2016
Sinomang Tumanggap sa Kanila, ay Ako ang Tinanggap
Mayo 2016


“Sinomang Tumanggap sa Kanila, ay Ako ang Tinanggap”

Natatagpuan ng mga bata ngayon ang kanilang mga sarili na nasa iba’t iba at kumplikadong sitwasyon sa pamilya. Kailangan nating tulungan ang mga kabataan na nakadaramang sila ay nag-iisa, napag-iiwanan, o nasa labas ng bakod.

Mahal ng Diyos ang mga bata. Mahal Niya ang lahat ng bata. Sinabi ng Tagapagligtas, “Pabayaan ninyo ang maliliit na bata … [na] magsilapit sa akin: sapagka’t sa mga ganito ang kaharian ng langit.”1

Natatagpuan ng mga bata ngayon ang kanilang mga sarili na nasa iba’t iba at kumplikadong sitwasyon sa pamilya.

Halimbawa, ngayon, doble ang dami ng mga bata sa Estados Unidos na naninirahan na kasama lamang ang iisang magulang kumpara noong nakaraang 50 taon.2 At maraming pamilya ang hindi gaanong nagkakaisa sa kanilang pagmamahal sa Diyos at kahandaang sumunod sa Kanyang mga utos.

Sa nag-iibayong espirituwal na kaguluhang ito, patuloy na itataguyod ng ipinanumbalik na ebanghelyo ang pamantayan, ang uliran, ang huwaran ng Panginoon.

“Ang mga anak ay may karapatang isilang sa loob ng matrimonyo, at palakihin ng isang ama at isang ina na gumagalang nang buong katapatan sa pangakong kanilang ginawa nang sila ay ikasal. …

“Ang mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa at ang kanilang mga anak. … Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan, maglaan para sa kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan, turuan silang magmahalan at maglingkod sa isa’t isa, [at] sundin ang mga kautusan ng Diyos.”3

Kinikilala namin ang maraming mabubuting magulang sa buong mundo, sa lahat ng relihiyon, na mapagmahal na inaaruga ang kanilang mga anak. Nagpapasalamat kami sa mga pamilya sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na inaaruga ng isang ama at ina na naniniwala sa Tagapagligtas, na nabuklod sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood, at natututo sa kanilang pamilya na magmahal at magtiwala sa kanilang Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

Pakiusap para sa mga Kabataan

Ang pakiusap ko ngayon ay para sa daan-daang libong mga bata, kabataan, at young adult na hindi nagmula sa mga pamilya na tinaguriang “sakdal na huwaran.” Nagsasalita ako hindi lamang tungkol sa mga kabataang namatayan na ng magulang, nagdiborsyo ang mga magulang, o naglalaho na ang pananampalataya ng kanilang mga magulang kundi tungkol din sa libu-libong kabataang lalaki at babae sa buong mundo na tumanggap sa ebanghelyo na walang ina o amang nakakasama sa Simbahan.4

Ang mga kabataang Banal sa mga Huling Araw na ito ay pumapasok sa Simbahan nang may malaking pananampalataya. Umaasa silang makalikha ng ulirang pamilya sa sarili nilang buhay sa hinaharap.5 Balang-araw, magiging mahalagang bahagi sila ng puwersa ng ating mga missionary, mabubuting young adult, at mga nagpapakasal sa templo upang magsimula ng sarili nilang pamilya.

Pagiging Sensitibo

Patuloy nating ituturo ang huwaran ng Panginoon para sa mga pamilya, ngunit ngayong milyun-milyon na ang mga miyembro, at iba-iba na ang mga bata sa Simbahan, kailangan nating maging mas maalalahanin at sensitibo. Ang kultura at pananalita ng ating Simbahan ay kakaiba kung minsan. Hindi titigil ang mga batang Primary sa pagkanta ng “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan,”6 ngunit kapag kinanta nila ang, “Pag-uwi ng aking itay, kaysaya ko na”7 o “ama at ina ang halimbawa,”8 hindi lahat ng bata ay kakanta tungkol sa sarili nilang pamilya.”

Ikinuwento ng kaibigan naming si Bette ang isang karanasan sa simbahan nang siya ay 10 taong gulang. Sabi niya: “Nagtuturo noon ng lesson ang titser namin tungkol sa kasal sa templo. Tinanong niya ako mismo, ‘Bette, hindi kasal sa templo ang mga magulang mo, ’di ba?’ Alam [ng titser at mga kaklase ko] ang sagot.” Sumunod ang lesson ng titser, at nawalan ng pag-asa si Bette sa kanyang pamilya. Sabi ni Bette, “Maraming gabi po akong umiiyak. Nang magkasakit ako sa puso makaraan ang dalawang taon at naisip ko na mamamatay na ako, natakot po ako, na iniisip na mag-iisa ako magpakailanman.”

