“Upang Mahikayat Ko ang Lahat ng Tao na Lumapit sa Akin”
Habang lumalapit tayo sa Diyos, ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay darating sa ating buhay.
Habang nakatira noon sa Africa, humingi ako ng payo kay Elder Wilford W. Andersen ng Pitumpu tungkol sa pagtulong sa mga Banal na namumuhay sa kahirapan. Kabilang sa mga pambihirang ideyang ibinahagi niya sa akin ay ito: “Kapag mas malayo ang kaugnayan ng nagbibigay at ng tumatanggap, lalong nagiging mapaghanap ang tumatanggap.”
Ito ang batayang prinsipyo ng welfare system ng Simbahan. Kapag hindi matugunan ng mga miyembro ang kanilang sariling pangangailangan, sa kanilang pamilya sila unang lumalapit. Pagkatapos, kung kailangan, maaari din silang humingi ng tulong sa lokal na mga lider ng Simbahan para sa kanilang temporal na pangangailangan.1 Ang mga miyembro ng pamilya at lokal na mga lider ng Simbahan ang nakakaalam kung ano ang kailangan nila, madalas rin na nasa gayong sitwasyon, at alam nila kung paano tutulong. Dahil sa lapit ng kaugnayan nila sa mga nagbibigay, ang mga tumatanggap ng tulong ayon sa paraang ito ay mapagpasalamat at hindi masyadong mapaghanap.
Ang konseptong—“kapag mas malayo ang kaugnayan ng nagbibigay at ng tumatanggap, lalong nagiging mapaghanap ang tumatanggap”—ay may matinding espirituwal na aplikasyon din. Ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, ang mga Tagapagbigay. Kapag lalo tayong lumalayo sa Kanila, lalo tayong naghahanap. Naiisip natin na dapat lang tayong tumanggap ng biyaya at may utang Silang mga pagpapala. Tumitingin tayo sa paligid, naghahanap ng mga di-pagkakapantay-pantay, at nagagalit—nasasaktan ang kalooban—sa inaakala nating di-makatwiran. Ang di pagkakapantay-pantay ay maaaring maliit lamang o nakakabahala na, ngunit kapag malayo tayo sa Diyos, kahit ang mga munting hindi pagkakapantay ay tila malaki. Pakiramdam natin ay obligasyon ng Diyos na ayusin ang mga bagay-bagay—at ayusin ito ngayon din!
Ang kaibhang nagagawa ng distansya ng ating kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay inilarawan sa Aklat ni Mormon sa malaking pagkakaiba ni Nephi at ng kanyang mga kuya na sina Laman at Lemuel:
-
Si Nephi ay may “matinding pagnanais na malaman ang mga hiwaga ng Diyos, dahil dito, [siya] ay nagsumamo sa Panginoon” at lumambot ang kanyang puso.2 Sa kabilang banda, sina Laman at Lemuel ay malayo sa Diyos—hindi nila Siya kilala.
-
Tinanggap ni Nephi ang mga gawain nang walang reklamo, ngunit sina Laman at Lemuel ay “bumulung-bulong sa maraming bagay.” Ang pagbulung-bulong ay ang halimbawa sa banal na kasulatan ng pagmamaktol ng bata. Nakatala sa banal na kasulatan na “sila ay bumulung-bulong sapagkat hindi nila nalalaman ang mga pakikitungo ng Diyos na siyang lumikha sa kanila.”3
-
Dahil malapit si Nephi sa Diyos nakilala at pinahalagahan niya ang “magiliw na awa” ng Diyos.4 Sa kabaligtaran, nang makita nina Laman at Lemuel na pinagpapala si Nephi, sila ay “napoot sa kanya dahil hindi nila nauunawaan ang mga pakikitungo ng Panginoon.”5 Para kina Laman at Lemuel ang mga biyayang natanggap nila ay marapat lamang at galit pa sila sa pag-aakalang dapat ay mas marami pa silang matanggap na biyaya. Tila ang tingin nila sa mga biyayang natanggap ni Nephi ay mga “kamaliang” ginawa laban sa kanila. Ito ang halimbawa sa banal na kasulatan ng pagkasiphayo dahil kulang ang natatanggap mo.
