2016
Elder W. Mark Bassett
Mayo 2016


Elder W. Mark Bassett

General Authority Seventy

Tuwing summer noong bata pa siya, mahilig maglakbay si W. Mark Bassett kasama ang pamilya niya mula sa bahay nila sa Sacramento, California, USA, para bisitahin ang kanyang lola sa ina na nasa Alabama, USA. Sa mga araw ng paglalakbay nila papunta roon, palaging tinitiyak ng pamilya na makabisita sa mga makasaysayang lugar ng Simbahan.

Pagbisita man ito sa mga makasaysayang paligid ng Nauvoo, Illinois, o paglilibot sa Sagradong Kakahuyan sa Palmyra, New York, naaalala ni Elder Bassett ang matinding damdamin niya—kahit bata pa siya—nang bisitahin niya ang mga sagradong lugar na iyon.

“May nadama kami roon,” sabi niya. “Ganyan nahubog ang patotoo ko, sa mga munting karanasan.”

Ang patotoong iyon na natamo noong bata pa siya ang pinagkunan ng lakas ni Elder Bassett sa buong buhay niya.

Isinilang noong Agosto 14, 1966, kina Edwina Acker at William Lynn Bassett, sa Carmichael, California, si Elder Bassett ang pangalawa sa limang anak. Ang paglilingkod sa Simbahan at pamumuhay ayon sa ebanghelyo ay mahahalagang prayoridad sa kanyang pamilya.

Matapos maglingkod sa Guatemala Guatemala City Mission mula 1985 hanggang 1987, lumipat si Elder Bassett sa Provo, Utah, para mag-aral sa Brigham Young University. Pinakasalan niya si Barbara Bowen sa Salt Lake Temple noong Disyembre 20, 1989. Sila ay may limang anak at dalawang apo.

Noong 1991, nagtamo si Elder Bassett ng degree sa accounting mula sa BYU at kalaunan ay bumalik sila ng kanyang pamilya sa Sacramento area para magtrabaho sa industriya ng wholesale auto auction. Nagtrabaho siya bilang controller sa Brasher’s Sacramento Auto Auction at bilang chief financial officer at co-owner ng West Coast Auto Auctions, Inc., kung saan siya nagpatakbo ng automobile auctions sa buong kanlurang Estados Unidos.

Nakapaglingkod si Elder Bassett sa iba’t ibang tungkulin sa Simbahan, kabilang na ang ward Young Men president, bishop, high councilor, stake president, president ng Arizona Mesa Mission mula 2007 hanggang 2010, at Area Seventy.