Nagsisimbang mag-isa ang kaibigan kong si Leif. Minsan, habang nasa Primary, hinilingan siyang magbigay ng maikling mensahe. Wala siyang nanay o tatay sa simbahan na tatayo sa tabi niya at tutulong sa kanya kung malimutan niya ang sasabihin niya. Takot na takot si Leif. Sa halip na mapahiya, hindi na lang siya nagsimba nang ilang buwan.

“Pinalapit [ni Jesus] sa kanya ang isang maliit na bata, at inilagay sa gitna nila …

“At [sinabing] sinomang tumanggap sa isa sa ganitong maliit na bata sa aking pangalan ay ako ang tinanggap.”9

Mga Pusong Madaling Maniwala at mga Espirituwal na Kaloob

Ang mga bata at kabataang ito ay biniyayaan ng pusong madaling maniwala at ng mga espirituwal na kaloob. Sinabi ni Leif sa akin, “Naunawaan ko na ang Diyos ang aking Ama at na kilala at mahal Niya ako.”

Sabi ng kaibigan naming si Veronique, “Nang matutuhan ko ang mga alituntunin ng ebanghelyo at mapag-aralan ko ang Aklat ni Mormon, parang naalala ko ang mga bagay na matagal ko nang alam ngunit nalimutan ko.”

Ang kaibigan naming si Zuleika ay taga-Alegrete, Brazil. Kahit hindi relihiyoso ang pamilya niya, sa edad na 12, sinimulang basahin ni Zuleika ang Biblia at bisitahin ang mga simbahan sa lugar, na nagsasaliksik upang matuto pa tungkol sa Diyos. Atubili mang pinayagan ng kanyang mga magulang, nagpaturo siya sa mga missionary, nagkaroon ng patotoo, at nabinyagan. Sabi sa akin ni Zuleika: “Sa mga talakayan, ipinakita sa akin ang larawan ng Salt Lake Temple at kinuwentuhan ako tungkol sa mga ordenansa ng pagbubuklod. Mula noon, naghangad na akong makapasok balang-araw sa bahay ng Panginoon at magkaroon ng walang-hanggang pamilya.”

Kahit maaaring hindi uliran ang sitwasyon ng isang bata sa mundo, perpekto ang kanyang espirituwal na pinagmulan dahil ang tunay na pagkatao ng isang tao ay bilang isang anak ng Diyos.

Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson na: “Tulungan ang mga anak ng Diyos na maunawaan kung ano ang tunay at mahalaga sa buhay na ito. Tulungan silang magkaroon ng lakas na piliin ang mga landas na magpapanatili sa kanilang ligtas tungo sa buhay na walang hanggan.10 Maging mas mahabagin tayo at tumulong tayo sa ibang mga tao. Kailangan ng mga kabataang ito ang ating panahon at patotoo.

Si Brandon, na sumapi sa Simbahan sa Colorado noong high school, ay kinausap ako tungkol sa mga taong tumulong sa kanya bago at matapos ang kanyang binyag. Sabi Niya: “Nasa bahay ako ng mga pamilyang namuhay ayon sa ebanghelyo. Nagpakita ito sa akin ng isang pamantayan na nadama kong maaari kong gamitin sa sarili kong pamilya.”

Si Veronique, na isinilang sa Netherlands, ay kaeskuwela ng anak naming si Kristen nang manirahan kami sa Germany. Napansin ni Veronique: “May ningning ang mukha ng mga estudyanteng miyembro ng Simbahan. Natanto ko na ang liwanag na iyon ay nagmula sa pananampalataya nila kay Jesucristo at sa pamumuhay ayon sa Kanyang mga turo.”

Ang kaibigan kong si Max ay nabinyagan sa edad na walo. Ang kanyang ama ay hindi miyembro ng anumang simbahan, at si Max ang nagpapasiya kung magsisimba o hindi.

Noong tinedyer siya, matapos hindi magsimba nang ilang buwan, nadama ni Max na kailangan niyang magsimbang muli, at ipinasiya niya isang Linggo ng umaga na magsimbang muli. Ngunit naglaho ang determinasyon niya habang papalapit siya sa harapang pintuan ng simbahan; kinabahan siya.

Naroo’t nakatayo sa pintuan ang bagong bishop. Hindi siya kilala ni Max, at natiyak niya na hindi siya kilala ng bishop. Nang lumapit si Max, sumaya ang mukha ng bishop, at iniabot ang kanyang kamay at sinabing, “Max, masaya akong makita ka!”