-
Si Nephi ay nanampalataya sa Diyos para maisagawa ang ipinagagawa sa kanya.6 Kabaligtaran nito, sina Laman at Lemuel, “na matitigas ang mga puso, … ay hindi lumapit sa Panginoon na siyang nararapat.”7 Tila pakiramdam nila obligasyon ng Panginoon na sagutin ang mga tanong na hindi nila itinanong. “Walang ipinaaalam na gayong bagay ang Panginoon sa amin,” ang sabi nila, ngunit ni hindi man lang sila nagtanong.8 Ito ang halimbawa sa banal na kasulatan ng pang-iinsulto at pagdududa sa katotohanan.
Dahil malayo sila sa Tagapagligtas, sina Laman at Lemuel ay bumulung-bulong, naging palaaway, at walang pananampalataya. Nadama nila na hindi patas ang buhay at marapat lang silang tumanggap ng biyaya ng Diyos. Kabaligtaran nito, dahil malapit siya sa Diyos, malamang na natanto ni Nephi na hindi magiging patas ang buhay kay Jesucristo. Bagamat talagang walang kasalanan, ang Tagapagligtas ang daranas ng pinakamatinding pagdurusa.
Kapag mas malapit tayo kay Jesucristo sa isip at naisin ng ating puso, lalo nating mapahahalagahan ang Kanyang pagdurusa, lalo tayong magpapasalamat sa biyaya at pagpapatawad, at mas gusto nating magsisi at maging tulad Niya. Ang ating distansya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay mahalaga, ngunit ang tinatahak nating direksyon ay mas mahalaga. Mas nalulugod ang Diyos sa mga makasalanan na nagsisisi na sinisikap na lalong mapalapit sa Kanya kaysa sa mga taong mapagmalinis at mapaghanap ng kapintasan na, gaya ng mga Fariseo at eskriba noon, ay hindi natatanto kung gaano nila kailangan ang magsisi.9
Noong bata pa ako, inaawit ko ang isang Swedish na awiting Pamasko na nagtuturo ng simple ngunit makapangyarihang aral—ang paglapit sa Tagapagligtas ang sanhi ng ating pagbabago. Parang ganito ang mga titik:
Sa araw ng Pasko
Sa sabsaban nais kong magtungo,
Kung saan ang Diyos sa gabi
Ay nakahiga na sa dayami.
Napakabuti ng Inyong hangarin
Na sa lupa ay bumaba!
Ngayon, ayaw kong sayangin
Sa pagkakasala ang aking pagkabata!
Jesus, Ikaw ay aming kailangan,
Ikaw na kaibigan ng kabataan.
Ayaw kong Ikaw ay malungkot pa
Sa muli kong pagkakasala.10
Kapag kunwari ay naroon tayo sa sabsaban sa Bet-lehem “kung saan ang Diyos sa gabi ay nakahiga na sa dayami,” mas ituturing natin ang Tagapagligtas na isang regalo mula sa mabait at mapagmahal na Ama sa Langit. Sa halip na madamang marapat lang na tanggapin natin ang Kanyang mga pagpapala at biyaya, hahangarin nating mabuti na hindi na malungkot pa ang Diyos.
