingham

Unang Tagapayo, Primary General Presidency

Sa loob halos ng anim na taon, nagustuhan ni Sister Jean Barrus Bingham ang paglilingkod sa kanyang tungkulin sa Primary general board. Nabisita niya ang mga tahanan ng mga miyembro at dumalo siya sa mga Primary, at nasaksihan ang malakas na pananampalataya ng mga Banal sa mga Huling Araw—lalo na ng mga batang Primary—sa buong mundo.

Si Sister Bingham, na kamakailan ay sinang-ayunan bilang unang tagapayo sa Primary general presidency, ay halos buong buhay ang ginugol sa pagtuturo, pangangalaga, at pagmamahal sa mga bata. Sa kanya mang nakababatang mga kapatid na lumalaki, sa dalawa niyang anak na babae, sa kanyang anak-anakang mga babae, sa mga apo, sa mga bisita niya sa bahay, o sa mga nakilala niya bilang miyembro ng Primary general board, siya ay naging tagatangkilik at pinagkukunan ng lakas ng marami.

“Bawat bata ay may kahanga-hangang potensyal, at kung titingnan natin sila ayon sa pagtingin ng Ama sa Langit, matutulungan natin silang maging katulad ng lahat ng ipinlano Niyang kahinatnan nila,” sabi niya.

Isinilang noong Hunyo 10, 1952, sa Provo, Utah, USA, kina Edith Joy Clark at Robert Rowland Barrus, si Sister Bingham ang pangatlo sa siyam na anak. Noong tatlong buwan na siya, lumipat ang kanyang pamilya sa Indiana para makapagpatuloy sa pag-aaral ang kanyang ama. Sa unang anim na taon ng kanyang buhay, nanirahan si Sister Bingham at ang kanyang pamilya sa apat na estado.

Nang makatapos ng high school sa New Jersey, lumipat si Sister Bingham sa Provo, Utah, para mag-aral sa Brigham Young University. Sa ikalawang taon niya roon, nakilala niya ang mapapangasawa niyang si Bruce Bryan Bingham, isang binatang magsasaka mula sa Illinois na nabinyagan noong tinedyer pa kasabay ng kanyang mga magulang. Ikinasal sila noong Disyembre 22, 1972, sa Provo Utah Temple.

Kabilang sa kanyang habambuhay na paglilingkod sa Simbahan ang panahon na siya ay naging ward Primary president, Young Women president, counselor sa Relief Society presidency, stake Young Women president, temple worker, at guro sa early-morning seminary.

“Ang huwarang nakita ko sa kanyang buhay, sa loob ng 43 taong pagsasama naming mag-asawa, ay ang palagian niyang pagsunod sa mga paramdam ng Espiritu,” sabi ni Brother Bingham tungkol sa kanyang asawa. “Paulit-ulit niyang nagawa ang nais ipagawa sa kanya ng Panginoon.”