“Nang sabihin niya iyon,” sabi ni Max, “sumigla ang pakiramdam ko at nabatid ko na tama ang ginawa ko.”11

Ang malaman ang pangalan ng isang tao ay nakagagawa ng kaibhan.

“At iniutos [ni Jesus] na ang kanilang maliliit na anak ay ilapit [sa kanya]. …

“At … kinuha [niya sila], isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila.

“At nang magawa na niya ito, siya ay muling tumangis.”12

Mga Kabataang Hindi Pa Nabinyagan

Sa kahilingan ng mga magulang, maraming kabataang nagmamahal sa ebanghelyo ang naghihintay nang ilang taon para mabinyagan.

Ang mga magulang ni Emily ay nagdiborsyo noong bata pa siya, at wala siyang pahintulot na mabinyagan hanggang siya ay mag-15 anyos. Tuwang-tuwa ang kaibigan naming si Emily na ikuwento ang isang lider ng Young Women na “tumulong sa tuwina na mapalakas ang [kanyang] patotoo.”13

Sina Colten at Preston ay mga tinedyer na nakatira sa Utah. Nagdiborsyo ang kanilang mga magulang, at wala silang pahintulot na mabinyagan. Kahit hindi sila makapagpasa ng sakramento, sila ang nagdadala ng tinapay linggu-linggo. At kahit hindi sila makapasok sa templo para magsagawa ng mga pagbibinyag na kasama ng mga kabataan kapag nagpupunta sa templo ang kanilang ward, naghahanap ang magkapatid ng pangalan ng kanilang mga kapamilya sa kalapit na family history center. Ang pinakamalaking impluwensya sa pagtulong sa ating mga kabataan na madama na kabilang sila ay ang iba pang mabubuting kabataan.

Elder Joseph Ssengooba

Magtatapos ako sa halimbawa ng isang bagong kaibigan, na nakilala namin ilang linggo pa lang ang nakararaan nang bumisita kami sa Zambia Lusaka Mission.

Si Joseph Ssengooba noong bata pa siya

Si Elder Joseph Ssengooba ay taga-Uganda. Pumanaw ang kanyang ama noong pitong taong gulang siya. Sa edad na siyam, dahil hindi siya maalagaan ng kanyang ina at mga kamag-anak, nagsarili siya. Sa edad na 12, nakilala niya ang mga missionary at nabinyagan siya.

Ikinuwento sa akin ni Joseph ang unang araw niya sa simbahan: “Pagkatapos ng sacrament meeting, akala ko ay uwian na, pero ipinakilala ako ng mga missionary kay Joshua Walusimbi. Sinabi sa akin ni Joshua na magkaibigan na kami, at inabutan niya ako ng Aklat ng mga Awit Pambata para hindi ako dumalo sa Primary nang walang dala. Sa Primary, naglagay ng ekstrang silya si Joshua sa tabi niya. Inanyayahan ako ng Primary president sa harapan, at pinakanta nito ang buong Primary para sa akin ng ‘Ako ay anak ng Diyos.’ Pakiramdam ko ay napakaespesyal ko.”

Dinala ng branch president si Joseph sa pamilya Pierre Mungoza, at doon siya tumira nang sumunod na apat na taon.

Sina ElderJoshua Walusimbi at Elder Joseph Ssengooba

Pagkaraan ng walong taon nang magsimula sa misyon si Elder Joseph Ssengooba, nagulat siya dahil ang trainer ay si Elder Joshua Walusimbi, ang batang nagpadama sa kanya na tanggap-na-tanggap siya noong unang araw niya sa Primary. At ang kanyang mission president? Si President Leif Erickson, ang batang hindi dumalo sa Primary dahil natakot siyang magbigay ng mensahe. Mahal ng Diyos ang Kanyang mga anak.

Sina Elder Joseph Ssengooba at President Leif Erickson

Nagtatatakbong Dumating ang mga Bata

Noong kami ni Kathy ay nasa Africa ilang linggo pa lang ang nakararaan, bumisita kami sa Mbuji-Mayi, Democratic Republic of the Congo. Dahil maliit ang chapel para sa 2,000 miyembro, nagpulong kami sa labas sa ilalim ng malaking plastik na bubong na sinuportahan ng mga posteng kawayan. Nang magsimula ang miting, nakita namin na napakaraming batang nanonood sa amin, na nakakapit sa mga rehas sa labas ng bakod na bakal na nakapaligid sa lugar. Mahinang bumulong si Kathy, “Neil, palagay mo ba gugustuhin mong papasukin ang mga batang iyon?” Lumapit ako kay District President Kalonji sa entablado at itinanong ko kung gusto niyang pasamahin sa amin ang mga bata sa labas ng bakod.