Anuman ang ating kasalukuyang direksyon o distansya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, mapipili nating bumaling sa Kanila at mas lumapit sa Kanila. Tutulungan Nila tayo. Gaya ng sinabi ng Tagapagligtas sa mga Nephita kasunod ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli:
“At isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus; at matapos na ako ay maipako sa krus, upang mahikayat ko ang lahat ng tao na lumapit sa akin, …
“At sa dahilang ito ako ay ipinako; kaya nga, alinsunod sa kapangyarihan ng Ama ay hihikayatin ko ang lahat ng tao na lumapit sa akin.”11
Para lalong mapalapit sa ating Tagapagligtas, kailangan nating dagdagan ang ating pananampalataya sa Kanya, gumawa at tumupad ng mga tipan, at mapasaatin ang Espiritu Santo. Kailangan din tayong kumilos nang may pananampalataya, na tumutugon sa espirituwal na patnubay na natatanggap natin. Lahat ng elementong ito ay nagtatagpo sa sakramento. Tunay na ang pinakamainam na paraan na alam ko para mas mapalapit sa Diyos ay maghandang mabuti at marapat na makibahagi sa sakramento bawat linggo.
Isang kaibigan namin sa South Africa ang nagbahagi kung paano niya ito natanto. Noong bagong miyembro pa lang si Diane, dumalo siya sa isang branch sa labas ng Johannesburg. Isang araw ng Linggo, habang nakaupo siya sa kongregasyon, dahil sa disenyo ng chapel ay hindi siya nakita ng deacon nang ipinapasa ang sakramento. Nalungkot si Diane pero hindi siya kumibo. Napansin ito ng isa pang miyembro at binanggit ito sa branch president pagkatapos ng miting. Nang magsimula ang Sunday School, dinala si Diane sa silid na walang tao.
Isang priesthood holder ang pumasok. Lumuhod siya, binasbasan ang kaunting tinapay, at inabutan siya ng isang piraso. Kinain niya ito. Muling lumuhod ang lalaki at binasbasan ang kaunting tubig at iniabot sa kanya ang munting baso. Ininom niya ito. Pagkatapos, may dalawang bagay na agad na pumasok sa isip ni Diane: Una, “Ah, ginawa niya [ng priesthood holder] ito para lang sa akin.” At pagkatapos, “Ah, ginawa Niya [ng Tagapagligtas] ito para lang sa akin.” Nadama ni Diane ang pagmamahal ng Ama sa Langit.
Dahil sa pagkatanto na ang sakripisyo ng Tagapagligtas ay para lang sa kanya nadama niyang malapit siya sa Panginoon at lalo pa niyang hinangad na manatili ang damdaming ito sa kanyang puso, hindi lamang sa araw ng Linggo, kundi sa bawat araw. Natanto niya na kahit nakaupo siya sa kongregasyon para makibahagi ng sakramento, ang mga tipan na sinasariwa niya sa bawat Linggo ay kanya lamang. Ang sakramento ay nakatulong—at patuloy na nakakatulong—para madama ni Diane ang kapangyarihan ng pag-ibig ng Diyos, makilala ang kamay ng Panginoon sa kanyang buhay, at lalo pang mapalapit sa Tagapagligtas.
Sinabi ng Tagapagligtas na ang sakramento ay kailangan sa espirituwal na pundasyon. Sabi Niya:
“At ibinibigay ko sa inyo ang kautusan na gawin ninyo ang mga bagay na ito [makibahagi sa sakramento]. At kung lagi ninyong gagawin ang mga bagay na ito ay pinagpala kayo, sapagkat kayo ay nakatayo sa aking bato.
“Ngunit sinuman sa inyo ang gagawa ng labis o kulang kaysa rito ay hindi nakatayo sa aking bato, kundi nakatayo sa saligang buhangin; at kapag bumuhos ang ulan, at ang mga baha ay dumating, at ang hangin ay umihip, at humampas sa kanila, sila ay babagsak.”12
Hindi sinabi ni Jesus na “kung bumuhos ang ulan, kung dumating na ang mga baha, at kung umihip na ang hangin” kundi “kapag.” Walang hindi daranas ng mga hamon sa buhay; kailangan nating lahat ang kaligtasan na nagmumula sa pakikibahagi ng sakramento.
