Elder Valeri V. Cordón
General Authority Seventy
Mula sa kanyang ina, na sumapi sa Simbahan sa edad na 16, nagkaroon si Elder Valeri Vladimir Cordón Orellana ng pundasyon sa ebanghelyo na nakatulong sa kanya nang lumipat siya 95 milya (150 km) ang layo mula sa kanyang bayang-sinilangang Zacapa, Guatemala, upang mag-aral sa high school sa Guatemala City at mag-aral ng computer science.
“Ang pinakamahalagang bagay na natanggap ko mula sa aking ina ay ang maging lubos na mapitagan tungkol sa lahat ng sagradong bagay ng Simbahan,” paggunita ni Elder Cordón, na anak nina Ovidio at Ema Orellana Cordón.
Si Elder Cordón ay isinilang noong Pebrero 19, 1969, sa Guatemala City, at ginugol ang kanyang kabataan sa Zacapa. Nagpunta ang kanyang ama sa Chicago, Illinois, sa Estados Unidos para magtrabaho. Habang naroon, naimpluwensyahan siya ng mga miyembro ng Simbahan at natanggap niya ang mensahe ng ebanghelyo mula sa mga missionary. Ang pamilya ay ibinuklod sa Mesa Arizona Temple noong 1972, noong tatlong taong gulang si Valeri.
Sabi ni Elder Cordón napamahal sa kanya ang ebanghelyo nang marinig niya ang kanyang ina na madalas kantahin ang mga himno at awitin ng Simbahan tulad ng “Ako ay Anak ng Diyos” at “Sana Ako’y Makapagmisyon.” Naglingkod si Elder Cordón sa El Salvador Mission mula 1987 hanggang 1989.
Pinakasalan niya si Glenda Zelmira Zea Diaz noong Marso 25, 1995, sa Guatemala City Guatemala Temple. Plano rin ni Sister Cordón na magmisyon, ngunit nagbago ang mga plano niya nang makilala niya si Valeri. Kalaunan nakilala niya na ito ang binatang nakaakit sa kanyang pansin nang makita niya ang larawan nito sa isang magasin ng Simbahan ilang taon na ang nakararaan. Sila ay may tatlong anak na babae.
Nagtamo si Elder Cordón ng bachelor’s degree mula sa Mariano Galvez University sa Guatemala noong 2010 at ng master of business administration degree mula sa Massachusetts Institute of Technology noong 2012. Nagtrabaho siya bilang information systems director sa isang pharmaceutical company at simula noong 2012 sa Pepsico Foods Mexico, Central America at Caribbean.
Nang tawagin siyang maglingkod, naglilingkod si Elder Cordón sa Pang-apat na Korum ng Pitumpu sa Central America Area. Naglingkod siya sa panguluhan ng Costa Rica San José East Mission mula 1998 hanggang 2000.