Si Elder Andersen sa Democratic Republic of the Congo
Mga bata sa labas ng bakod
Mga batang inanyayahang pumasok sa loob

Nagulat ako nang mag-anyaya si President Kalonji, hindi lamang pumasok ang mga bata kundi patakbo pang nagsipasok—mahigit 50, siguro’y 100—ang ilan ay gula-gulanit ang damit at walang sapin sa paa ngunit lahat ay nakangiti at tuwang-tuwa.

Labis akong naantig sa karanasang ito at itinuring ko itong simbolo ng ating pangangailangang tulungan ang mga kabataan na nakadarama na nag-iisa sila, napag-iwanan, o nasa labas ng bakod. Isipin natin sila, tanggapin natin sila, yakapin natin sila, at gawin natin ang lahat para mag-ibayo ang kanilang pagmamahal sa Tagapagligtas. Sabi ni Jesus, “Sinomang tumanggap sa isa sa ganitong … bata sa aking pangalan ay ako ang tinanggap.”14 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Mateo 19:14.

  2. Tingnan ang “Family Structure,” Child Trends DataBank (Dis. 2015), appendix 1, pahina 9, childtrends.org/databank.

  3. “Ang Mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129, mga talata 7 at 6.

  4. Nais kong pasalamatan nang personal ang libu-libong mabubuting ina, marami sa kanila ay walang asawa, na buong tapang na tinanggap ang pangunahing responsibilidad na espirituwal na palakasin ang kanilang mga anak. Sinabi ng kaibigan naming si Shelly na taga-Canada tungkol sa kanyang ina:

    “Kumatok ang mga missionary sa pintuan ng mga magulang ko limang taon bago ako isinilang. Nakinig ang mga magulang ko sa ilang lesson, pagkatapos ay nawalan na ng interes ang tatay ko. Patuloy na nakinig sa mga lesson ang nanay ko at ginustong magpabinyag. Limang taong nagsimba ang nanay ko noong hindi pa siya miyembro, at, tatlong buwan matapos akong isilang, nabinyagan siya.

    “Tahimik lang ang nanay ko at hindi pa nakahawak ng mataas na katungkulan kahit kailan. Napakasimple, magiliw, at matibay ang kanyang patotoo, … at nabubuhay araw-araw nang tapat sa kanyang pinaniniwalaan. Dahil sa tahimik at simpleng halimbawa niyang iyon ay nanatili akong malapit sa Panginoon at sa Simbahan.”

  5. Sabi sa akin ng kaibigan naming si Randall: “Tinuruan ako at nalaman ko na ako ay anak ng mga magulang sa langit, at ang pagkabatid sa aking tunay at likas na pagkatao ay nagbigay sa akin ng pag-asa na hindi ko kailangang sundan ang mga yapak ng aking mga magulang, na labis kong minahal ngunit ayaw kong tularan. Nagtiwala ako sa itinuro sa akin ng Primary, Sunday School, at Young Men at ng iba pang mga guro. Nakita ko ang mga halimbawa sa ward at ng mga pamilyang tapat at masasaya, at nagtiwala ako sa Ama sa Langit, batid na kung mananatili akong tapat, tutulungan Niya akong magkaroon ng gayong pamilya.”

  6. “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan,” Aklat ng mga Awit Pambata, 98.

  7. “Pag-uwi ni Itay,” Aklat ng mga Awit Pambata, 110.

  8. “Dito ay May Pag-ibig,” Aklat ng mga Awit Pambata, 102–3.

  9. Mateo 18:2, 5.

  10. Thomas S. Monson, “Mag-aral Kayo sa Akin,” Liahona, Mar. 2016, 6.

  11. Tingnan sa Max H. Molgard, Inviting the Spirit into Our Lives (1993), 99.

  12. 3 Nephi 17:11, 21–22.

  13. Si Emily, bagama’t hindi aktibo ang mga magulang, ay buong giliw na nagkuwento tungkol sa kanyang mga lolo’t lola, tiyo at tiya, at iba pang mga “kumatawan” sa kanyang mga magulang. Tungkol sa isang Young Women leader sa Michigan, sinabi niya: “Malalaki na ang mga anak niya, at siniguro niyang ipadama sa bawat kabataang babae na para silang sarili niyang mga anak. … Mapupuspos ng kanyang ngiti ang inyong puso sa pinakamahirap na araw. … Minithi kong sundan ang kanyang halimbawa at maging isang Sister Molnar sa mga batang iyon na maaaring nakadarama na sila ay ‘naiiba,’ ‘napag-iiwanan,’ o ‘hindi kabilang.’”

  14. Mateo 18:5.