Sa araw ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, dalawang disipulo ang naglakbay papunta sa nayon ng Emaus. Hindi nakikilala, sinamahan sila ng Panginoon sa paglalakbay. Habang naglalakbay sila, tinuruan sila ni Jesus mula sa banal na kasulatan. Nang marating na nila ang kanilang destinasyon, inanyayahan nila Siya na kumain na kasama nila.
“At nangyari nang siya’y nakaupo na kasalo nila sa dulang ng pagkain, ay kaniyang dinampot ang tinapay at binasbasan; at ito’y pinagputolputol, at ibinigay sa kanila.
“At nangabuksan ang kanilang mga mata, at siya’y nakilala nila; at siya’y nawala sa kanilang mga paningin.
“At sila-sila’y nangagsabihan, Hindi baga nagaalab ang ating puso sa loob natin, habang tayo’y kinakausap niya sa daan, samantalang binubuksan niya sa atin ang mga kasulatan?
“At sila’y nagsitindig sa oras ding yaon, at nangagbalik sa Jerusalem, at naratnang nangagkakatipon ang [mga Apostol].”
At nagpatotoo sila sa mga Apostol na “tunay na nagbangong muli ang Panginoon. …
“At isinaysay nila ang mga bagay na nangyari sa daan, at kung paanong siya’y nakilala nila nang pagputolputulin ang tinapay.”13
Talagang tinutulungan tayo ng sakramento na makilala ang ating Tagapagligtas. Ipinaaalala din nito sa atin na Siya ay nagdusa gayong hindi naman Siya nagkasala. Kung talagang patas ang buhay, ikaw at ako ay hindi mabubuhay na mag-uli kailanman; ikaw at ako ay hindi makatatayo nang malinis sa harap ng Diyos kailanman. Sa aspetong ito, nagpapasalamat ako na hindi patas ang buhay.
Kasabay nito, masasabi ko nang may diin na, dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, sa huli, taglay ang walang hanggang pang-unawa sa mga bagay-bagay, ay hindi magkakaroon ng di-pagkakapantay-pantay. “Lahat ng di makatarungan sa buhay ay naiwawasto.”14 Ang katayuan natin sa ngayon ay maaaring hindi magbago, ngunit sa pamamagitan ng awa, kabaitan, at pagmamahal ng Diyos, tatanggapin natin ang higit pa sa marapat nating tanggapin, higit pa sa maaari nating pagsikapan, at higit pa sa maaari nating asahan. May pangako sa atin na “papahirin [ng Diyos] ang bawa’t luha sa [ating] mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan, hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man, ang mga bagay nang una ay naparam na.”15
Anuman ang katayuan ng inyong kaugnayan sa Diyos, inaanyayahan ko kayong lumapit pa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, ang mga tunay na Tagatangkilik at Tagapagbigay ng lahat ng kabutihan. Inaanyayahan ko kayong dumalo sa sacrament meeting bawat linggo at makibahagi sa banal na mga sagisag ng katawan at dugo ng Tagapagligtas. Inaanyayahan ko kayong damhin ang paglapit ng Diyos habang inihahayag Siya sa inyo, gaya ng ipahayag Siya noon sa mga sinaunang disipulo, sa “pagpuputolputol ng tinapay.”
Kapag ginawa ninyo ito, ipinapangako ko na mas mapapalapit kayo sa Diyos. Ang likas na ugali na magmaktol gaya ng isang bata, pagkasiphayo dahil kulang ang natanggap mo, at pang-iinsulto at pagdududa sa katotohanan ay maglalaho. Ang ganoong mga kaisipan at damdamin ay mapapalitan ng higit na pagmamahal at pasasalamat sa regalo ng Ama sa Langit na Kanyang Anak. Habang lumalapit tayo sa Diyos, ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay darating sa ating buhay. At, gaya ng mga disipulo na papunta sa Emaus, matutuklasan natin na nariyan lang pala sa tabi ang Tagapagligtas. Sinasaksihan at pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.